Ang Pangitain ni Ezekiel tungkol sa Ikalawang Templo (continued)

574 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Ezekiel 45–46

1 Kapag nagpalabunutan kayo upang paghatian ang lupain bilang isang mana, dapat kayong gumawa ng isang handog kay Yahweh. Magiging isang banal na bahagi ng lupain ang handog na ito na dalawampu't limanglibong siko ang haba at sampung libong siko ang lawak. Magiging banal ang lahat ng lugar na nakapalibot dito.

2 Mula dito, magkakaroon ng limang daang siko ang haba at limang daang sikong parisukat ang lawak na nakapalibot sa banal na lugar na may hangganang limampung siko ang lawak.

3 Mula sa lugar na ito, susukat kayo ng isang bahagi na dalawampu't limang libong siko ang haba at sampung libo ang lawak. Magiging isang banal na lugar ito para sa inyo, isang kabanal-banalang lugar. 4 Magiging isang banal na lugar ito sa lupain para sa mga paring naglilingkod kay Yahweh, ang mga lumapit kay Yahweh upang maglingkod sa kaniya. Magiging isang lugar ito para sa kanilang mga tahanan at isang banal na bahagi para sa banal na lugar.

5 Kaya magiging dalawampu't limang libong siko ang haba at sampung libong siko ang lawak nito, at magiging para sa bayan ito ng mga Levitang naglilingkod sa tahanan.

6 Maglalaan kayo ng isang bahagi para sa lungsod na limang libong siko ang lawak at dalawampu't limang libong siko ang haba, iyan ang magiging kasunod sa bahagi na nakalaan para sa banal na lugar. Magiging pag-aari ng buong sambahayan ng Israel ang lungsod na ito.

7 Dapat nasa magkabilang gilid ng lugar na nakalaan para sa banal na lugar at lungsod ang lupain ng mga prinsipe. Nasa dakong kanluran at sa dakong silangan ng mga ito. Tutugma ang haba nito sa haba ng isa sa mga bahaging iyon, mula sa kanluran hanggang sa silangan. 8 Magiging pag-aari ng prinsipe ng Israel ang lupaing ito. Hindi na kailanman aapihin ng aking mga prinsipe ang aking mga tao; sa halip, ibibigay nila ang lupain sa sambahayan ng Israel para sa kanilang mga tribu. 9 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Tama na para sa inyong mga prinsipe ng Israel! Alisin na ninyo ang karahasan at pag-aawayan, gawin ang makatarungan at makatuwiran! Itigil na ninyo ang pagpapalayas sa aking mga tao! —Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.

10 Dapat magkaroon kayo ng tamang mga timbangan, tamang mga efa at tamang mga bath!

11 Magiging pantay ang dami ng efa at bath upang magiging ikasampu ng isang homer ang isang bath at magiging ikasampu ng isang homer ang efa. Dapat tumugma sa homer ang sukat ng mga ito.

12 Magiging dalawampung gera ang siklo at gagawa ng animnapung siklo ng isang mina para sa iyo.

13 Ito ang ambag na dapat ninyong ibigay: ang ikaanim na bahagi ng isang efa para sa bawat homer ng trigo, at magbibigay kayo ng ikaanim na bahagi ng isang efa para sa bawat homer ng sebada. 14 Ang alituntunin para sa paghahandog ng langis ay magiging ikasampung bahagi ng isang bath para sa bawat kor (na sampung bath) o para sa bawat homer, sapagkat sampung bath din ang isang homer. 15 Gagamitin para sa anumang handog na susunugin o handog pangkapayapaan bilang kabayaran para sa mga tao ang isang tupa o kambing mula sa kawan sa bawat dalawang daang hayop mula sa matubig na mga rehiyon ng Israel—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.

16 Ibibigay ng lahat ng mga tao sa lupain ang ambag na ito sa prinsipe sa Israel. 17 Magiging tungkulin ng prinsipe na magbigay ng mga hayop para sa mga alay na susunugin, mga handog na butil, mga handog na inumin sa mga pagdiriwang at ang mga pagdiriwang ng Bagong Buwan, at sa mga Araw ng Pamamahinga—sa lahat ng mga itinakdang pagdiriwang ng sambahayan ng Israel. Magbibigay siya ng mga handog dahil sa kasalanan, mga handog na butil, mga handog na susunugin at mga handog pangkapayapaan para sa kabayaran sa kapakanan ng sambahayan ng Israel.

18 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Sa unang buwan, sa unang araw ng unang buwan, kukuha kayo ng isang torong walang kapintasan mula sa kawan at magsagawa ng isang paghahandog dahil sa kasalanan para sa santuwaryo. 19 Kukuha ang pari ng kaunting dugo ng handog dahil sa kasalanan at ilalagay niya ito sa mga haligi ng pintuan ng tahanan at sa apat na sulok ng hangganan ng altar, at sa mga haligi ng pintuan ng tarangkahan sa panloob na patyo. 20 Gagawin ninyo ito sa ikapito ng buwan para sa bawat taong nagkasala ng hindi sinasadya o dahil sa kamangmangan; sa paraang ito, malilinis ninyo ang templo.

21 Sa ikalabing apat na araw ng unang buwan, magkakaroon sa inyo ng isang pagdiriwang, pitong araw na pagdiriwang. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. 22 Sa araw na iyon, maghahanda ang prinsipe ng isang toro bilang handog dahil sa kasalanan, para sa kaniyang sarili at para sa lahat ng tao sa lupain. 23 Para sa pitong araw ng pagdiriwang, maghahanda ang prinsipe ng handog na susunugin para kay Yahweh: pitong toro at pitong walang kapintasang lalaking tupa sa bawat araw para sa pitong araw, at isang lalaking kambing sa bawat araw bilang handog dahil sa kasalanan. 24 Pagkatapos, magsasagawa ang prinsipe ng isang handog na pagkain ng isang efa para sa bawat toro at isang efa para sa bawat lalaking tupa kasama ang isang hin ng langis para sa bawat efa. 25 Sa ika labinlimang araw ng ikapitong buwan, sa pagdiriwang, magsasagawa ang prinsipe ng mga paghahandog sa pitong araw na ito: mga handog dahil sa kasalanan, mga handog na susunugin, handog na pagkain at mga handog na langis.

46:1 Sinabi ito ng Panginoong Yahweh: Isasara sa loob ng anim na araw ng pagtatrabaho ang tarangkahan ng panloob na patyo na nakaharap sa silangan, ngunit bubuksan ito sa Araw ng Pamamahinga at sa araw ng Bagong Buwan. 2 Papasok ang prinsipe sa panlabas na patyo sa pamamagitan ng daan sa tarangkahan at sa portiko nito mula sa labas, at tatayo siya sa harapan ng mga haligi ng pintuan ng panloob na tarangkahan habang isinasagawa ng mga pari ang kaniyang handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Pagkatapos, sasamba siya sa pasukan ng panloob na tarangkahan at lalabas siya, ngunit hindi isasara ang tarangkahan hanggang gabi. 3 Sasamba rin ang mga tao ng lupain sa harapan ni Yahweh sa pasukan ng tarangkahang ito sa mga Araw ng Pamamahinga at mga Bagong Buwan.

4 Ang handog na susunugin na iaalay ng prinsipe kay Yahweh sa Araw ng Pamamahinga ay anim na walang kapintasang mga kordero at isang walang kapintasang lalaking tupa. 5 Ang handog na butil kasama ng lalaking tupa ay magiging isang efa at ang handog na butil na kasama ng mga kordero ay kung ano lamang ang naisin niyang ibigay at isang hin ng langis sa bawat efa ng butil. 6 Sa araw ng Bagong Buwan, dapat mag-alay kayo ng isang walang kapintasang toro mula sa isang kawan, anim na kordero, at isang walang kapintasang lalaking tupa. 7 Dapat siyang gumawa ng handog na butil ng isang efa sa toro at isang efa sa lalaking tupa, at kung anuman ang naisin niyang ibigay sa mga kordero at isang hin ng langis para sa bawat efa ng butil. 8 Kapag pumasok ang prinsipe sa pamamagitan ng daan sa tarangkahan at sa portiko nito, dapat siyang lumabas sa daanan din na iyon.

9 Ngunit kapag pumunta ang mga tao ng lupain sa harapan ni Yahweh sa mga itinalagang pagdiriwang, ang sinumang papasok sa tarangkahang nasa hilaga upang sumamba ay dapat umalis sa pamamagitan ng tarangkahang nasa timog; at ang sinumang papasok sa tarangkahang nasa timog ay dapat umalis sa pamamagitan ng tarangkahang nasa hilaga. Walang sinuman ang maaaring bumalik sa tarangkahan kung saan siya pumasok sapagkat dapat siyang lumabas nang tuwiran.

10 At dapat nasa kalagitnaan nila ang prinsipe. Kapag pumasok sila, dapat din siyang pumasok at kapag umalis sila, dapat din siyang umalis. 11 At sa mga pagdiriwang, ang handog na butil ay dapat isang efa ng butil para sa toro at isang efa sa lalaking tupa at anumang naisin niyang ibigay sa mga kordero, at isang hin ng langis para sa bawat efa.

12 Kapag nagbigay ang prinsipe ng isang kusang handog, maging isang handog na susunugin man o handog pangkapayapaan kay Yahweh, dapat niyang buksan ang tarangkahang nakaharap sa silangan para dito, at magsagawa ng kaniyang handog na susunugin at ng kaniyang handog pangkapayapaan gaya ng kaniyang ginagawa sa Araw ng Pamamahinga. Pagkatapos, dapat siyang lumabas at isara ang tarangkahan pagkatapos niyang makalabas.

13 Magbibigay rin kayo araw-araw ng isang walang kapintasang kordero na isang taong gulang bilang handog na susunugin para kay Yahweh. Gagawin ninyo ito tuwing umaga. 14 At magbibigay kayo ng isang handog na butil kasama nito tuwing umaga, ikaanim na bahagi ng isang efa at ikatlong hin ng langis upang basain ang harina ng handog na butil para kay Yahweh, ayon sa panuntunang hindi maaaring baguhin. 15 Ihahanda nila ang kordero, ang handog na butil at ang langis tuwing umaga bilang isang permanenteng handog na susunugin.

16 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Kung magbibigay man ang prinsipe ng isang kaloob sa sinuman sa kaniyang mga anak na lalaki, ito ay kaniyang mana. Isang mana ito at magiging ari-arian ito ng kaniyang mga anak na lalaki. 17 Ngunit kung magbibigay siya ng isang kaloob sa isa sa kaniyang mga lingkod mula sa kaniyang mana, kung gayon, magiging pag-aari ito ng lingkod hanggang sa taon ng kaniyang kalayaan, at pagkatapos maibabalik ito sa prinsipe. Tiyak na para lamang sa kaniyang mga anak na lalaki ang kaniyang mana.

18 Hindi kukunin ng prinsipe ang mana ng mga tao mula sa kanilang mga sariling ari-arian; dapat siyang magbigay para sa kaniyang mga anak na lalaki mula sa kaniyang sariling ari-arian upang hindi magkahiwalay ang aking mga tao, ang bawat tao mula sa kaniyang sariling ari-arian.”'

19 Pagkatapos, dinala ako ng lalaki sa pasukan ng tarangkahang patungo sa mga banal na silid para sa mga pari na nakaharap sa hilaga at pinagmasdan ko! May isang lugar sa gawing kanluran. 20 Sinabi niya sa akin, “Ito ang lugar kung saan dapat pakuluan ng mga pari ang handog sa pagkakasala, ang handog dahil sa kasalanan at kung saan nila dapat lutuin ang handog na butil. Hindi nila dapat ilabas ang mga ito sa panlabas na patyo upang ilaan ang mga tao kay Yahweh.”

21 At dinala niya ako sa panlabas na patyo at sinamahan niya akong dumaan sa apat na sulok ng patyong iyon, at nakita ko na sa bawat sulok ng patyo, may iba pang mga patyo. 22 Sa apat na sulok ng panlabas na patyo, may apat na sulok na mga patyo na apatnapung siko ang haba at tatlumpu ang lawak. Magkakapareho ang mga sukat para sa lahat ng apat na sulok ng mga patyo. 23 Mayroong isang hilera sa buong paligid ng apat na ito na gawa sa bato, at nasa ilalim ng hilera ng bato ang mga lutuang sunungan.

24 Sinabi sa akin ng lalaki, “Ito ang mga lugar kung saan pakukuluan ng mga lingkod ng templo ang alay ng mga tao.”