Ang Pangitain ni Ezekiel tungkol sa Ikalawang Templo (continued)
574 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Pagkatapos, dinala ako ng lalaki sa tarangkahan na nakabukas sa silangan. 2 Masdan mo! Dumating mula sa silangan ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel. Ang kaniyang tinig ay tulad ng tunog ng maraming tubig at nagniningning ang lupa dahil sa kaniyang kaluwalhatian!
3 At katulad ito ng pangitaing nakita ko nang dumating siya upang wasakin ang lungsod at katulad ng pangitain na nakita ko sa ilog Kebar at nagpatirapa ako! 4 Kaya dumating ang kaluwalhatian ni Yahweh sa tahanan sa pamamagitan ng tarangkahan na nakabukas sa silangan. 5 Pagkatapos, itinayo ako ng Espiritu at dinala ako sa panloob na patyo. Masdan mo! Pinupuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang tahanan!
6 Nakatayo sa aking tabi ang lalaki at narinig ko na may isa pang kumakausap sa akin na mula sa bahay. 7 Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ito ang lugar ng aking trono at ang lugar na tuntungan ng aking mga paa, kung saan ako maninirahan magpakailanman sa kalagitnaan ng mga tao ng Israel. Hindi na lalapastanganin ng sambahayan ng Israel ang aking banal na pangalan, sila o ang kanilang mga hari dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya o sa 'mga bangkay' ng kanilang mga hari sa kanilang mga dambana. 8 Hindi na nila lalapastanganin ang aking banal na pangalan sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pintuan ng kanilang dambana sa tabi ng aking pintuan at ang mga haligi ng tarangkahan ng kanilang mga dambana sa tabi ng mga haligi ng aking sariling tarangkahan na walang namamagitan sa amin kundi pader. Nilapastangan nila ang banal kong pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga kasuklam-suklam na gawain, kaya nilipol ko sila ng aking galit. 9 Ngayon, hayaan silang alisin ang kanilang kawalan ng pananampalataya, ang 'mga bangkay' ng kanilang mga hari sa aking harapan at maninirahan ako sa kanilang kalagitnaan magpakailanman!
10 Anak ng tao, ikaw mismo ang dapat magsabi sa sambahayan ng Israel tungkol sa tahanang ito upang mahiya sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Dapat nilang isipin ang tungkol sa paglalarawang ito. 11 Sapagkat kung mahihiya sila dahil sa lahat ng kanilang ginawa, ihayag mo sa kanila ang disenyo ng tahanan, ang mga detalye nito, ang mga labasan nito, ang mga pasukan nito, ang lahat ng detalye nito at ang lahat ng atas at patakaran nito. Pagkatapos, isulat mo ito sa harapan ng kanilang mga mata upang maigatan nila ang lahat ng disenyo at lahat ng patakaran nito upang masunod nila ang mga ito.
12 Ito ang alituntunin para sa tahanan. Mula sa tuktok ng burol patungo sa lahat ng nakapalibot na hangganan dito ay magiging kabanal-banalan. Tingnan mo! Ito ang alituntunin para sa tahanan.
13 Ito ang magiging sukat ng altar sa mahabang siko, ang bawat mahabang siko sa pangkaraniwan ay isang siko at isang kamay ang haba. Kaya ang kanal sa palibot ng altar ay isang siko ang lalim at isang siko din ang lapad. At ang gilid sa palibot ng dulo nito ay isang dangkal. Ito ang magiging tuntungan ng altar. 14 Mula sa kanal sa lupa pataas sa mas mababang pasimano ng altar ay dalawang siko at ang pasimano mismo ay dalawang siko ang lawak. At mula sa maliit na pasimano hanggang sa malaking pasimano ng altar, ito ay apat na siko at ang malaking pasimano ay isang siko ang lawak.
15 Ang sunugan sa altar ng mga sinusunog na alay ay apat na siko ang taas at mayroong apat na sungay na nakaturo sa itaas sa sunugan. 16 Labindalawang siko ang haba ng sunugan at labindalawang siko ang lawak, isang parisukat. 17 Labing apat na siko ang haba ng hangganan nito at labing apat na siko ang lawak ng bawat isa sa apat nitong bahagi at ang gilid nito ay kalahating siko ang lawak. Ang kanal ay isang siko ang lawak sa buong palibot na may mga baitang na nakaharap sa silangan.”
18 Pagkatapos, sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, sinasabi ito ng Panginoong Yahweh. Ito ang mga alituntunin para sa altar sa araw na gawin nila ito, para sa paghahandog ng mga alay na susunugin dito at para sa pagwiwisik ng dugo dito. 19 Ikaw ay magbibigay ng toro mula sa mga baka bilang alay para sa kasalanan sa mga paring Levita na mga kaapu-apuhan ni Zadok, ang mga lumalapit sa akin upang paglingkuran ako. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 20 Pagkatapos, ikaw ay kukuha ng kaunting dugo nito at ilalagay ito sa apat na sungay ng altar, sa apat na sulok ng dulo nito at sa gilid sa palibot nito. Lilinisin mo ito at gagawing kabayaran para sa kasalanan. 21 Pagkatapos, kunin mo ang toro para sa alay para sa kasalanan at sunugin mo ito sa inilaang bahagi ng templo sa labas ng santuwaryo.
22 At sa ikalawang araw, ikaw ay mag-aalay ng lalaking kambing na walang kapintasan mula sa mga kambing bilang handog para sa kasalanan. Lilinisin ng mga pari ang altar gaya ng paglilinis nila sa pamamagitan ng toro. 23 Kapag natapos mo ang paglilinis dito, mag-alay ka ng walang kapintasang toro mula sa mga baka at walang kapintasang lalaking tupa mula sa kawan. 24 Ialay mo ang mga ito kay Yahweh, sasabuyan ng mga pari ang mga ito ng asin at itataas nila ang mga ito kay Yahweh bilang alay na susunugin.
25 Ikaw ay dapat maghanda ng lalaking tupa bilang alay para sa kasalanan araw-araw sa loob ng pitong araw at dapat ding maghanda ang mga pari ng walang kapintasang toro mula sa mga baka at walang kapintasang lalaking tupa mula sa kawan. 26 Dapat silang mag-alay para sa altar sa loob ng pitong araw at dalisayin ito at sa ganitong paraan dapat nila itong gawing banal. 27 Dapat nilang buuin ang mga araw na ito, sa ikawalong araw at sa susunod pang araw ay mangyayaring ihahanda ng mga pari ang inyong mga alay na susunugin at ang inyong mga alay para sa kapayapaan sa altar at tatanggapin ko kayo. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.”
44:1 At dinala ako ng lalaki pabalik sa panlabas na santuwaryong tarangkahan na nakaharap sa silangan, mahigpit itong isinara. 2 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mahigpit na isinara ang tarangkahang ito at hindi ito mabubuksan. Walang taong makakadaan dito, sapagkat dumaan dito si Yahweh na Diyos ng Israel, kaya mahigpit itong isinara. 3 Uupo sa loob nito ang pinuno ng Israel upang kumain sa harapan ni Yahweh. Papasok siya sa pamamagitan ng daan sa tarangkahan ng portiko at lalabas sa daan din na iyon.”
4 Pagkatapos, dinala niya ako sa daanang nasa hilagang tarangkahan na nakaharap sa tahanan. Kaya tumingin ako at pinagmasdan, napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang kaniyang tahanan at nagpatirapa ako! 5 At sinabi sa akin ni Yahweh, “Anak ng tao, ihanda mo ang iyong puso, tumingin ka at makinig sa lahat ng mga ipipapahayag ko sa iyo, sa lahat ng mga batas sa tahanan ni Yahweh at sa lahat ng mga panuntunan nito. Isipin mo ang tungkol sa mga pasukan at mga labasan ng tahanan.
6 At sabihin mo sa mga suwail na sambahayan ng Israel, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Itigil na ninyo ang inyong mga kasuklam-suklam na gawain, sambahayang Israel— 7 na dinala ninyo ang mga dayuhang hindi tuli ang mga puso at hindi tuli sa laman upang pumunta sa aking santuwaryo at lapastanganin ito— ang aking tahanan! — Habang dinadala ninyo sa akin ang aking tinapay, taba at dugo— sinusuway ninyo ang aking tipan sa pamamagitan ng inyong mga kasuklam-suklam na gawain. 8 Hindi ninyo ginampanang mabuti ang inyong mga tungkulin sa akin. Sa halip, ibinigay ninyo sa iba ang tungkuling pangalagaan ang aking banal na lugar.
9 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Walang maaaring pumasok sa aking santuwaryo sa sinuman sa mga dayuhang iyon na nasa kalagitnaan ng mga tao ng Israel na mga hindi tuli sa puso at laman.
10 Ngunit ang mga Levitang lumayo sa akin nang malihis ang Israel, mga taong lumihis sa akin upang sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan— ngayon magbabayad sila sa kanilang kasalanan. 11 Mga lingkod sila sa aking santuwaryo, nagbabantay sa mga tarangkahan at naglilingkod sa tahanan. Kinakatay nila ang mga alay na susunugin at mga handog ng mga tao; tumatayo sila sa harapan nila upang paglingkuran sila.
12 Ngunit dahil nagsagawa sila ng mga paghahandog sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan, naging mga katitisuran sila nang kasalanan para sa sambahayan ng Israel. Kaya itataas ko ang aking kamay upang sumumpa nang isang pangako laban sa kanila na magbabayad sila para sa kanilang kasalanan! Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 13 Hindi sila makakalapit sa akin upang kumilos bilang aking mga pari o makakalapit sa anuman sa aking mga banal na bagay, sa mga kabanal-banalang mga bagay! Sa halip, dadalhin nila ang kanilang kahihiyan at ang kanilang mga pagkakasala dahil sa mga kasuklam-suklam na gawaing kanilang ginawa. 14 Ngunit itatalaga ko sila bilang tagapangasiwa ng mga gawain sa tahanan para sa lahat ng mga tungkulin at lahat ng mga ginagawa rito.
15 At ang mga paring Levita na mga anak na lalaki ni Zadok ang tumupad sa mga tungkulin ng aking santuwaryo nang lumilihis sa pagsunod sa akin ang mga Israelita— lalapit sila sa akin upang sambahin ako at tatayo sa aking harapan upang magdala ng taba at dugo sa akin— ito ang pahayag ng Panginoong Yaweh. 16 Pupunta sila sa aking santuwaryo; lalapit sila sa aking mesa upang sambahin ako at upang tuparin ang kanilang mga tungkulin sa akin.
17 Kaya mangyayari na kapag pumasok sila sa mga tarangkahan ng panloob na patyo, kailangan nilang magsuot ng mga linong damit, sapagkat hindi sila dapat pumasok sa loob na nakasuot ng lana sa mga tarangkahan ng panloob na patyo at sa tahanang ito. 18 Kailangang mayroong mga linong turbante sa kanilang mga ulo at linong pamigkis sa kanilang mga balakang. Hindi sila dapat magsuot ng mga damit na nagpapapawis sa kanila.
19 Kapag lumabas sila sa panlabas na patyo upang pumunta sa mga tao, kailangan nilang hubarin ang damit na isinuot nila nang maglingkod sila; dapat nilang hubarin ang mga ito at ilagay sa isang banal na silid, upang hindi nila gawing banal ang ibang mga tao sa pamamagitan ng pagsagi sa kanilang natatanging kasuotan.
20 Hindi rin nila dapat ahitin ang kanilang mga ulo, ni hayaang nakalugay ang kanilang buhok, ngunit dapat nilang gupitin ang kanilang buhok sa kanilang mga ulo. 21 Walang pari ang maaaring uminom ng alak kapag pumunta siya sa panloob na patyo, 22 ni kumuha ng isang balo o isang babaeng hiwalay sa asawa bilang kaniyang asawa, ngunit isang birhen lamang mula sa hanay ng sambahayan ng Israel o isang balo na dating asawa ng isang pari. 23 Sapagkat ituturo nila sa aking mga tao ang pagkakaiba sa pagitan ng banal at hindi banal. Ipapaalam nila sa kanila ang pagkakaiba ng marumi at malinis.
24 Sa isang alitan, mamamagitan sila upang humatol sa pamamagitan ng aking mga atas at dapat silang maging makatarungan. At pananatilihin nila ang aking mga kautusan at ang aking mga batas sa bawat pista at ipagdiriwang nila ang aking mga banal na Araw ng Pamamahinga.
25 Hindi sila dapat pumunta sa isang patay na tao upang maging marumi, maliban lamang kung ama o ina nila ito, anak na lalaki o anak na babae, kapatid na lalaki o kapatid na babae na hindi pa nakisiping sa isang lalaki; dahil kung hindi, magiging marumi sila. 26 Pagkatapos maging marumi ng isang pari, magbibilang ang mga tao ng pitong araw para sa kaniya. 27 Bago ang araw ng pagpunta niya sa banal na lugar, sa panloob na patyo upang maglingkod sa banal na lugar, dapat siyang magdala ng isang handog dahil sa kasalanan para sa kaniyang sarili— Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.
28 At ito ang kanilang mana: Ako ang magiging mana nila! Kaya hindi ninyo dapat sila bigyan ng ari-arian sa Israel; Ako ang kanilang ari-arian!
29 Kakainin nila ang mga handog na pagkain, ang mga handog dahil sa kasalanan at ang mga handog dahil sa pagkakasala; magiging pag-aari nila ang lahat ng mga bagay na inilaan kay Yahweh sa Israel. 30 Ang pinakamainam na mga unang bunga ng lahat ng mga bagay at ang bawat ambag, anumang bagay na magmumula sa lahat ng inyong mga ambag ay magiging pag-aari ng mga pari, at ibibigay ninyo ang pinakamainam ninyong handog na pagkain sa mga pari upang manatili ang pagpapala sa inyong tahanan. 31 Hindi kakain ang mga pari ng anumang patay na hayop o hayop na ginutay-gutay ng mabangis na hayop, maging ibon o mabangis na hayop.