Tumakas si David Patungo sa Yungib ng Adulam

1060 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

1 Samuel 22:1

1 Kaya umalis si David doon at tumakas papunta sa kuweba ng Adulam. Nang marinig ito ng kanyang mga kapatid na lalaki at lahat ng nasa bahay ng kanyang ama, bumaba sila roon sa kanya.

Mga Awit 142

1 Gamit ang aking boses ako ay tumatawag kay Yahweh; nagsumamo ako gamit ang aking boses kay Yahweh. 2 Ibinuhos ko ang aking pagdadalamhati sa harap niya; sinabi ko sa kaniya ang aking mga kaguluhan. 3 Kapag nanghina ang aking espiritu, alam mo ang aking landas. Sa aking paglalakad sila ay nagtago ng patibong para sa akin. 4 Tumingin ako sa aking kanan at nakita na walang sinuman ang nagmamalasakit sa akin. Hindi na ako makakatakas; walang nag-aalala sa aking buhay. 5 Ako ay tumawag sa iyo, Yahweh; at sinabi, “ Ikaw ang aking kublihan, ang aking bahagi sa lupain ng mga buhay. 6 Makinig ka sa aking tawag, dahil napakalungkot ko; sagipin mo ako mula sa aking mga taga-usig, dahil sila ay mas malakas kaysa sa akin. 7 Ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kulungan para ako ay makapagpasalamat sa iyong pangalan. Ang matutuwid ay magtitipon sa aking paligid dahil ikaw ay naging mabuti sa akin.”

1 Samuel 22:2

2 Ang bawat isang naghihirap, bawat isang may nasa pagkakautang, at bawat isang hindi kuntento—nagtipon silang lahat sa kanya. Naging kapitan si David sa kanila. Mayroong halos apat na raang kalalakihang kasama niya.

1 Mga Cronica 12:8–18

8 Ilan sa mga taga-Gad ay umanib kay David sa matibay na tanggulan sa ilang. Sila ay mga mandirigma, mga kalalakihang sinanay para sa digmaan, na kayang humawak ng kalasag at sibat; na ang mga mukha ay kasing bangis ng mga mukha ng leon. Sila ay kasing bilis ng mga gasel sa mga bundok. 9 Si Ezer ang pinuno, si Obadias ang ikalawa si Eliab ang ikatlo, 10 si Mismana ang ikaapat, si Jeremias ang ikalima, 11 si Attai ang ikaanim, si Eliel ang ikapito, 12 si Johanan ang ikawalo, si Elzabad ang ikasiyam, 13 si Jeremias ikasampu, si Macbanai ang ikalabing-isa.

14 Itong mga anak ni Gad ay mga pinuno ng hukbo. Ang pinamunuan ng pinakamababa ay isang daan at ang pinamunuan ng pinakadakila ay isanglibo.

15 Tinawid nila ang Jordan sa unang buwan, nang umapaw ang mga pampang nito at pinalayas ang lahat ng mga naninirahan sa mga kapatagan papuntang silangan at papuntang kanluran.

16 Ang ilan sa mga kalalakihan sa lipi ni Benjamin at Juda ay pumunta sa matibay na tanggulan ni David. 17 Lumabas si David upang salubungin sila at sinabi niya: “Kung pumunta kayo na may kapayapaan upang tulungan ako, maaari kayong sumama sa akin. Subalit kung kayo ay pumarito upang ipagkanulo ako sa aking mga kalaban, sawayin nawa kayo ng Diyos ng ating mga ninuno, sapagkat wala akong ginawang mali.”

18 Pagkatapos, ang Espiritu ay dumating kay Amasai na pinuno ng tatlumpu. Sinabi niya, “Kami ay sa iyo, David. Kami ay nasa iyong panig, anak ni Jesse. Kapayapaan, magkaroon nawa ng kapayapaan sa sinumang tutulong sa iyo. Kapayapaan sa mga tumutulong sa iyo, sapagkat tinutulungan ka ng Diyos.” Pagkatapos, tinanggap sila ni David at ginawa silang mga pinuno sa kaniyang mga tauhan.

2 Samuel 23:13–17

13 Tatlo sa tatlumpung tauhan ang bumaba papunta kay David sa panahon ng ani, sa kuweba ng Adullam. Nakakampo ang hukbo ng mga taga-Filisteo sa lambak ng Refaim. 14 Si David noon ay nasa kaniyang tanggulan, isang yungib, habang nagtatag ang mga taga-Filisteo sa Bethlehem. 15 Nagnais si David ng tubig at sinabing, “Kung mayroon lamang magbibigay sa akin ng tubig na maiinom mula sa balon ng Bethlehem, ang balon na nasa tarangkahan!”

16 Kaya sinira ng tatlong magigiting na lalaki ang hukbo ng mga taga-Filisteo at sumalok ng tubig sa balon ng Betlehem, ang balon na nasa tarangkahan. Kumuha sila ng tubig at dinala ito kay David, pero hindi niya ininom ito. Sa halip, ibinuhos niya ito kay Yahweh. 17 Pagkatapos sinabi niya, “Huwag nawa pahintulutan, Yahweh, na inumin ko ito. Iinumin ko ba ang dugo ng mga taong nagbuwis ng kanilang mga buhay?” Kaya tumanggi siyang ininumin ito. Ito ang mga bagay na ginawa ng tatlong magigiting na lalaki.

1 Mga Cronica 11:15–19

15 At tatlo sa tatlumpung mga pinuno ang bumaba patungo kay David sa malaking bato, sa yungib ng Adullam. Nagkampo ang mga hukbo ng Filisteo sa lambak ng Rephaim. 16 Sa panahong iyon, naroon si David sa kaniyang tanggulan, isang yungib, samantalang nagtatag ang mga Filisteo ng kanilang kampo sa Betlehem. 17 Nanabik sa tubig si David at sinabi, “Kung may magbibigay sana sa akin ng tubig upang inumin mula sa balon ng Betlehem, sa balon na malapit sa tarangkahan!”

18 Kaya sumugod ang tatlong malalakas na kalalakihan sa hukbo ng mga Filisteo at kumuha ng tubig mula sa balon ng Betlehem, ang balon na nasa tarangkahan. Kumuha sila ng tubig at dinala kay David, ngunit tumanggi siyang inumin ito. Sa halip, ibinuhos niya ito para kay Yahweh. 19 At sinabi niya, “Huwag mong ipahintulot, Yahweh, na inumin ko ito. Iinumin ko ba ang dugo ng mga kalalakihang nagbuwis ng kanilang mga buhay?” Dahil inilagay nila sa panganib ang kanilang buhay, ayaw niyang inumin ito. Ito ang mga bagay na ginawa ng tatlong matatapang na kalalakihan.