Binilang ni David ang mga Tao

1017 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Samuel 24:1–9

1 Muling sumiklab ang galit ni Yahweh laban sa Israel at pinakilos niya si David laban sa kanila sa pagsasabi, “Bilangin ang Israel hanggang Juda”. Pagkatapos sinabi ni David “Sige, bilangin ang Israel at Juda.”

2 Sinabi ng hari kay Joab na pinuno ng hukbo na kasama niya, “Puntahan ang lahat ng mga lipi ng Israel, mula Dan hanggang Beer-seba at bilangin ang lahat ng mga tao, para malaman ko ang buong bilang ng mga kalalakihang akma para sa digmaan.”

3 Sinabi ni Joab sa hari, “Paramihin nawa ni Yahweh ang bilang ng mga tao ng sandaang ulit at makita nawa'y makita nga mga mata nag aking panginoon ang hari ang katuparan. Pero bakit kaya ito ang nais ng aking hari?”

4 Gayunman, tapos na ang salita ng hari laban kay Joab at laban sa mga pinuno ng hukbo. Kaya umalis si Joab at ang mga pinuno mula sa harapan ng hari para bilangin ang mga tao ng Israel.

5 Tumawid sila ng Jordan at nagkampo malapit sa Aroer, timog sa lungsod sa lambak. Pagkatapos dumaan sila sa Gad patungong Jazer. 6 Dumating sila sa Galaad at sa lupain ng Tatim Hodsi, pagkatapos sa Dan Jaan at paikot papuntang Sidon. 7 Narating nila ang tanggulan ng Tiro at ang lahat ng lungsod ng mga Hivita at mga Cananeo. Pagkatapos lumabas sila ng Negev sa Juda sa Beer-seba.

8 Nang malagpasan sa buong lupain, bumalik sila sa Jerusalem matapos nilang malibot ang buong lupain pagkalipas ng siyam na buwan at dalawampung araw. 9 Pagkatapos inulat ni Joab sa hari ang kabuuan ng bilang ng mga lalaking nakikipaglaban. Sa Israel, mayroong 800, 000 na matatapang na kalalakihang bumunot ng espada at ang mga tauhan sa Juda, 500, 000 kalalakihan.

1 Mga Cronica 21:6–7

6 Ngunit hindi kasama sa bilang ang mga tribo ni Levi at Benjamin, sapagkat namuhi si Joab sa utos ng hari.

7 Nasaktan ang Diyos sa ginawa niyang ito, kaya sinalakay niya ang Israel.

1 Mga Cronica 27:23–24

23 Hindi binilang ni David ang mga may gulang na dalawampu o mas bata pa, sapagkat nangako si Yahweh na pararamihin niya ang Israel gaya ng mga bituin sa langit. 24 Sinimulang bilangin ni Joab na anak ni Zeruias ang mga kalalakihan, ngunit hindi niya natapos. Dumating sa Israel ang galit dahil dito. Hindi naisulat ang bilang na ito sa Kasaysayan ni Haring David.

2 Samuel 24:10–15

10 Pagkatapos nagdalamhati ang puso ni David matapos niyang bilangin ang mga kalalakihan. Kaya sinabi niya kay Yahweh, “Nagkasala ako nang matindi sa paggawa nito. Ngayon, Yahweh, alisin mo ang pagkakasala ng iyong lingkod, sapagkat kumilos ako nang may labis na kahangalan.”

11 Nang bumangon si David kinaumagahan, ang salita ni Yahweh ay dumating kay propetang Gad na tagahatid ng pangitain ni David na nagsasabing, 12 “Sabihan si David: 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Bibigyan kita ng tatlong pagpipilian, pumili ka ng isa sa mga iyon.”'”

13 Kaya pumunta si Gad kay David at sinabi sa kaniya, “Tatlong taon ba na taggutom ang darating sa iyo sa iyong lupain? O tatakas ka ng tatlong buwan mula sa iyong mga kaaway habang hinahabol ka nila? O magkakaroon ng salot sa iyong lupain sa loob ng tatlong araw? Pag-isipan mo ngayon anong sagot ang ibabalik sa kaniya na nagpadala sa akin.”

14 Pagkatapos sinabi ni David kay Gad, “Hirap na hirap ang aking kalooban. Hayaang mahulog tayo sa kamay ni Yahweh kaysa mahulog sa mga kamay ng mga tao, napakadakila ng kaniyang mga mahabaging gawa.”

15 Kaya nagpadala si Yahweh ng salot mula umaga hanggang sa taning na oras, at pitumpung libong tao ang namatay mula Dan hanggang Beer-seba.

1 Mga Cronica 21:15–16

15 Nagpadala ang Diyos ng isang anghel sa Jerusalem upang sirain ito. Nang sisirain na niya ito, nanood si Yahweh at nagbago ang kaniyang isip tungkol sa paninira. Sinabi niya sa naninirang anghel, “Tama na! Ngayon iurong mo ang iyong kamay.” Sa oras na iyon, nakatayo ang anghel ni Yahweh sa giikan ni Ornan na Jebuseo.

16 Tumingin sa itaas si David at nakita niya ang anghel ni Yahweh na nakatayo sa pagitan ng langit at lupa na may hawak na espada na nakataas sa buong Jerusalem. Pagkatapos dumapa si David at ang mga nakatatanda na nakadamit ng pangluksa sa lupa.

2 Samuel 24:17

17 At nakipag-usap si David kay Yahweh nang makita niya ang anghel na sumugod sa mga tao at sinabing, “Nagkasala ako” at “labis akong nagkamali. Pero itong mga tupa, ano ang kanilang nagawa? Pakiusap, hayaang ako at ang sambahayan ng aking ama ang parusahan ng inyong kamay!”

1 Mga Cronica 21:17–30

17 Sinabi ni David sa Diyos, “Hindi ba ako ang nag-utos na bilangin ang hukbo? Ginawa ko ang masamang bagay na ito. Ngunit ang mga tupang ito, ano ang kanilang ginawa? Pakiusap Yahweh na aking Diyos, hayaan mong ako at ang aking pamilya ang parusahan ng iyong kamay, ngunit huwag mong parusahan ang iyong mga tao ng salot na ito.”

18 Kaya inutusan ng anghel ni Yahweh si Gad na sabihin kay David, na kailangang pumunta si David at magtayo ng altar para kay Yahweh sa giikan ni Ornan na Jabuseo. 19 Kaya pumunta si David gaya ng itinagubilin sa kaniya ni Gad na gawin sa ngalan ni Yahweh.

20 Habang naggigiik ng trigo si Ornan, lumingon siya at nakita ang anghel. Nagtago siya at ang kaniyang apat na anak na lalaki na kasama niya. 21 Nang dumating si David kay Ornan, tumingin si Ornan at nakita niya si David. Iniwan niya ang giikan at yumukod kay David na nasa lupa ang kaniyang mukha.

22 At sinabi ni David kay Ornan, “Ibenta mo sa akin ang giikang ito upang makapagtayo ako ng altar para kay Yahweh. Babayaran ko ang kabuuang halaga upang maalis ang salot sa mga tao.”

23 Sinabi ni Ornan kay David, “Kunin mo ito na parang pagmamay-ari mo aking panginoon na hari. Gawin mo dito kung ano ang mabuti sa iyong paningin. Narito, bibigyan kita ng mga baka para sa mga alay na susunugin, mga kahoy na kasangkapan sa panggiik para panggatong at trigo para sa handog na butil; Ibibigay ko ang lahat ng ito sa iyo.”

24 Sinabi ni Haring David kay Ornan, “Hindi, iginigiit kong babayaran ko ang kabuuang halaga. Hindi ko kukunin ang sa iyo at ihahandog ito bilang handog na susunugin para kay Yahweh, ng walang halaga.”

25 Kaya nagbayad si David ng animnaraang siklong ginto para sa lugar. 26 Nagtayo doon si David ng altar para kay Yahweh at naghandog ng mga alay na susunugin at mga handog pangkapayapaan. Tinawag niya si Yahweh, na sumagot sa kaniya sa pamamagitan ng apoy mula sa langit patungo sa altar para sa mga handog na susunugin.

27 Pagkatapos nagbigay ng utos si Yahweh sa anghel at ibinalik ng anghel ang kaniyang espada sa lalagyan nito.

28 Nang makita ni David na sinagot siya ni Yahweh sa giikan ni Ornan na Jabuseo, ginawa na niya ang pag-aalay doon sa sandali ring iyon. 29 Sa panahon iyon, ang tabernakulo ni Yahweh na ginawa ni Moises sa ilang at ang altar para sa mga alay na susunugin ay nasa banal na lugar sa Gibeon. 30 Gayun paman, hindi makapunta si David doon upang humingi ng patnubay sa Diyos, dahil natatakot siya sa espada ng anghel ni Yahweh.

Mga Awit 30

1 Itinataas kita, Yahweh, dahil ibinangon mo ako at hindi pinahintulutan ang aking mga kalaban na magalak dahil sa akin. 2 Yahweh aking Diyos, humingi ako sa iyo ng tulong, at pinagaling mo ako. 3 Yahweh, hinango mo ang aking kaluluwa mula sa Sheol; pinanatili mo akong buhay mula sa pagbaba sa libingan. 4 Umawit ng mga papuri kay Yahweh, kayong bayan niyang matapat! Magbigay ng pasasalamat kapag naalaala ninyo ang kaniyang kabanalan. 5 Dahil ang kaniyang galit ay isang saglit lamang; pero ang kaniyang pabor ay panghabangbuhay. Ang pag-iyak ay dumarating sa gabi, pero ang kagalakan ay dumarating sa umaga. 6 Buong tiwala kong sinabi, “Hindi ako kailanman mayayanig.” 7 Yahweh sa pamamagitan ng iyong pabor ako ay itinatag mo tulad ng isang matatag na bundok; pero kapag itinago mo ang iyong mukha, ako ay naligalig. 8 Umiyak ako sa iyo, Yahweh, at naghanap ng pabor mula sa aking Panginoon! 9 Anong pakinabang mayroon sa aking kamatayan, kung ako ay bababa sa libingan? Mapapapurihan ka ba ng alabok? Maipapahayag ba nito na ikaw ay mapagkakatiwalaan? 10 Pakinggan mo, Yahweh, at ako ay kaawaan! Yahweh, ikaw ay maging katuwang ko. 11 Pinalitan mo ang aking pagluluksa ng pagsasayaw; hinubad mo ang aking sako at dinamitan ako ng kagalakan. 12 Kaya ngayon ang naparangalan kong puso ay aawit nang papuri sa iyo at hindi mananahimik; Yahweh aking Diyos, magbibigay ako ng pasasalamat sa iyo magpakailanman!