Binilang ni David ang mga Tao (continued)
1017 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Lumitaw ang isang kaaway laban sa Israel at inudyukan si David na bilangin ang mga tao sa Israel. 2 Sinabi ni David kay Joab at sa mga pinuno ng hukbo, “Pumunta kayo, bilangin ninyo ang mga tao ng Israel mula Beer-seba hanggang Dan at bumalik kayo at ibalita ninyo sa akin, upang malaman ko ang bilang nila.
3 Sinabi ni Joab, “Nawa ay paramihin ni Yahweh ang kaniyang hukbo ng isandaang beses na mas marami kaysa sa kung ano ito ngayon. Ngunit aking panginoong hari, hindi ba naglilingkod silang lahat sa aking panginoon? Bakit gusto ito ng aking panginoon? Bakit ka magdadala ng sanhi ng pagkakasala sa Israel?”
4 Ngunit nanaig ang utos ng hari kay Joab. Kaya umalis si Joab at pumunta sa lahat ng dako ng Israel. Pagkatapos bumalik siya sa Jerusalem. 5 At ibinalita ni Joab ang kabuuang bilang ng mga kalalakihang mandirigma kay David. Mayroong 1, 100, 000 na mga kalalakihan na bumubunot ng espada sa Israel. Mayroong 470, 000 na mga kawal sa Juda lamang.
8 Sinabi ni David sa Diyos, “Labis akong nagkasala sa paggawa nito. Ngayon, alisin mo ang kasalanan ng iyong lingkod, sapagkat ako ay naging napakahangal.”
9 Sinabi ni Yahweh kay Gad, na propeta ni David, 10 “Pumunta ka at sabihin kay David: 'Ito ang sinabi ni Yahweh: “Binibigyan kita ng tatlong pagpipilian. Pumili ka ng isa sa mga ito.”'”
11 Kaya pumunta si Gad kay David at sinabi sa kaniya, “Ito ang sinabi ni Yahweh: 'Mamili ka ng isa sa mga ito: 12 tatlong taon na tag-gutom, tatlong buwan na pagtugis ng iyong mga kaaway at pagkahuli sa pamamagitan ng kanilang mga espada, o kaya tatlong araw na espada ni Yahweh, iyon ay, isang salot sa lupain, wawasakin ng mga anghel ni Yahweh ang buong lupain ng Israel.' Kaya ngayon, magpasya ka kung anong sagot ang dadalhin sa nagsugo sa akin” 13 Pagkatapos, sinabi ni David kay Gad, “Ako ay nasa mahirap na kalagayan. Hayaan mong mahulog ako sa kamay ni Yahweh kaysa sa kamay ng mga tao, sapagkat napakadakila ng kaniyang mahabaging gawa.”
14 Kaya nagpadala si Yahweh ng isang salot sa Israel at pitumpung libong tao ang namatay.
16 Nang inabot ng anghel ang kaniyang kamay sa dako ng Jerusalem para wasakin ito, nagbago ang ang isip ni Yahweh tungkol sa kapahamakan, at sinabi sa anghel na pumupuksa sa mga tao, “Tama na! Iatras mo ngayon ang iyong kamay.” Nakatayo noon ang anghel ni Yahweh sa giikan ni Arauna na Jebuseo.
18 Pagkatapos pumunta si Gad nang araw na iyon kay David at sinabi sa kaniya, “Umakyat ka at gumawa ng altar para kay Yahweh sa giikan ni Arauna na Jebuseo.” 19 Kaya umakyat si David gaya ng itinagubilin ni Gad na gawin niya, gaya ng inutos ni Yahweh.
20 Tumingin sa labas si Arauna at nakitang papalapit na ang hari at ang kaniyang mga lingkod. Kaya lumabas si Arauna at yumukod sa hari na ang kaniyang mukha ay nasa lupa. 21 Pagkatapos sinabi ni Arauna, “Bakit narito ang aking panginoon ang hari sa aking harapan, na kaniyang lingkod?” Sumagot si David, “Para bilhin ang iyong giikan, para makagawa ako ng altar para kay Yahweh, para maalis ang salot mula sa mga tao.”
22 Sinabi ni Arauna kay David, “Kunin mo ito bilang sa iyo, aking panginoon ang hari. Gawin mo rito kung ano ang tama sa iyong paningin. Tingnan mo, narito ang mga lalaking baka para sa sinunog na handog at mga kareta ng giikan at mga pamatok ng lalaking baka para panggatong. 23 Ako, si Arauna, ibibigay ang lahat ng ito sa iyo, aking hari.” Pagkatapos sinabi niya sa hari, “Tanggapin ka nawa ni Yahweh na iyong Diyos.”
24 Sinabi ng hari kay Arauna, “Hindi, pinipilit kong bilhin ito sa halaga nito. Hindi ako mag-aalay ng sinunog na handog kay Yahweh na walang halaga sa akin.” Kaya binili ni David ang giikan at lalaking baka sa halagang limampung piraso ng pilak. 25 Gumawa roon ng altar si David para kay Yahweh at naghandog doon ng mga sinunog na handog at mga handog ng pagtitipon-tipon. Kaya nasiyahan si Yahweh para sa lupain at nahinto ang salot sa Israel.
Ang Huling Anim na Buwan ng Paghahari ni David 1015 B.C.
Naghahanda si David na Itayo ang Templo
1 At sinabi ni David, “Dito itatayo ang tahanan ng Diyos na si Yahweh, kasama ang altar para sa mga handog na susunugin ng Israel.”
2 Kaya inutosan ni David ang kaniyang mga lingkod na tipunin ang mga dayuhang nakatira sa lupain ng Israel. Itinalaga niya sila na maging mga taga-tapyas ng bato, upang tumapyas ng mga malalaking bato, upang maitayo ang tahanan ng Diyos.
3 Nagbigay si David ng maraming bakal para sa mga pako sa mga pintuan patungo sa mga daanan at para sa mga bisagra. Nagbigay rin siya ng maraming tanso na hindi kayang timbangin, 4 at maraming puno ng sedar na hindi mabilang. (Nagdala ng napakaraming troso ng sedar ang mga taga-Sidon at mga taga-Tiron na hindi kayang bilangin ni David.)
5 Sinabi ni David, “Ang aking anak na si Solomon ay bata at wala pang karanasan, at ang tahanan na itatayo para kay Yahweh ay dapat na bukod-tanging kahanga-hanga, nang sa gayon ito ay maging tanyag at maluwalhati sa lahat ng ibang lupain. Kaya maghahanda ako para sa pagtatayo nito.” Kaya gumawa si David ng malawakang paghahanda bago ang kaniyang kamatayan.
6 Pagkatapos ay tinawag niya ang kaniyang anak na si Solomon at inutusan siya na magtayo ng isang tahanan para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.
7 Sinabi ni David kay Solomon, “Anak ko, hangarin ko ito na ako mismo ang magtayo ng tahanan, para sa pangalan ni Yahweh na aking Diyos. 8 Ngunit dumating si Yahweh sa akin at sinabi, 'Marami ka ng pinadanak na dugo at nakipaglaban sa maraming labanan. Hindi ikaw ang magtatayo ng tahanan para sa aking pangalan, dahil marami ka ng pinadanak na dugo sa mundo sa aking paningin. 9 Gayunpaman, magkakaroon ka ng isang anak na lalaki na magiging payapang tao. Bibigyan ko siya ng kapahingahan mula sa lahat ng kaniyang kaaway sa bawat panig. Sapagkat Solomon ang kaniyang magiging pangalan, at bibigyan ko ng kapayapaan at katahimikan ang Israel sa kaniyang mga araw. 10 Magtatayo siya ng isang tahanan para sa aking pangalan. Magiging anak ko siya at ako ang magiging ama niya. Itatatag ko ang trono ng kaniyang kaharian sa buong Israel magpakailanman.”
11 “Ngayon, aking anak, samahan ka nawa ni Yahweh at bigyan ka niya ng kakayahan upang magtagumpay. Maitayo mo nawa ang tahanan ni Yahweh na iyong Diyos, gaya ng sinabi niya na gagawin mo. 12 Tanging si Yahweh nawa ang magbigay sa iyo ng kaalaman at pang-unawa upang masunod mo ang batas ni Yahweh na iyong Diyos, kapag inilagay ka niyang tagapamahala sa buong Israel. 13 At magtatagumpay ka, kung maingat mong susundin ang mga tuntunin at mga kautusan na ibinigay ni Yahweh kay Moises para sa Israel. Maging matatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matakot o panghinaan ng loob.
14 Ngayon, tingnan mo, buong pagsisikap kong inihanda para sa tahanan ni Yahweh ang 100, 000 talento ng ginto, isang milyong talento ng pilak, tanso at maraming bilang ng bakal. Nagbigay rin ako ng troso at bato. Dapat mo pang dagdagan ang lahat ng mga ito.
15 Mayroon kang maraming manggagawa na makakasama mo, mga taga-tapyas ng bato, mga mason, mga karpintero at mga mahuhusay na manggagawa ng iba't ibang mga bagay na hindi mabilang, 16 na may kakayahang gumawa sa ginto, pilak, tanso at bakal. Kaya simulan mo ng magtrabaho at samahan ka nawa ni Yahweh.”
17 Ipinag-utos rin ni David sa lahat ng mga pinuno ng Israel na tulungan ang kaniyang anak na si Solomon, sinasabi, 18 “Si Yahweh na inyong Diyos ay kasama ninyo at binigyan kayo ng kapayapaan sa bawat panig. Ibinigay niya sa akin ang lahat ng mga nakatira sa rehiyon. Nasakop ni Yahweh ang rehiyon at ang mga tao nito. 19 Ngayon hanapin ninyo si Yahweh na inyong Diyos nang buong puso at kaluluwa. Tumayo kayo at itayo ang banal na lugar ng Diyos na si Yahweh. At maaari na ninyong dalhin ang kaban ng tipan ni Yahweh at ang mga bagay na pag-aari ng Diyos sa tahanan na itinayo para sa pangalan ni Yahweh.”