Ang Unang Pagbasa ni Baruc sa Balumbon
606 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Nangyari ito sa ika-apat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias na hari ng Juda, na dumating ang salitang ito kay Jeremias mula kay Yahweh, at sinabi niya, 2 “Kumuha ka nang isang kasulatang balumbon para sa iyong sarili at isulat dito ang lahat ng mga salitang sinabi ko sa iyo tungkol sa Israel at Juda, at bawat bansa. Gawin ito para sa lahat ng sinabi ko mula sa mga araw ni Josias hanggang sa araw na ito. 3 Marahil, pakikinggan ng mga tao ng Juda ang lahat ng mga sakuna na nais kong dalhin sa kanila. Marahil, tatalikod ang bawat isa mula sa kaniyang masamang landas, kaya patatawarin ko ang kanilang kasamaan at kanilang kasalanan.”
4 At ipinatawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Nerias at isinulat ni Baruc sa isang kasulatang balumbon, sa pagsasalaysay ni Jeremias, ang lahat ng mga salita ni Yahweh na sinabi sa kaniya.
5 Kasunod nito, nagbigay ng utos si Jeremias kay Baruc. Sinabi niya, “Nasa kulungan ako at hindi makakapunta sa tahanan ni Yahweh. 6 Kaya kailangan mong pumunta at basahin mula sa kasulatang balumbon na iyong isinulat mula sa aking pagsasalaysay. Sa araw ng pag-aayuno, kailangan mong basahin sa kaniyang tahanan ang mga salita ni Yahweh sa pakikinig ng mga tao, at sa pakikinig ng buong Juda na dumating mula sa kanilang mga lungsod. Ipahayag mo ang mga salitang ito sa kanila.
7 Marahil, ang kanilang pagsamo ng habag ay makakarating sa harapan ni Yahweh. Marahil, ang bawat tao ay tatalikod mula sa kanilang masasamang gawa, dahil matindi ang poot at galit na ipinahayag ni Yahweh laban sa mga taong ito.”
8 Kaya ginawa ni Baruc na anak ni Nerias ang lahat ng iniutos ni propeta Jeremias na kaniyang gagawin. Binasa niya ng malakas ang mga salita ni Yahweh sa tahanan ni Yahweh.
Inaliw si Baruc Matapos Basahin ang Balumbon
1 Ito ang salita na sinabi ni propeta Jeremias kay Baruc na anak ni Nerias. Nangyari ito nang isinulat niya sa isang balumbon ang mga salitang ito sa pagsasalaysay ni Jeremias—ito ay sa ika-apat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias na hari ng Juda, at sinabi niya, 2 “Baruc, sinasabi ito sa iyo: 3 Sinabi mo, 'Aba ako, sapagkat nagdagdag si Yahweh ng matinding paghihirap sa aking kirot. Pinapahina ako ng aking paghihinagpis; Wala akong masumpungang kapahingahan.'
4 Ito ang dapat mong sabihin sa kaniya: 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: Tingnan mo, kung ano ang aking itinayo, ako ngayon ang tumitibag nito. Kung ano ang aking itinanim, ako ngayon ang bumubunot nito. Ito ay totoo sa buong daigdig. 5 Ngunit umaasa ka ba ng dakilang mga bagay para sa iyong sarili? Huwag kang umasa ng ganoon. Sapagkat tingnan mo, darating ang kapahamakan sa buong sangkatauhan—ito ang pahayag ni Yahweh—ngunit ibinibigay ko sa iyo ang iyong buhay bilang iyong ninakaw sa lahat ng dakong iyong pupuntahan.”'
Nagsimula ang Pagkabihag
1 Sa panahon ng paghahari ni Jehoiakim, nilusob ni Nebucadnezar hari ng Babilonia ang Juda; naging lingkod niya si Jehoiakim sa loob ng tatlong taon. Pagkatapos nagtaksil si Jehoiakim at naghimagsik laban kay Nebucadnezar.
6 At nilusob siya ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia at iginapos siya ng kadena upang dalhin sa Babilonia. 7 Dinala rin ni Nebucadnezar ang ilan sa mga bagay sa tahanan ni Yahweh sa Babilonia at inilagay ang mga iyon sa kaniyang palasyo sa Babilonia.
1 Sa ikatlong taon ng paghahari ni Jehoiakim na hari ng Juda, dumating si Nebucadnezar na hari ng Babilonia sa Jerusalem at kinubkob ang lungsod upang putulin ang lahat ng mga tulong para rito. 2 Binigyan ng Panginoon si Nebucadnezar ng katagumpayan laban kay Jehoiakim na hari ng Juda at ibinigay sa kaniya ang ilan sa mga sagradong bagay mula sa tahanan ng Diyos. Dinala niya ang mga ito sa lupain ng Babilonia, sa tahanan ng kaniyang diyos at inilagay ang sagradong mga bagay sa kabang-yaman ng kaniyang diyos.
3 At nakipag-usap ang hari kay Aspenaz, ang kaniyang pinunong opisyal upang dalhin ang ilan sa mga Israelita, sa maharlikang angkan at mga dakilang tao— 4 mga binatang walang kapintasan, kaakit-akit ang itsura, at mahusay sa lahat ng karunungan, puno ng kaalaman at pang-unawa at karapat-dapat na maglingkod sa palasyo ng hari. Tuturuan niya sila ng panitikan at wika ng mga taga-Babilonia.
5 At ibinilang sila ng hari ng bahagi sa araw ng kaniyang mga pagkain at sa alak na kaniyang iinumin. Sasanayin ang mga binatang ito sa tatlong taon at pagkatapos, maglilingkod sila sa hari.
6 Kabilang sa mga ito ay sina Daniel, Hananaias, Misael, at Azarias, ilan sa mga tao ng Juda. 7 Binigyan sila ng mga pangalan ng pinunong opisyal: tinawag si Daniel na Beltesazar, tinawag si Hananias na Shadrac, si Misael na Meshac, at si Azarias na Abednego.
3 Tiyak na nangyari ito sa Juda sa utos ni Yahweh, para alisin sila mula sa kaniyang paningin, dahil sa mga kasalanan ni Manases, lahat ng kaniyang mga ginawa, 4 at dahil din sa mga inosenteng dugo na kaniyang pinadanak, dahil pinuno niya ang Jerusalem ng inosenteng dugo. Hindi mapapatawad ni Yahweh ang mga iyon.