Ang Paghihimagsik ni Absalom (continued)

1027 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Awit 62

1 Sa Diyos lamang ako naghihintay nang tahimik; magmumula sa kaniya ang aking kaligtasan. 2 Siya lamang ang aking muog at aking kaligtasan; siya ang aking mataas na tore; ako ay hindi matitinag. 3 Hanggang kailan kayong lahat sasalakay sa isang tao, para pabagsakin siya tulad ng isang pader o isang maugang bakuran? 4 Sumasangguni sila sa kaniya para ibagsak siya mula sa kaniyang marangal na posisyon; mahilig silang magsabi ng mga kasinungalingan; siya ay pinagpapala nila sa kanilang mga bibig, pero sa kanilang mga puso siya ay kanilang isinusumpa. Selah 5 Naghihintay ako nang tahimik para lamang sa Diyos; dahil nakatuon ang aking pag-asa sa kaniya. 6 Siya lamang ang aking muog at kaligtasan; siya ang aking mataas na tore; ako ay hindi matitinag. 7 Sa Diyos ang aking kaligtasan at kaluwalhatian; nasa Diyos ang saligan ng aking kalakasan at kanlungan. 8 Magtiwala kayo sa kaniya sa lahat ng oras, kayong mga tao; ibuhos ninyo ang inyong puso sa kaniyang harapan; kanlungan natin ang Diyos. Selah 9 Tunay na walang kabuluhan ang mga lalaking mahina ang katayuan, at kasinungalingan ang mga lalaking mataas ang katayuan; magaan silang tinimbang sa sukatan; pareho silang tinimbang, sila ay magaan kaysa sa wala. 10 Huwag kang magtitiwala sa pang-aapi o pagnanakaw; at huwag umasa sa walang kabuluhan na mga kayamanan, dahil wala itong maibubunga; huwag mong itutuon ang iyong puso sa mga ito. 11 Minsang nagsalita ang Diyos, dalawang beses kong narinig ang mga ito: sa Diyos nauukol ang kapangyarihan. 12 Gayundin sa inyo, Panginoon, nauukol ang katapatan sa tipan, dahil binabayaran mo ang bawat tao kung ano ang kaniyang ginawa.

Mga Awit 143–144

1 Dinggin mo ang aking panalangin, Yahweh; makinig ka sa aking pagsamo. Dahil sa iyong katapatan at katuwiran, sagutin mo ako! 2 Huwag mong hatulan ang iyong lingkod, dahil walang matuwid sa iyong paningin. 3 Hinangad ng kaaway ang aking kaluluwa; ako ay kaniyang ibinaon sa lupa; pinatira niya ako sa kadiliman tulad ng mga matagal ng namatay. 4 Ang aking espiritu ay nanglulupaypay; ang aking puso ay nawalan ng pag-asa. 5 Inalala ko ang nakalipas, nagnilay ako sa iyong mga gawa; nagmuni-muni ako sa iyong mga katagumpayan. 6 Itinataas ko ang aking mga kamay sa iyo sa panalangin; ang aking kaluluwa ay nananabik sa iyo sa isang tuyong lupain. Selah. 7 Yahweh, sumagot ka agad sa akin dahil ang aking espiritu ay nanghihina. Huwag mong itago ang iyong mukha sa akin, o ako ay magiging gaya ng mga bumaba sa hukay. 8 Hayaan mong marinig ko ang iyong katapatan sa tipan sa umaga, dahil nagtitiwala ako sa iyo. Ipakita mo sa akin ang daan kung saan ako dapat lumakad, dahil itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo. 9 Sagipin mo ako mula sa aking mga kaaway, Yahweh; ako ay tumakas sa iyo para magtago. 10 Turuan mo ako na gawin ang iyong kalooban dahil ikaw ang aking Diyos. Nawa ang iyong mabuting Espiritu ay pangunahan ako sa lupain ng katuwiran. 11 Yahweh, para sa kapakanan ng ngalan mo, panatilihin mo akong buhay; sa iyong katuwiran ilayo mo ang aking kaluluwa sa kaguluhan. 12 Sa iyong katapatan sa tipan alisin mo ang aking mga kaaway at wasakin ang lahat ng mga kaaway ng aking buhay dahil ako ay iyong lingkod.

144:1 Purihin si Yahweh, aking muog, na siyang nagsasanay ng aking mga kamay para sa digmaan at sa aking mga daliri para sa labanan. 2 Ikaw ang aking katapatan sa tipan at aking tanggulan, ang aking matayog na tore at siyang sumasagip sa akin, ang aking pananggalang at siyang aking kanlungan, na siyang nagpasuko ng mga bayan sa ilalim ko. 3 Yahweh, ano ang tao na nakukuha niya ang iyong pansin o sa anak ng tao na iniisip mo ang tungkol sa kaniya? 4 Ang tao ay gaya ng isang hininga, ang kaniyang mga araw ay gaya ng isang dumaraang anino. 5 Yahweh, palubugin mo ang kalangitan at bumaba ka; hawakan mo ang mga bundok at pausukin sila. 6 Magpadala ka ng mga kislap ng kidlat at bulabugin mo ang aking mga kaaway; pakawalan mo ang iyong palaso at ibalik sila sa kaguluhan. 7 Iabot mo ang iyong kamay mula sa itaas, sagipin mo ako sa maraming tubig mula sa mga kamay ng mga dayuhan. 8 Ang kanilang mga bibig ay nagsisinungaling, at ang kanilang kanang kamay ay kabulaanan. 9 Ako ay aawit ng bagong awitin sa iyo, O Diyos; sa isang alpa na may sampung kwerdas, aawitan kita ng mga papuri. 10 Nagbigay ka ng kaligtasan sa mga hari; sinagip mo si David na iyong lingkod mula sa masamang espada. 11 Sagipin mo ako at palayain mula sa mga kamay ng mga dayuhan. Ang kanilang mga bibig ay nagsisinungaling, at ang kanilang kanang kamay ay kabulaanan. 12 Nawa ang aming mga anak na lalaki ay maging tulad ng halaman na lumago ng buong laki sa kanilang kabataan at ang mga anak na babae ay tulad ng inukit na sulok na poste, na may magandang hubog gaya ng mga nasa palasyo. 13 Nawa ang ating kamalig ay mapuno ng sari-saring bunga, at ang ating tupa ay manganak ng libo-libo sa ating mga bukirin. 14 Pagkatapos ang ating mga baka ay magkakaroon ng maraming anak. Walang sinuman ang makakasira ng ating mga pader; doon ay walang taong itatapon at hihiyaw sa aming mga lansangan. 15 Mapalad ang mga tao na may ganitong mga pagpapala; maligaya ang tao na ang Diyos ay si Yahweh.

Mga Awit 70

1 Iligtas mo ako, O Diyos! Yahweh, pumunta ka agad at tulungan ako. 2 Hayaan mong mapahiya ang mga nagtatangka sa aking buhay at mapahamak; hayaan mo silang tumalikod at madala sa kahihiyan, silang nakuhang magsaya sa aking kalungkutan. 3 Hayaan mo silang tumalikod dahil sa kanilang kahihiyan, silang mga nagsasabi ng, “Aha, aha.” 4 Hayaan mong ang mga iyon na naghahanap sa inyo ay matuwa at magalak sa inyo; hayaan mong ang mga umiibig sa iyong kaligtasan na sabihin lagi, “Purihin nawa ang Diyos.” 5 Pero ako ay mahirap at nangangailangan; magmadali ka sa akin, O Diyos; ikaw ang tutulong at sasagip sa akin. Yahweh, huwag kang maantala.