Ang Paghihimagsik ni Absalom (continued)

1027 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Awit 55

1 Pakinggan mo aking panalangin, O Diyos; at huwag mong itago ang iyong sarili sa aking pagsamo. 2 Pakinggan mo ako at ako ay iyong sagutin; wala akong kapahingahan sa aking mga kaguluhan. 3 dahil sa tinig ng aking mga kaaway, dahil sa pang-aapi ng masasama; dahil nagdala sila ng kaguluhan sa akin at galit akong inuusig. 4 Lubhang nasaktan ang aking puso, at binagsakan ako ng malaking takot sa kamatayan. 5 Dumating sa akin ang pagkatakot at panginginig, at kilabot ang nanaig sakin. 6 Aking sinabi, “O, kung mayroon lamang akong mga pakpak tulad ng kalapati! Kung magkagayon lilipad akong palayo at magpapahinga. 7 Tingnan, ako ay gagala sa malayo; doon ako mananahan sa ilang. Selah 8 Magmamadali ako para sumilong mula sa malakas na hangin at unos''. 9 Wasakin mo sila, Panginoon, at guluhin ang kanilang mga wika, dahil nakita ko ang karahasan at kaguluhan sa lungsod. 10 Lumiligid sila araw at gabi sa ibabaw ng kanyang pader, kasalanan at kalokohan ay nasa kalagitnaan niya. 11 Kasamaan ang nasa gitna nito; ang pang-aapi at pandaraya sa mga lansangan nito ay hindi umaalis. 12 Dahil hindi isang kaaway ang sumasaway sa akin. kaya maaari ko itong tiisin; ni hindi siya ang napopoot sa akin na itinaas ang kaniyang sarili laban sa akin, dahil kung hindi itinago ko sana ang aking sarili sa kanya. 13 Pero ikaw iyon, isang lalaking kapantay ko, aking kasama at aking malapit na kaibigan. 14 Mayroon tayong matamis na pagsasamahan; naglakad tayo kasama ang maraming tao sa tahanan ng Diyos. 15 Hayaang mong biglang dumating ang kamatayan sa kanila; hayaang mo silang bumaba ng buhay sa Sheol, dahil sa kalagitnaan nila, sa kasamaan sila namumuhay. 16 Para sa akin, tatawag ako sa Diyos, at ililigtas ako ni Yahweh. 17 Magsusumbong ako at dadaing sa gabi, sa umaga at sa tanghaling tapat; maririnig niya ang aking tinig. 18 Ligtas niyang sasagipin ang aking buhay mula sa digmaang laban sa akin, dahil marami silang mga lumaban sa akin. 19 Ang Diyos, ang nananatili mula noon pang unang panahon, ay makikinig at tumutugon sa kanila. Selah Ang mga taong iyon ay hindi nagbago; sila ay hindi natatakot sa Diyos. 20 Itinataas ng aking kaibigan ang kaniyang mga kamay laban sa kaniyang mga kasundo; hindi na niya iginalang ang tipan na mayroon siya. 21 Ang kaniyang bibig ay kasindulas ng mantikilya, pero ang kaniyang puso ay naghamon; mas malambot pa kaysa sa langis ang kaniyang mga salita, pero ang totoo sila ay mga binunot na espada. 22 Ilagay mo ang iyong pasanin kay Yahweh, at ikaw ay kaniyang aalalayan; hindi niya papayagang sumuray- suray sa paglalakad ang taong matuwid. 23 Pero ikaw, O Diyos, ay dadalhin sa hukay ng pagkawasak ang masama; ang mga uhaw sa dugo at mandaraya ay hindi mabubuhay kahit kalahati ng buhay ng iba, pero ako ay sa iyo magtitiwala.

Mga Awit 4–5

1 Tumugon ka kapag ako ay nananawagan, Diyos ng aking katuwiran; bigyan mo ako ng silid kapag ako ay napapalibutan. Kaawaan mo ako at makinig ka sa aking panalangin. 2 Kayong mga tao, gaano ninyo katagal papalitan ang aking karangalan ng kahihiyan? Gaano ninyo katagal mamahalin ang mga walang halaga at maghahangad ng mga kasinungalingan? Selah 3 Pero alamin ninyo na hinihiwalay ni Yahweh ang mga maka-Diyos para sa kaniyang sarili. Didinig si Yahweh kapag tumatawag ako sa kaniya. 4 Manginig kayo sa takot, pero huwag kayong magkasala! Magnilay-nilay sa inyong puso sa inyong higaan at manahimik. Selah 5 Ihandog ang mga alay ng katuwiran at ilagay ang inyong tiwala kay Yahweh. 6 Maraming nagsasabi, “Sino ang magpapakita ng anumang kabutihan sa atin?” Yahweh, itaas mo ang liwanag ng iyong mukha sa amin. 7 Binigyan mo ang aking puso ng higit na kagalakan kaysa sa iba tuwing sumasagana ang kanilang mga butil at bagong alak. 8 Sa kapayapaan, ako ay hihiga at matutulog, dahil tanging ikaw, Yahweh, ang nagliligtas at nagpapatiwasay sa akin.

5:1 Makinig ka sa aking panawagan sa iyo, Yahweh; isipin mo ang aking mga daing. 2 Makinig ka sa tunog ng aking panawagan, aking Hari at aking Diyos, dahil sa iyo ako nananalangin. 3 Yahweh, sa umaga naririnig mo ang aking iyak; sa umaga dadalhin ko ang aking kahilingan sa iyo at maghihintay nang may pananabik. 4 Tiyak ngang hindi ka ang Diyos na pinahihintulutan ang kasamaan; ang mga masasamang tao ay hindi mo magiging mga panauhin. 5 Ang mayabang ay hindi tatayo sa harapan mo; kinamumuhian mo ang lahat nang kumikilos nang masama. 6 Wawasakin mo ang mga sinungaling; hinahamak ni Yahweh ang mga mararahas at mandarayang mga tao. 7 Pero para sa akin, dahil sa iyong dakilang katapatan sa tipan, papasok ako sa iyong tahanan; sa paggalang, ako ay yuyuko sa dako ng iyong banal na templo. 8 O Panginoon, akayin mo ako sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway; gawin mong tuwid ang iyong landas sa harap ko. 9 Dahil walang katotohanan sa kanilang bibig; ang kanilang panloob na pagkatao ay masama; ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan; nang-uuto sila gamit ang kanilang dila. 10 Ihayag mong sila ay may sala, O Diyos; nawa ang kanilang mga balakin ang magpabagsak sa kanila! Itaboy mo sila dahil sa maraming kasalanan nila, dahil sila ay sumuway laban sa iyo. 11 Pero nawa ang lahat ng kumukubli sa iyo ay magalak; hayaan mo silang laging sumigaw sa galak dahil ipinagtatanggol mo sila; hayaan mo silang magalak sa iyo, sila na nagmamahal sa iyong pangalan. 12 Dahil pagpapalain mo ang matuwid, Yahweh; palilibutan mo sila ng pagpapala tulad ng isang kalasag.