Pinatawan ng Ketong si Uzias

787 o 765 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Cronica 26:16–21

16 Ngunit nang naging makapangyarihan si Uzias, nagmataas ang kaniyang puso kaya siya gumawa ng masama. Sumuway siya laban kay Yahweh, ang kaniyang Diyos, sapagkat pumasok siya sa tahanan ni Yahweh upang magsunog ng insenso sa altar ng insenso.

17 Sinundan siya ni paring Azarias at kasama niya ang walumpung matatapang na pari ni Yahweh. 18 Pinigilan nila si haring Uzias at sinabi sa kaniya, “Hindi ito para sa iyo, Uzias, na magsunog ng insenso para kay Yahweh, kundi para sa mga pari, ang mga kaapu-apuhan ni Aaron na siyang itinalaga kay Yahweh na magsunog ng insenso. Lumabas ka sa banal na lugar, sapagkat sumuway ka. Dahil dito, wala kang magiging karangalan mula kay Yahweh na Diyos.”

19 At nagalit si Uzias. May hawak siyang insensaryo sa kaniyang kamay upang magsunog ng insenso. Habang nagagalit siya sa mga pari, may tumubong ketong sa kaniyang noo sa harap ng mga pari sa tahanan ni Yahweh sa tabi ng altar ng insenso. 20 Tiningnan siya ng pinakapunong pari na si Azarias at ng lahat ng mga pari, at tingnan, siya ay may ketong sa kaniyang noo. Siya ay agad nilang pinalabas mula doon. Sa katunayan, nagmadali siyang lumabas dahil hinampas siya ni Yahweh.

21 Si haring Uzias ay isang ketongin hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan, at tumira sa isang hiwalay na bahay, sapagkat siya ay isang ketongin, sapagkat pinaalis siya mula sa tahanan ni Yahweh. Ang kaniyang anak na si Jotam ang namahala sa tahanan ng hari at namuno sa mga tao sa lupain.

Itinalagang Propeta si Isaias 758 B.C.

Isaias 1:1

1 Ang pangitain ni Isaias, anak ni Amos, na kaniyang nakita patungkol sa Judah at Jerusalem, sa mga araw ni Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias, ang mga hari ng Juda.

Isaias 6

1 Sa taon ng kamatayan ni Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang trono; siya ay mataas at nakaangat; at ang laylayan ng kaniyang kasuotan ay bumalot sa templo. 2 Nasa taas niya ang mga serapin, bawat isa ay mayroong anim na pakpak, dalawa ang nakatakip sa kaniyang mukha, at dalawa ang nakatakip sa kaniyang mga paa, at ang dalawa ay ginagamit niya sa paglipad. 3 Bawat isa ay nagsasabi sa isa't isa, “Banal, banal, banal si Yahweh na pinuno ng mga hukbo! Puno ng kaniyang kaluwalhatian ang buong mundo.”

4 Nayanig ang mga pinto at mga pundasyon sa mga tinig ng mga nananawagan, at napuno ng usok ang bahay.

5 Pagkatapos sinabi ko, “Kaawa-awa ako! Mapapahamak ako dahil ako ay isang taong marumi ang labi, at namumuhay kasama ng mga taong marurumi ang mga labi, dahil nakita ng aking mga mata ang Hari, si Yahweh, si Yahweh na pinuno ng mga hukbo!”

6 Pagkatapos, isang serapin ang lumipad papalapit sa akin; mayroon siyang hawak na nagbabagang uling na kinuha niya gamit ang panipit mula sa altar. 7 Idinampi niya ito sa aking bibig at sinabi, “Masdan mo, naidampi na ito sa iyong labi; ang iyong kasalanan ay nilinis at tinubos na.

8 Narinig ko ang tinig ng Panginoon na nagsasabing, “Sino ang aking isusugo? Sino ang magpapahayag para sa atin? Pagkatapos sinabi ko, “Narito ako; ako ang iyong isugo.”

9 Sinabi niya, “Humayo ka at sabihin mo sa mga taong ito, makinig man kayo, hindi kayo makauunawa; tumingin man kayo, hindi kayo makakikita. 10 Patigasin mo ang puso ng mga taong ito, gawin mong bingi ang kanilang mga tainga, at bulagin mo ang kanilang mga mata para hindi sila makakita o hindi sila makarinig at hindi makaunawa ang kanilang mga puso, at manumbalik sila sa akin at sila ay gagaling.”

11 Pagkatapos sinabi ko, “Panginoon, hanggang kailan?” Sumagot siya, “Hanggang sa mawasak ang mga lungsod at mawalan ng naninirahan dito, at mawalan ng tao ang mga bahay, at nakatiwangwang ang lupain, 12 at hanggang ipatapon ni Yahweh ang ang mga tao palayo, at tuluyang mawalan ng pakinabang ang lupain. 13 Manatili man ang ikasampung bahagi ng mga tao roon, muli itong wawasakin; gaya ng isang roble o owk na pinutol at naiwan ang katawan nito, ang banal na binhi naman ay nasa tuod na ito.”

Isaias 2

1 Ang mga nakita ni Isaias, anak ni Amos, sa isang pangitain patungkol sa Juda at Jerusalem. 2 Sa mga huling araw, ang bundok ng tahanan ni Yahweh ay itataguyod bilang pinakamataas sa mga bundok, at itataas sa tuktok ng mga burol; at dadaloy ang lahat ng bansa mula dito. 3 Maraming tao ang pupunta at magsasabing, “Halika, umakyat tayo sa bundok ni Yahweh, sa tahanan ng Diyos ni Jacob para turuan niya tayo ng kaniyang mga pamamaraan at sa gayon lumakad tayo sa kaniyang landas.” Dahil sa Sion magmumula ang batas, at ang salita ni Yahweh mula sa Jerusalem. 4 Hahatulan niya ang mga bansa at magbababa siya ng mga desisyon para sa mga tao; papandayin nila ang mga espada nila para gawing pang-araro at ang mga sibat nila para gawing tabak; hindi na huhugot ng espada ang isang bansa laban sa isang bansa o magsasanay pa para sa digmaan.

5 Lumapit ka, angkan ni Jacob, at lumakad tayo sa liwanag ni Yahweh.

6 Dahil iniwan mo ang iyong bayan, ang angkan ni Jacob, dahil puno sila ng kaugaliang galing sa silangan at sila ay mga manghuhula gaya ng mga Filisteo, at nakikipagkamay sila sa mga anak ng mga dayuhan. 7 Puno ng pilak at ginto ang lupain nila, at walang hanggan ang yaman nila; puno ng mga kabayo ang lupain nila, maging ang mga karwahe nila, hindi rin mabilang. 8 Puno rin ng diyus-diyosan ang lupain nila; sinasamba nila ang mga inukit ng sarili nilang mga kamay, mga bagay na hinulma ng mga daliri nila. 9 Yuyuko ang mga tao at magpapatirapa ang bawat isa; huwag mo silang tanggapin. 10 Pumunta kayo sa mababatong lugar at magtago kayo sa ilalim ng lupa dahil sa pagkatakot kay Yahweh at dahil sa kaluwalhatian at karangyaan niya. 11 Ibababa ang mapagmataas na titig ng mga tao, ibabagsak ang kahambugan ng mga tao at si Yawheh lang ang itataas sa araw na iyon. 12 Dahil darating ang araw ni Yahweh ng mga hukbo laban sa bawat hambog at matatayog, at laban sa mapagmataas, at siya ay babagsak — 13 at laban sa lahat ng sedar ng Lebanon na mataas at inangat, at laban sa mga owk ng Bashan, 14 at laban sa lahat ng matataas na bundok, at laban sa lahat ng itinaas na burol, 15 at laban sa bawat mataas na tore, at laban sa bawat matitibay na pader, at laban sa mga barko ng Tarsis, 16 at laban sa lahat ng magagandang barkong panglayag. 17 Ang yabang ng tao ay ibababa at ang kapalaluan ng mga tao ay babagsak; tanging si Yahweh lang ang itataas sa araw na iyon. 18 Ganap na maglalaho ang mga diyus-diyosan. 19 Pupunta ang mga tao sa mga kweba ng mga bato at mga butas ng lupa mula sa pagkatakot kay Yahweh, at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang karangyaan kapag tumayo siya para sindakin ang mundo. 20 Sa araw na iyon, itatapon ng mga tao ang mga diyus-diyosan nila na yari sa pilak at ginto na ginawa nila para sambahin nila —itatapon nila ito sa mga mowl at paniki. 21 Pupunta ang mga tao sa mga kweba ng mga bato tungo sa siwang ng mga sira-sirang bato, mula sa pagkatakot kay Yahweh at sa kaluwalhatian ng karangyaan niya, kapag tumayo siya para sindakin ang mundo. 22 Huwag na kayong magtiwala sa tao, na ang hininga ng buhay ay nasa mga ilong niya, sapagkat ano ang halaga niya?