Nananawagan sa Sangkatauhan ang Tatlong Anghel
Inilalarawan ng ikalimang bahagi ng maliit na balumbon ang aping kalagayan ng espirituwal na iglesya ng Diyos sa loob ng 1260 taon. Sa larawan ng tatlong anghel na nananawagan sa sangkatauhan, malamang na inihuhula nito ang Repormasyong pinamunuan ni Luther, ang kasalukuyang mga pagsisikap ng Inglatera na magbigay-liwanag sa sangkatauhan, at ang mas matagumpay pang pagsalungat sa kapapahan sa hinaharap.
A.D. 96
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Tumingin ako at nakita ang Kordero na nakatayo sa aking harapan sa Bundok Sion. Kasama niya ang 144, 000 siyang may pangalan at pangalan ng kaniyang Ama na naisulat sa kanilang mga noo. 2 Narinig ko ang tinig mula sa langit na tila isang dagundong ng maraming tubig at malakas na kulog. Ang tunog na narinig ko ay tulad din ng mga manunugtog na tumutugtog ng kanilang mga alpa.
3 Umawit sila ng isang bagong awit sa harapan ng trono at sa harap ng apat na buhay na nilalang at sa mga nakatatanda. Walang sinuman ang nakakaalam ng awit maliban sa 144, 000 na tinubos mula sa mundo. 4 Sila ang mga hindi dinungisan ang kanilang mga sarili sa mga babae, dahil pinanatili nila ang kanilang sarili sa pagdalisay ng sekswal. Sila ang mga sumusunod sa Kordero saan man siya pumupunta. Sila ang tinubos mula sa sangkatauhan bilang mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero. 5 Walang kasinungalingan ang natagpuan sa kanilang mga bibig; sila ay walang kapintasan.
6 Nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa alapaap, na may walang hanggang mensahe ng magandang balita para ipahayag sa mga naninirahan sa mundo — sa bawat bansa, tribo, wika, at mga tao. 7 Tumawag siya nang may malakas na tinig, “Matakot sa Diyos at bigyan siya ng kaluwalhatian. Dahil sa oras ng kaniyang paghuhukom ay dumating na. Sambahin siya, siya na lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng mga bukal ng mga tubig.
8 Isa pang anghel - ang pangalawang anghel - ay sumunod sa sinasabing “Bumagsak, bumagsak ang tanyag na Babylonia, na ginawa ang lahat ng bansa na uminom ng alak sa kaniyang sekswal na imoralidad, ang alak na nagdala ng labis na poot sa kaniya.”
9 Isa pang anghel — ang pangatlong anghel — ay sumunod sa kanila, sinasabi ang malakas na tinig, “Kung sinuman ang sumasamba sa halimaw at sa kaniyang imahe, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo o sa kaniyang kamay, 10 siya rin ay iinom ng alak ng poot ng Diyos, ang alak na inihanda at ibinuhos nang walang halo sa kopa ng kaniyang galit. Ang taong umiinom nito ay maghihirap sa apoy at asupre sa harap ng mga banal na anghel at sa harap ng Kordero. 11 Ang usok mula sa kanilang paghihirap ay aangat magpakailan pa man, at wala silang kapahingahan sa umaga o gabi — silang mga sumasamba sa halimaw at sa kaniyang imahe, at lahat ng tumatanggap ng tanda sa kaniyang pangalan.
12 Ito ay isang panawagan para sa matiyagang pagtitis ng mga mananampalataya, silang mga sumusunod sa mga kautusan ng Diyos at nananampalataya kay Jesus.”
13 Narinig ko ang isang tinig mula sa langit na sinabing, “Isulat ito: Pinagpala ang mga patay na namatay sa Panginoon.” “Oo,” sabi ng Espiritu, “kaya sila ay makapagpahinga sa kanilang mga gawain, dahil sa kanilang mga gawa ay susunod sila.”
Ang Pag-aani ng Butil at Ubas ng Poot ng Diyos
Matapos isalaysay ang nilalaman ng maliit na balumbon, nagpapatuloy ang propeta sa pagtunog ng ikatlong trumpeta ng kapighatian, kung kailan ibubuhos ang pitong mangkok, o tutunog ang pitong kulog, na ipinagbawal ng anghel na isulat ni Juan (Pahayag 10:4) hanggang sa maihayag niya ang mga propesiya ng maliit na balumbon. Ipinahayag (Pahayag 10:7) na matutupad ang hiwaga ng Diyos sa mga araw ng tinig ng ikapitong anghel. Ang kakila-kilabot na mga pangyayaring darating bago maitatag ang kaharian ni Cristo, sa pagtatapos ng 1260 taon, ay isinasalaysay sa ilalim ng mga sagisag ng pag-aani ng ubas at butil ng poot ng Diyos. Inaasahan ang tagumpay ng iglesya ng Diyos kapag natapos na ang kanyang mga paghatol.
14 Tumingin ako at nakita ko doon ang isang puting ulap, at nakaupo sa ulap ang katulad ng isang Anak ng Tao. Mayroon siyang gintong korona sa kaniyang ulo at matalim na karit sa kaniyang kamay.
15 Pagkatapos isa pang anghel ang lumabas sa templo at tumawag ng malakas sa siyang nakaupo sa ulap: “Kunin mo ang iyong karit at simulan ang pag-ani. Dahil dumating na ang panahon ng anihan, dahil ang mga aanihin sa lupa ay hinog na. 16 Pagkatapos ibinitin ng siyang nakaupo sa ulap ang kaniyang karit sa lupa, at ang lupa ay inani.
17 Isa pang anghel na lumabas mula sa templo ng kalangitan; mayroon din siyang matalim na karit. 18 May isa pang anghel ang lumabas mula sa altar, isang anghel na may kapangyarihan na apoy. Sumigaw siya nang malakas na tinig sa anghel na may matalim na karit, “Dalhin mo ang iyong matalim na karit at tipunin ang tumpok ng ubas mula sa mga puno ng ubas sa lupa, dahil ang kanilang mga ubas ay hinog na ngayon.
19 Ibinitin ng anghel ang kaniyang karit sa lupa at tinipon ang ubas na inani sa lupa at itinapon ito sa malaking lalagyan ng alak ng poot ng Diyos. 20 Pinag-aapakan sa labas ng lungsod ang pigaan ng ubas at umagos ang gudo mula dito na umabot sa taas ng preno ng kabayo, para sa 1, 600 estadio.
15:1 Pagkatapos nakita ko ang isa pang tanda sa langit, dakila at kamangha-mangha: Mayroong pitong anghel na may pitong salot, kung saan ito ang mga huling salot (dahil sa kanila ang poot ng Diyos ay tapos na).
2 Nakita ko kung ano ang lumitaw sa isang dagat ng salamin na hinaluan ng apoy, at sa tabi ng dagat nakatayo ang mga matagumpay laban sa halimaw at kaniyang imahe, at laban sa bilang ng kumakatawan sa kaniyang pangalan. Hawak nila ang mga alpa na Ibinigay sa kanila ng Diyos. 3 Inaawit nila ang awit ni Moises, ang lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero: “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Panginoong Diyos, siya na naghahari sa lahat. Matuwid at tunay ang iyong mga gawa, Hari ng mga bansa. 4 Sino ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon, at luluwalhatiin ang iyong pangalan? Dahil ikaw lamang ang banal. Lahat ng mga bansa ay pupunta at sasamba sa iyong harapan dahil ang iyong mga gawang matuwid ay naihayag.
Inihahanda ng Pitong Anghel ang mga Mangkok ng Poot
Tumunog ngayon ang ikapitong trumpeta ng kapighatian. Sa unang bahagi ng pangitain ng 1260 taon, inilarawan itong tumutunog nang matapos ang paglawak ng mga kapangyarihang Muslim (na tuluyang nagwakas noong 1698; Pahayag 11:15–18), at tinapos nito ang makahulang kasaysayan ng silangang imperyo hanggang sa panahong ibabagsak ang relihiyong iyon. Inilalarawan ang pitong anghel na naghahanda ng mga mangkok ng poot ng Diyos, upang parusahan ang lupa, at ang mga kapangyarihang Muslim, maka-papa, at hindi sumasampalataya, bago magsimula ang araw ng pandaigdigang Kristiyanismo (1698 hanggang 1860).
5 Pagkatapos ng mga bagay na ito, tumingin ako, at ang pinakabanal na lugar, kung saan ang tolda ng mga saksi, ay bumukas sa langit. 6 Mula sa pinaka banal na lugar, lumabas ang pitong anghel na may pitong salot, dinamitan ng dalisay, maliwanag na lino at may mga gintong laso ang nakapalibot sa kanilang mga dibdib.
7 Isa sa apat na buhay na nilalang ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong gintong mangkok na puno ng poot ng Diyos na nabubuhay magpakailan pa man. 8 Puno ng usok ang pinakabanal na lugar mula sa kalulwalhatian ng Diyos at mula sa kanIyang kapangyarihan. Walang sinUman ang makakapasok doon hanggang ang pitong salot ng pitong anghel ay tapos na.
16:1 Narinig ko ang isang malakas na tinig na sumisigaw mula sa dakong kabanal-banalan at sinasabi sa pitong anghel, “Lumakad kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng poot ng Diyos.”
Ang Unang Mangkok: Ang Rebolusyong Pranses
Ibinuhos ang unang mangkok, at nagsimula ang pag-aani ng poot ng Diyos. Inihula ang isang matinding kapahamakan sa pagitan ng pagtatapos ng paglaganap ng Islam at ng nalalapit na pagtatapos ng 1260 taon. Nauunawaan namin na ang pagbuhos ng mangkok na ito ay humuhula sa Rebolusyong Pranses, ang pinakakakila-kilabot na kapahamakang dumating sa mga tagasunod ng relihiyon ng papa, na ang mga epekto ay patuloy pang gumugulo sa buong sibilisadong daigdig. Ang sugat na inihulang magpapahirap sa kapapahan ay maaaring ang kawalan ng pananampalataya (1789–1791).
2 Ang unang anghel ay pumunta at ibinuhos ang kaniyang mangkok sa lupa; pangit at masasakit na sugat ang dumating sa mga tao na may tatak ng halimaw, silang mga sumamba sa kaniyang imahe.
Ang Ikalawang Mangkok: Naging Dugo ang Dagat
Ibinuhos ang ikalawang mangkok, at naging dugo ang dagat. Maaaring inilalarawan ng sagisag na ito ang madudugong digmaan at mga masaker na noon ay nagpahirap sa daigdig (1791–1794).
3 Ang ikalawang anghel ay ibinuhos ang kaniyang mangkok sa dagat; ito ay naging tulad ng dugo ng isang patay na tao, at bawat buhay na nilalang sa dagat ay namatay.
Ang Ikatlong Mangkok: Naging Dugo ang mga Ilog
Ibinuhos ang ikatlong mangkok, at naging dugo ang mga ilog at mga bukal. Maaaring kumatawan ang mga sagisag na ito sa pagdungis ng kawalan ng pananampalataya sa mga bukal ng kaalaman, at sa pagkawasak ng mas maliliit na estado ng Europa noong mga digmaan ng rebolusyon (1794–1801).
4 Ang ikatlong anghel ay ibinuhos ang kaniyang mangkok sa mga ilog at mga bukal ng tubig; ang mga ito ay naging dugo. 5 Narinig ko ang sinabi ng anghel ng mga tubig, “Ikaw ay makatarungan— ang siya ngayon at ang siya nakaraan, ang Banal — dahil ikaw ang nagdala ng mga hatol na ito. 6 Dahil ibinuhos nila ang dugo ng mga mananampalataya at mga propeta, binigyan mo sila ng dugo para inumin; ito ang nararapat sa kanila.”
7 Narinig kong sumagot ang altar, “Oo, Panginoong Diyos, siyang namumuno sa lahat, ang iyong mga hatol ay totoo at makatarungan.”
Ang Ikaapat na Mangkok: Marahil ang Imperyo ni Napoleon
Ibinuhos ang ikaapat na mangkok. Inilarawan ang daigdig na napapaso ng init ng araw. Dahil ang araw ay kilalang sagisag ng kapangyarihang maghari, maaaring ang imperyo ni Napoleon ang tinutukoy (1801–1814).
8 Ang ika-apat na anghel ay ibinuhos ang kaniyang mangkok sa araw, at binigyan ito ng pahintulot na tupukin ng apoy ang mga tao. 9 Pinaso sila ng mantinding init, kaya nilapastangan nila ang pangalan ng Diyos, siya na may kapangyarihan sa mga salot na ito. Hindi sila nagsisi o nagbigay ng kaluwalhatian sa kaniya.
Ang Ikalimang Mangkok: Nagdurusa ang mga Tagasunod ng Kapapahan
Ibinuhos ang ikalimang mangkok. Inilarawan ang mga tagasunod ng kapapahan na nasa matinding hirap at pagdurusa. Nabubuhay tayo ngayon sa ilalim ng mangkok na ito. Marahil ang sagisag na ito ay nangangahulugan ng pagkamuhi ng Roma ng kapapahan sa lumalago at hindi mapigilang pagsulong ng kaalaman, na naglalantad sa mga kahangalan at kamalian ng relihiyon ng papa nang hindi nagbubunga ng pagbabago at pagsisisi.
10 Ang ika-limang anghel ay ibinuhos ang kaniyang mangkok sa trono ng halimaw, at nabalot ng kadiliman ang kaniyang kaharian. Nginatngat nila ang kanilang mga dila sa dalamhati. 11 Nilapastangan nila ang Diyos ng langit dahil sa kanilang mga sakit at mga sugat, pero tumanggi pa rin silang magsisi sa kanilang mga ginawa.
Ang Ikaanim na Mangkok: Humihina ang Imperyong Turko
Ibinuhos ang ikaanim na mangkok. Sa panahong ito, nalalapit na ang pagtatapos ng 1260 taon. Inilalarawan ng mga sagisag sa ilalim ng mangkok na ito ang mas nalalapit, bagaman unti-unti pa rin, na pagbagsak ng imperyong Turko, ang paghahanda para sa pagpapanumbalik ng mga Judio, at ang pagsisimula ng malaking alyansa ng mga kapangyarihang laban sa Kristiyanismo upang labanan ang iglesya ni Cristo sa Palestina, sa ilalim ng impluwensiya ng masasamang prinsipyo o mga huwad na relihiyon.
12 Ang ika-anim na anghel ay ibinuhos ang kaniyang mangkok sa malaking ilog, ang Eufrates, at ang tubig nito ay natuyo para maihanda ang daan para sa mga hari na nanggagaling sa silangan.
13 Nakita ko ang tatlong maruruming mga espiritu na tulad ng mga palaka na lumalabas mula sa bibig ng dragon, ng halimaw, at ng bulaang propeta. 14 Dahil sila ay mga espiritu ng demonyo na gumagawa ng mga kamangha-manghang tanda. Pupunta sila para tipunin ang mga hari ng buong mundo para sa digmaan sa dakilang araw ng Diyos, siya na namumuno sa lahat.
15 (“Bantayan mo! Darating ako na parang isang magnanakaw! Pinagpala ang siyang nananatiling nagmamatyag, pinapanatiling suot ang kaniyang mga damit para hindi sila lumabas ng hubad at makita nila ang kaniyang nakakahiyang kalagayan.”)
16 Sama-sama silang dinala sa lugar na tinatawag na Armagedon sa Hebreo.