Sinunog ang Templo sa Jerusalem (continued)

588 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Awit 94

1 Yahweh, ang Diyos na naghihiganti, magliwanag ka sa amin. 2 Bumangon ka, hukom ng mundo, ibigay mo sa mapagmalaki kung ano ang nararapat sa kanila. 3 Yahweh, gaano magtatagal ang kasamaan, gaano magtatagal ang kaligayahan ng masasama? 4 Nagbubuhos sila ng pagmamataas at mapanghamon na mga salita, at nagmamayabang silang lahat. 5 Wawasakin nila ang iyong bayan, Yahweh; sinasaktan nila ang bansa na nabibilang sa iyo. 6 Pinapatay nila ang balo at ang dayuhan, at pinapaslang nila ang mga ulila. 7 Sinasabi nila, “Hindi makikita ni Yahweh, ang Diyos ni Jacob ay hindi mapapansin ito.” 8 Unawain ninyo, kayong mangmang; kayong mga hangal, kailan kayo matututo? 9 Siya na lumikha ng tainga, hindi ba niya naririnig? Siyang naghulma ng mata, hindi ba siya nakakakita? 10 Siya na dumidisiplina ng mga bansa, hindi ba niya tinatama? Siya ang nagbigay ng kaalaman sa tao. 11 Alam ni Yahweh ang isipan ng mga tao, na sila ay masama. 12 Pinagpala siya na iyong tinuruan, Yahweh, siya na tinuruan mo mula sa iyong batas. 13 Binigyan mo siya ng kapahingahan sa oras ng kaguluhan hanggang ang isang hukay ang binungkal para sa masasama. 14 Dahil hindi iiwanan ni Yahweh ang kaniyang mga tao o pababayaan ang kanyang pag-aari. 15 Dahil mananaig ang katarungan; at lahat ng matuwid ay susunod. 16 Sino ang babangon para ipagtanggol ako mula sa mga gumagawa ng masama? Sino ang tatayo para sa akin laban sa mga masasama? 17 Maliban na lang kung si Yahweh ang aking naging tulong, sa kalaunan, ako ay hihiga sa lugar ng katahimikan. 18 Nang sinabi ko, “Ang aking paa ay nadudulas,” ang iyong katapatan sa tipan, Yahweh, ay itinaas ako. 19 Kapag ang mga alalahanin na nasa akin ay nagbabadya na tabunan ako, ang iyong kaginhawaan ang nagpapasaya sa akin. 20 Kaya ba ng masasamang mga pinuno na makiisa sa iyo, silang mga gumawa ng walang katarungan sa pamamagitan ng alituntunin? 21 Sila ay magkasama na nagsasabwatan para kunin ang buhay ng matuwid at kanilang sinsusumpa sa kamatayan ang walang sala. 22 Pero si Yahweh ang naging matayog kong tore, at ang aking Diyos ang naging bato sa aking kanlungan. 23 Dadalhin niya sa kanila ang kanilang sariling labis na kasalanan at puputulin niya ang sarili nilang kasamaan. Si Yahweh ang ating Diyos ang puputol sa kanila.

2 Mga Hari 24:17–20

17 Ginawa ng hari ng Babilonia si Matanias, ang kapatid na lalaki ng ama ni Jehoiakin, na hari kapalit niya, at pinalitan sa Zedekias ang kaniyang pangalan.

18 Si Zedekias ay dalawampu't isang taong gulang nang nagsimula siyang maghari; naghari siya nang labing isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Hamutal; siya ay anak ni Jeremias na taga-Libna.

19 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh - ginawa niya ang lahat ng bagay na nagawa ni Jehoiakim.

20 Dahil sa galit ni Yahweh, nangyari sa Jerusalem at Juda ang lahat ng mga kaganapang ito, hanggang sa mapalayas niya sila mula sa kaniyang presensya. Pagkatapos naghimagsik si Zedekias laban sa hari ng Babilonia.

Jeremias 52:4

4 Nangyari na sa ikasiyam na taon ng paghahari ni Haring Zedekias, sa ikasampung buwan, at sa ikasampung araw ng buwan, dumating si Nebucadnezar na hari ng Babilonia, kasama ang lahat ng kaniyang mga hukbo laban sa Jerusalem. Nagkampo sila sa kabila nito, at nagtayo sila ng pader sa palibot nito.

Jeremias 39:2

2 Sa ikalabing isang taon at ika-apat na buwan ni Zedekias, sa ikasiyam na araw ng buwan, nawasak ang lungsod.

Jeremias 39:4–9

4 Nangyari nang makita sila ni Zedekias, na hari ng Juda, at ng lahat ng kaniyang mga mandirigmang kalalakihan, tumakas sila. Lumabas sila sa gabi mula sa lungsod sa pamamagitan ng daanan sa hardin ng hari, sa tarangkahan sa pagitan ng dalawang mga pader. Umalis ang hari patungo sa Araba. 5 Ngunit hinabol sila ng hukbo ng mga Caldeo at naabutan si Zedekias sa mga kapatagan sa lambak ng Ilog Jordan malapit sa Jerico. Pagkatapos, binihag nila siya at dinala kay Nebucadnezar na hari ng Babilonia, sa Ribla sa lupain ng Hamat, kung saan binigyan siya ng hatol ni Nebucadnezar.

6 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekias sa kaniyang harapan sa Ribla. Pinatay din niya ang lahat ng mga maharlikang tao ng Juda. 7 At tinanggal niya ang mga mata ni Zedekias at iginapos sa kadenang tanso upang dalhin siya sa Babilonia.

8 At sinunog ng mga Caldeo ang tahanan ng hari at ang mga tahanan ng mga tao. Ibinagsak din nila ang mga pader ng Jerusalem.

9 Si Nebuzaradan, ang kapitan ng mga tagapagbantay ng hari ay dinalang bihag ang natirang mga tao sa lungsod. Kabilang dito ang mga taong tumakas upang kumampi sa mga Caldeo at ang mga taong naiwan sa lungsod.

2 Mga Hari 25:3–21

3 Sa ika-siyam na araw ng ika-apat na buwan ng taong iyon, napakatindi ng taggutom sa lungsod kung kaya't walang pagkain para sa mga mamamayan ng lupain. 4 Pagkatapos pinasok ang lungsod, at kinagabihan tumakas ang lahat ng mga lumalaban na kalalakihan sa gabi sa pamamagitan ng tarangkahan sa pagitan ng dalawang pader, sa may hardin ng hari, kahit na nasa buong paligid ng lungsod ang mga Caldean. Pumunta ang hari patungo sa Araba. 5 Pero hinabol ng hukbo ng mga Caldean si Haring Zedekias at inabutan siya sa mga kapatagan ng lambak ng Ilog Jordan malapit sa Jerico. Lahat ng kaniyang hukbo ay nagkaniya-kaniyang takas palayo mula sa kaniya. 6 Binihag nila ang hari at dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, kung saan hinatulan siya nila. 7 Tungkol sa mga anak na lalaki ni Zedekias, pinatay nila sila sa harap ng kaniyang paningin. Pagkatapos dinukot niya ang kaniyang mga mata, ginapos sa mga tansong tanikala, at dinala siya sa Babilonia.

8 Ngayon sa ika-limang buwan, sa ika-pitong araw ng buwan, na nasa ika-labing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar hari ng Babilonia at pinuno ng kaniyang mga tanod, dumating sa Jerusalem si Nebuzaradan, isang lingkod ng hari ng Babilonia. 9 Sinunog niya ang tahanan ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at ang lahat ng mga bahay sa Jerusalem; sinunog din niya ang bawat mahalagang gusali sa lungsod. 10 Tungkol sa lahat ng mga pader na nakapaligid sa Jerusalem, winasak ang mga iyon ng lahat ng hukbo ng mga taga-Babilonia na nasa ilalim ng pinuno ng mga tanod.

11 Tungkol sa nalalabing mga tao na naiwan sa lungsod, ang mga sumuko sa hari ng Babilonia, at ang nalalabi sa populasyon - itinapon sila ni Nebuzaradan, ang pinuno ng tanod. 12 Pero iniwan ng pinuno ng tanod ang ilan sa pinakamahihirap ng bayan para gumawa sa mga ubasan at mga bukirin.

13 Tungkol sa mga haliging tanso na nasa tahanan ni Yahweh, at ang mga patungan at ang tansong dagat na nasa tahanan ni Yahweh, pinagpira-piraso ang mga iyon ng mga Caldean at dinala ang tanso sa Babilonia. 14 Ang mga palayok, pala, lalagyan ng abo, kutsara, at lahat ng mga kagamitang tanso na ginamit ng mga pari para maglingkod sa templo - tinangay rin ng mga Caldean lahat ng mga iyon. 15 Ang mga palayok para alisin ang mga abo at ang mga hugasan na gawa sa ginto, at ang mga gawa sa pilak - kinuha rin ang mga iyon ng kapitan ng bantay ng hari.

16 Ang dalawang haligi, ang dagat, at ang mga patungan na ginawa ni Solomon para sa tahanan ni Yahweh ay naglalaman ng tanso na higit pa kaysa kayang timbangin. 17 Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang tansong kapitel sa ibabaw nito. Ang kapitel ay tatlong siko ang taas, na may mga sala-salang palamuti at mga granada sa paligid ng kapitel - lahat gawa sa tanso. Ang ikalawang haligi at ang sala-salang palamuti nito ay kapareho ng una.

18 Binihag ng pinuno ng tanod si Seraya, ang punong pari, kasama ni Zefanias, ang ikalawang pari, at ang tatlong bantay ng tarangkahan. 19 Mula sa lungsod, binihag niya ang isang opisyal na tagapamahala ng mga sundalo, at limang lalaki sa mga tagapayo ng hari, na nasa lungsod pa. Binihag niya rin ang opisyal ng hukbo ng hari na namamahala sa pangangalap ng mga lalaking papasok sa hukbo, kasama ang animnapung mahahalagang lalaki mula sa lupain na nasa lungsod.

20 Pagkatapos kinuha sila at dinala ni Nebuzaradan, ang pinuno ng tanod, sa hari ng Babilonia sa Ribla. 21 Ipinapatay sila ng hari ng Babilonia sa Ribla sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan, naitinapon ang Juda mula sa lupain nito.