Bahagi 6: Ang Paghahari ni Ahazias

Ang Kaharian ng Juda

884 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Hari 8:25

25 Nang ikalabindalawang taon ni Joram anak ni Ahab, hari ng Israel, si Ahazias anak ni Jehoram, hari ng Juda, ay nagsimulang maghari.

2 Mga Cronica 22:1–7

1 Hinirang ng mga naninirahan sa Jerusalem si Ahazias na bunsong anak ni Jehoram bilang hari kapalit niya; sapagkat pinatay ng pangkat ng mga kalalakihang dumating sa kampo na kasama ng mga Arabo ang kaniyang mga nakatatandang anak na lalaki. Kaya naging hari si Ahazias na anak ni Jehoram na hari ng Juda. 2 Apatnapu't dalawang taong gulang si Ahazias nang siya ay nagsimulang maghari; naghari siya ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Atalia; siya ang babaeng anak ni Omri.

3 Siya ay lumakad din sa mga kaparaanan ng sambahayan ni Ahab dahil ang kaniyang ina ang tagapayo sa paggawa ng mga masasamang bagay. 4 Ginawa ni Ahazias ang mga masasamang bagay sa paningin ni Yahweh, tulad ng mga ginagawa ng sambahayan ni Ahab dahil sila ang kaniyang mga naging tagapayo matapos mamatay ang kaniyang ama, sa kaniyang pagkawasak.

5 Sinunod din niya ang kanilang mga payo; sumama siya kay Joram na lalaking anak ni Ahab na hari ng Israel, upang labanan si Hazael na hari ng Aram, sa Ramot-gilead. Nasugatan ng mga taga-Aram si Joram. 6 Si Joram ay bumalik sa Jezreel upang magamot ang kaniyang mga sugat na kaniyang nakuha sa Ramah, nang lumaban siya kay Hazael na hari ng Aram. Kaya si Ahazias na lalaking anak ni Jehoram na hari ng Juda ay bumaba sa Jezreel upang makita si Joram na lalaking anak ni Ahab, dahil si Joram ay sugatan.

7 Ngayon, ang pagkawasak ni Ahazias ay kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagbisita ni Ahazias kay Joram. Nang siya ay dumating, pumunta siya kasama ni Jehoram upang salakayin si Jehu na lalaking anak ni Namsi, ang pinili ni Yahweh upang wasakin ang sambahayan ni Ahab.

2 Mga Hari 9:27

27 Nang makita ito ni Ahazias ang hari ng Juda, tumakas siya sa daan ng Beth Haggan. Pero sumunod si Jehu sa kaniya, at sinabi, “Patayin din siya sa karwahe,” at siya ay pinana nila pag-ahon sa Gur, na nasa Ibleam. Tumakas si Ahazias patungo sa Meggido at namatay doon.

2 Mga Cronica 22:8–9

8 Nangyari nga, nang dala-dala ni Jehu ang kahatulan sa sambahayan ni Ahab, natagpuan niya ang mga pinuno ng Juda at ang mga lalaking anak ng kapatid ni Ahazias na naglilingkod kay Ahazias. Sila ay pinatay ni Jehu.

9 Hinanap ni Jehu si Ahazias; nahuli nilang nagtatago siya sa Samaria, dinala siya kay Jehu at siya ay pinatay. At siya ay kanilang inilibing, dahil sinabi nila, “Siya ay anak ni Jehoshafat, na buong pusong sumunod kay Yahweh.” Kaya ang sambahayan ni Ahazias ay wala nang kapangyarihan upang mamuno sa kaharian.

2 Mga Hari 9:28–29

28 Binuhat ng kaniyang mga lingkod ang kaniyang katawan sa isang karwahe tungo sa Jerusalem at inilibing siya sa kaniyang puntod kasama ang kaniyang mga ninuno sa lungsod ni David.

29 Ngayon nasa ikalabing-isang taon ni Joram anak ni Ahab na sinimulan ni Ahazias maghari sa Juda.

2 Mga Hari 8:26–29

26 Si Ahazias ay dalawamput-dalawang taong gulang nang magsimulang maghari; naghari siya ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang ina ay si Atalia; siya ay anak na babae ni Omri, hari ng Israel.

27 Lumakad si Ahazias sa pamamaraan ng sambahayan ni Ahab; ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, gaya ng ginagawa ng sambahayan ni Ahab, dahil si Ahazias ay isang manugang na lalaki sa sambahayan ni Ahab.

28 Pumunta si Ahazias kasama si Joram anak ni Ahab, para makipaglaban kay Hazael, hari ng Aram, sa Ramoth-galaad. Sinugatan ng mga Aramean si Joram. 29 Nagbalik si Haring Joram para magpagaling sa Jezreel sa mga sugat na ginawa ng mga Aramean sa kaniya sa Rama, nang nakipaglaban siya kay Hazael hari ng Aram. Kaya si Ahazias anak ni Jehoram, hari ng Juda, ay bumababa sa Jezreel para makita si Joram anak ni Ahab, dahil siya ay nasugatan.

Ang Kaharian ng Israel 885 B.C.

Nagwakas ang Paghahari ni Joram sa Israel

Ang Sabwatan ni Hazael

2 Mga Hari 8:7–15

7 Nagpunta si Eliseo sa Damasco kung saan si Ben-Hadad ang hari ng Aram ay may sakit. Sinabi sa hari, “Ang lingkod ng Diyos ay naparito.”

8 Sinabi ng hari kay Hazael, “Magdala ka ng isang regalo at salubungin ang lingkod ng Diyos, at sumangguni kay Yahweh sa pamamagitan niya, sinasabing, 'Gagaling ba ako mula sa sakit na ito?”

9 Kaya nagpunta si Hazael para salubungin siya at dala niya ang isang regalo ng bawat uri ng mabubuting bagay sa Damasco, na dala ng apatnapung kamelyo. Kaya nagpunta si Hazael at tumayo sa harap ni Eliseo at sinabi, “Ipinadala ako sa iyo ng iyong anak na si Ben-Hadad hari ng Aram, tinatanong kung, 'Gagaling ba ako mula sa sakit na ito?”

10 Sinabi ni Eliseo sa kaniya, “Lumakad ka, sabihin kay Ben-Hadad, 'Siguradong gagaling ka,' pero ipinakita sa akin ni Yahweh na siya ay siguradong mamamatay.”

11 Pagkatapos tumitig si Eliseo kay Hazael hanggang siya ay mapahiya, at ang lingkod ng Diyos ay umiyak.

12 Tinanong ni Hazael, “Bakit ka umiiyak, aking panginoon?” Kaniyang sinagot, “Dahil nalalaman ko ang kasamaan na iyong gagawin sa bayan ng Israel. Susunugin mo ang kanilang mga kutang tanggulan, at papatayin mo ang kanilang mga kabataang lalaki gamit ang espada, dudurugin ang kanilang mga maliliit na bata, at bibiyakin ang tiyan ng kanilang babaeng buntis.”

13 Tumugon si Hazael, “Sino ang iyong lingkod, na dapat gumawa nitong dakilang bagay? Siya ay isang aso lamang.” Sumagot si Eliseo, “Ipinakita sa akin ni Yahweh na ikaw ang maghahari sa Aram,” 14 Pagkatapos iniwan ni Hazael si Eliseo at nagpunta sa kaniyang panginoon, na sinabi sa kaniya, “Ano ang sinabi ni Eliseo sa iyo?” Sumagot siya, “Sinabi niya sa akin na ikaw ay tiyak na gagaling.” 15 Nang sumunod na araw kinuha Hazael ang kumot at nilublob ito sa tubig, at inilatag ito sa mukha ni Ben-Hadad kaya siya ay namatay. Pagkatapos si Hazael ay naging hari na kapalit niya.