Bahagi 5: Dumalaw ang Reyna ng Seba kay Solomon (continued)

Ang kadakilaan ni Solomon, at ang pagdalaw ng Reyna ng Seba.

992 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

1 Mga Hari 10:1–13

1 Nang mabalitaan ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon tungkol sa pangalan ni Yahweh, pumunta siya para subukin si Solomon sa pamamagitan ng mga mahihirap na tanong. 2 Dumating siya sa Jerusalem kasama ang isang napakahabang karawan, mga kamelyo na punong-puno ng mga pabango, maraming ginto, at maraming mga mamahaling bato. Nang siya ay dumating, sinabi niya kay Solomon lahat ng nasa loob ng kaniyang puso. 3 Sinagot ni Solomon lahat ng kaniyang mga katanungan. Wala ni isa man na kaniyang mga tanong ang hindi sinagot ng hari.

4 Nang makita ng reyna ng Seba ang lahat ng karunungan ni Solomon, ang palasyo na kaniyang itinayo, 5 ang pagkain sa kaniyang hapag-kainan at mga tirahan ng kaniyang mga lingkod at kanilang mga gawain at kanilang mga kasuotan, at saka mga taga-silbi niya ng inumin at ang paraan kung paano siya nag-alay ng mga handog na susunugin sa templo ni Yahweh, wala ng espiritu sa kaniya.

6 Sinabi niya sa hari, “Totoo nga, ang balita na aking narinig sa sarili kong lupain tungkol sa iyong mga salita at iyong karunungan. 7 Hindi ko mapaniwalaan ang aking narinig hanggang sa dumating ako rito, at ngayon ay nakita ito ng aking mga mata. Wala pa pala sa kalahati ang nasabi sa akin tungkol sa iyong karunungan at kayamanan! Nahigitan mo ang katanyagan na aking nabalitaan. 8 Pinagpala ang iyong bayan, at pinagpala ang iyong mga lingkod na palaging nasa iyong harapan, dahil naririnig nila ang iyong karunungan. 9 Nawa ay purihin si Yahweh ang inyong Diyos, na nalulugod sa iyo, na siyang naglagay sa iyo sa trono ng Israel. Dahil walang hanggang minahal ni Yahweh ang Israel, ginawa ka niyang hari, para gumawa ka ng katarungan at katuwiran.

10 Binigyan niya ang hari ng 120 talentong ginto at malaking halaga ng mga pabango at mga mamahaling mga bato. Wala nang mas higit pang halaga ng mga pabango tulad nitong mga ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon ay kailanman naibigay pa muli sa kaniya.

11 Ang mga barko ni Hiram, na nagdala ng ginto mula sa Ofir, ay nagdala rin mula sa Ofir ng napakaraming kahoy na algum at mga mamahaling bato. 12 Gumawa ang hari ng mga haligi gamit ang kahoy na algum para sa templo ni Yahweh at para sa palasyo ng hari, at mga alpa at mga lira para sa mga mang-aawit. Wala nang mas madami pang bilang ng kahoy na algum ang dumating o nakita pa muli hanggang sa araw na ito.

13 Ibinigay lahat ni Haring Solomon ang lahat ng maibigan ng reyna ng Seba, anuman ang hiniling niya, karagdagan sa mga ibinigay ni Solomon ayon sa kaniyang maharlikang kabutihang-loob. Kaya bumalik siya sa kaniyang sariling lupain kasama ang kaniyang mga lingkod.

1 Mga Hari 9:17–23

17 Kaya muling itinayo ni Solomon ang Gezer at Beth-Horon sa bandang Ibaba, 18 ang Baalat at Tadmor sa ilang sa lupain ng Juda, 19 at sa lahat ng mga imbakang lungsod na pag-aari niya, at mga lungsod para sa kaniyang mga karwahe at mga lungsod para sa kaniyang mangangabayo, at anumang mga hinangad niyang itayo para sa kanyang kasiyahan sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa lahat ng mga lupain na nasa ilalim ng kaniyang pamumuno.

20 Sa lahat ng mga tao na natira sa mga Amoreo, sa mga Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo, na hindi kabilang sa bayan ng Israel, 21 ang kanilang mga kaapu-apuhan na naiwan nila sa lupain, mga taong hindi lubusang napuksa ng mga mamamayan ng Israel— ginawa sila ni Solomon bilang mga sapilitang manggagawa, kung saan ganoon pa rin sila hanggang sa araw na ito.

22 Gayon man, hindi ginawang mga sapilitang manggagawa ang mga Israelita. Sa halip, naging mga sundalo sila at kaniyang mga lingkod, at kaniyang mga opisyales at kaniyang mga pinuno at mga pinuno ng kaniyang hukbo ng karwahe at kaniyang mga mangangabayo. 23 Ito ang mga pangunahing pinuno na namahala sa mga tagapangsiwa ng mga gawain ni Solomon, 550 katao, na nangasiwa sa mga taong gumawa ng gawain.

2 Mga Cronica 8:18

18 Pinadalhan siya ni Hiram ng mga barko na pinangangasiwaan ng mga opisyal na may kaalaman tungkol sa karagatan. Pumunta sila sa Ofir kasama ang mga lingkod ni Solomon. Mula doon, nag-uwi sila ng 450 talentong ginto para kay Haring Solomon.

2 Mga Cronica 9:13–28

13 Ang timbang ng gintong dumadating kay Solomon sa loob ng isang taon ay 666 talento ng ginto, 14 hindi pa kabilang ang ginto na idinadala sa kaniya ng mga negosyante at mangangalakal. Nagdala rin ng ginto at pilak kay Solomon ang lahat ng hari sa Arabia at mga gobernador sa bansa.

15 Gumawa si Haring Solomon ng dalawang daan na malalaking mga kalasag na gawa sa pinanday na ginto. Anim na raang siklo ng ginto ang nagamit sa paggawa sa bawat isa. 16 Gumawa rin siya ng tatlong daang mga kalasag na gawa sa pinanday na ginto. Tatlong mina ng ginto ang nagamit sa paggawa sa bawat isa. Inilagay ng hari ang mga ito sa Palasyo ng Kagubatang Lebanon.

17 At nagpagawa ang hari ng isang napakalaking trono ng garing at binalot ito ng pinakamagandang ginto. 18 Mayroon anim na baitang paakyat sa trono at pabilog ang likod ng tuktok ng trono. May mga patungan ng kamay sa magkabilang bahagi ng trono at may dalawang leon na nakatayo sa magkabilang bahagi ng patungan ng kamay. 19 May labindalawang imahe ng leon ang nakatayo sa bawat baitang, isa sa bawat gilid ng bawat anim na baitang. Walang tronong katulad nito sa ibang kaharian.

20 Ang lahat ng kopang iniinuman ni Haring Solomon ay mga ginto at ang lahat ng kopang iniinuman sa Palasyo ng Kagubatang Lebanon ay mga purong ginto. Walang pilak dahil ang pilak itinuturing na hindi mahalaga sa kapanahunan ni Solomon. 21 Ang hari ay may pangkat ng mga barko sa karagatan kasama ang mga barko ni Hiram. Minsan sa bawat ika-tatlong taon, nagdadala ang pangkat ng mga barko ng ginto, pilak at garing at ng mga gorilya at malalaking unggoy.

22 Kaya nahigitan ni Haring Solomon ang lahat ng mga hari sa buong mundo sa kayamanan at karunungan. 23 Hinahangad ng buong daigdig na makaharap si Solomon upang mapakinggan ang kaniyang karunungan na inilagay ng Diyos sa kaniyang puso. 24 Nagdadala ang mga bumibisita ng mga pagpaparangal, mga sisidlang gawa sa pilak at ginto, mga damit, baluti at mga sangkap, gayundin ng mga kabayo at mola. Nagpatuloy ito taun-taon.

25 May apat na libong kuwadra si Solomon para sa mga kabayo at mga karwahe at labindalawang libong mangangabayo, na kaniyang inilagay sa mga lungsod ng mga karwahe at sa kaniya sa Jerusalem. 26 Pinamumunuan niya ang lahat ng hari mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Ehipto. 27 May pilak ang hari sa Jerusalem, na kasindami ng mga bato sa lupa. Ginawa niyang sagana ang kahoy na sedar katulad ng punong sikamoro na nasa mababang lugar. 28 Nagdala sila ng mga kabayo para kay Solomon galing sa Ehipto at mula sa lahat ng lupain.

2 Mga Cronica 1:14–17

14 Nagtipon si Solomon ng mga karwahe at mangangabayo: at nagkaroon siya ng 1, 400 na mga karwahe at labindalawang libong mangangabayo na inilagay niya sa lungsod na pinag-iimbakan ng mga karwahe, at sa kaniya rin, na hari ng Jerusalem. 15 Ginawa ng hari ang pilak at ginto na pangkaraniwan sa Jerusalem na parang mga bato at ginawa niyang pangkaraniwan ang sedar na kahoy tulad ng mga puno ng sikamorong nasa mababang mga lupain.

16 Sa pag-aangkat ng mga kabayo mula sa Ehipto at Cilicia para kay Solomon, binili ng kaniyang mga mangangalakal ang mga ito mula sa Cilicia sa mataas na halaga. 17 Nag-angkat sila ng karwahe mula sa Ehipto sa halagang anim na raang siklong pilak at kabayo sa halagang 150 siklo. Iniluluwas din nila ang mga ito sa mga hari ng Heteo at sa mga Arameo.

2 Mga Cronica 9:1–12

1 Nang mabalitaan ng reyna ng Sheba ang katanyagan ni Solomon, pumunta siya sa Jerusalem upang subukin siya ng mga mahihirap na tanong. Dumating siya nang may napakaraming dala at kasama, mga kamelyo na may pasang mga pampalasa, maraming ginto, at maraming mamahaling bato. 2 Nang pumunta siya kay Solomon, sinabi niya sa kaniya ang lahat ng nasa kaniyang puso. Sinagot ni Solomon ang lahat ng kaniyang tanong; walang mahirap para kay Solomon; walang tanong na hindi niya nasagot.

3 Nang makita ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon, at ang palasyo na kaniyang itinayo, 4 ang pagkain sa kaniyang mesa, ang ayos ng kaniyang mga lingkod, ang mga gawain ng kaniyang mga lingkod at ang kanilang kasuotan, gayundin ang kaniyang mga tagahawak ng saro at ang kanilang kasuotan, at ang pamamaraan ng kaniyang paghahandog ng handog na susunugin sa tahanan ni Yahweh, nawalan siya ng loob.

5 Sinabi niya sa hari, “Totoo nga ang balita na narinig ko sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga salita at karunungan. 6 Hindi ako naniwala sa aking narinig hanggang sa nakarating ako dito at ngayon, nakita ito ng aking mga mata. Wala pa sa kalahati ang sinabi sa akin tungkol sa iyong karunungan at kayamanan! Nahigitan mo ang katanyagan na aking narinig. 7 Pinagpala ang iyong mga tao at ang iyong mga tagapaglingkod na palaging nakatayo sa iyong harapan dahil naririnig nila ang iyong karunungan. 8 Purihin si Yahweh na iyong Diyos na nalugod sa iyo at naglagay sa iyo sa trono upang maging hari ni Yahweh na iyong Diyos. Dahil mahal ng iyong Diyos ang Israel, ginawa ka niyang hari ng lahat upang patatagin sila magpakailanman upang gawin mo kung ano ang makatarungan at makatuwiran!”

9 Binigyan niya ang hari ng 120 talento ng ginto at napakaraming sangkap at mga mamahaling bato. Hindi na nakatanggap si Haring Solomon ng kasing dami ng mga sangkap na ibinigay sa kaniya ng reyna ng Sheba 10 Ang mga lingkod ni Hiram at ang mga lingkod ni Solomon, na nag-uwi ng mga ginto mula sa Ofir ay nagdala rin ng mga kahoy na algum at mga mamahaling bato. 11 Gamit ang kahoy na algum, gumawa ang hari ng mga hagdan para sa tahanan ni Yahweh at para sa kaniyang tahanan, at ng mga arpa at liro para sa mga musikero. Walang pang nakikitang kahoy na katulad nito nang panahong iyon sa lupain ng Juda.

12 Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang lahat ng gusto niya, anuman ang hiniling niya, na karagdagan sa kaniyang dinala sa hari. Kaya umalis siya at umuwi sa kaniyang sariling lupain kasama ang kaniyang mga lingkod.