Bahagi 12: Sa Anino Kasama si Jesus
Martes ng hapon hanggang Huwebes ng gabi ng Linggo ng Pasyon, AD 30 (o 29). Jerusalem
Sinisikap ngayon ni Jesus na ihanda ang mga alagad para sa trahedya ng kaniyang kamatayan at sa pagpapatuloy ng kaniyang gawain kapag wala na siya.
Ang Dakilang Pangangaral Tungkol sa mga Huling Panahon
Habang nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, nagsalita si Jesus sa kaniyang mga alagad, gamit ang apokaliptikong pananalita, tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem at sa kaniyang sariling ikalawang pagparito. Ang dakilang pangangaral tungkol sa mga huling bagay.
(Martes ng hapon)
A.D. 30 o 29
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Mateo 24:1–25:46
24:1 Lumabas si Jesus mula sa templo at nagpatuloy sa kaniyang pupuntahan. Nilapitan siya ng mga alagad niya upang ipakita sa kaniya ang mga gusali ng templo.
2 Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, “Hindi ba ninyo nakikita ang lahat ng mga ito? Totoo itong sinasabi ko sa inyo, wala ni isa mang bato na maiiwang nakapatong sa isa pang bato na hindi guguho.”
3 Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sarilinang lumapit ang mga alagad sa kaniya at sinabi nila, “Sabihin mo sa amin, kung kailan mangyari ang mga ito? Ano ang magiging palatandaan sa inyong pagparito at ang katapusan ng mundo?”
4 Sumagot si Jesus sa kanila at sinabi, “Mag-ingat kayo na walang makahikayat sa inyo na mailigaw kayo.
5 Sapagkat marami ang paririto sa aking pangalan. Sasabihin nila, 'Ako ang Cristo,' at marami ang maililigaw.
6 Makaririnig kayo ng mga digmaan at mga balita tungkol sa digmaan. Tingnan ninyo na hindi kayo mababalisa, sapagkat kailangang mangyari ang mga ito; ngunit hindi pa ito ang katapusan.
7 Sapagkat lalabanan ng isang bansa ang kapwa bansa, at kaharian sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng mga taggutom at mga lindol sa iba't ibang mga lugar.
8 Ngunit lahat ng mga ito ay simula pa lamang ng sakit ng paghilab ng babaeng manganganak.
9 Pagkatapos nito, dadalhin nila kayo sa kapighatian at papatayin kayo. Kasusuklaman kayo ng lahat ng mga bansa ng dahil sa pangalan ko.
10 At marami ang matitisod at ipagkanulo nila ang isa't isa, at kasusuklaman nila ang isa't isa. 11 Marami ang lilitaw na mga bulaang propeta at ililigaw nila ang marami.
12 Dahil lalaganap ang katampalasanan, ang pag-ibig ng karamihan ay lalamig.
13 Ngunit kung sino ang makapagtitiis hanggang sa katapusan, siya ang maliligtas.
14 Itong ebanghelyo ng kaharian ay ipangangaral sa buong mundo bilang patotoo sa lahat ng mga bansa. At pagkatapos nito darating na ang katapusan.
15 Kaya, kapag makita na ninyo ang kasuklamsuklam na kalagiman, na sinabi ng propetang si Daniel, na nakatayo na sa banal na lugar (unawain ito ng nagbabasa),
16 kailangang tumakas silang mga nasa Judea patungo sa kabundukan,
17 iyong nasa taas ng kanilang bahay huwag nang bumaba upang kumuha ng anumang nasa bahay,
18 at iyong nasa bukid huwag nang bumalik upang kumuha ng kaniyang balabal.
19 Ngunit aba sila na mga nagdadalang tao at ang mga nagpapasuso ng mga anak nila sa panahong iyon!
20 Ipanalangin ninyo na ang pagtatakas ninyo ay hindi mangyari sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. 21 Sapagkat magkaroon ng matinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula pa sa simula ng mundo hanggang ngayon, hindi, hindi na muling mangyayari kailanpaman. 22 Maliban na lamang kung paiikliin ang mga araw na iyon, wala ni isa mang laman ang maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, ang mga araw na iyon ay paiikliin.
23 Kaya kung mayroong magsasabi sa inyo na, ''Tingnan ninyo, narito ang Cristo!' o 'Nariyan ang Cristo!' huwag ninyong paniwalaan.
24 Sapagkat darating ang mga bulaang Cristo at mga bulaang propeta at magpapakita ng kahanga-hangang palatandaan at kababalaghan, upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang.
25 Tingnan ninyo, ipinagpauna ko ng sabihin ito sa inyo.
26 Kaya kapag pagsinasabi nila sa inyo, 'Tingnan ninyo, ang Cristo ay nasa sa ilang', huwag kayong pumunta sa ilang. O, 'Tingnan ninyo, siya ay nasa loobang silid, huwag ninyong paniwalaan ito. 27 Sapagkat katulad ng pagliwanag ng kidlat galing sa silangan at pagkislap nito sa kanluran, ganoon din ang pagdating ng Anak ng Tao. 28 Kung saan man naroroon ang patay na hayop, doon din magtitipon ang mga buwitre.
29 Ngunit agad-agad pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon, ang araw ay didilim, hindi na magliwanag ang buwan, malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig.
30 Pagkatapos nito, ang palatandaan ng Anak ng Tao ay lilitaw sa himpapawid, at kakabugin ng lahat ng mga tribu ang kanilang mga dibdib. Makikita nila ang Anak ng Tao na darating mula sa langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
31 Susuguin niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta, at titipunin nila ang lahat ng kaniyang hinirang mula sa apat na mga hangin, mula sa isang dulo ng kalangitan hanggang sa kabilang dulo.
32 Pag-aralan ninyo ang aral mula sa puno ng igos. Kapag nananariwa na ang mga sanga at nagdadahon na ito, alam na ninyo na malapit na ang tag-araw.
33 Gayun din naman, kung makikita ninyo ang lahat ng mga ito, dapat malaman ninyo na malapit na siya, nasa tarangkahan na.
34 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, ang salinlahing ito ay hindi lilipas hanggang mangyari ang lahat ng ito.
35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko ay hindi kailanman lilipas.
36 Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon, walang nakakaalam kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak, tanging ang Ama lamang. 37 Katulad sa kapanahunan ni Noe, ganoon din ang pagparito ng Anak ng Diyos. 38 Dahil katulad sa mga araw bago ang baha, sila ay nagkainan at nag-inuman, nag-aasawa at pinahintulutan ang mga anak nila na mag-asawa hanggang sa pumasok si Noe sa arka, 39 at wala silang kaalam-alam hanggang sa dumating ang baha at kinuha silang lahat—ganoon din sa pagparito ng Anak ng Tao. 40 Sa panahong iyon ay may dalawang tao na nasa bukid — ang isa ay kukunin at ang isa naman ay maiiwan. 41 Dalawang babae ang naggigiling sa gilingan — ang isa ay kukunin at ang isa naman ay maiiwanan.
42 Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.
43 Ngunit alamin ninyo ito, kung alam lang sana ng amo ng tahanan kung anong oras darating ang magnanakaw, nagbantay sana siya at hindi niya hinayaang mapasukan ang kaniyang bahay. 44 Kaya kailangang maghanda kayo, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.
45 Kaya sino ang matapat, matalino na utusan na pinagkatiwalaan ng kaniyang amo sa kaniyang sambahayan, upang magbigay ng kanilang pagkain sa tamang panahon? 46 Pinagpala ang utusan na iyon, na maratnan ng kaniyang among gumagawa nito sa kaniyang pagdating. 47 Totoo itong sinasabi ko sa inyo na ipamamahala ng amo sa kaniya ang lahat ng kaniyang ari-arian.
48 Ngunit kung may masamang utusan na magsasabi sa puso niya, 'Naantala ang aking amo,' 49 at nagsimulang mamalo ng kapwa niyang utusan, at makipagkainan at makipag-inuman sa mga lasingero, 50 darating ang amo ng bahay na iyon sa araw na hindi inaasahan ng utusan, sa oras na hindi niya alam. 51 Hahatiin siya sa dalawa ng kaniyang amo at gagawin ang kaniyang kapalaran katulad ng sasapitin ng mga mapagkunwari, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin.
25:1 Ang kaharian ng langit ay magiging katulad ng sampung birhen na nagdala ng kanilang mga ilawan at pumuntang sumalubong sa lalaking ikakasal. 2 Ang lima sa kanila ay hangal at ang lima ay matatalino. 3 Sapagkat noong dinala ng limang hangal na birhen ang kanilang mga ilawan, hindi sila nagdala ng karagdagang langis. 4 Ngunit yung limang matatalinong birhen ay nagdala ng mga langis sa lalagyan kasama ng kanilang ilawan. 5 Ngayon habang naantala ang lalaking ikakasal, lahat sila ay inantok at nakatulog.
6 Ngunit noong hating gabi na ay may sumigaw, 'Tingnan ninyo ang lalaking ikakasal! Pumunta na kayo at salubungin siya.'
7 Kaya't tumayo ang lahat ng mga birhen at inayos ang kanilang mga ilawan. 8 Sabi ng mga hangal sa mga matatalino, 'Bigyan ninyo kami ng inyong langis sapagkat nauubusan na ang aming ilawan.'
9 Ngunit sumagot at sinabi ng mga matatalino, 'Dahil hindi na sapat ang mga ito para sa amin at sa inyo, pumunta nalang kayo doon sa mga nagbebenta at bumili kayo para sa inyong mga sarili.'
10 Habang umalis sila upang bumili, dumating ang lalaking ikakasal at ang mga nakahanda na ay sumama sa kaniya sa handaan ng kasal at isinara ang pintuan.
11 Pagkatapos nito ang ibang mga birhen ay dumating din at nagsabi, 'Panginoon, panginoon, pagbuksan ninyo kami.'
12 Ngunit sumagot siya at nagsabi, 'Totoo itong sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo kilala.'
13 Kaya kailangan kayong magbantay, sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.
14 Sapagkat ito ay katulad ng isang taong maglalakbay sa ibang bansa. Tinawag niya ang sarili niyang mga utusan at ipinagkatiwala sa kanila ang kaniyang kayamanan. 15 Ang isa sa kanila ay binigyan niya ng limang talento, ang isa naman ay binigyan niya ng dalawa at ang isa naman ay binigyan niya ng isang talento. Nakatanggap ang bawat isa ayon sa kaniya-kaniyang kakayahan, at ang taong iyon ay pumunta sa kaniyang paglalakbay.
16 Agad-agad ang nakatanggap ng limang talento ay umalis at ipinuhunan niya ang mga ito at nagkaroon pa siya ng limang talento. 17 Ganoon din ang nakatanggap ng dalawang talento, nagkaroon din ng dalawa pa. 18 Ngunit ang utusan na nakatanggap ng isang talento ay umalis, naghukay sa lupa at itinago ang pera ng kaniyang amo.
19 Pagkalipas ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga utusan at nakipagsulit sa kanila. 20 Dumating ang utusan na nakatanggap ng limang talento at nagdala ng lima pang talento, at sinabi niya, “Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng lima pang talento.'
21 Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting mga bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.'
22 Dumating din ang utusan na nakatanggap ng dalawang talento, at sinabi niya, 'Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Tingnan mo, nagkaroon ako ng dalawa pang talento.'
23 Sinabi ng amo sa kaniya, 'Magaling, mabuti at matapat na utusan! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Gagawin kitang tagapamahala sa maraming bagay. Makibahagi ka sa kagalakan ng iyong amo.'
24 Pagkatapos nito, ang utusan na nakatanggap ng isang talento ay dumating at nagsabi, 'Panginoon, alam ko na mahigpit kang tao. Gumagapas ka kung saan hindi ka nagtanim, at umaani kung saan hindi ka naghasik. 25 Natakot ako, kaya ako ay umalis at itinago ko ang inyong talento sa lupa. Tingnan mo, nandito ang pagmamay-ari mo.'
26 Ngunit sumagot ang kaniyang amo at sinabi sa kaniya, 'Ikaw na masama at tamad na utusan, alam mo naman na gumagapas ako kung saan hindi ako nagtanim at umaani kung saan hindi ako naghasik. 27 Kaya ibinigay mo sana ang pera ko sa mga tagabangko, upang sa aking pagdating natanggap ko na may tubo ang aking pera.
28 Kaya kunin ninyo ang talento sa kaniya at ibigay ninyo doon sa mayroong sampung talento. 29 Sapagkat kung sinuman ang mayroon, mas marami pa ang ibibigay — mas masagana pa. Subalit kung sino ang walang pagmamay-ari, kahit ang nasa sa kaniya ay kukunin pa. 30 Itapon ang walang silbing utusan sa kadiliman sa labas, kung saan mayroong pagtatangis at pagngangalit ng mga ngipin.
31 Pagdating ng Anak ng Tao sa kaniyang kaluwalhatian at kasama ang lahat ng kaniyang mga anghel, uupo siya sa kaniyang marangal na trono. 32 Sa harap niya magtitipon ang lahat ng mga bansa, at pagbubukud-bukurin niya ang mga tao sa isa't isa, katulad ng pastol na hinihiwalay ang tupa at kambing. 33 Ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan ngunit ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.
34 At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, 'Halikayo, pinagpala kayo ng aking Ama, mamanahin ninyo ang kaharian na inihanda para sa inyo mula pa noong likhain ang mundo. 35 Sapagkat ako ay nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain; ako ay nauhaw at binigyan ninyo ako ng inumin; ako ay dayuhan at pinatuloy ninyo ako; 36 ako ay hubad at dinamitan ninyo ako, ako ay may sakit at inalagaan ninyo ako; ako ay nasa kulungan at pinuntahan ninyo ako.
37 At sasagot ang mga matuwid at sasabihin, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom at pinakain, o nauhaw at binigyan ng inumin? 38 at kailan ka namin nakitang dayuhan at pinatuloy ka? O hubad at dinamitan? 39 At kailan ka namin nakita na may sakit, o nakulong at pinuntahan ka namin?'
40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, totoo itong sinasabi ko sa inyo, kung ano man ang nagawa ninyo sa mga hamak kong kapatid dito, ginawa ninyo ito sa akin.'
41 At sasabihin niya sa mga nasa kaniyang kaliwa, 'Lumisan kayo sa akin, kayong sinumpa, sa apoy na walang hanggan na inihanda para sa diyablo at sa kaniyang mga anghel, 42 sapagkat ako ay nagutom ngunit hindi ninyo ako binigyan ng pagkain; nauhaw ako ngunit hindi ninyo ako binigyan ng inumin; 43 ako ay isang dayuhan ngunit hindi ninyo ako pinatuloy, hubo't hubad ngunit hindi ninyo ako dinamitan, may sakit at nasa kulungan, ngunit hindi ninyo ako inalagaan.
44 At sasagot din sila at sasabihin, “Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, o nauhaw, o dayuhan, o hubad, o may sakit, o nasa kulungan, at hindi kayo pinaglingkuran?'
45 At sasagot siya sa kanila at magsabi, 'Totoo itong sasabihin ko sa inyo, anumang hindi ninyo ginawa sa mga pinakahamak na ito, hindi ninyo ginawa sa akin.'
46 Ang mga ito ay pupunta sa walang katapusang parusa ngunit ang matuwid, sa buhay na walang hanggan.”
Marcos 13:1–37
13:1 Habang si Jesus ay naglalakad papalayo mula sa templo, sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, “Guro, tingnan mo ang kamangha-manghang mga bato at mga gusali!”
2 Sinabi niya sa kaniya, “Nakikita ba ninyo ang naglalakihang mga gusali na ito? Walang isa mang bato ang matitira sa ibabaw ng kapwa bato, ang lahat ay maguguho.”
3 Nang umupo siya sa Bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan at Andres,
4 “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga ito? Ano ang magiging palatandaan na ang lahat na ito ay malapit nang mangyari?”
5 Nagsimulang magsalita si Jesus sa kanila, “Mag- ingat kayo na walang sinuman ang magligaw sa inyo.
6 Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, 'Ako siya,' at ililigaw nila ang karamihan.
7 Kapag nakarinig kayo ng mga digmaan, at mga balita ng digmaan, huwag kayong mag-alala; dapat mangyari ang mga bagay na ito, ngunit hindi pa ito ang wakas.
8 Sapagkat makikipaglaban ang isang bansa sa kapwa niya bansa, at ang kaharian laban sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng mga lindol sa maraming lugar at mga tag-gutom. Ito ang mga pasimula ng paghihirap na tulad ng isang babaing manganganak.
9 Maging mapagbantay kayo. Dadalhin nila kayo sa mga konseho, at kayo ay bubugbugin sa mga sinagoga. Haharap kayo sa mga hari at mga gobernador alang-alang sa akin, bilang isang patotoo sa kanila. 10 Ngunit ang ebanghelyo ay dapat munang maihayag sa lahat ng mga bansa. 11 Kapag hinuli nila kayo at ipasakamay sa iba, huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong dapat sabihin. Dahil sa oras na iyon, ibibigay sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin; hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Banal na Espiritu.
12 Ipasakamay ng isang kapatid ang kaniyang kapatid sa kamatayan, at ang isang ama naman ang kaniyang anak. Ang mga anak ay lalaban sa kanilang mga magulang at ipapapatay nila sila. 13 Kayo ay kamumuhian ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit sinuman ang makatitiis hanggang sa wakas, ang taong iyon ay maliligtas.
14 Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na lagim na nakatayo kung saan ito hindi dapat nakatayo (intindihin ng bumabasa), tumakas papunta sa mga bundok ang mga nasa Judea,
15 ang mga nasa bubungan ay huwag ng bumaba pa sa loob ng bahay, o magdala ng ano pa man mula doon,
16 at ang mga nasa bukirin ay huwag ng umuwi upang kunin ang kanilang balabal.
17 Ngunit aba silang mga nagdadalang-tao at nagpapasuso ng mga sanggol sa mga panahong iyon!
18 Ipanalangin ninyong huwag itong mangyari sa panahon ng tag-lamig. 19 Sapagkat magkakaroon ng matinding kahirapan na wala pang kagaya mula nang simula, nang likhain ng Diyos ang daigdig hanggang sa ngayon at wala nang mangyayari pa na katulad nito. 20 Maliban na lang kung paiksiin ng Panginoon ang mga araw, walang sinuman ang maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang na mga pinili niya, paiiksiin niya ang bilang ng mga araw.
21 At kung may nagsabi sa inyong, 'Tingnan ninyo, nandito ang Cristo!' o 'Tingnan ninyo, nandito siya' huwag ninyo itong paniwalaan.
22 Sapagkat lilitaw ang mga bulaang Cristo at bulaang mga propeta at magbibigay ng mga himala at kababalaghan upang linlangin, kung maaari, maging ang mga hinirang.
23 Maging mapagbantay kayo! Ngayon pa lang ay sinabi ko na ang mga bagay na ito sa inyo.
24 Ngunit pagkatapos ng matinding kahirapan sa mga araw na iyon, ang araw ay didilim at ang buwan ay hindi na magliliwanag, 25 ang mga bituwin ay mahuhulog mula sa langit at ang kapangyarihan na nasa kalangitan ay mayayanig.
26 Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating mula sa mga ulap taglay ang dakila nitong kapangyarihan at kaluwalhatian.
27 Pagkatapos ipapadala niya ang kaniyang mga anghel upang tipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo, mula sa mga dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.
28 Matuto kayo ng aral mula sa puno ng igos. Sa oras na maging malambot ang sanga nito at magsimulang sumibol ang mga dahon, alam ninyong malapit nang dumating ang tag-araw.
29 Gayon din, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, alam ninyong malapit na siyang darating, malapit sa mga tarangkahan.
30 Totoo ang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito hanggang hindi nangyayari ang lahat ng mga ito.
31 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking salita ay hinding-hindi lilipas.
32 Ngunit patungkol sa araw o sa oras na iyon, walang sinuman ang nakakaalam, maging ang mga anghel sa langit o maging ang Anak, tanging ang Ama lamang.
33 Maging handa kayo! Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung sa anong oras ito.
34 Katulad ito ng isang lalaking naglakbay: umalis siya sa bahay niya at ipinagkatiwala sa kaniyang mga lingkod ang pamamahala sa kaniyang bahay, ang bawat isa ay may kani-kaniyang gawain. At inutusan niya ang tagapagbantay na manatiling gising.
35 Kaya magbantay kayo! Sapagkat hindi ninyo alam kung kailan uuwi ang amo ng tahanan, maaaring sa gabi, sa hating gabi, kapag tumilaok ang tandang, o sa umaga. 36 Kung bigla siyang dumating, huwag ninyong hayaan na madatnan niya kayong natutulog. 37 Kung ano ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Magbantay kayo!”
Lucas 21:5–36
21:5 Habang pinag-uusapan ng ilan ang templo, kung paano ito pinalamutihan ng magagandang bato at mga handog, kaniyang sinabi, 6 “Patungkol sa mga bagay na ito na inyong nakikita, darating ang mga araw na wala ni isang bato ang maiiwan sa ibabaw ng isa pang bato na hindi babagsak.”
7 Kaya't siya ay kanilang tinanong, “Guro, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging palatandaan kapag malapit ng mangyari ang mga bagay na ito?”
8 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo malinlang. Sapagkat maraming darating sa pangalan ko, magsasabi, 'Ako ay siya' at, 'Malapit na ang panahon.' Huwag kayong sumunod sa kanila.
9 Kapag kayo ay nakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong masindak, sapagkat kinakailangang mangyari muna ang mga bagay na ito, ngunit ang wakas ay hindi kaagad na magaganap.”
10 At sinabi niya sa kanila, “Titindig ang isang bansa laban sa bansa, at kaharian laban sa kaharian. 11 Magkakaroon ng mga malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakaroon ng taggutom at mga salot. Magkakaroon ng mga kakila-kilabot na pangyayari at mga dakilang palatandaan mula sa langit.
12 Ngunit bago ang lahat ng ito, dadakipin nila kayo at uusigin, ibibigay kayo sa mga sinagoga at sa mga bilangguan, dadalhin kayo sa harapan ng mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan.
13 Ito ay magbibigay-daan ng pagkakataon para sa inyong patotoo. 14 Kaya pagtibayin ninyo sa inyong puso na huwag ihanda ang inyong isasagot nang maagang panahon, 15 sapagkat ibibigay ko sa inyo ang mga salita at karunungan, na hindi malalabanan at matutulan ng lahat ng iyong kaaway.
16 Ngunit kayo ay ibibigay din ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan, at papatayin nila ang iba sa inyo. 17 Kayo ay kamumuhian ng lahat dahil sa aking pangalan. 18 Ngunit hindi mawawala kahit isang buhok sa inyong ulo. 19 Sa inyong pagtitiis ay makakamtan ninyo ang inyong mga kaluluwa.
20 Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng mga hukbo, kung gayon malalaman ninyo malapit na ang pagkawasak nito.
21 Kung magkagayon, ang mga nasa Judea ay magsitakas patungo sa mga bundok, at lahat ng mga nasa kalagitnaan ng lungsod ay umalis, at ang mga nasa bayan ay huwag pumasok doon.
22 Sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti, upang matupad ang lahat ng nasusulat.
23 Sa aba ng mga nagdadalang-tao at sa mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat magkakaroon ng matinding kapighatian sa lupain, at poot sa mga taong ito.
24 At sila ay babagsak sa pamamagitan ng talim ng espada at sila ay dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa, at ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Gentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Gentil.
25 Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. At sa lupa, magkakaroon ng kapighatian sa mga bansa, na walang pag-asa dahil sa dagundong ng dagat at sa mga alon. 26 Manlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at dahil sa inaasahang darating sa mundo. Sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan ng kalangitan.
27 At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
28 Ngunit kapag magsisimulang mangyari ang mga bagay na ito, tumindig kayo, at tumingala, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”
29 Nagsabi si Jesus ng talinghaga sa kanila, “Tingnan ninyo ang puno ng igos, at ang lahat ng mga puno. 30 Kapag ang mga ito ay umusbong, nakikita ninyo mismo at nalalaman na malapit na ang tag-araw.
31 Gayon din naman, kapag nakita ninyo na nangyayari na ang mga bagay na ito, nalalaman ninyong nalalapit na ang kaharian ng Diyos.
32 Totoo, sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang ang salinlahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.
33 Ang langit at lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.
34 Ngunit bigyang-pansin ang inyong mga sarili, upang hindi magnais ang inyong mga puso ng kahalayan, kalasingan, at mga alalahanin sa buhay. Sapagkat darating ang araw na iyon sa inyo nang biglaan 35 na gaya ng bitag. Sapagkat darating ito sa lahat ng naninirahan sa ibabaw ng buong mundo.
36 Ngunit maging mapagmatiyag kayo sa lahat ng oras, nananalangin na kayo ay magkaroon ng sapat na lakas upang matakasan ninyo ang lahat ng ito na magaganap, at upang tumayo sa harapan ng Anak ng Tao.”