Ang Talumpati Habang Papunta sa Getsemani
Posibleng sa lansangan
A.D. 30 o 29
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
Juan 15:1–16:33
15:1 Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga ng ubasan. 2 Inaalis niya sa akin ang bawat sanga na hindi nagbubunga, at nililinis niya ang bawat sanga na nagbubunga upang ito ay lalong mamunga ng higit pa. 3 Kayo ay malinis na dahil sa mensahe na sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at ako sa inyo. Katulad ng sanga na hindi maaring magbunga sa kaniyang sarili, maliban na ito ay nananatili sa puno, kaya hindi rin kayo maaring magbunga, maliban kung kayo ay mananatili sa akin.
5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang mananatili sa akin at ako sa kaniya, ang tao ring ito ay namumunga ng marami, sapagka't wala kayong magagawa kung kayo ay hiwalay sa akin. 6 Ang sinumang hindi nanatili sa akin, tinatapon siya katulad ng sanga at natutuyo; tinitipon ng mga tao ang mga sanga at itinatapon ang mga ito sa apoy, at ang mga ito ay sinusunog. 7 Kung kayo ay mananatili sa akin, at kung ang aking mga salita ay mananatili sa inyo, humingi kayo ng anumang nais ninyo, at ito ay gagawin para sa inyo. 8 Sa ganito ay naluluwalhati ang aking Ama na kayo ay mamunga ng marami at na kayo ay maging aking mga alagad.
9 Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, kayo rin ay minahal ko, manatili kayo sa aking pagmamahal. 10 Kung tutuparin ninyo ang aking mga kautusan, mananatili kayo sa aking pagmamahal katulad ng pagtutupad ko sa mga kautusan ng Ama at nanatili sa kaniyang pagmamahal. 11 Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa inyo upang ang aking kagalakan ay sumainyo at upang ang inyong kagalakan ay maging lubos.
12 Ito ang akin kautusan, na dapat ninyong mahalin ang isa't isa katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang sinuman ang nagmahal na hihigit pa rito, na kaniyang inaalay ang kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan.
14 Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang mga bagay na iniuutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod, dahil hindi nalalaman ng lingkod kung ano ang ginagawa ng kaniyang Panginoon. Tinawag ko kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng mga bagay na narinig ko mula sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin ngunit pinili ko kayo at itinalaga kayo na humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Ito ay upang kung anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ibibigay niya ito sa inyo. 17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, na magmahalan kayo sa isa't isa.
18 Kung kinamumuhian kayo ng mundo, alam ninyo na kinamuhian muna ako nito bago kayo kamuhian nito. 19 Kung kayo ay sa mundo, mamahalin kayo ng mundo bilang sa kaniya; ngunit dahil hindi kayo sa mundo, at dahil pinili ko kayo mula sa mundo, sa kadahilanang ito kayo ay kinamumuhian ng mundo.
20 Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo. 'Ang lingkod ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon'. Kung inusig nila ako, uusigin din nila kayo; kung sinunod nila ang aking salita, susundin din nila ang sa inyo. 21 Gagawin nila ang lahat ng mga bagay na ito sa inyo dahil sa aking pangalan sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila, hindi sana sila nagkasala; subali't ngayon wala silang maidadahilan para sa kanilang kasalanan.
23 Ang namumuhi sa akin ay namumuhi rin sa akin Ama. 24 Kung hindi ko sana ginawa sa kanilang kalagitnaan ang mga gawain na hindi pa nagawa ninuman; hindi sana sila nagkaroon ng kasalanan, ngunit ngayon, pareho na nilang nakita at kinamuhian ako at ang aking Ama. 25 Ito ay nangyayari upang ang salita ay matupad na ayon sa nakasulat sa kanilang kautusan: Kinamumuhian nila ako ng walang kadahilanan.”
26 Kapag darating na ang Manga-aliw na siyang aking isusugo sa inyo mula sa Ama, na ang Espiritu ng katotohanan, na nanggaling mula sa Ama, magpapatotoo siya tungkol sa akin. 27 Magpapatotoo rin kayo dahil kasama ko na kayo mula pa sa simula.
16:1 Sinabi ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo matisod. 2 Palalayasin nila kayo sa mga sinagoga; tunay nga na darating ang oras na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang gumagawa siya ng mabuting gawain para sa Diyos. 3 Gagawin nila ang mga bagay na ito dahil hindi nila nakikilala ang Ama o ako. 4 Sinabi ko ang mga bagay na ito sa inyo upang kung ang oras ay dumating para ang mga ito ay mangyari, maaari ninyong maalala ang mga ito at kung paano ko sinabi sa inyo ang mga bagay tungkol sa mga ito. Hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito noong simula dahil ako ay kasama ninyo.
5 Subalit, ngayon ako ay pupunta sa kaniya na nagsugo sa akin, ngunit wala ni isa man sa inyo ang nagtanong sa akin: “ Saan ka pupunta?” 6 Dahil sa sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito, napuno ng kalungkutan ang inyong puso. 7 Gayunpaman, sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyo na ako ay lumisan; dahil kung hindi ako lilisan; hindi darating sa inyo ang Manga-aliw, subalit kung ako ay lilisan, susuguin ko siya sa inyo.
8 Sa kaniyang pagdating, ipahahayag ng Mangaaliw sa mundo tungkol sa kasalanan, tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghuhukom— 9 tungkol sa kasalanan, dahil hindi sila naniniwala sa akin, 10 tungkol sa katuwiran, dahil ako ay pupunta sa Ama, at hindi na ninyo ako makikita, 11 at tungkol sa paghuhukom, dahil ang prinsipe ng mundong ito ay nahatulan na.
12 Maraming mga bagay akong sasabihin sa inyo, subalit hindi ninyo mauunawaan ang mga ito sa ngayon. 13 Subalit, kapag siya na Espiritu ng Katotohanan ay dumating, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan: dahil hindi siya magsasalita mula sa kaniyang sarili, ngunit anumang mga bagay ang naririnig niya, sasabihin niya ang mga ito, at ihahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. 14 Luluwalhatiin niya ako, dahil kukunin niya ang mga bagay na akin, at ihahayag ang mga ito sa inyo. 15 Ang lahat ng anumang bagay na mayroon ang Ama ay akin. Kaya nga sinabi ko na kukunin ng Espritu ang mga bagay na akin at ihahayag ang mga ito sa inyo.
16 Sa kaunting panahon na lamang, ako ay hindi na ninyo makikita, pagkatapos muli ng kaunting panahon makikita ninyo ako.”
17 Ang ilan sa mga alagad ay nagsabi sa isa't -isa, “Ano itong sinasabi niya sa atin, 'Sa kaunting panahon at hindi na ninyo ako makikita,' at muli 'Sa kaunting panahon at makikita ninyo ako' at 'Dahil ako ay pupunta sa Ama?' 18 Kaya nga sinabi nila, “Ano nga ito na sinabi niya, 'Sa kaunting panahon?' Hindi natin alam ang sinasabi niya.”
19 Nakita ni Jesus na sila ay sabik na tanungin siya, at sinabi niya sa kanila, “Tinatanong ba ninyo ang inyong mga sarili tungkol dito, na aking sinabi, 'Sa kaunitng panahon ay hindi na ninyo ako makikita; at matapos ang kaunting panahon, muling makikita ninyo ako?' 20 Tunay nga na sinasabi ko sa inyo, kayo ay mananangis at mananaghoy, subalit ang mundo ay magagalak; kayo ay magdadalamhati subalit ang inyong dalamhati ay magiging kagalakan. 21 Ang babae ay may dalamhati kapag siya ay nakararamdam ng pananakit ng tiyan dahil ang oras ng kaniyang panganganak ay malapit na; ngunit kapag naipanganak na niya ang bata, hindi na niya naaalala ang sakit dahil sa kaniyang kagalakan na isang sanggol ay naipanganak na sa mundo. 22 Kayo rin, may dalamhati kayo ngayon, ngunit makikita ko kayong muli; at ang inyong puso ay magagalak, at walang sinumang makapag-aalis ng kagalakang ito mula sa inyo.
23 Sa araw na iyon, hindi kayo magtataong ng kahit anong tanong. Tunay nga na sinasabi ko sa inyo, kung anuman ang hingin ninyo sa Ama, ibibigay niya ito sa inyo sa aking pangalan. 24 Hanggang ngayon wala pa kayong hinihinging anuman sa aking pangalan; humingi kayo at kayo ay tatanggap upang ang inyong kagalakan ay maging lubos.
25 Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito sa nakakubling wika, ngunit ang oras ay darating, na hindi na ako magsasalita sa inyo sa nakakubling wika, ngunit sa halip sasabihin ko ng malinaw ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon kayo ay hihingi sa aking pangalan, at hindi ko sinasabi na ako ay dadalangin sa Ama para sa inyo; 27 dahil ang Ama mismo ay nagmamahal sa inyo, dahil minahal ninyo ako at sapagka't kayo ay naniwala na ako ay nagmula sa Ama. 28 Nagmula ako sa Ama, at ako ay dumating sa mundo; muling lilisanin ko ang mundo at ako ay pupunta sa Ama.
29 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya, “Tingnan mo, ngayon ay nagsasalita ka sa amin ng malinaw at hindi gumagamit ng matalinghagang pananalita. 30 Ngayon alam na namin na nalalaman mo ang lahat ng mga bagay at hindi mo kailangan ang sinuman upang ikaw ay tanungin ng mga katanungan. Dahil dito naniniwala kami na ikaw ay nagmula sa Diyos.
31 Sinagot sila ni Jesus, “Naniniwala na ba kayo?” 32 Tingnan ninyo, ang oras ay paparating, oo at dumating na nga, na kayo ay magkakahiwa-hiwalay, bawa't isa sa kaniyang sariling pag-aari, at iiwanan ninyo akong mag-isa. Subalit ako ay hindi nag-iisa dahil ang Ama ay kasama ko. 33 Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito upang magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin. Sa mundo, kayo ay mayroong mga kabalisahan, subalit lakasan ninyo ang inyong loob; napagtagumpayan ko na ang mundo.