Ang Kamatayan ni Josias

610 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Cronica 35:20–24

20 Pagkatapos ng lahat ng ito, pagkatapos isaayos ni Josias ang templo, si Neco na hari ng Ehipto ay pumunta upang makipaglaban sa Carquemis sa ilog ng Eufrates at pumunta si Josias upang labanan siya. 21 Ngunit nagpadala ng mga sugo si Neco sa kaniya at sinabing, “Ano ang gagawin ko sa iyo, hari ng Juda? Hindi ako naparito upang labanan ka sa araw na ito kundi laban sa sambahayan na aking kinakalaban. Inutusan ako ng Diyos na magmadali, kaya huwag mong hadlangan ang Diyos, na siyang kasama ko, kung hindi ay wawasakin ka niya.”

22 Gayun pa man, ayaw tumalikod ni Josias sa kaniya. Nagbalatkayo siya upang makipaglaban sa kaniya. Hindi siya nakinig sa mga salita ni Neco na nagmula sa bibig ng Diyos, kaya pumunta siya upang makipaglaban sa lambak ng Megido. 23 Napana ng mga mamamana si Haring Josias, at sinabi ng hari sa kaniyang mga lingkod, “Ilayo ninyo ako, dahil malubha akong nasugatan.”

24 Kaya inilabas siya ng kaniyang mga lingkod sa karwahe at isinakay sa ibang karwahe. Siya ay dinala sa Jerusalem, kung saan siya namatay. Inilibing siya sa libingan ng kaniyang mga ninuno. Ang lahat ng Juda at Jerusalem ay nagluksa para kay Josias.

2 Mga Hari 23:25–27

25 Bago kay Josias, walang naging hari na tulad niya, na nagtalaga ng sarili kay Yahweh nang kaniyang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas, na sinunod ang lahat ng batas ni Moises. Ni walang sinumang haring kasunod na katulad ni Josias.

26 Pero hindi bumaling si Yahweh mula sa bangis ng kaniyang matinding galit, na nag-alab laban sa Juda dahil sa lahat ng pagsambang pagano na kung saan inudyok siya ni Manases. 27 Kaya sinabi ni Yahweh, “Aalisin ko rin ang Juda mula sa aking paningin, tulad ng pag-aalis ko sa Israel, at itatapon ko ang lungsod na ito na aking pinili, Jerusalem, ang tahanan na sinabi kong, 'Malalagay doon ang aking pangalan.'”

2 Mga Cronica 35:25–27

25 Nagdalamhati si Jeremias para kay Josias. Nagdadalamhati ang lahat ng mga lalaki at mga babaeng mang-aawit kay Josias hanggang sa araw na ito. Naging kaugalian sa Israel ang mga awit na ito kaya isinulat ang mga ito sa mga awiting pangluksa.

26 Para sa mga iba pang usapin tungkol kay Josias at ang kaniyang mga mabubuting gawa bilang pagsunod sa nasusulat sa kautusan ni Yahweh— 27 at ang kaniyang mga gawain, mula sa umpisa hanggang sa huli ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel.

2 Mga Cronica 34:1–2

1 Walong taong gulang si Josias nang magsimula siyang maghari. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem. 2 Ginawa niya kung ano ang tama sa mga mata ni Yahweh at sumunod sa mga yapak ni David na kaniyang ninuno, at hindi lumingon sa kanan man o sa kaliwa.

2 Mga Hari 22:3–23:3

3 Nangyari ito sa ika-labing walong taon ni Haring Josias, nang isinugo niya si Safan anak na lalaki ni Azalias anak na lalaki ni Mesulam, ang eskriba, sa tahanan ni Yahweh, na sinasabing, 4 Pumunta ka kay Hilkias ang punong pari at sabihin sa kaniyang bilangin ang pera na dinala sa tahanan ni Yahweh, na nalikom ng mga bantay ng templo mula sa bayan. 5 Ipadala mo ito sa kanila sa mga manggagawa na namamahala sa tahanan ni Yahweh at ipabigay mo ito sa mga manggagawa na nasa tahanan ni Yahweh, para kumpunihin ang mga sira sa templo. 6 Magpabigay ka sa kanila ng pera sa mga karpintero, mga nagtatayo, at mga mason, at para bumili rin ng troso at magtabas ng bato para kumpunihin ang templo.” 7 Pero hindi kinailangan ang pagbibigay-sulit para sa pera na ibinigay sa kanila, dahil tapat nila itong pinanghawakan.

8 Sinabi ng punong pari na si Hilkias kay Safan, ang eskriba, “Natagpuan ko ang Aklat ng Batas sa tahanan ni Yahweh. Kaya ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan, at binasa niya ito.

9 Pumunta si Safan at dinala ang aklat sa hari, at nag-ulat din sa kaniya, na nagsasabing, “Nagastos na ng inyong mga lingkod ang pera na natagpuan sa templo at ibinigay ito sa mga tagapangsiwa na nangalaga sa tahanan ni Yahweh.”

10 Pagkatapos sinabi ni Safan ang eskriba sa hari, “Binigyan ako ni Hilkias ang pari ng isang aklat.” Pagkatapos binasa ito ni Safan sa hari.

11 Noong marinig ng hari ang mga salita ng batas, pinunit niya ang kaniyang mga damit. 12 Inutusan ng hari sina Hilkias ang pari, Ahikam na anak ni Safan, Akbor na anak ni Mikaias, Safan ang eskriba, at Asaias, ang kaniyang sariling lingkod, na sinasabing, 13 “Pumunta kayo at sumangguni kay Yahweh para sa akin, at para sa bayan at para sa lahat ng Juda, dahil sa mga salita ng aklat na ito na natagpuan. Dahil labis ang galit ni Yahweh na nag-alab laban sa atin. Labis ito, dahil hindi nakinig ang ating mga ninuno sa mga salita ng aklat na ito para sundin ang lahat na isinulat tungkol sa atin.”

14 Kaya pumunta sina Hilkias ang pari, Ahikam, si Akbor, Safan at Asaias kay Hulda ang babaeng propeta, ang asawa ni Sallum anak ni Tikva anak ni Harhas, tagapag-ingat ng mga kasuotan ng mga pari (nanirahan siya sa Jerusalem sa ikalawang purok), at nagsalita sila sa kaniya.

15 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: “Sabihin mo sa lalaking nagsugo sa iyo sa akin, 16 “Ito ang kung ano ang sinasabi ni Yahweh: “Masdan mo, malapit na akong magdala ng sakuna sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, lahat ng mga salita ng aklat na nabasa ng hari ng Juda. 17 Dahil tinalikuran nila ako at nagsunog ng insenso sa ibang mga diyus-diyosan, para galitin nila ako sa lahat ng kanilang mga ginawa - kaya ang aking galit ay nag-alab laban sa lugar na ito, at hindi ito mapapawi.'”

18 Pero sa hari ng Juda, na nagsugo sa iyo para tanungin ang kalooban ni Yahweh, ito ang kung ano ang sasabihin ninyo sa kaniya: ' Sinasabi ito ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig: 19 dahil ang iyong puso ay malambot, at dahil nagpakumbaba ka sa harap ni Yahweh, nang marinig mo ang kung ano ang aking sinabi laban sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, na sila ay pababayaan at magiging isang sumpa, at dahil sa pinunit mo ang iyong mga damit at nanangis sa harap ko, nakinig din ako sa iyo' - ito ang pahayag ni Yahweh.

20 Masdan mo, isasama kita sa iyong mga ninuno; maisasama ka sa iyong libingan nang may kapayapaan, ni makikita ng iyong mga mata ang anuman sa mga sakuna na dadalhin ko sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito.” Kaya bumalik sa hari ang mga lalaki dala-dala ang mensaheng ito.

23:1 Kaya nagpadala ng mga sugo ang hari na tinipon sa kaniya lahat ng mga nakatatandang pinuno ng Juda at ng Jerusalem. 2 Pagkatapos pumunta ang hari sa tahanan ni Yahweh, at kasama niya ang lahat ng mga lalaki ng Juda at lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem, at ang mga pari, mga propeta, at lahat ng mga tao, mula sa hamak hanggang sa dakila. Pagkatapos binasa niya sa kanilang pandinig lahat ng mga salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa tahanan ni Yahweh.

3 Tumayo ang hari sa tabi ng haligi at gumawa ng tipan sa harap ni Yahweh, na susunod kay Yahweh, at susundin ang kaniyang mga utos, mga batas ng tipan, at mga tuntunin, nang kaniyang buong puso at buong kaluluwa, para pagtibayin ang mga salita ng tipang ito na nakasulat sa aklat na ito. Kaya sumang-ayon ang lahat ng mga tao na panindigan ang tipan.

2 Mga Hari 23:22–24

22 Ang gayong pagdiriwang ng Paskwa ay hindi kailanman idinaos mula pa sa mga araw ng mga hukom na namuno sa Israel ni sa loob ng lahat ng mga araw ng mga hari ng Israel o Juda. 23 Ngunit ang Paskwang ito ay tunay na ipinagdiwang noong ika-labing walong taon ni Haring Josias; ito ay para kay Yahweh sa Jerusalem.

24 Pinaalis din ni Josias ang mga nakipag-usap sa mga patay o sa mga espiritu. Pinaalis din niya ang mga anti-anting, ang mga diyus-diyosan, at ang lahat ng mga nakasusuklam na mga bagay na nakita sa lupain ng Juda at sa Jerusalem, para pagtibayin ang mga salita ng batas na nasusulat sa aklat na natagpuan ng paring si Hilkias sa tahanan ni Yahweh.

2 Mga Hari 23:28–30

28 Tungkol sa ibang mga bagay hinggil kay Josias, lahat ng kaniyang ginawa, hindi ba't nasusulat ang mga iyon sa Ang Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda?

29 Sa panahon na siya ang hari ng Ehipto, nilabanan ni Faraon Neco ang hari ng Asiria sa Ilog Eufrates. Pumunta si Haring Josias para harapin si Neco sa labanan, at pinatay siya ni Neco sa Megido.

30 Binuhat siyang patay ng mga lingkod ni Josias sa isang karwahe mula sa Megido, dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kaniyang sariling puntod. Pagkatapos pinili ng mga mamamayan ng lupain si Jehoahas, anak ni Josias, pinahiran siya ng langis at ginawa siyang hari kapalit ng kaniyang ama.