Ang Pagtawid sa Jordan
1451 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
10 Pagkatapos inutusan ni Josue ang mga pinuno ng bayan, 11 “Lumibot kayo sa kampo at utusan ang mga tao, 'Maghanda ng makakain para sa inyong sarili. Sa loob ng tatlong araw tatawirin ninyo ang Jordang ito at papasukin at aangkinin ang lupain na ibinibigay ni Yahweh inyong Diyos sa inyo para angkinin.”'
12 Sinabi ni Josue sa mga lipi ni Reubenita, mga lipi ni Gadita at sa kalahating lipi ni Manases, 13 “Alalahanin ang salitang iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh nang sinabi niyang, 'Binibigyan kayo ng pahinga ni Yahweh na inyong Diyos, at ibinibigay niya sa inyo ang lupaing ito.' 14 Mananatili sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa kabila ng Jordan ang inyong mga asawa, inyong mga maliliit, at ang inyong mga alagang hayop. Pero ang inyong mga mandirigma ay tatawid kasama ng inyong mga kapatid na lalaki at tutulungan sila 15 hanggang ipagkaloob ni Yahweh sa inyong mga kapatid na lalaki ang kapahingahan tulad ng ibinigay niya sa inyo. At aangkinin din nila ang lupaing ibinibigay sa kanila ni Yahweh na inyong Diyos. Pagkatapos babalik kayo sa sarili ninyong lupain at angkinin ito, ang lupaing ibinigay ni Moises na lingkod ni Yahweh sa kabila ng Jordan, kung saan sumisikat ang araw.”
16 At sumagot sila kay Josue, sinabing, “Gagawin namin ang lahat ng iniutos mo sa amin, at pupunta kami saan mo man kami ipapadala. 17 Susundin ka namin tulad ng pagsunod namin kay Moises. Nawa'y samahan ka ni Yahweh, tulad ng pagsama niya kay Moises. 18 Malalagay sa kamatayan ang sinumang susuway sa iyong mga utos at hindi susunod sa iyong mga salita. Maging malakas lamang at matapang.”
1 Maagang bumangon si Josue, at umalis sila mula sa Sittim. Dumating sila sa Jordan, siya at ang lahat ng bayan ng Israel, at nagkampo sila roon bago sila tumawid.
2 Pagkaraan ng tatlong araw, naglibot ang mga opisyales sa gitna ng kampo; 3 inutusan nila ang mga tao, “Kapag nakita ninyo ang kaban ng tipan ni Yahweh na inyong Diyos, at ang mga Levitang paring binubuhat ito, dapat kayong umalis sa lugar na ito at sundan iyon. 4 Dapat may pagitan ito ng dalawang libong kubit sa inyo. Huwag kayong lalapit dito, para makita ninyo kung alin ang daraanan, dahil hindi pa ninyo dinaanan ang daang ito dati.”
5 Sinabi ni Josue sa mga tao, “Ihandog ang inyong mga sarili kay Yahweh bukas, dahil gagawa si Yahweh ng mga kababalaghan sa inyo.” 6 Pagkatapos sinabi ni Josue sa mga pari, “Buhatin ang kaban ng tipan, at dumaan sa harapan ng mga tao.” Kaya binuhat nila ang kaban ng tipan at pumunta sa harapan ng mga tao.
7 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Sa araw na ito gagawin kitang dakila sa mga mata ng buong Israel. Malalaman nila na gaya ng ako ay kasama ni Moises, ako ay makakasama mo. 8 Utusan mo ang mga pari na nagdala ng kaban ng tipan, 'Kapag nakarating na kayo sa gilid ng tubig ng Jordan, dapat muna kayong huminto sa Ilog Jordan.'”
9 Pagkatapos sinabi ni Josue sa mga Israelita, “Pumarito kayo, at pakinggan ang mga salita ni Yahweh na inyong Diyos. 10 Sa pamamagitan nito malalaman ninyo na kasama ninyo ang buhay na Diyos at paaalisin mula sa inyong harapan ang mga Cananaeo, ang mga Heteo, ang mga Hivita, ang mga Perezeo, ang mga Gergeseo, ang mga Amoreo, at ang mga Jebuseo. 11 Tingnan ninyo! Ang kaban ng tipan ng Panginoon ng buong mundo ay mauunang itatawid sa inyo sa Jordan.
12 Ngayon pumili ng labindalawang kalalakihan mula sa mga lipi ng Israel, isang lalaki sa bawat isa. 13 Kapag nakaapak na sa tubig ng Jordan ang mga talampakan ng mga paring may dala ng kaban ng tipan ni Yahweh, ang Panginoon ng buong mundo, mahahati ang tubig ng Jordan, at kahit na ang daloy ng tubig na salungat sa agos ay hihinto sa pagdaloy at mananatili sila sa isang tambakan.
14 Kaya nang umalis ang mga tao para tumawid sa Jordan, ang mga pari na may dala ng kaban ng tipan ay pinangunahan ang bayan.
15 Sa sandaling sumapit na sa Jordan ang may dala ng kaban, at ang paa ng mga iyon na may dala ng kaban ay lumubog sa gilid ng tubig (ngayon umaapaw ang Jordan sa lahat ng pangpang sa buong panahon ng pag-ani), 16 ang daloy ng tubig na salungat sa agos ay nanatili sa isang tambakan. Tumigil sa pagdaloy ang tubig mula sa malalayong lugar. Tumigil sa pagdaloy ang tubig mula sa Adam, ang lungsod na nasa tabi ng Zaretan, pababa sa karagatan ng Negeb, ang Dagat na Asin. At tumawid ang mga tao malapit sa Jerico. 17 Nakatayo sa tuyong lupa sa gitna ng Jordan ang mga paring nagbuhat ng kaban ng tipan ni Yahweh hanggang nakatawid na ang lahat ng bayan ng Israel sa tuyong lupa.
4:1 Nang nakatawid ang lahat ng mga tao sa Jordan, sinabi ni Yahweh kay Josue, 2 “Pumili ng labindalawang lalaki para sa inyong mga sarili mula sa inyong bayan, isang lalaki mula sa bawat lipi. 3 Ibigay sa kanila ang kautusang ito: 'Kumuha ng labindalawang bato mula sa gitna ng Jordan kung saan nakatayo ang mga pari sa tuyong lupa, at dalhin ninyo ang mga iyon at ilapag ang mga iyon sa lugar kung saan kayo ngayon magpapalipas ng gabi.”'
4 Pagkatapos tinawag ni Josue ang labindalawang lalaki na kaniyang pinili mula sa mga lipi ng Israel, isa sa bawat lipi. 5 Sinabi ni Josue sa kanila, “Pumunta sa kalagitnaan ng Jordan sa unahan ng kaban ni Yahweh inyong Diyos, bawat isa sa inyong na may isang bato sa kaniyang balikat—labindalawang bato, itayong katulad ng bilang ng mga lipi ng bayan ng Israel. 6 Magiging isa itong palatandaan sa inyong kalagitnaan para sa inyo kapag nagtanong ang inyong mga anak sa mga darating na mga araw, 'Ano ang kahulugan ng mga batong ito sa inyo?' 7 Kaya sasabihin ninyo sa kanila, 'Nahati ang tubig ng Jordan sa harap ng kaban ng tipan ni Yahweh. Nang makatawid ito sa Jordan, nahati ang tubig ng Jordan. Kaya ang mga batong ito ay magiging isang alaala sa bayan ng Israel magpakailanman.”'
8 Ginawa ng bayan ng Israel gaya ng iniutos ni Josue, at namulo sila ng labindalawang bato mula sa kalagitnaan ng Jordan, gaya ng sinabi ni Yahweh kay Josue, inayos silang katulad ng bilang ng mga lipi ng bayan ng Israel. Binuhat nila ang mga ito sa lugar kung saan nagpalipas sila ng gabi at itinayo nila ang mga ito roon.
9 Pagkatapos nagtayo si Josue ng labindalawang bato sa kalagitnaan ng Jordan, sa lugar kung saan ang mga paa ng mga pari na nagbuhat ng kaban ng tipan ay tumayo. At ang bantayog ay naroon hanggang sa araw na ito.
10 Tumayo ang mga paring nagbuhat ng kaban sa kalagitnaan ng Jordan hanggang ang lahat ng iniutos ni Yahweh kay Josue para sabihin sa bayan ay masunod, ayon sa lahat ng iniutos ni Moises kay Josue. Nagmadali tumawid ang mga tao. 11 Nang matapos na sa pagtawid ang lahat ng mga tao, ang kaban ni Yahweh at ang mga pari ay tumawid sa harap ng mga tao. 12 Ang lipi ni Ruben, ang lipi ni Gad, at kalahating lipi ng Manases ay tumawid sa unahan ng bayan ng Israel nakahanay bilang isang hukbo, gaya ng sinabi ni Moises sa kanila. 13 Humigit-kumulang apatnapung libong kalalakihang nakahandang makipagdigma ay tumawid sa harap ni Yahweh, para sa labanan sa mga kapatagan ng Jerico.
14 Sa araw na iyon ginawang dakila ni Yahweh si Josue sa mga paningin ng buong Israel. Pinarangalan nila siya—gaya ng pagparangal nila kay Moises—sa lahat ng kaniyang mga araw.
15 Pagkatapos nagsalita si Yahweh kay Josue, 16 “Utusan ang mga paring nagbubuhat ng kaban ng tipan ng mga kautusan na umahon mula sa Jordan.”
17 Kaya, inutusan ni Josue ang mga pari, “Umahon mula sa Jordan.”
18 Nang umahon ang mga paring nagbubuhat ng kaban ng tipan ni Yahweh mula sa kalagitnaan ng Jordan, at ang mga talampakan nila ay inahon sa tuyong lupa, tapos nanumbalik ang mga ang tubig ng Jordan at umapaw sa mga pampang nito, gaya noong apat na araw na ang nakakalipas.
19 Umahon ng Jordan ang mga tao sa ikasampung araw ng unang buwan. Nanatili sila sa Gilgal, silangan ng Jerico. 20 Ang labindalawang bato na kanilang kinuha sa Jordan, itinayo ni Josue sa Gilgal.
21 Sinabi niya sa bayan ng Israel, “Kapag tinanong ng inyong mga kaapu-apuhan ang kanilang mga ama sa darating na mga panahon, 'Ano ang mga batong ito?' 22 Sabihin sa inyong mga anak, 'Dito ay kung saan pinatawid ang Israel sa tuyong lupa sa Jordan.' 23 Pinatuyo ni Yahweh na inyong Diyos ang tubig sa Jordan para sa inyo, hanggang sa makatawid kayo, gaya ng ginawa ni Yahweh inyong Diyos sa Dagat ng mga Tambo, na kaniyang tinuyo para sa atin hanggang tayo ay makatawid, 24 para malaman ng lahat ng mga tao sa mundo na ang kamay ni Yahweh ay makapangyarihan, at paparangalan ninyo si Yahweh ang inyong Diyos magpakailanman.”