Ang Matinding Pakikibaka ng Iglesya Laban sa mga Kaaway Nito

Isang propesiya tungkol sa matinding pakikibaka sa hinaharap sa pagitan ng iglesya at ng mga kaaway nito, at sa pagbabalik-loob ng mga Judio sa mga huling araw.

587 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Ezekiel 38–39

1 Ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 2 “Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha kay Gog, ang lupain ng Magog, ang pinuno ng Mesech at Tubal; at magpahayag ka laban sa kaniya! 3 Sabihin mo, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Pagmasdan mo! Ako ay laban sa iyo, Gog, ang pinuno ng Mesech at Tubal. 4 Kaya, ihaharap kita at kakawitan sa iyong panga; Ipadadala ko kayo kasama ang lahat ng iyong hukbo, mga kabayo, at mangangabayo, lahat sila ay nakasuot ng buong baluti, isang napakaraming pulutong na may malalaki at maliliit na mga kalasag, lahat sila ay may hawak na mga espada! 5 Ang Persia, ang Cush, at ang Put ay kasama nila, lahat sila ay may mga kalasag at mga helmet! 6 Ang Gomer at ang lahat ng kaniyang mga pangkat, at ang Beth-togarma, mula sa malayong bahagi ng hilaga, at ang lahat ng mga pangkat nito! Marami kang mga kasamang tao!

7 Maghanda ka! Oo, ihanda mo ang iyong sarili at tipunin mo ang iyong mga pangkat na kasama mo, at maging ang kanilang pinuno. 8 Tatawagin ka pagkalipas ng maraming araw, at pagkatapos ng ilang mga taon, pupunta ka sa isang lupain na nakabangon mula sa espada at tinipon mula sa mga maraming tao, tinipon pabalik sa mga bundok ng Israel sa patuloy na pagbagsak. Ngunit ang mga taong naninirahan sa lupain ay ilalabas sa mga tao, at mamumuhay silang lahat nang ligtas! 9 Kaya sasalakay ka na gaya ng pagdating ng isang bagyo; magiging katulad ka ng isang ulap na babalot sa lupain, ikaw at ang lahat ng iyong mga pangkat, lahat ng napakaraming kawal na kasama mo.

10 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: mangyayari ito sa araw na ang mga plano ay mabubuo sa inyong mga puso, at gagamit ka ng masasamang pamamaraan.' 11 At sasabihin mo, 'Pupunta ako sa bukas na lupain; Pupunta ako sa mga taong namumuhay nang tahimik at ligtas, silang lahat na naninirahan kung saan walang mga pader o mga harang, at kung saan ang lungsod ay walang mga tarangkahan. 12 Kukunin ko ang mga nasamsam at nanakawin ko ang mga bagay na kinuha sa pandarambong, upang madala ko ang aking kamay laban sa mga lugar na winasak na ngayon ay tinitirahan, at laban sa mga taong tinipon mula sa mga bansa, mga taong maraming mga hayop at ari-arian, at silang mga nakatira sa gitna ng mundo.'

13 Ang Sheba at Dedan, at ang mga mangangalakal ng Tarsis kasama ang lahat ng kanilang mga batang mandirigma—sasabihin nilang lahat sa iyo, 'Pumunta ka ba dito para kunin ang mga nasamsam? Tinipon mo ba ang iyong hukbo upang nakawin ang mga bagay na kinuha sa pandarambong, upang magbuhat ng pilak at ginto, upang kumuha ng baka at ari-arian, upang kumuha pa ng mas maraming bagay na kinuha sa pagdarambong?'

14 Kaya magpahayag ka, anak ng tao, at sabihin mo kay Gog, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Sa araw na iyon, kapag ang mga tao kong Israelita ay namumuhay nang matiwasay, hindi mo kaya malalaman ang tungkol sa kanila? 15 Pupunta ka mula sa iyong lugar sa dulong hilaga kasama ang napakalaking hukbo, lahat sila ay nakasakay sa mga kabayo, isang napakalaking pulutong, isang malaking hukbo? 16 At sasalakayin mo ang mga tao kong Israelita na gaya ng isang ulap na bumabalot sa lupain. Mangyayari ito sa mga darating na araw, dadalhin ko kayo laban sa aking lupain, upang makilala ako ng mga bansa kapag nakita na ni Gog ang aking kabanalan.

17 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Hindi ba ikaw ang aking kinausap noong mga nakalipas na araw sa pamamagitan ng kamay ng aking mga lingkod, ang mga propeta ng Israel na nagpahayag sa kanilang sariling kapanahunan sa loob ng maraming taon na dadalhin ko kayo laban sa kanila? 18 Kaya darating ito sa araw na iyon kapag sasalakayin na ni Gog ang lupain ng Israel—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—ang matindi kong galit ay lalabas sa mga butas ng aking ilong!

19 Sapagkat inihayag ko ito sa alab ng aking galit at sa nag-aapoy kong poot: tiyak na magkakaroon ng isang napakalakas na lindol sa araw na iyon sa lupain ng Israel. 20 Manginginig sila sa aking harapan—ang isda sa dagat at ang mga ibon sa mga kalangitan, ang mga mababangis na hayop sa mga kaparangan, at ang lahat ng mga gumagapang sa kalupaan, at ang bawat tao na nasa ibabaw ng lupain. Guguho ang mga bundok at babagsak ang mga matatarik na dalisdis, hanggang ang bawat pader ay babagsak sa kalupaan.

21 Sapagkat ipatatawag ko ang isang espada laban sa kaniya sa lahat ng aking mga bundok—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—ang bawat espada ng isang tao ay laban sa kaniyang kapatid. 22 At hahatulan ko sila sa pamamagitan ng salot, dugo, napakalakas na mga ulan, at malalaking yelo ng apoy. Pauulanin ko ng asupre sa kaniya at sa kaniyang mga pangkat at sa maraming mga tao na kasama niya. 23 Sapagkat ipapakita ko ang aking kadakilaan at ang aking kabanalan at ipakikilala ko ang aking sarili sa mga mata ng maraming bansa, at malalaman nila na ako si Yahweh!”'

39:1 Ngayon, ikaw, anak ng tao, magpahayag ka ng propesiya laban sa Gog at magsabi, 'Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh: Masdan mo! Laban ako sa iyo, Gog na pinuno ng Meshec at Tubal. 2 Palilikuin kita at pangungunahan kita. Iaangat kita mula sa malayong hilaga at dadalhin kita sa mga kabundukan ng Israel. 3 At ilalaglag ko ang iyong pana mula sa iyong kaliwang kamay at ibabagsak ko ang mga palaso mula sa iyong kanang kamay.

4 Mamamatay ka sa mga kabundukan ng Israel, ikaw at ang lahat ng iyong mga hukbo at mga kawal na kasama mo. Ibibigay kita sa mga ibong mandaragit at sa mga mababangis na hayop sa kaparangan upang maging pagkain. 5 Mamamatay ka sa ibabaw ng bukid, sapagkat ako mismo ang nagpahayag nito. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.

6 Pagkatapos, susunugin ko ang Magog at ang mga nabubuhay nang ligtas sa mga baybayin at makikilala nila na ako si Yahweh. 7 Sapagkat ipakikilala ko ang aking banal na pangalan sa kalagitnaan ng aking mga taong Israel at hindi ko na hahayaang lapastanganin ang aking banal na pangalan. Makikilala ng mga bansa na ako si Yahweh, ang Isang Banal ng Israel. 8 Masdan ninyo! Parating na ang araw na ipinahayag ko at magaganap ito. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.

9 Lalabas ang mga naninirahan sa mga lungsod ng Israel at susunugin ang mga sandata, mga maliliit at malalaking kalasag, mga pana, mga palaso, mga pamalo at mga sibat. Susunugin nila sa apoy ang mga ito sa loob ng pitong taon. 10 Hindi sila magtitipon ng mga kahoy mula sa mga bukirin o puputol ng mga punong kahoy sa kagubatan, yamang susunugin nila ang mga sandata. Kukuha sila mula sa mga kumuha mula sa kanila, sasamsamin nila ang mga nagsamsam sa kanila. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.

11 At mangyayari ito sa araw na iyon na gagawa ako ng isang lugar para sa Gog, isang libingan sa Israel, isang lambak para sa mga naglalakbay sa silangan ng dagat. Hahadlangan nito ang mga nagnanais na makatawid. Ililibing nila doon ang Gog kasama ang lahat ng kaniyang napakaraming mga tao. Tatawagin nila itong lambak ng Hamon Gog. 12 Sa loob ng pitong buwan, ililibing sila ng sambahayan ng Israel upang dalisayin ang lupain. 13 Sapagkat ililibing sila ng lahat ng tao sa lupain. Magiging isang hindi makakalimutang araw ito para sa kanila kapag linuwalhati ako. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.

14 Pagkatapos, magtatalaga sila ng ilang mga kalalakihan para sa tungkulin ng pagdaan sa mga lupain upang ilibing ang mga natitira sa balat ng lupa, upang dalisayin ito. Sisimulan nila ang tungkuling ito pagkatapos ng ika-pitong buwan. 15 Habang dumadaan sa lupain ang mga kalalakihang ito, kapag nakakita sila ng anumang buto ng tao, lalagyan nila ito ng palatandaan, hanggang sa dumating ang mga tagapaghukay ng libingan at ilibing ito sa lambak ng Hamon Gog. 16 May lungsod doon na ang pangalan ay Hamonah. Sa ganitong paraan nila dadalisayin ang lupain.'

17 Ngayon sa iyo, anak ng tao, ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Sabihin mo sa lahat ng mga ibong may pakpak at sa lahat ng mga mababangis na hayop sa mga bukirin, 'Halikayo at magtipun-tipon! Magtipun-tipon mula sa lahat ng dako patungo sa handog na ako mismo ang gumagawa para sa inyo, isang malaking handog sa mga kabundukan ng Israel upang maaari ninyong kainin ang laman at inumin ang dugo. 18 Kakainin ninyo ang laman ng mga mandirigma at iinumin ninyo ang dugo ng mga prinsipe sa daigdig; magiging mga lalaking tupa sila, mga kordero, mga kambing at mga toro, pinataba silang lahat sa Bashan. 19 At kakain kayo ng taba hanggang sa mabusog kayo; Iinom kayo ng dugo hanggang sa malasing kayo, ito ang magiging alay na aking kakatayin para sa inyo. 20 Mabubusog kayo sa aking hapag ng kabayo, karwahe, mandirigma at sa bawat lalaki sa digmaan. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.

21 At ipapakita ko ang aking kaluwahatian sa mga bansa at makikita ng lahat ng bansa ang paghatol na aking ginawa at ang aking kamay na inihanda ko laban sa kanila. 22 Mula sa araw na iyon, makikilala ng sambahayan ng Israel na ako si Yahweh na kanilang Diyos. 23 At malalaman ng mga bansa na nabihag ang sambahayan ng Israel dahil sa kanilang mabigat na kasalanan kung saan pinagtaksilan nila ako, kaya itinago ko ang aking mukha mula sa kanila at ipinasakamay sila sa kanilang mga kaaway upang mamatay silang lahat sa pamamagitan ng espada. 24 Ginawa ko ito sa kanila ayon sa kanilang mga karumihan at sa kanilang mga kasalanan kapag itinago ko ang aking mukha mula sa kanila.

25 Kaya ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh: Ngayon panunumbalikin ko ang mga kayamanan ni Jacob at kahahabagan ko ang buong sambahayan ng Israel, kapag kumilos ako nang masigasig para sa aking banal na pangalan! 26 At makakalimutan nila ang kanilang kahihiyan at ang lahat ng kanilang kataksilan kung saan pinagtaksilan nila ako. Makakalimutan nila ang lahat ng ito kapag mamamahinga sila nang ligtas sa kanilang lupain na walang sinumang makapagbibigay ng takot sa kanila. 27 Kapag pinanumbalik ko sila mula sa mga tao at tinipon sila mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, ipapakita ko ang aking sarili na banal sa paningin ng maraming bansa. 28 At makikilala nila na ako si Yahweh na kanilang Diyos, sapagkat pinabihag ko sila sa mga bansa, gayunpaman, tinipon ko silang muli pabalik sa kanilang lupain. Wala akong iniwan ni isa man sa kanila sa mga bansa. 29 Hindi ko na itatago ang aking mukha mula sa kanila kapag ibinuhos ko ang aking Espiritu sa sambahayan ng Israel. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.'”