Nagagalak ang Iglesya sa Pagbagsak ng mga Kaaway Nito
Nagagalak ang espirituwal na iglesya sa pagbagsak ng mga kaaway nitong sumasamba sa mga diyus-diyosan at umuusig dito.
A.D. 96
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Pagkatapos ng mga bagay na ito narinig ko ang tunog tulad ng isang malakas na tinig ng malaking bilang ng mga tao sa langit na sinasabing, “Aleluya. Kaligtasan, kaluwalhatian, at kapangyarihan ay kabilang para sa ating Diyos. 2 Ang kaniyang hatol totoo at makatarungan, dahil hinatulan niya ang pinakamasamang babae na siyang nagpasama sa lupa, ng kaniyang sekswal na imoralidad. Naghihiganti siya para sa dugo ng kaniyang mga lingkod, na tinigis mismo niya.”
3 Nagsalita sila sa ikalawang pagkakataon, “Aleluya! Umaangat ang usok mula sa kaniya magpakailan pa man.”
4 Ang dalawamput-apat na nakatatanda at apat na buhay na nilalang ay nagpatirapa sa kanilang sarili at sumamba sa Diyos na siyang nakaupo sa trono. Sinasabi nila, “Amen. Aleluya!”
5 Pagkatapos lumabas ang isang tinig mula sa trono, na sinasabing, “Purihin ang ating Diyos, kayong lahat na kaniyang mga lingkod, kayo na may takot sa kaniya, kapwa hindi mahahalaga at ang malalakas.”
6 Pagkatapos narinig ko ang tunog na tulad ng tinig ng isang malaking bilang ng mga tao, tulad ng dagundong ng maraming tubig, katulad ng malakas na salpukan ng kulog, sinasabing, “Aleluya! Dahil ang Panginoon, ang ating Diyos, ang namumuno ng lahat, siya ay maghahari. 7 Magalak tayo at maging napakasaya at bigyan siya ng kaluwalhatian dahil ang pagdiriwang ng kasalan ng Kordero ay darating, at ang babaing kaniyang papakasalan ay inihanda ang kaniyang sarili. 8 Siya ay pinahintulutang magsuot ng maliwanag at malinis na pinong lino (dahil ang pinong lino ay mga gawaing matutuwid ng mga mananampalataya).
9 Sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Pinagpala ang mga inanyayahan sa pagdiriwang ng kasalan sa Kordero.” Sinabi rin niya sa akin, “Ito ang tunay na mga salita ng Diyos.
10 Ipapatirapa ko ang aking sarili sa kaniyang paanan para sambahin siya, pero sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan!” Ako ay kapwa lingkod na kasama mo, at ng iyong mga kapatid na pinanghahawakan ang patotoo tungkol kay Jesus. Sambahin ang Diyos, dahil ang patotoo tungkol kay Jesus ay ang espiritu ng propesiya.
Malamang na Magpakita ang Anak ng Diyos sa Pagbagsak ng Kasamaan
Ang malamang na nakikitang pagpapakita ng Anak ng Diyos sa pangwakas na pagbagsak ng kasamaan, gaya ng pagpapakita niya sa mga patriyarka at sa mga apostol pagkatapos ng kaniyang muling pagkabuhay; at ang pagsisimula ng isang bagong kapanahunan at ang pagtatagumpay ng isang espirituwal na iglesya.
11 Pagkatapos nakita ko ang langit na bumukas, at nakita ko roon ang isang puting kabayo. Ang nakasakay dito ay tinatawag na Tapat at Totoo. Humahatol siya ng may katuwiran at nakikipagdigma siya. 12 Ang kaniyang mga mata ay parang nagniningas na apoy, at sa kaniyang ulo ay maraming mga korona. Mayroon siyang pangalan na nakasulat sa kaniya na walang ibang nakakaalam kundi ang kaniyang sarili. 13 Nakasuot siya ng balabal na nilublob sa dugo at ang kaniyang pangalan ay Ang Salita ng Diyos.
14 Ang hukbo ng kalangitan ay sumusunod sa nakasakay sa puting kabayo, na nakadamit ng pinong lino, maputi at malinis. 15 Mula sa kaniyang bibig lumabas ang isang matalim na espada na ipinanghahampas niya sa mga bansa, at pamumunuan niya sila ng pamalong bakal. Pag-aapakan niya ang tindi ng galit sa poot ng Diyos, na namumuno sa lahat. 16 Sinulatan niya ang kaniyang balabal at sa kaniyang hita ng pangalang: HARI NG MGA HARI AT PANGINOON NG MGA PANGINOON.
17 Nakita ko ang isang anghel na nakatayo sa araw. Tinawag niya nang may malakas na tinig ang lahat na mga ibong lumilipad sa ibabaw ng kaniyang ulo. “Halikayo sama-samang magtipon para sa dakilang hapunan ng Diyos. 18 Halikayo kainin ang laman ng mga hari, ang laman ng pinuno ng hukbo, ang laman ng mga magigiting na lalaki, ang laman ng mga kabayo at kanilang mga mangangabayo, at ang laman ng lahat ng mga tao, kapwa malaya at alipin, ang hindi mahahalaga at ang makapangyarihan.”
19 Nakita ko ang halimaw at ang mga hari ng mundo kasama ang kanilang mga hukbo. Humahanay sila para makipagdigmaan sa kaniya na nakasakay sa kabayo kasama ng kaniyang hukbo. 20 Nabihag ang halimaw at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa kaniyang presensya. Gamit ang mga tandang ito nilinlang niya ang mga tumanggap ng tanda ng halimaw at silang sumamba sa kaniyang imahe. Ang dalawa sa kanila ay inihagis nang buhay sa dagat-dagatang apoy ng nasusunog na asupre. 21 Ang natitira sa kanila ay pinatay gamit ang espada na lumabas mula sa bibig ng siyang nakasakay sa kabayo. Kinain ng lahat ng ibon ang kanilang patay na laman.
Iginapos si Satanas sa Loob ng Milenyo
Pagkatapos ng mahahabang kaguluhan, digmaan, at rebolusyon na kaakibat ng pagbagsak ng kasamaan, nagsisimula ang isang mahabang panahon ng kapahingahang tumatagal ng isang milenyo, na inilalarawan ng paggapos kay Satanas. Kung paanong bumangon ang mga espiritu ng marami kasama ni Cristo sa kaniyang muling pagkabuhay, sinasabing muling mabubuhay kasama ni Cristo ang mga espiritu ng mga martir at ng tapat na iglesya sa kaniyang nakikitang pagpapakita sa panahong ito (2000–3000).
1 Pagkatapos nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, mayroong susi sa kailaliman ng hukay at mayroong malaking tanikala sa kaniyang kamay. 2 Sinukal niya ang dragon, ang dating ahas, na siyang demonyo, o Satanas, at ginapos siya nang isang libong taon. 3 Tinapon siya sa kailaliman ng hukay, ikinulong siya rito at sinelyuhan ang ibabaw nito. Para hindi na ito makapanglinlang kailanman ng mga bansa hanggang sa ang isang libong taon ang lumipas. Pagkatapos niyon, dapat siyang maging malaya ng maikling panahon.
4 Pagkatapos nakita ko ang mga trono. Ang mga binigyan ng kapangyarihang humatol ang nakaupo sa mga ito. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo tungkol kay Cristo at sa salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw o sa kaniyang imahe, at tumanggi silang tanggapin ang tatak sa kanilang mga noo at kamay. Nabuhay silang muli, at naghari kasama ni Cristo ng isang libong taon.
5 Ang ibang mga namatay ay hindi na nabuhay muli hanggang sa matapos ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay. 6 Pinagpala at banal ang sinuman na makibahagi sa unang muling pagkabuhay! Ang pangalawang kamatayan ay walang kapangyarihan na tulad ng mga ito. Sila ay magiging mga pari ng Diyos at sila ay maghahari kasama niya sa loob ng isang libong taon.
Muling Lumalakas ang Kasamaan, Pagkatapos ay ang Huling Paghuhukom
Habang papalapit ang wakas ng kapanahunan ng milenyo, nagsisimulang muling lumakas ang espiritu ng kasamaan, ngunit ang higit pang paglaganap nito ay pinatitigil ng pangkalahatang muling pagkabuhay at ng huling paghuhukom sa sangkatauhan.
7 Kapag natapos na ang libong mga taon, palalayain si Satanas mula sa kaniyang bilangguan. 8 Siya ay lalabas para manlinlang ng mga bansa sa apat na sulok ng mundo — Gog at Magog — para tipunin sila para sa digmaan. Sila ay magiging kasing dami ng buhangin sa dagat.
9 Umakyat sila pataas sa malawak na patag ng lupa at pinalibutan ang kampo ng mga mananampalataya, ang minamahal na lungsod. Pero bumaba ang apoy mula sa langit at nilamon sila. 10 Ang demonyo, na siyang nanlinlang sa kanila, ay itinapon sa lawa ng nasusunog na asupre, kung saan ang halimaw at ang mga bulaang propeta ay itinapon. Sila ay pahihirapan umaga at gabi magpakailan pa man.
11 Pagkatapos nakita ko ang dakilang puting trono at ang siyang nakaupo roon. Ang lupa at ang langit ay lumayo mula sa kaniyang presensya, pero wala na silang lugar na mapupuntahan. 12 Nakita ang mga patay — ang magigiting at ang hindi mahahalaga — nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Pagkatapos isa pang aklat ang binuksan — Ang aklat ng Buhay. Ang patay ay hinatulan sa pamamagitan ng itinala sa mga aklat, ang kinalabasan ng kanilang ginawa. 13 Ibinigay ng dagat ang mga patay na naroroon. Ibinigay ng kamatayan at ng hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa.
14 Ang kamatayan at ang hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan — Ang lawa ng apoy. 15 Kung kaninong pangalan ang hindi nakasulat sa Aklat ng Buhay, siya ay itatapon sa lawa ng apoy.
Wala Nang Kamatayan, Kasamaan, at Kalungkutan
Isang paglalarawan ng walang-hanggang kaligayahan sa hinaharap, kapag wala nang kamatayan, kasamaan, at kalungkutan sa sangkatauhan.
1 Pagkatapos nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong mundo, dahil ang unang langit at unang mundo ay lumipas na, at ang dagat ay wala na. 2 Nakita ko ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumamababa mula sa langit mula sa Diyos, inihanda tulad ng isang babaeng ikakasal na pinaganda para sa kaniyang asawa.
3 Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono sinasabing: “Tingnan mo! Ang tirahan ng Diyos ay kasama ng mga tao, at siya ay naninirahan kasama nila. Sila ay magiging kaniyang bayan, at ang Diyos mismo ay makakasama nila at siya ay magiging kanilang Diyos. 4 Papahirin niya ang bawat luha mula sa kanilang mga mata, wala nang kamatayan, o pagdadalamhati, o pag-iyak, o sakit. Ang naunang mga bagay ay lumipas na.
Inaanyayahan ni Cristo ang Lahat na Makibahagi sa Kaligayahang Ito
Ipinahahayag ni Cristo ang katiyakan at katotohanan ng larawang ito, at inaanyayahan ang lahat ng tao na makibahagi sa kaligayahang ito.
5 Siya na nakaupo sa trono ay sinabing, “Tingnan mo! Ginawa kong bago ang lahat ng mga bagay.” Sinabi niya, “Isulat mo ito dahil ang mga salitang ito ay mapagkakatiwalaan at totoo. 6 Sinabi niya sa akin, “Ang mga bagay ng ito ay tapos na, Ako ang Alpa at ang Omega, ang simula at ang katapusan. Sa sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng inuming walang bayad mula sa bukal ng tubig ng buhay. 7 Ang isa na manlulupig ay magmamana ng mga bagay na ito, at ako ay magiging kaniyang Diyos, at siya ay magiging anak ko.
8 Pero para sa mga duwag, sa walang pananampalataya, sa mga kasuklam-suklam, sa mga mamamatay-tao, sa mga sekswal na imoralidad, sa mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa mga sinungaling, ang kanilang lugar ay sa dagat-dagatang apoy ng nagniningas na asupre. Na siyang ikalawang kamatayan.