Hinahatulan at Winawasak ang Sodoma

1899 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Genesis 18:16–19:29

16 Pagkatapos tumayo ang mga lalaki para umalis at tumingin pababa patungong Sodoma. Sumama si Abraham sa kanila para ihatid sila sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay.

17 Pero sinabi ni Yahweh, “Dapat ko bang itago kay Abraham ang gagawin ko, 18 gayong tiyak na magiging dakila at makapangyarihang bansa si Abraham, at pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sa pamamagitan niya? 19 Dahil pinili ko siya para maturuan ang kanyang mga anak pati na ang sambahayan na susunod sa kanya na mapanatili ang kaparaanan ni Yahweh, na gumawa ng matuwid at makatarungan, nang sa gayon maibibigay ni Yahweh kay Abraham ang sinabi niya sa kanya.”

20 Pagkatapos sinabi ni Yahweh, “Dahil napakarami ng paratang laban sa Sodoma at Gomora, at napakalubha na ng kanilang kasalanan, 21 bababa ako ngayon doon at titingnan ko kung kasingsama sila gaya ng paratang sa kanila na sinabi sa akin. Kung hindi man, malalaman ko.”

22 Pagkatapos ang mga lalaki ay umalis mula roon at pumunta patungo sa Sodoma, pero nanatiling nakatayo si Abraham sa harapan ni Yahweh.

23 Pagtapos lumapit si Abraham at sinabi, “Lilipulin mo ba ang matuwid kasama ang makasalanan? 24 Marahil mayroong limampung matuwid sa loob ng lungsod. Lilipulin niyo ba ito at hindi ililigtas ang lugar alang-alang sa kapakanan ng limampung matuwid na naroon? 25 Malayong gawin mo ang mga bagay na ito, na patayin ang mga matuwid kasama ang makasalanan, at ituring ang mga matuwid gaya ng mga makasalanan. Malayong gawin mo ito! Hindi ba gagawin ng Hukom ng buong mundo kung ano ang makatarungan?”

26 Sinabi ni Yahweh, “Kung may nakita kang limampung matuwid sa lungsod na iyon, ililigtas ko ang buong lugar para sa kanila.”

27 Sumagot si Abraham at sinabi, “Tingnan mo ang aking ginawa, nangahas akong makipag-usap sa aking Panginoon, kahit na alikabok at abo lamang ako! 28 Paano kung nabawasan ng lima ang limampung matuwid? Wawasakin mo ba ang buong lungsod dahil nabawasan ng lima? At sinabi niya, “Hindi ko ito wawasakin kung may mahanap akong apatnapu't lima.”

29 Muli siyang nakipag-usap sa kanya at sinabing, “Paano kung apatnapu ang makita roon? Sumagot siya, “Alang-alang sa apatnapu, hindi ko ito gagawin.”

30 Sinabi niya, “Pakiusap, huwag kayong magagalit Panginoon, para makapagsalita ako. Kung sakali na tatlumpu ang mahanap doon? “Sinabi ng Diyos, “Hindi ko ito gagawin kung may mahanap akong tatlumpu doon.”

31 Sinabi niya, “Tingnan mo, nangahas akong makipag-usap sa aking Panginoon! Marahil dalawampu ang makita roon.” Tumugon siya, “Hindi ko ito gagawin alang-alang sa dalawampu.”

32 Sinabi niya, “Pakiusap, huwag kayong magalit, Panginoon, sasabihin ko ito sa huling pagkakataon. Marahil sampu ang makita roon.” At sinabi niya, “Hindi ko ito wawasakin alang-alang sa sampung natira.”

33 Nagtungo na si Yahweh sa kaniyang paroroonan matapos siyang makipag-usap kay Abraham, at bumalik na si Abraham sa kanyang tahanan.

19:1 Dumating ang dalawang anghel sa Sodoma sa gabi, habang nakaupo si Lot sa tarangkahan ng Sodoma. Nakita sila ni Lot, tumayo siya upang salubungin sila, at nagpatirapa na nakasayad ang mukha sa lupa. 2 Sinabi niya, “Nakikiusap ako aking mga panginoon, kayo ay pumunta muna sa bahay ng inyong lingkod at manatili ng magdamag at hugasan ang inyong mga paa. Pagkatapos, maaari na kayong bumangon nang maaga at pumunta sa inyong pupuntahan.” At sinabi nila, “Hindi, magpapalipas na lang kami ng gabi sa liwasan ng bayan.

3 Pero pinilit niya sila kaya sumama sila sa kanya, at pumasok sila sa kanyang bahay. Naghanda siya ng makakain nila at nagluto ng tinapay na walang pampaalsa at sila ay kumain.

4 Pero bago sila humiga, pinaligiran ng mga kalalakihan sa lungsod, mga kalalakihan sa Sodoma, bata at matanda sa lahat ng sulok ng bayan, ang bahay niya, lahat ng kalalakihan sa bawat bahagi ng lungsod. 5 Tinawag nila si Lot at sinabi, “Nasaan ang mga lalaking pumasok sa inyo ngayong gabi? Dalhin mo sila sa amin para masipingan namin sila.

6 Kaya lumabas si Lot sa kanyang bahay at sinara ang pinto sa likuran niya. 7 Sinabi niya sa kanila, “Nagmamakaawa ako sa inyo, mga kapatid ko, huwag kayong gumawa ng kasamaan. 8 Tingnan ninyo, narito ang aking dalawang anak na babae na hindi pa nasisipingan ng sinumang lalaki. Hayaan ninyo, nakikiusap ako, na dalhin ko sila sa inyo at gawin ninyo sa kanila ang katanggap-tanggap sa inyong mga mata. Huwag lang dito sa mga lalaking ito dahil sila ay nasa loob ng aking pamamahay.”

9 Sabi nila, “Tumabi ka!” Sinabi rin nila, “Ang taong ito ay dumating dito sa ating lugar bilang isang dayuhan at ngayon siya ay naging hukom natin! Mas malala pa ang gagawin namin sa iyo kaysa sa kanila.” Tinulak nila nang malakas ang lalaki, si Lot, at lumapit para sirain ang pinto.

10 Pero inabot ng mga lalaki ng kanilang mga kamay si Lot at dinala sa loob ng bahay kasama nila at sinara ang pinto. 11 At doon naman sa mga tao na nasa labas ng pinto ng bahay, inatake sila ng mga panauhin ni Lot at ginawang bulag, ang mga bata pati matatanda, kaya nahirapan silang makita ang pinto ng bahay.

12 Pagkatapos, sinabi ng mga lalaki kay Lot, “Mayroon ka pa bang ibang kasama rito? Mga manugang, mga anak na lalaki at babae at kung sino pa mang mga kasamahan mo sa lungsod, ilabas mo na sila rito. 13 Wawasakin na namin ang lugar na ito, dahil napakarami na ng paratang sa kanila sa harap ni Yahweh, kaya pinadala niya kami para wasakin ito.”

14 Lumabas si Lot at kinausap niya ang kanyang mga manugang, ang mga lalaki na nangakong pakakasalan ang kanyang mga anak na babae, at sinabi, “Bilis, umalis na kayo sa lugar na ito, dahil wawasakin na ni Yahweh ang lungsod.” Pero para sa kanyang mga manugang, tila ba nagbibiro lang siya.

15 Nang mag-uumaga na, inudyakan ng mga anghel si Lot at sinabi, “Umalis ka na, kunin mo ang iyong asawa at dalawang anak na babae na narito, para hindi kayo maisama sa kaparusahan ng lungsod.” 16 Pero nag-alinlangan siya. Kaya hinawakan ng mga lalaki ang kanyang kamay, at ang kamay ng kanyang asawa, at mga kamay ng kanyang dalawang anak na babae, dahil mahabagin si Yahweh sa kanya. Sila ay inilabas nila, at dinala sa labas ng lungsod.

17 Nang nailabas na sila, sinabi ng isa sa mga lalaki, “Tumakbo na kayo para sa inyong mga buhay! Huwag kayong lilingon o manatili saanman sa kapatagan. Magsitakas kayo patungo sa mga bundok para hindi kayo malipol.

18 Sinabi ni Lot sa kanila.” Hindi, pakiusap aking mga panginoon! 19 Ang inyong lingkod ay nakatanggap ng pabor sa inyong paningin at pinakitaan ninyo kami ng dakilang kagandahang-loob sa pagligtas sa aking buhay, pero hindi ako makakatakas sa mga bundok dahil aabutan din ako ng sakuna at mamamatay ako.. 20 Tingnan ninyo, ang lungsod banda roon ay malapit at maliit lamang para makatakas kayo. Pakiusap, hayaan ninyo akong makatakas doon (diba maliit lamang iyon?), at ang buhay ko ay maliligtas.”

21 Sinabi niya sa kanya, “Sige, pagbibigyan ko rin ang kahilingang ito, hindi ko rin wawasakin ang lungsod na nabanggit mo. 22 Bilisan mo! Tumakas ka na patungo roon, dahil hindi ko magagawa ang anumang bagay hangga't hindi ka nakararating doon.” Kaya tinawag na Zoar ang lungsod na ito.

23 Mataas na ang araw sa mundo nang narating ni Lot ang Zoar.

24 Pagkatapos, nagpaulan sa Sodoma at Gomora ng asupre at apoy si Yahweh mula sa kalangitan. 25 Winasak niya ang mga lungsod na iyon, at lahat ng kapatagan at lahat ng naninirahan sa mga lungsod, pati na ang mga pananim na tumutubo sa lupa.

26 Pero lumingon ang asawa ni Lot na nasa likod niya at siya ay naging isang haligi ng asin.

27 Bumangon si Abraham nang maaga at nagpunta sa lugar kung saan siya tumayo sa harapan ni Yahweh. 28 Tumingin siya sa baba sa Sodoma at Gomora at sa lahat ng lupain ng kapatagan. Nakita niya at namasdan ang usok na umaakyat mula sa lupa na katulad ng usok sa isang pugon.

29 Kaya matapos wasakin ng Diyos ang mga lungsod sa kapatagan, naalala ng Diyos si Abraham. Inilabas niya si Lot mula sa gitna ng kapahamakan ng winasak niya ang mga lungsod kung saan nanirahan si Lot.