Ang Unang Pagsalakay ni Sinaquerib

713 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Cronica 32:1–8

1 Pagkatapos ng mga bagay na ito at ang mga gawaing ito na nagpapakita ng katapatan, si Sinaquerib, ang hari ng Asiria, ay dumating at pumasok sa Juda; nagkampo siya upang lusubin ang mga matitibay na lungsod, na binalak niyang sakupin.

2 Nang makita ni Ezequias na dumating si Senaquerib at nilalayon na labanan ang Jerusalem, 3 sumangguni siya sa kaniyang mga pinuno at sa kaniyang mga makapangyarihang tauhan upang harangan ang tubig ng mga bukal na nasa labas ng lungsod; tinulungan nila siyang gawin ito. 4 Kaya maraming tao ang nagtipon-tipon at hinarangan ang lahat ng mga bukal at ang sapa na dumadaloy sa kalagitnaan ng lupain. Sinabi nila, “Bakit paririto ang mga Hari ng Asiria at makakasumpong ng maraming tubig?”

5 Nagkaroon si Ezequias ng lakas ng loob at itinayo ang lahat ng mga pader na nasira; pinataas niya ang mga ito hanggang sa mga tore, gayon din ang iba pang mga pader na nasa labas. Pinatibay din niya ang Millo sa lungsod ni David, at gumawa siya ng maraming bilang ng mga sandata at mga kalasag.

6 Naglagay siya ng mga pinunong kawal na mangangasiwa sa mga tao. Tinipon niya silang sama-sama sa kaniyang harapan sa malawak na lugar sa tarangkahan ng lungsod at pinalakas niya ang kanilang kalooban. Sinabi niya, 7 “Magpakalakas at magpakatapang kayo. Huwag kayong matakot o panghinaan ng loob dahil sa hari ng Asiria at sa lahat ng mga hukbo na kasama niya, Sapagkat kasama natin ang mas malakas kaysa sa mga kasama niya. 8 Kawal lamang sa laman ang mga kasama niya, ngunit kasama natin si Yahweh, na ating Diyos, upang tulungan tayo, at upang makipaglaban para sa atin.” At pinalakas nila ang loob ng bawat isa ayon sa sinalita ni Ezequias, na hari ng Juda.

Nagpasakop si Hezekias, at Nasakop ang Asdod

2 Mga Hari 18:13–16

13 Pagkatapos sa ika-labing apat na taon ni Haring Hezekias, nilusob ni Senaquerib na hari ng Asiria ang lahat ng matitibay na lungsod ng Juda at sinakop sila. 14 Kaya nagpadala si Hezekias hari ng Juda ng mensahe sa hari ng Asiria, na nasa Lacis, sinasabing, “Nasaktan ko ang iyong kalooban. Lumayo ka mula sa akin. Titiisin ko kung anuman ang ipataw mo sa akin.” Hiningi ng hari ng Asiria kay Hezekias na hari ng Juda na magbayad ng tatlong daang talento ng pilak at tatlumpung talento ng ginto. 15 Kaya binigay sa kaniya ni Hezekias ang lahat ng pilak na natagpuan sa tahanan ni Yahweh at sa mga pananalapi sa palasyo ng hari.

16 Pagkatapos pinutol ni Hezekias ang ginto mula sa mga pinto ng templo ni Yahweh at mula sa mga poste na kaniyang pinagpatungan; binigay niya ang ginto sa hari ng Asiria.

Isaias 20

1 Sa taon nang pumunta si Tartan sa Asdod, nang pinadala siya ni Sargon ang hari ng Asiria, nilabanan niya at sinakop ang Asdod. 2 Sa panahon na iyon, nagsalita si Yahweh kay Isaias ang anak na lalaki ni Amoz at sinabing, “Hubarin mo ang iyong sako sa iyong baywang, at tanggalin mo ang iyong sandalyas”. Ginawa niya ito, naglalakad ng hubad at nakayapak.

3 Sinabi ni Yahweh, “Gaya ng lingkod kong si Isaias na naglakad ng hubad at nakayapak ng tatlong taon, isa iyong palatandaan at pangitain tungkol sa Ehipto at tungkol sa Etiopia— 4 sa ganitong paraan dadalhin ng hari ng Asiria ang mga bihag ng Ehipto, ang mga tapon ng Etiopia, bata at matanda, hubad at nakayapak, at walang panakip sa pigi, sa kahihiyan ng Ehipto.

5 Sila ay malulungkot at mapapahiya, dahil sa Etiopia na kanilang pag-asa at dahil sa Ehipto na kanilang kaluwalhatian. 6 Sa araw na iyon, sasabihin ng mga naninirahan sa mga pampang na ito, 'Tunay nga, ito ang naging pinaggagalingan ng ating mga pag-asa, kung saan tayo tumakbo para masagip mula sa hari ng Asiria, pero ngayon, paano tayo makakatakas?'”

Isang Propetikong Panawagan sa Jerusalem

Isang propetikong panawagan sa Jerusalem habang nasa lupain ang hukbo ni Senaquerib.

Isaias 29

1 Kaawa-awa kay Ariel, Ariel, ang lungsod na pinagkampohan ni David! Magdagdag ng taon sa taon; hayaang dumating ang mga pista. 2 Pero sasalakayin ko ang Ariel, at siya ay magluluksa at mananaghoy; siya ay magiging tulad ng Ariel sa akin. 3 Magkakampo ako laban sa inyo sa paligid ninyo at lulusob laban sa inyo gamit ang isang tulos, at magtatatag ng mga armas pagkubkob laban sa inyo. 4 Ibabagsak kayo at magsasalita kayo mula sa lupa; ang pananalita ninyo ay magiging mababa mula sa alabok. Ang tinig ninyo ay magiging tulad ng isang multo mula sa lupa, at ang pananalita ninyo ay magiging napakahina mula sa alabok. 5 Ang kawan ng mga sumasalakay sa inyo ay magiging tulad ng maliliit na alikabok at ang maraming mga malulupit tulad ng ipa na naglalaho. Mangyayari ito nang biglaan, sa isang saglit. 6 Paparusahan kayo ni Yahweh na pinuno ng mga hukbo ng mga anghel na may kulog, lindol, malakas na ingay, ng malalakas na mga hangin at matinding bagyo, at mga liyab ng isang lumalamong apoy. 7 Ito ay magiging tulad ng isang panaginip, isang pangitain ng gabi: Lalabanan si Ariel at ang kanyang kutang tanggulan ng isang kawan ng lahat ng mga bansa. Sasalakayin siya at ang kanyang mga tanggulan para siluhin siya. 8 Ito ay tulad ng isang nagugutom na tao na nananaginip na siya ay kumakain, pero nang siya ay gumising, walang laman ang kanyang tiyan. Ito ay tulad ng nananaginip na uhaw na tao na umiinom, pero nang siya ay gumising, siya ay nahihilo, dahil ang kanyang pagka-uhaw ay hindi mapawi. Oo, ganoon ang mangyayari sa kawan ng mga bansa na lumalaban sa Bundok ng Sion. 9 Pahangain ninyo ang inyong mga sarili at mamangha; bulagin ninyo ang inyong sarili at mabulag! Malasing kayo, pero hindi sa alak; magsuray-suray kayo, pero hindi sa serbesa. 10 Dahil ibinuhos sa inyo ni Yahweh ang espiritu ng mahimbing na tulog. Isinara niya ang inyong mga mata, mga propeta, at tinakpan ang inyong mga ulo, mga manghuhula.

11 Ang lahat ng mga paghahayag ay naging sa inyo tulad ng mga salita sa isang aklat na selyado, na maaaring ibigay ng mga tao sa isang may pinag-aralan, na sinasabing “Basahin mo ito”. Sinasabi rin niya, “Hindi maaari, dahil ito ay selyado.” 12 Kung ang aklat na ito ay ibinigay sa isa na hindi makabasa, na sinasabing. “Basahin mo ito”, sinasabi niya, “hindi ako makabasa”.

13 Sinabi ng Panginoon, “Ang bayang ito ay lumalapit sa akin gamit ang kanilang bibig at pinararangalan ako gamit ang kanilang mga labi, pero malayo ang kanilang puso sa akin. Ang pagpaparangal nila sa akin ay isang kautusan na itinuro ng mga tao. 14 Kaya nga, tingnan ninyo, magpapatuloy akong gumawa ng kamangha-manghang bagay sa mga taong ito, kababalaghan kasunod ng isa pang kababalaghan. Ang karunungan ng kanilang matatalinong tao ay mawawala, at ang pang-unawa ng kanilang mga nakakaunawang mga tao ay maglalaho.” 15 Kaawa-awa ang mga lubos na itinatago ang kanilang mga plano mula kay Yahweh, at na ang kanilang mga gawa ay nasa kadiliman. Sinasabi nila, “Sino ang nakakakita sa atin, at sino ang nakakakilala sa atin? 16 Ibinabaligtad ninyo ang mga bagay! Dapat bang ituring ang magpapalayok na tulad ng luwad, para sabihin na ang bagay na ginawa niya ay tungkol sa kanya na siyang gumawa nito, “Hindi niya ako ginawa,” o ang bagay na hinubog ay sasabihin sa kanyang manghuhubog, “Hindi niya nauunawaan?”

17 Hindi magtatagal, magiging isang bukid ang Lebanon, at ang bukid ay magiging isang gubat. 18 Sa araw na iyon, maririnig ng bingi ang mga salita ng aklat, at ang mga mata ng bulag ay makakakita mula sa malalim na kadiliman. 19 Muling magagalak kay Yahweh ang mga api, at magagalak sa Ang Banal ng Israel ang mga mahihirap. 20 Mawawala na ang malupit, at maglalaho ang mapangutya. Aalisin ang lahat ng mga mahilig gumawa ng kasamaan, 21 na sa pamamagitan ng isang salita ay pinapalabas na may sala ang isang tao. Naglalatag sila ng isang silo para sa kanya na naghahanap ng katarungan sa tarangkahan at ibinababa ang matuwid sa pamamagitan ng walang laman na mga kasinungalingan.

22 Kaya nga ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa sambahayan ni Jacob — si Yahweh, na tumubos kay Abraham, “Hindi na mapapahiya si Jacob, ni mamumutla ang kanyang mukha. 23 Pero kapag nakita niya ang kanyang mga anak, na gawa ng aking mga kamay, gagawin nilang banal ang aking pangalan. Gagawin nilang banal ang pangalan ng Banal ni Jacob at hahanga sila sa Diyos ng Israel. 24 Ang mga nagkamali sa kanilang iniisip ay magkakaroon ng pang-unawa, ang mga mareklamo ay matututo ng kaalaman. “