Pinamahalaan ni Samuel ang Israel
1116 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
2 Mula nang araw na manatili ang kaban sa Kiriat-Jearim, lumipas ang mahabang panahon, dalawampung taon. Nanaghoy ang buong bahay ng Israel at ninais nilang bumaling kay Yahweh.
3 Sinabi ni Samuel sa lahat ng tao ng Israel, “Kung babalik kayo kay Yahweh nang inyong buong puso, alisin ninyo ang mga dayuhang diyos at ang Astarot mula sa inyo, ibaling ang inyong mga puso kay Yahweh, at siya lamang ang sambahin, sa gayon ililigtas niya kayo mula sa kamay ng mga Filisteo.”
4 Pagkatapos inalis ng mga tao ng Israel ang mga Baal at mga Astarot, at sinamba lamang si Yahweh.
5 Pagkatapos, sinabi ni Samuel, “Dalahin ninyo ang buong Israel sa Mizpa at mananalangin ako kay Yahweh para sa inyo.”
6 Nagtipon sila sa Mizpa at sumalok ng tubig at ibinuhos ito sa harapan ni Yahweh. Nag-ayuno sila sa araw na iyon at sinabing, “Nagkasala kami laban kay Yahweh.” Doon pinagpasiyahan ni Samuel ang mga alitan ng mga tao ng Israel at pinangunahan ang mga tao.
7 Ngayon nang marining ng mga Filisteo na nagtipon ang mga tao ng Israel sa Mizpa, sinalakay ng mga namumuno ng Filisteo ang Israel. Pagkarinig ng mga tao ng Israel nito, natakot sila sa mga Palestina. 8 Pagkatapos sinabi ng bayan ng Israel kay Samuel, “Huwag kang tumigil sa pagtawag kay Yahweh na ating Diyos para sa amin, upang iligtas niya kami mula sa kamay ng mga Filisteo.”
9 Kumuha si Samuel ng isang pinapasusong kordero at inihandog ito bilang isang buong sinunog na handog kay Yahweh. Pagkatapos patuloy na tumawag si Samuel kay Yahweh para sa Israel, at sinagot siya ni Yahweh. 10 Habang inihahandog ni Samuel ang sinunog na handog, lumapit ang mga Filisteo para salakayin ang Israel. Subalit nagpakulog si Yahweh ng isang malakas na tunog sa araw na iyon laban sa mga Filisteo at nagkagulo sila, at napuksa sila sa harapan ng Israel.
11 Pumunta ang mga kalalakihan ng Israel mula sa Mizpa, at tinugis nila ang mga Filisteo at pinatay sila hanggang sa ibaba ng Betcar.
12 Pagkatapos kumuha si Samuel ng isang bato at itinayo ito sa pagitan ng Mizpa at Shen. Pinangalanan niya itong Ebenezer, sinasabing, “Hanggang sa ngayon tinulungan pa rin kami ni Yahweh.”
13 Kaya nag-api ang mga Filisteo at hindi sila pumasok sa hangganan ng Israel. Laban sa mga Filisteo ang kamay ni Yahweh sa lahat ng araw ni Samuel. 14 Naibalik sa Israel ang mga bayang kinuha ng mga Filisteo mula sa Israel, mula sa Ekron hanggang sa Gat; binawi ng Israel ang kanilang nasasakupan mula sa mga Filisteo. Pagkatapos nagkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at mga Amoreo.
15 Hinatulan ni Samuel ang Israel sa lahat ng araw ng kanyang buhay. 16 Bawat taon lumilibot siya sa Bethel, sa Gilgal at sa Mizpa. Pinagpapasiyahan niya ang mga alitan para sa Israel sa lahat ng mga lugar na ito. 17 Pagkatapos babalik siya sa Rama, sapagkat naroon ang bahay niya; at doon pinagpapasiyahan din niya ang mga alitan para sa Israel. Gumawa rin siya ng altar doon kay Yahweh.
8:1 Nang matanda na si Samuel, ginawa niyang mga hukom sa Israel ang mga anak niyang lalaki. 2 Joel ang pangalan ng panganay niya at Abija ang pangalan ng pangalawa niyang anak na lalaki. Mga hukom sila sa Beer-seba. 3 Hindi lumakad sa mga paraan niya ang kanyang mga anak, sa halip naghabol sila sa hindi tapat na tubo. Tumanggap sila ng mga suhol at binaluktot ang katarungan.
4 Pagkatapos sama-samang nagtipon ang mga nakakatanda ng Israel at pumunta sila kay Samuel sa Rama. 5 Sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo, matanda ka na at hindi lumalakad ayon sa mga paraan mo ang iyong mga anak. Pumili ka para sa amin ng isang hari na hahatol sa amin tulad ng lahat ng mga bansa.”
6 Subalit hindi nalugod si Samuel nang sabihin nilang, “Bigyan mo kami ng haring hahatol sa amin.” Kaya nanalangin si Samuel kay Yahweh.
7 Sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Sundin mo ang boses ng mga tao sa lahat ng bagay na sasabihin nila sa iyo; sapagkat hindi ikaw ang tinanggihan nila, ngunit ako ang tinanggihan nila mula sa pagiging hari nila. 8 Kumikilos sila ngayon tulad ng ginawa nila mula noong araw na inilabas ko sila mula sa Ehipto, pinabayaan ako, at naglingkod sa ibang mga diyos, at kaya ginagawa rin nila sa iyo. 9 Ngayon makinig sa kanila; ngunit taimtim na balaan sila at ipaalam sa kanila ang paraan na mamahala sa kanila ang hari.”
10 Kaya sinabi ni Samuel ang lahat ng salita ni Yahweh sa mga taong humihingi ng hari. 11 Sinabi niya, “Ganito kung paano mamumuno ang hari sa inyo. Kukunin niya ang inyong mga anak na lalaki at itatalaga sila sa kanyang mga karo at para maging mga mangangabayo niya, at para tumakbo sa harapan ng kanyang mga karo.
12 Hihirang siya para sa kanyang sarili ng mga kapitan ng libu-libong sundalo, at mga kapitan ng limampung sundalo. Pagbubungkalin niya ang ilan ng kanyang lupa, gagapas ang ilan ng kanyang ani, at ang ilan ay gagawa ng kanyang mga sandata para sa digmaan at mga kagamitan para sa kanyang mga karo.
13 Kukunin din niya ang inyong mga anak na babae para maging mga tagagawa ng pabango, tagapagluto at babaeng magtitinapay.
14 Kukunin niya ang pinakamainam sa mga bukid ninyo, ang inyong mga ubasan at mga taniman ng olibo at ibibigay ang mga iyon sa mga lingkod niya. 15 Kukunin niya ang ikasampu ng inyong butil at ng inyong mga ubasan at ibibigay sa kanyang mga opisyal at mga lingkod. 16 Kukunin niya ang inyong mga lalaki at babaeng lingkod at ang pinakamagaling sa mga binata ninyo at inyong mga asno; pagtatrabahuhin niya silang lahat para sa kanya.
17 Kukunin niya ang ikasampu ng inyong mga kawan at magiging mga alipin niya kayo. 18 Pagkatapos sa araw na iyon, tatangis kayo dahil sa haring pinili ninyo para sa inyong sarili; ngunit hindi kayo sasagutin ni Yahweh sa araw na iyon.”
19 Subalit tumangging makinig ang mga tao kay Samuel; sinabi nila, “Hindi! Dapat mayroon kaming hari 20 upang maging tulad kami ng lahat ng ibang bansa, at upang hatulan kami ng aming hari at manguna sa amin at makipaglaban sa aming mga labanan.”
21 Nang marinig ni Samuel ang lahat ng salita ng mga tao, inulit niya ang mga iyon sa mga tainga ni Yahweh.
22 Sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Sundin mo ang boses nila at gawan sila ng hari.” Kaya sinabi ni Samuel sa mga kalalakihan ng Israel, “Dapat pumunta ang bawat lalaki sa kanyang sariling lungsod.”