Mga Awit ng Pighati, Pangunahin mula sa Panahon ng Pagkabihag

Mga awit na isinulat sa panahon ng mga pighati at pagdurusa ng iglesya, pangunahin noong Pagkabihag sa Babilonia.

539 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Awit 137

1 Kami ay naupo sa tabi ng ilog ng Babilonia at umiyak nang aming naisip ang tungkol sa Sion. 2 Sa mga puno ng alamo namin isinabit ang aming mga alpa. 3 Doon ang aming mga manlulupig ay pinakanta kami, at silang mga nangutya sa amin ay inatasan kaming maging masaya, sinasabing, “Awitan niyo kami ng isa sa mga awit ng Sion.” 4 Paano kami makakakanta ng isang awitin tungkol kay Yahweh sa isang dayuhang lupain? 5 Jerusalem, kung aking babalewalain ang alaala mo, hayaan mo ang aking kanang kamay na makalimutan ang kaniyang kakayahan. 6 Hayaan mo ang aking dila na kumapit sa aking ngalangala kung hindi na kita muling iisipin pa, kung hindi ko gugustuhin na ang Jerusalem ang maging aking pinakadakilang kasiyahan. 7 Alalahanin mo, Yahweh, kung ano ang ginawa ng mga Edomita noong araw na bumagsak ang Jerusalem. Sinabi nila, “Wasakin ito, wasakin ito hanggang sa pundasyon nito.” 8 Anak na babae ng Babilonia, na malapit na ang pagkawasak— nawa ang tao ay pagpalain, kung sinuman ang magbalik ng kabayaran sa kung ano ang iyong ginawa sa amin. 9 Nawa ang taong iyon ay pagpalain, sinuman ang kumuha at nagpira-piraso ng inyong maliliit na anak sa bato.

Mga Awit 130

1 Yahweh, mula sa kailaliman ako ay umiiyak sa iyo. 2 Panginoon, pakinggan mo ang aking boses; hayaan ang iyong mga tainga na tumuon sa aking mga pagsusumamo ng iyong awa. 3 Yahweh, kung tatandaan mo ang mga kasamaan, Panginoon, sino ang makatatagal? 4 Pero mayroong kapatawaran sa iyo, para ikaw ay sambahin. 5 Naghihintay ako para kay Yahweh, naghihintay ang aking kaluluwa, at sa kaniyang salita ako ay umaasa. 6 Naghihintay ang aking kaluluwa para sa Panginoon ng higit kaysa sa tagabantay na naghihintay na mag-umaga. 7 O Israel, umasa ka kay Yahweh. Si Yahweh ay maawain, at siya ay labis na nagnanais magpatawad. 8 Siya ang tutubos sa Israel mula sa lahat ng kanilang mga kasalanan.

Mga Awit 80

1 Bigyang pansin mo, Pastol ng Israel, ikaw na nangunguna kay Jose tulad ng isang kawan; ikaw na nakaupo sa ibabaw ng kerubin, magliwanag ka sa amin! 2 Sa paningin ni Efraim at Benjamin at Manases, palakasin mo ang iyong kapangyarihan; lumapit ka at iligtas kami. 3 O Diyos, panumbalikin mo kaming muli; pagliwanagin mo ang iyong mukha sa amin, at kami ay maliligtas. 4 Yahweh Diyos ng mga hukbo, hanggang kailan ka magagalit sa iyong bayan kapag sila ay nananalangin? 5 Pinakain mo sila ng tinapay ng luha at binigyan sila ng napakaraming luha para mainom. 6 Ginagawan mo kami ng bagay para pagtalunan kami ng aming kapwa, at pinagtatawanan kami ng aming mga kaaway. 7 Diyos ng mga hukbo, panumbalikin mo kami; pagliwanagin mo ang iyong mukha sa amin, at kami ay maliligtas. 8 Nagdala ka ng puno ng ubas mula sa Egipto; pinalayas mo ang mga bansa at itinanim ito sa ibang lugar. 9 Nilinis mo ang lupain para dito; nag-ugat ito at pinuno ang lupain. 10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim nito, ang pinakamataas na mga puno ng sedar ng Diyos sa mga sanga nito. 11 Umaabot ang mga sanga nito hanggang sa dagat at mga usbong nito hanggang sa Ilog Eufrates. 12 Bakit mo winasak ang mga pader nito para ang lahat ng dumaraan ay pipitas ng bunga nito? 13 Sinisira ito ng mga baboy-ramong nasa gubat, at kinakain ito ng mga halimaw sa bukid. 14 Bumalik ka, Diyos ng mga hukbo; pagmasdan mo mula sa langit at pansinin at alagaan ang puno ng ubas na ito. 15 Ito ang ugat na itinanim ng iyong kanang kamay, ang usbong na pinalago mo 16 Ito ay sinunog at pinutol; nawa mapuksa ang iyong mga kaaway dahil sa iyong pagsaway. 17 Nawa ang iyong kamay ay maipatong sa taong iyong kanang kamay, sa anak ng tao na pinalakas mo para sa iyong sarili. 18 Sa gayon hindi kami tatalikod mula sa iyo; pasiglahin mo kami, at tatawag kami sa iyong pangalan. 19 Ibalik mo kami, Yahweh, Diyos ng mga hukbo; magliwanag ka sa amin, at kami ay maliligtas.

Mga Awit 77

1 Tatawag ako sa Diyos gamit ang aking tinig; tatawag ako sa Diyos gamit ang aking tinig, at diringgin ako ng aking Diyos. 2 Sa mga araw ng aking mga kaguluhan, hinanap ko ang Panginoon; sa gabi, inunat ko ang aking mga kamay, at hindi nito nagawang mapagod. Tumanggi akong mapanatag. 3 Inisip ko ang Diyos habang naghihinagpis ako; inisip ko siya habang nanghihina ako. Selah 4 Binuksan mo ang aking mga mata; labis akong nabahala para magsalita. 5 Iniisip ko ang nakaraan, tungkol sa mga panahong matagal nang nakalipas. 6 Sa kahabaan ng gabi inaalala ko ang awit na minsan kong inawit. Nag-isip akong mabuti at sinubukang unawain ang nangyari. 7 Tatanggihan ba ako ng Panginoon habang buhay? Hindi na ba niya muli ipakikita ang kaniyang tulong? 8 Ang kaniya bang katapatan sa tipan ay wala na habang buhay? 9 Habangbuhay na bang bigo ang kaniyang pangako? Nakalimutan na ba ng Diyos na maging mapagbigay-loob? Napigil na ba ng galit ang kaniyang habag? Selah 10 Sabi ko, “Ito ang aking hinagpis: ang pagbabago ng kanang kamay ng Makapangyarihang Diyos sa atin.” 11 Pero, aalalahanin ko ang mga ginawa mo Yahweh; Iisipin ko ang mga kahanga-hangang mga ginawa mo noon. 12 Pagninilay-nilayan ko ang lahat ng mga ginawa mo at pagmumuni-munihin ko ang mga iyon. 13 Ang paraan ninyo O Diyos ay banal; anong diyos-diyosan ang maihahambing sa aming dakilang Diyos? 14 Ikaw ang Diyos na gumagawa ng mga kababalaghan; ipinakita mo ang iyong lakas sa mga tao. 15 Binigyan mo ng tagumpay ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan - ang mga kaapu-apuhan ni Jacob at Jose. Selah 16 Nakita ka ng katubigan O Diyos; nakita ka ng katubigan, at natakot sila; ang kailaliman ng tubig ay nanginig. 17 Nagbuhos ng tubig ang mga ulap; ang kalangitan ay kumulog; kumikislap ang iyong mga palaso sa buong paligid. 18 Ang madagundong mong boses ay narinig sa hangin; inilawan ng kidlat ang mundo; nanginig at nayanig ito. 19 Papunta sa dagat ang iyong landas at ang iyong daan ay patungo sa umaalong tubig, pero ang mga bakas ng iyong mga paa ay hindi nakita. 20 Inakay mo ang iyong bayan tulad ng isang kawan sa pamamagitan ng mga kamay ni Moises at Aaron.