Mga Awit mula sa Paghahari ni David, Hindi Tiyak ang mga Petsa (continued)
Mga awit na isinulat ni David matapos siyang maging hari, na hindi tiyak ang mga petsa at pagkakataon ng pagkakasulat.
1015 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Sa aking kahirapan tumawag ako kay Yahweh, at sinagot niya ako. 2 Iligtas mo ang aking buhay, O Yahweh, mula sa mga sinungaling na labi at mula sa mandarayang dila. 3 Paano ka niya parurusahan, at ano pa ang magagawa sa iyo, ikaw na may sinungaling na dila? 4 Papanain ka niya ng matalim na mga pana ng mandirigma, kung saan hinulma sa mainit na mga uling ng puno ng tambo. 5 Kaawaan ako dahil pansamantala akong naninirahan sa Mesech; nanirahan ako dati sa mga tolda ng Kedar. 6 Matagal akong nanirahan kasama silang napopoot sa kapayapaan. 7 Ako ay para sa kapayapaan, pero kapag ako ay nagsasalita, sila ay para sa digmaan.
121:1 Itataas ko ang aking mga mata sa mga bundok. Mula saan manggagaling ang aking saklolo? 2 Ang saklolo sa akin ay nanggagaling kay Yahweh, na gumawa ng langit at lupa. 3 Hindi niya papayagang madulas ang paa mo; siya na nag-iingat sa iyo ay hindi iidlip. 4 Tingnan mo, ang tagapangalaga ng Israel ay hindi kailanman iidlip o matutulog. 5 Tagapangalaga ninyo si Yahweh; si Yahweh ay lilim sa inyong kanang kamay. 6 Hindi ka masasaktan ng araw sa umaga, ni ng buwan sa gabi. 7 Iingatan ka ni Yahweh sa lahat ng kapahamakan, at iingatan niya ang iyong buhay. 8 Iingatan ni Yahweh ang lahat ng iyong ginagawa ngayon at magpakailanman.
122:1 Ako ay nagalak nang kanilang sabihin sa akin, “Tayong pumunta sa tahanan ni Yahweh.” 2 Ang mga paa natin ay nakatayo sa loob ng iyong tarangkahan, O Jerusalem. 3 Ang Jerusalem ay itinayo tulad ng isang lungsod na matatag. 4 Ang mga angkan ni Yahweh ay umakyat doon, ang mga angkan ni Yahweh, bilang isang batas para sa Israel para magbigay pasasalamat sa pangalan ni Yahweh. 5 Doon ang mga pinuno ay nakaupo sa mga trono para sa hatol ng sambahayan ni David. 6 Manalangin para sa kapayapaan ng Jerusalem! Sila ay giginhawa na nagmamahal sa inyo. 7 Magkaroon nawa ng kapayapaan sa loob ng inyong mga pader at kaginhawahan sa inyong mga tore. 8 Para sa mga kapakanan ng aking mga kapatid at kasamahan, sasabihin ko ngayon, “Magkaroon nawa ng kapayapaan sa inyo.” 9 Para sa kapakanan ng tahanan ni Yahweh na ating Diyos, mananalangin ako para sa inyong ikabubuti.
1 “Kung wala si Yahweh sa ating panig,” hayaang sabihin ng Israel ngayon, 2 “kung hindi si Yahweh ang nasa ating panig nang lumusob ang mga tao laban sa atin, 3 tiyak lalamunin nila tayo ng buhay nang sumiklab ang kanilang matinding galit laban sa atin. 4 Tatangayin tayo ng tubig; lalamunin tayo ng malakas na agos ng tubig. 5 Pagkatapos lulunurin tayo ng rumaragasang tubig.” 6 Purihin si Yahweh, siyang hindi nagpahintulot na magutay-gutay tayo sa pamamagitan ng kanilang mga ngipin. 7 Nakatakas tayo tulad ng isang ibon mula sa patibong ng mga manghuhuli; ang patibong ay nasira at tayo ay nakatakas. 8 Ang ating saklolo ay na kay Yahweh, na siyang gumawa ng langit at lupa.
1 Yahweh, ang aking puso ay hindi nagmamalaki o aking mga mata ay hindi nagmamataas, wala akong matataas na pangarap para sa aking sarili o pag-aalala sa mga bagay na hindi ko naaabot. 2 Tunay nga na pinanatili ko at pinatahimik ang aking kaluluwa; tulad ng batang nawalay na sa kaniyang ina, ang aking kaluluwa ay nasa loob ko tulad ng isang batang nawalay na. 3 Israel, umasa ka kay Yahweh ngayon at magpakailanman.
1 Masdan niyo, napakabuti at kaaya-aya para sa mga kapatiran na sama-samang manatili ng may pagkakaisa! 2 Tulad ito ng mamahaling langis sa ulo na dumaloy pababa sa balbas ni Aaron, na dumaloy sa kaniyang mga kasuotan. 3 Tulad ito ng hamog sa Hermon, na bumababa sa bundok ng Sion. Dahil doon nag-utos si Yahweh ng pagpapala, buhay magpakailanman.