Ang Turo ng Isang Ama tungkol sa Karunungan (continued)

984 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Kawikaan 2–3

1 Anak, kung tatanggapin mo ang aking mga salita at paka-ingatan ang aking mga kautusan, 2 makinig sa karunungan at itutuon mo ang iyong puso sa pang-unawa. 3 Kung ikaw ay magmakaawa para sa kaunawaan at sumigaw para dito, 4 kung hahanapin mo ito kagaya ng paghahanap ng pilak at hahanapin mo ang pang-unawa kagaya ng paghahanap mo ng mga nakatagong kayamanan, 5 saka mo mauunawaan ang pagkatakot kay Yahweh at matatagpuan mo ang kaalaman ng Diyos. 6 Sapagkat si Yahweh ang nagbibigay ng karunungan, mula sa kanyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan. 7 Nag-iimbak siya ng tamang karunungan para sa mga taong nagbibigay kaluguran sa kanya, siya ay kalasag para sa mga lumalakad na may katapatan 8 binabantayan niya ang mga daan ng katarungan at pananatilihin niya ang landas ng mga tapat sa kanya. 9 Pagkatapos ay mauuunawaan mo ang katuwiran, katarungan, pagkamakatao at bawat mabuting landas. 10 Sapagkat ang karunungan ay darating sa iyong puso, at ang kaalaman ay magiging kalugod-lugod sa iyong kaluluwa. 11 Ang mabuting pagpapasya ang magmamasid sa iyo, at pang-unawa ang magbabantay sa iyo. 12 Sila ang sasagip sa iyo sa daan ng masama, mula sa mga taong nagsasalita ng masasamang bagay, 13 silang mga tumalikod sa mga tamang landas at lumakad sa mga pamamaraan nang kadiliman. 14 Sila ay nagagalak kapag gumagawa ng kasamaan at nagagalak sa katiwalian ng kasamaan. 15 Sila ay sumusunod sa mga maling landas, at gumagamit nang pandaraya para itago ang kanilang pinagdaanan. 16 Ang karunungan at mabuting pagpapasya ang magliligtas sa iyo mula sa imoral na babae, mula sa babaeng naghahanap ng pakikipagsapalaran at sa kanyang mga matatamis na pananalita. 17 Siya ay tumalikod sa kasamahan ng kaniyang kabataan at nakalimutan ang tipan ng kaniyang Diyos. 18 Dahil ang kaniyang tahanan ay sumasamba sa kamatayan at ang kaniyang mga landas ang maghahatid sa iyo doon sa mga nasa libingan. 19 Lahat nang pumupunta sa kaniya ay hindi makakabalik muli at hindi na matatagpuan ang landas ng buhay. 20 Kaya ikaw ay lalakad sa daan ng mga mabubuting tao at sundin ang mga landas ng mga matutuwid. 21 Magtatayo ng tahanan sa lupain ang mga gumagawa ng mabuti, at mananatili doon ang namumuhay nang may katapatan. 22 Ngunit puputulin sa lupain ang mga masasama, at ang hindi tapat ay aalisin mula rito.

3:1 Aking anak, huwag kalimutan ang aking mga utos, at isapuso ang aking mga katuruan, 2 dahil ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ang idadagdag ng mga ito sa iyo. 3 Huwag hayaang lisanin ka ng pagiging tapat sa tipan at pagiging katiwa-tiwala, itali ito ng magkasama sa iyong leeg, isulat ito sa kaloob-looban ng iyong puso. 4 Pagkatapos ikaw ay makakahanap ng pabor at mabuting reputasyon sa paningin ng Diyos at ng tao. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas. 7 Huwag maging marunong sa iyong sariling mga mata; matakot kay Yahweh at talikuran ang kasamaan. 8 Ito ay kagalingan sa iyong laman at inuming makapagpanibagong sigla para sa iyong katawan. 9 Parangalan si Yahweh ng iyong kayamanan at ng mga unang bunga ng lahat ng iyong ani, 10 at ang iyong mga kamalig ay mapupuno at ang iyong mga bariles ay aapaw, puno ng bagong alak. 11 Aking anak, huwag hamakin ang disiplina ni Yahweh at huwag mapoot sa kaniyang pagsaway, 12 dahil dinidisiplina ni Yahweh ang kaniyang mga minamahal, katulad ng pakikitungo ng ama sa kaniyang anak na nakalulugod sa kaniya.

13 Siya na nakasusumpong ng karunungan ay masaya, siya din ay nakakuha ng kaunawaan. 14 Ang matatamo ninyo sa karunungan ay mas mabuti kaysa sa maibibigay ng pilak at ang pakinabang ay mas mabuti kaysa sa ginto. 15 Ang karunungan ay mas mahalaga kaysa sa mga hiyas at wala sa mga ninanais mo ang maikukumpara sa kaniya. 16 Mayroon siyang haba ng mga araw sa kaniyang kanang kamay; sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan. 17 Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kabaitan at lahat ng kaniyang mga landas ay kapayapaan. 18 Siya ay isang puno ng buhay sa mga humahawak dito, ang mga kumakapit dito ay masasaya. 19 Sa pamamagitan ng karunungan itinatag ni Yahweh ang mundo, sa pamamagitan ng pang-unawa itinayo niya ang kalangitan. 20 Sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman, ang mga kailaliman ay bumukas at ibinagsak ng mga ulap ang kanilang hamog. 21 Aking anak, panatilihin ang mahusay na pagpapasya at talas ng pag-iisip, at huwag mawala ang paningin sa mga ito. 22 Ang mga ito ay buhay sa iyong kaluluwa at isang palamuti ng pabor para isuot sa iyong leeg. 23 Pagkatapos ikaw ay lalakad sa iyong daan sa kaligtasan at ang iyong paa ay hindi madarapa; 24 kapag ikaw ay humiga, hindi ka matatakot; kapag ikaw ay humiga, ang iyong tulog ay magiging mahimbing. 25 Huwag matakot sa biglaang pagkakilabot o pagkawasak na idinulot ng mga masasama, kapag dumating ang mga ito, 26 dahil si Yahweh ay nasa iyong tabi at iingatan ang iyong paa na huwag mahuli sa bitag. 27 Huwag ipagkait ang mabuti sa mga karapat-dapat dito, kapag nasa iyong kapangyarihan upang kumilos. 28 Huwag sabihin sa iyong kapwa, “pumunta ka, at bumalik muli at bukas ibibigay ko ito,” kapag ang pera ay nasa iyo. 29 Huwag gumawa ng plano para makasakit ng iyong kapwa— siya na nakatira sa malapit at nagtitiwala sa iyo. 30 Huwag makipagtalo sa isang tao ng walang dahilan, kapag wala siyang ginawa para saktan ka. 31 Huwag kainggitan ang isang marahas na tao o piliin ang kahit na ano sa kaniyang mga paraan. 32 Dahil ang sinungaling na tao ay kasuklam-suklam kay Yahweh, nguniit dinadala niya ang matuwid na tao sa kaniyang pagtitiwala. 33 Ang sumpa ni Yahweh ay nasa tahanan ng masasamang tao, ngunit pinagpapala niya ang tahanan ng mga matuwid. 34 Kinukutya niya ang mga nangungutya, ngunit ibinibigay niya ang kaniyang pabor sa mga taong may mababang loob. 35 Ang mga marurunong na tao ay nagmamana nang karangalan, ngunit ang mga hangal ay iaangat sa kanilang kahihiyan.