Ang mga Kawikaan ni Solomon (continued)
984 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Mas mabuti ang isang mahirap na lumalakad nang may karangalan kaysa sa isang baluktot magsalita at isang mangmang. 2 Gayon din, hindi mabuting magkaroon ng nais na walang karunungan at ang tumatakbo nang mabilis ay lumilihis sa landas. 3 Pinapahamak ng kamangmangan ng tao ang kaniyang buhay, at ang puso niya ay nagagalit laban kay Yahweh. 4 Ang kayamanan ay nakadaragdag ng maraming kaibigan, pero ang mahirap ay hiwalay mula sa kaniyang mga kaibigan. 5 Ang bulaang saksi ay hindi makakaalis ng hindi napaparusahan, at hindi makakatakas ang siyang nabubuhay sa mga kasinungalingan. 6 Maraming hihingi ng tulong mula sa mapagbigay na tao, at lahat ay kaibigan ng siyang nagbibigay ng mga regalo. 7 Lahat ng mga kapatid ng mahirap ay napopoot sa kaniya; paano pa ang kaniyang mga kaibigan na lumalayo mula sa kaniya! Siya ay nananawagan sa kanila, pero sila ay naglaho na. 8 Ang nagsisikap na magkaroon ng karunungan ay nagmamahal sa kaniyang sariling buhay; ang nagpapanatili sa pang-unawa ay makatatagpo ng kabutihan. 9 Ang bulaang saksi ay hindi makaaalis ng hindi mapaparusahan, ngunit mapapahamak ang mga nabubuhay sa kasinungalingan. 10 Hindi angkop para sa isang mangmang na mamuhay ng may karangyaan— lalong hindi para sa isang alipin ang mamuno sa mga prinsipe. 11 Ang pag-iingat ay nagdudulot sa isang tao na hindi agad magalit at ang kaniyang dangal ay ang hindi pagpansin sa kasalanan. 12 Ang poot ng hari ay parang batang leon na umaatungal, pero ang kaniyang kagandahang loob ay katulad ng hamog sa mga damuhan. 13 Kasiraan sa kaniyang ama ang isang mangmang na anak at ang mapang-away na asawang babae ay tulo ng tubig na walang tigil. 14 Ang bahay at kayamanan ay namamana mula sa mga magulang, ngunit mula kay Yahweh ang masinop na asawang babae. 15 Hinahagis ng katamaran ang isang tao sa mahimbing na tulog, pero magugutom ang isang tao na ayaw maghanapbuhay. 16 Ang tumutupad ng kautusan ay nag-iingat ng kaniyang buhay, pero ang hindi pinag-iisipan ang kaniyang mga pamamaraan ay tiyak na mamamatay. 17 Ang sinumang mabait sa mahihirap ay nagpapahiram kay Yahweh, at babayaran siya ni Yahweh dahil sa kaniyang ginawa. 18 Disiplinahin mo ang iyong anak habang may pag-asa pa, at huwag mong patatagin ang iyong kagustuhan na ilagay siya sa kamatayan. 19 Ang taong mainitin ang ulo ay dapat magbayad kung siya ay iyong sinagip, gagawin mo ito ulit sa pangalawang pagkakataon. 20 Dinggin mo at sundin ang aking katuruan, at ikaw ay magiging marunong hanggang sa katapusan ng iyong buhay. 21 Marami ang mga plano sa puso ng isang tao, pero ang layunin ni Yahweh ang siyang mananaig. 22 Katapatan ang ninanais ng isang tao, at higit na mainam ang mahirap kaysa sa isang sinungaling. 23 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay; ang gumagawa nito ay masisiyahan at ligtas sa kapahamakan. 24 Binabaon ng batugan ang kaniyang kamay sa pagkain; hindi man lamang niya ito maibalik pataas sa kaniyang bibig. 25 Kapag iyong pinarusahan ang isang mangungutya, matututo pati ang walang pinag-aralan; itama mo ang may pang-unawa at lalawak ang kaniyang kaalaman. 26 Ang isang ninanakawan ang kaniyang ama at pinapalayas ang kaniyang ina ay isang anak na nagdadala ng kahihiyan at kasiraan. 27 Kung hindi ka na makikinig sa katuruan, aking anak, ikaw ay mapapalayo mula sa mga salita ng kaalaman. 28 Ang masamang saksi ay kinukutya ang katarungan, at ang bibig ng masama ay lumulunok ng malaking kasalanan. 29 Nakahanda ang paghatol sa mga mapangutya, at paghahagupit sa likod ng mga mangmang.
20:1 Ang alak ay mangungutya at ang matapang na inumin ay basag-ulero; ang sinumang naliligaw sa pamamagitan ng pag-inom ay hindi matalino. 2 Ang takot sa hari ay katulad ng takot sa batang leon na umaatungal; ang sinumang maging dahilan ng kaniyang galit ay itinatapon ang kaniyang buhay. 3 Isang karangalan para sa sinuman ang umiwas sa hindi pagkakasundo, ngunit ang bawat hangal ay sumasali sa isang pagtatalo. 4 Ang taong tamad ay hindi nag-aararo sa taglagas; siya ay naghahanap ng isang bunga sa panahon ng tag-ani ngunit hindi magkakaroon nang anuman. 5 Ang mga layunin ng puso ng isang tao ay katulad ng malalim na tubig, ngunit ang isang taong may pang-unawa ay aalamin ito. 6 Maraming tao ang nagpapahayag na sila ay tapat, ngunit sino ang makakahanap ng isang taong matapat? 7 Ang taong gumagawa ng tama ay naglalakad sa kaniyang dangal, at ang kaniyang mga anak na lalaki na sumusunod sa kaniya ay masaya. 8 Ang isang hari na nakaupo sa trono na ginagampanan ang mga tungkulin ng isang hukom ay pinipili sa kaniyang mga mata ang lahat ng masasama na nasa harapan niya. 9 Sino ang maaaring magsabi, “Pinapanatili kong malinis ang aking puso; Ako ay malaya mula sa aking kasalanan”? 10 Ang magkakaibang timbang at hindi pantay na mga sukat— parehong kinapopootan ang mga ito ni Yahweh. 11 Maging ang isang kabataan ay nakikilala sa kaniyang mga kilos, kung ang kaniyang pag-uugali ay dalisay at matuwid. 12 Ang mga tainga na nakakarinig at ang mga mata na nakakakita— parehong ginawa ito ni Yahweh. 13 Huwag mahalin ang pagtulog o ikaw ay darating sa paghihirap; buksan mo ang iyong mga mata at ikaw ay magkakaroon ng maraming kakainin. 14 '“Masama! Masama!” sabi ng mga bumibili, pero kapag umalis siya, siya ay nagmamayabang. 15 Mayroong ginto at kasaganaan sa mamahaling mga bato, ngunit ang mga labi ng kaalaman ay isang mamahaling hiyas. 16 Ang sinumang nagbibigay ng kasiguruhan para sa utang ng iba, kuhanan mo ng damit bilang sangla. 17 Ang tinapay na nakamit sa pamamagitan ng panlilinlang ay matamis sa panlasa, ngunit pagkatapos ang kaniyang bibig ay mapupuno ng graba. 18 Ang mga plano ay pinagtitibay sa pamamagitan ng payo, at sa marunong na patnubay lamang ay dapat kang makipaglaban. 19 Ang tsismis ay nagbubunyag ng mga lihim, at kaya hindi ka dapat makisama sa mga taong nagsasalita ng sobra. 20 Kapag isinusumpa ng isang tao ang kaniyang ama o kaniyang ina, ang kaniyang ilawan ay papatayin sa kalagitnaan ng kadiliman. 21 Ang isang mana na madaling nakamit sa simula ay gagawa ng mas kaunting kabutihan sa bandang huli. 22 Huwag sabihing, “Gagantihan kita para sa pagkakamaling ito!” Hintayin si Yahweh at siya ang sasagip sa iyo. 23 Kinamumuhian ni Yahweh ang mga hindi parehas na timbang, at ang hindi tapat na mga timbangan ay hindi mabuti. 24 Ang mga hakbang ng isang tao ay pinapatnubayan ni Yahweh; paano niya mauunawaan ang kaniyang paraan kung gayon? 25 Isang patibong para sa isang tao ang pagsasabi nang padalus-dalos, “Ang bagay na ito ay banal,” at iniisip lamang ang kahulugan pagkatapos niyang masabi ang kaniyang panata. 26 Ang marunong na hari ay inihihiwalay ang masama, at pagkatapos sinasagasaan ng panggiik na kariton sa ibabaw nila. 27 Ang espiritu ng isang tao ay ang ilawan ni Yahweh, hinahanap ang lahat ng kaniyang kaloob-loobang mga bahagi. 28 Ang tipan ng katapatan at pagtitiwala ay nangangalaga sa hari; ang kaniyang trono ay iniingatan sa pamamagitan ng pag-ibig. 29 Ang dangal ng mga kabataang lalaki ay ang kanilang kalakasan, at ang karangyaan ng matatanda ay ang kanilang mga uban. 30 Ang mga hampas na sumusugat, nililinis ang kasamaan, at ang mga palo ay nililinis ang mga kaloob-loobang mga bahagi.