Ang mga Kawikaan ni Solomon (continued)

984 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mga Kawikaan 12–13

1 Sinumang umiibig sa disiplina ay iniibig ang kaalaman, pero sinumang namumuhi sa pagtatama ay mangmang. 2 Nagbibigay si Yahweh ng pabor sa mabuting tao, pero pinarurusahan niya ang taong gumagawa ng masasamang plano. 3 Ang isang tao ay hindi tatatag sa pamamagitan ng kasamaan, pero silang gumagawa ng katuwiran ay hindi mabubunot kailanman. 4 Ang isang karapat-dapat na asawang babae ay korona ng kaniyang asawang lalaki, ngunit ang babaeng nagdadala nang kahihiyan ay tulad ng isang sakit na sumisira ng kaniyang mga buto. 5 Ang mga balakin ng lahat ng gumagawa ng tama ay makatarungan, ngunit ang payo ng masasama ay mapanlinlang. 6 Ang mga salita ng masasamang tao ay bitag na nakaabang ng pagkakataong pumatay, ngunit ang mga salita ng matutuwid ang siyang nag-iingat sa kanila. 7 Ang masasama ay bumabagsak at naglalaho, pero ang bahay ng mga taong gumagawa ng tama ay mananatili. 8 Pinupuri ang isang tao sa kaniyang karunungan, ngunit sinumang gumagawa ng baluktot na mga pagpili ay kinamumuhian. 9 Mas mabuti na magkaroon ng mababang katayuan—ang maging isang lingkod lamang, kaysa ang magmalaki patungkol sa iyong katayuan ngunit walang namang makain. 10 Nagmamalasakit ang matuwid sa pangangailangan ng kaniyang alagang hayop, pero maging ang habag ng masasama ay kalupitan. 11 Sinumang nagbubungkal ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng kasaganaan ng pagkain, pero sinumang naghahabol ng mga proyektong walang halaga ay hindi nag-iisip. 12 Hinahangad ng masama ang mga ninakaw ng makasalanan mula sa iba, pero ang bunga ng mga matuwid ay galing sa kanilang mga sarili. 13 Ang masamang tao ay nabibitag ng kaniyang masamang pananalita, pero ang mga taong gumagawa ng tama ay nakaliligtas sa kapahamakan. 14 Mula sa bunga ng kaniyang mga salita, ang tao ay napupuno ng mabuting mga bagay, tulad ng paggagantimpala ng mga kamayy niyang nagtatrabaho. 15 Ang kaparaanan ng isang mangmang ay tama sa kaniyang paningin, pero ang taong may karunungan, sa payo ay nakikinig. 16 Ang mangmang ay kaagad nagpapakita ng galit, pero ang nagsasawalang-kibo sa insulto ay maingat. 17 Sinumang nagsasabi ng totoo ay nagsasalita ng tama, pero ang bulaang saksi ay nagsasabi ng kasinungalingan. 18 Ang mga salitang padalos-dalos ay tulad ng saksak ng isang espada, pero ang dila ng matalino, kagalingan ang dinadala. 19 Ang makatotohanang mga labi ay tumatagal habang-buhay, pero ang sinungaling na dila ay panandalian lamang. 20 Mayroong panlilinlang sa puso ng mga taong nagbabalak ng kasamaan, pero kagalakan ang dumarating sa mga tagapagpayo ng kapayapaan. 21 Walang karamdaman ang dumarating sa mga matuwid, pero ang masasama ay puno ng paghihirap. 22 Galit si Yahweh sa sinungaling na mga labi, pero ang mga namumuhay nang tapat ay ang kasiyahan ng Diyos. 23 Itinatago ng taong maingat ang kaniyang kaalaman, pero ang puso ng hangal ay sumisigaw ng kamangmangan. 24 Ang kamay ng matiyaga ay maghahari, pero ang tamad ay sasailalim sa sapilitang pagtatrabaho. 25 Ang pangamba sa puso ng tao ay nagpapabigat sa kaniya, ngunit nagpapagalak ang mabuting salita. 26 Ang matuwid ay gabay sa kaniyang kaibigan, pero ang paraan ng masama ay nag-aakay sa kanila sa lihis na daan. 27 Ang mga tamad ay hindi niluluto ang kanilang sariling huli, pero ang matiyaga ay magkakaroon pa ng yamang natatangi. 28 Ang mga lumalakad sa tamang daan, buhay ang nasusumpungan at sa kaniyang landas ay walang kamatayan.

13:1 Ang matalinong anak ay nakikinig sa tagubilin ngunit ang manunuya ay hindi makikinig sa pagtutuwid. 2 Mula sa bunga ng kaniyang bibig, sa mga mabubuting bagay ang isang tao ay nasisiyahan, pero ang gana ng taksil ay para sa karahasan. 3 Ang binabantayan ang kaniyang bibig ay pinapangalagaan ang kaniyang buhay, pero sisirain ang sarili nang nagbubukas ng labi ng maluwang. 4 Ang gana ng taong tamad ay nananabik nang labis pero walang makukuha, pero ang gana ng mga taong masisipag ay masisiyahan nang masagana. 5 Napopoot sa mga kasinungalingan ang siyang gumagawa ng tama, pero ang isang masamang tao ay ginagawang kamuhi-muhi ang sarili, at ginagawa niya kung ano ang kahiya-hiya. 6 Silang walang kapintasan sa kanilang landas ay ipinagtatanggol ng katuwiran, ngunit ang kasamaan ay inililigaw ang mga gumagawa ng kasalanan. 7 May isang tao na pinayayaman ang sarili, pero halos walang-wala, at may isang tao na pinamimigay ang lahat ng bagay, pero siyang tunay na masagana. 8 Ang taong mayaman ay maaaring tubusin ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng kaniyang mga ari-arian, pero ang taong mahirap ay hindi makatatanggap ng ganiyang uri ng pagbabanta kailanman. 9 Ang ilaw nang gumagawa ng matuwid ay nagsasaya, pero papatayin ang lampara ng masama. 10 Ang pagmamataas ay nagbubunga lamang ng pag-aaway-away, pero mayroong karunungan para sa mga nakikinig ng mabuting payo. 11 Ang kayamanan ay nauubos kapag mayroong labis na kalayawan, pero ang siyang kumikita ng salapi sa pamamagitan ng pagtatrabaho gamit ang kaniyang kamay ay mapapalago ang kaniyang salapi. 12 Kapag ang pag-asa ay ipinagpaliban, dinudurog nito ang puso, pero ang isang natupad na pananabik ay isang puno ng buhay. 13 Ang nagsasawalang-bahala ng tagubilin ay magiging sakop pa rin nito, pero ang nagpaparangal sa utos ay gagantimpalaan. 14 Ang katuruan ng isang matalinong tao ay bukal ng buhay, ilalayo ka mula sa patibong ng kamatayan. 15 Kagandahang-loob ang tinatamo ng mabuting pananaw, pero ang daan ng taksil ay walang katapusan. 16 Ang taong marunong ay kumikilos sa bawat pagpapasya mula sa kaalaman, pero pinapangalandakan ng isang mangmang ang kaniyang kamangmangan. 17 Ang isang masamang tagapagbalita ay nahuhulog sa gulo, pero ang isang tapat na sugo ay nagdadala ng pagkakasundo. 18 Magkakaroon ng kahirapan at kahihiyan ang hindi pumapansin sa disiplina, pero karangalan ang darating sa kaniya na natututo mula sa pagtutuwid. 19 Ang pananabik na nakamit ay matamis sa gana ng panlasa, pero ang mangmang ay nasusuklam na tumalikod mula sa masama. 20 Lumakad kasama ang mga matatalinong tao at ikaw ay magiging matalino, pero ang kasamahan ng mga mangmang ay magdurusa ng kapamahakan. 21 Sakuna ang humahabol sa mga makasalanan, pero silang mga gumagawa ng tama ay gagantimpalaan ng kabutihan. 22 Nag-iiwan ng mana para sa kaniyang mga apo ang taong mabuti, pero ang kayamanan ng makasalanan ay inipon para sa gumagawa ng matuwid. 23 Ang hindi pa nabubungkal na bukirin na pag-aari ng mahirap ay maaaring magbunga ng maraming pagkain, pero ito ay natangay dahil sa kawalan ng katarungan. 24 Ang hindi dinidisiplina ang kaniyang anak ay napopoot dito, pero ang nagmamahal sa kaniyang anak ay maingat na disiplinahin ito. 25 Ang gumagawa ng tama ay kumakain hanggang masiyahan ang kaniyang gana, pero laging nagugutom ang tiyan ng masama.