Mga Propesiya sa mga Matatanda ng mga Judio (continued)

593 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Ezekiel 21–22

1 At ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 2 “Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha sa Jerusalem at magsalita ka laban sa mga santuwaryo; magpropesiya ka laban sa lupain ng Israel. 3 Sabihin mo sa lupain ng Israel, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: Masdan mo! Ako ay laban sa iyo! Bubunutin ko ang aking espada mula sa kaluban at papatayin kong pareho ang matuwid at ang masasamang tao mula sa iyo! 4 Upang mapatay kong pareho ang matuwid at ang masasama na mula iyo, lalabas mula sa kaluban ang aking espada laban sa lahat ng laman mula sa timog hanggang sa hilaga. 5 At malalalaman ng lahat ng laman na Ako, si Yahweh, ang naglabas ng aking espada mula sa kaluban. Hindi na ito magpapapigil!'

6 At ikaw, anak ng tao, maghinagpis ka gaya ng pagkabali ng iyong balakang! Maghinagpis ka na may kapaitan sa harapan ng kanilang mga paningin! 7 At mangyayari magtatanong sila sa iyo, 'Sa anong dahilan ka naghihinagpis?' At sabihin mo, 'Dahil sa balitang dumarating, sapagkat bawat puso ay manlulumo at bawat kamay ay manghihina! Bawat espiritu ay panghihinaan ng loob, at bawat tuhod ay mangangatog tulad ng tubig. Masdan mo! Darating at magiging gaya nito! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.”'

8 At dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinabi, 9 “Anak ng tao, magpropesiya ka at sabihin mo, 'Ganito ang sinasabi ng Panginoon: Sabihin mo: Isang espada! Isang espada! Patatalimin ito at pakikintabin! 10 Patatalimin ito para magamit sa malakihang pagpatay! Pakikintabin ito para maging gaya ng kidlat! Dapat ba tayong magsaya sa setro ng aking anak? Ang darating na espada ay namumuhi sa bawat ganyang tungkod! 11 Kaya ipapahawak ang espada para pakintabin at pagkatapos ay dadamputin ng kamay! Ang espada ay pinatalim! At ito ay napakintab upang ibigay sa kamay ng isang pumapatay!' 12 Tumawag ka ng tulong at managhoy, anak ng tao! Sapagkat ang espada ay dumating na sa aking mga tao! Ito ay nasa lahat ng mga pinuno ng Israel na inihagis sa espada! Sila ang aking mga tao, kaya paluin mo ang iyong hita sa kalungkutan! — 13 Sapagkat may isang pagsubok, ngunit paano kung ang setro ay hindi magtatagal? —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 14 Ngayon ikaw, anak ng tao, magpropesiya ka at pagsuntukin mo ang iyong dalawang kamay, sapagkat ang espada ay lulusob kahit tatlong beses pa! Isang espada para sa mga papatayin! Ito ang espada na papatay sa marami, tatagos sa kanila saanmang dako! 15 Upang tunawin ang kanilang puso at paramihin ang kanilang mga kinatitisuran, inihanda ko ang pagpatay ng espada sa kanilang mga tarangkahan! Sa Aba! Ito ay ginawa tulad ng kidlat, pinakawalan upang kumatay! 16 Ikaw, espada! Itaga mo sa kanan! itaga mo sa kaliwa! Pumunta ka kung saan naisin ng iyong matalas na talim. 17 Sapagkat isusuntok ko rin ang aking dalawang kamay, at pagkatapos ay hihinahon na ang aking galit! Ako, si Yahweh, ang nagpahayag nito!”

18 Ang salita ni Yahweh ay dumating muli sa akin at sinabi, 19 Ngayon ikaw, anak ng tao, magtalaga ka ng dalawang daanan para sa espada ng hari ng Babilonia na darating. Ang dalawang daanan ay magsisimula sa parehong lupain, at isang posteng pananda ang magtuturo ng papunta sa isang lungsod. 20 Tatakan mo ang isang daanan para sa hukbo ng Babilonia na pupunta sa Raba, sa lungsod ng mga Amonita. Tatakan mo ang isa pa upang ituro ang hukbo patungo sa Juda at sa lungsod ng Jerusalem, na pinatibay.

21 Sapagkat ang hari ng Babilonia ay hihinto sa krus na daan, sa sangang daan, sa pagnanais na makakuha ng isang propesiyang mensahe mula sa manghuhula. Kakalugin niya ang ilang mga palaso at hihingi ng gabay mula sa ilang mga diyus-diyosan. Susuriin niya ang isang atay!

22 Sa kaniyang kanang kamay ay mayroong isang hula tungkol sa Jerusalem, para maihanda niya ang isang malaking trosong panggiba laban dito! Para ibuka niya ang kaniyang bibig upang iutos ang pagsisimula ng pagpatay! Para isigaw niya ang isang labanan! Para ihanda nya ang mga malaking trosong panggiba sa tarangkahan! Para ibuhos niya ang tambak na lupa upang itayo sa kinubkob na mga pader! 23 Ito ay parang walang kabuluhang panghuhula sa paningin ng mga nasa Jerusalem, silang mga nanumpa ng isang panata sa mga taga-Babilonia! Ngunit aakusahan sila ng hari ng paglabag sa kanilang kasunduan upang makubkub sila!

24 Kaya sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Dahil dinala ninyo ang inyong kasalanan sa aking alaala, ang inyong mga pagsuway ay maihahayag! Ang inyong mga kasalanan ay makikita sa inyong mga kilos! Sa kadahilanang ito ay maipaalala ninyo sa bawat isa na kayo ay mabibihag sa kamay ng inyong mga kaaway! 25 At ikaw, walang galang at masamang pinuno ng Israel kung saan ang mga araw ng kaparusahan ay dumating na, ang mga araw ng paggawa ng kasalanan ay natapos na, 26 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Hubarin mo ang turbante at tanggalin mo ang korona! Hindi na magiging gaya ng dati ang mga bagay! Itinaas ang nasa mababa at ibinaba ang nataas! 27 wawasakin ko ang lahat ng mga bagay! Isang pagkawasak! Isang pagkawasak! Ang korona ay mawawala na, hanggang hindi dumarating ang siyang nararapat para dito. Saka ko ito ibibigay sa kaniya.

28 Kaya ikaw, anak ng tao, magpropesiya at sabihin, 'Ang Panginoong Yahweh ay nagsasabi sa mga Ammonita patungkol sa darating nilang kahihiyan: Isang espada, isang espada ay hinugot! Ito ay pinatalim para sa pagpatay upang lumamon, kaya ito ay magiging gaya ng kidlat! 29 Habang ang mga propeta ay nakakakita ng mga walang saysay na pangitain para sa iyo, habang gumagawa sila ng mga rituwal upang makabuo ng mga kasinungalingan para saiyo, itong espada ay nakaabang na sa mga leeg ng masasama na siyang papatayin, ang mga araw ng kanilang kaparusahan ay dumating na at ang oras ng kanilang kalikuan ay magtatapos na. 30 Ibalik mo ang espada sa kaluban nito. Sa lugar ng iyong pagkalikha, sa lugar ng iyong pinagmulan, hahatulan kita! 31 Ibubuhos ko ang aking pagkagalit sa iyo! Hihipan ko ang apoy ng aking galit laban sa iyo at ilalagay kita sa kamay ng mga malulupit na tao, mga bihasa sa pagwasak! 32 Ikaw ay magiging panggatong sa apoy! Ang iyong dugo ay mapapagitna sa lupain. Hindi ka na maaalala, sapagkat ako si Yahweh ang nagpahayag nito!”'

22:1 At dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinabi. 2 Ngayon ikaw, anak ng tao, hahatol ka ba? Hahatulan mo ba ang lungsod ng dugo? Ipaalam mo sa kaniya ang lahat ng kaniyang kasuklam-suklam na gawain. 3 Dapat mong sabihing, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Ito ang lungsod na nagpadanak ng dugo sa kaniyang kalagitnaan sa gayon ang kaniyang panahon ay dumating na; isang lungsod na gumagawa ng mga diyus-diyosan upang gawing marumi ang kaniyang sarili! 4 Ikaw ay nagkasala sa dugo na iyong pinadanak, at naging marumi dahil sa mga diyus-diyosan na iyong ginawa! Sapagkat pinalalapit mo ang iyong mga araw at nalalapit na ang iyong mga huling taon. Kaya gagawin kitang kahihiyan sa mga bansa at isang kakutyaan sa paningin ng bawat lupain. 5 Ang mga malalapit at sila na malalayo ay parehong manlilibak sa iyo, ikaw na maruming lungsod, kasama ang karangalan na kilala sa bawat lugar bilang puno ng kaguluhan!'

6 Masdan! ang mga pinuno ng Israel, bawat isa sa kaniyang kapangyarihan ay pumunta sa iyo upang magpadanak ng dugo! 7 Hindi na nila iginalang ang mga ama at mga ina na nasa iyo, at inapi nila ang mga dayuhan na nasa kalagitnaan ninyo. Inabuso nila ang mga ulila at mga balo na nasa iyo.

8 Kinasuklaman ninyo ang aking mga banal na bagay at nilapastangan ninyo ang aking mga Araw ng Pamamahinga! 9 Pumunta ang mga kalalakihang maninirang puri sa inyo upang magpadanak ng dugo, at sila ay kakain sa mga bundok. Gagawa sila ng kasamaan sa iyong kalagitnaan!

10 Ang kahubaran ng isang ama ay inilantad sa iyo. Inabuso nila ang maruming babae sa kalagitnaan ng kaniyang pagreregla. 11 Mga kalalakihang gumagawa ng mga kasuklam -suklam sa asawa ng kanilang kapwa, at mga kalalakihang gumawa ng karumihang kahiya-hiya sa kani-kanilang mga manugang na babae, mga kalalakihang nang-abuso ng kanilang mga kapatid na babae, mga ama na nang-abuso sa kanilang mga anak na babae—ang lahat ng ito ay nasa iyo.

12 Kumukuha ang mga kalalakihang ito ang mga suhol sa iyo upang magpadanak ng dugo. Kinuha ninyo ang tubo at labis na kinita, sinira mo ang iyong kapwa sa pamamagitan ng panggigipit, at kinalimutan mo ako—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.

13 Kaya tumingin ka! Hinampas ko ng aking kamay ang kumikita sa pandaraya, at ang pagdanak ng dugo sa gitna mo. 14 Matatag ba ang iyong puso, malakas ba ang iyong mga kamay sa panahon na ikaw ay aking haharapin? Ako, si Yahweh, na nagpapahayag nito, at gagawin ko ito. 15 Kaya ikakalat kita sa mga bansa at paghiwa-hiwalayin kita sa mga lupain. Sa paraang ito, papawiin ko ang karumihan mo. 16 Kaya magiging marumi ka sa paningin ng mga tao. Sa ganoon malalaman mo na ako si Yahweh!”

17 Sumunod nito dumating muli ang salita ni Yahweh sa akin at sinabi, 18 “Anak ng tao, ang sambahayan ng Israel ay kalawang na sa akin. Lahat sila ay mga tira-tirang tanso at lata, bakal, at tingga sa iyong kalagitnaan. Sila ay magiging gaya ng kalawang ng tanso sa iyong pugon.

19 Kaya sinasabi ito ng Panginoong Yahweh, 'Dahil lahat kayo ay naging gaya ng latak, kaya masdan! Titipunin ko kayo sa gitna ng Jerusalem. 20 Gaya ng naipong pilak at tanso, bakal, tingga at lata na nailagay sa gitna ng pugon ay dapat mahipan ang apoy nito, tutunawin ko kayo. Kaya iipunin ko kayo sa aking galit at poot. Ilalagay ko kayo doon at bubugahan ng apoy ito upang matunaw; Kaya iipunin kayo sa aking galit at poot, at ilalagay ko kayo doon at ibubuhos.

21 Kaya iipunin ko kayo at bubugahan ng apoy ng aking poot kaya mabubuhos kayo sa kaniyang kalagitnaan. 22 Gaya ng natutunaw na pilak sa gitna ng pugon, matutunaw kayo sa gitna nito, at malalaman ninyo na ako, si Yahweh, ang nagbuhos ng aking galit laban sa inyo!””

23 Dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinasabi, 24 “Anak ng tao, sabihin mo sa kaniya, ' Ikaw ang lupain na hindi pa nalilinis. Walang ulan sa araw ng poot!

25 Mayroong sabwatan ang kaniyang mga propeta sa kaniyang kalagitnaan, tulad ng isang umaatungal na leon na nilalapa ang biktima; inuubos nila ang buhay at kinukuha ang mahahalagang yaman! Pinaparami nila ang mga balo sa kaniyang kalagitnaan!

26 Ang kaniyang mga pari ay gumagawa ng karahasan sa aking kautusan, at nilapastangan nila ang aking mga banal na bagay. Hindi nila nalalaman ang pagkakaiba ng banal na mga bagay at sa mga bagay na kalapastangan, at hindi itinuro ang pagkakaiba ng marumi at ng malinis. Hindi nila binigyan pansin ang mga Araw ng Pamamahinga kaya hindi ako ginalang sa kanilang kalagitnaan!

27 Ang kaniyang mga prinsipe na nasa kaniya ay tulad ng mga asong lobo na niluluray ang kanilang mga biktima. Pinapadanak nila ang dugo at sinisira nila ang buhay, para kumita sa pamamagitan ng pandaraya.

28 At pinintahan pa siya ng kaniyang mga propeta gamit ang apog na pampinta; mga huwad ang kanilang mga pangitain at kasinungalingan ang kanilang mga ipinapahayag sa kanila, ang sinasabi nila “ Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh” kahit hindi naman nagsalita si Yahwehi!

29 Ang mga tao ng lupain ay nang-aapi sa pamamagitan ng panghuhuthut at pandarambong dahil sa pagnanakaw, at inaabuso ang mahihirap at mga kapos, at inapi ang mga dayuhan nang walang katarungan.

30 Kaya naghanap ako ng isang tao mula sa kanila na magtatayo ng pader at siyang tatayo sa harapan ko sa paglabag na ito para sa lupain upang hindi ko na sirain ito, ngunit wala akong natagpuan isa man. 31 Kaya ibubuhos ko ang aking galit sa kanila! Tatapusin ko sila sa apoy ng aking galit at ilalagay sila sa paraan na kanilang sariling iniisip—ito ang Pahayag ng Panginoong Yahweh.”'