Mga Propesiya Laban kay Zedekias at sa mga Huwad na Propeta (continued)

Iba't ibang propesiya laban kay Zedekias, sa mga huwad na propeta, sa Jerusalem, at sa mga bansang Judio.

594 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Ezekiel 13–15

1 Muling dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 “Anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga propetang nagpapahayag sa Israel at sabihin mo sa mga nagpapahayag mula sa kanilang mga sariling isipan, 'Makinig kayo sa salita ni Yahweh! 3 Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh, 'Kaawa-awa ang mga hangal na propeta na sinusunod ang kanilang sariling diwa, ngunit wala namang nakita! 4 Israel, parang naging mga asong gubat sa mga kaparangan ang inyong mga propeta. 5 Hindi ninyo pinuntahan ang mga bitak sa pader sa palibot ng sambahayan ng Israel para ayusin ito upang makalaban sa digmaan sa araw ni Yahweh.

6 May mga pangitaing hindi totoo ang mga tao at gumagawa ng mga panghuhulang hindi totoo, ang mga nagsasabi, “Ito ang mga pahayag ni Yahweh.” Hindi sila isinugo ni Yahweh, ngunit gayon pa man, pinapaasa nila ang mga tao na magkakatotoo ang kanilang mga mensahe.

7 Hindi ba may mga pangitain kayo na hindi totoo at gumagawa kayo ng mga panghuhulang hindi totoo, kayo na mga nagsasabi, “Ito ang mga pahayag ni Yahweh” kahit hindi ko naman ito sinabi?'

8 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, 'Dahil nagkaroon kayo ng mga pangitaing hindi totoo at nagsabi ng mga kasinungalingan—kaya ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh laban sa inyo: 9 Magiging kalaban ng aking kamay ang mga propetang may mga pangitaing kasinungalingan at gumagawa ng mga panghuhulang hindi totoo. Hindi sila mapapabilang sa pagtitipon ng aking mga tao o maitatala sa talaan ng sambahayan ng Israel, hindi sila dapat makapunta sa lupain ng Israel. Sapagkat malalaman ninyo na Ako ang Panginoong Yahweh!

10 Dahil dito at dahil pinangunahan nila ang aking mga tao upang mailigaw at sinabi, “Kapayapaan! kahit walan namang kapayapaan, nagpapatayo sila ng mga pader na kanilang pipintahan ng kalburong pampinta.' 11 Sabihin mo sa mga nagpipinta ng kalburong pampinta sa pader, “Guguho ito, magkakaroon ng malakas na pagbuhos ng ulan at magpapadala ako ng mga ulan na may kasamang yelo upang pabagsakin ito at isang napakalakas na hangin upang masira ito. 12 Tingnan ninyo, babagsak ang pader. Hindi ba sinabi ng iba sa inyo, “Nasaan na ang kalburong pampinta na inyong itinapal dito?”'

13 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, “Magpapadala ako ng napakalakas na hangin dahil sa aking galit at magkakaroon ng pagbaha ng ulan dahil sa aking poot! Ganap na sisirain ito ng ulan na may kasamang yelo dahil sa aking galit! 14 Sapagkat pababagsakin ko ang pader na pinintahan ng kalburong pampinta at pababagsakin ko ito sa lupa at mabubuwal hanggang sa pundasyon nito. Kaya babagsak ito at malilipol kayong lahat sa kalagitnaan nito. At malalaman ninyo na Ako si Yahweh!

15 Sapagkat lilipulin ko sa aking matinding galit ang pader at ang mga nagpinta nito ng kalburong pampinta. Sasabihin ko sa inyo, “Mawawala na ang pader maging ang mga taong nagpinta nito ng kalburong pampinta— 16 ang mga propeta ng Israel na nagpahayag tungkol sa Jerusalem at ang mga may pangitain ng kapayapaan para sa kaniya. Ngunit walang kapayapaan! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.”'

17 Kaya ikaw, anak ng tao, humarap ka laban sa mga babaeng anak ng iyong mga tao na nagpapahayag mula sa kanilang mga sariling isipan at magpahayag ka laban sa kanila. 18 Sabihin mo, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: “Kaawa-awa ang mga kababaihang gumagawa ng mga agimat sa lahat ng bahagi ng kanilang mga kamay at gumagawa ng mga talukbong na may iba't ibang sukat para sa kanilang mga ulo na ginagamit upang makabihag ng mga tao. Bibihagin ba ninyo ang aking mga tao ngunit ililigtas ang inyong mga sariling buhay? 19 Nilapastangan ninyo ako sa harap ng aking mga tao para lamang sa sandakot na sebada at mga durog na tinapay upang patayin ang mga tao na hindi naman dapat mamatay at upang pangalagaan ang buhay ng mga hindi dapat manatiling buhay, dahil sa mga kasinungalingan ninyo sa aking mga tao na nakarinig sa inyo.

20 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, “Tutol ako sa mga agimat na inyong ginamit upang mabitag ang buhay ng mga tao na parang mga ibon. Sa katunayan, hahablutin ko ang mga ito mula sa inyong mga braso at hahayaan kong lumaya ang mga taong nabihag ninyo na parang mga ibon—pakakawalan ko sila. 21 Pupunitin ko ang inyong mga talukbong at ililigtas ko ang aking mga tao mula sa inyong kamay upang hindi na sila muling mabihag sa inyong mga kamay. At malalaman ninyo na Ako si Yahweh!

22 Dahil pinahina ninyo ang puso ng matuwid na tao sa pamamagitan ng mga kasinungalingan, kahit na hindi ko ninais ang kaniyang kawalan ng pag-asa, at sa halip, hinimok ninyo ang gawain ng masasamang tao upang hindi siya tumalikod mula sa kaniyang kaparaanan upang mailigtas ang kaniyang buhay— 23 kaya hindi na kayo magkakaroon pa ng mga pangitang hindi totoo o magpatuloy na gumawa ng mga panghuhulang hindi totoo sapagkat ililigtas ko ang aking mga tao mula sa inyong kamay. At malalaman ninyo na Ako si Yahweh!”'

14:1 Pumunta sa akin ang ilang mga nakatatanda ng Israel at umupo sa aking harapan. 2 At dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 3 “Anak ng tao, taglay ng mga kalalakihang ito ang kanilang mga diyus-diyosan sa kanilang mga puso at inilagay ang katitisuran ng kanilang kasamaan sa harap ng kanilang mga sariling mukha. Dapat ba silang sumangguni sa akin?

4 Kaya ipahayag mo ito sa kanila at sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: 'Ang bawat tao sa sambahayan ng Israel na nagtataglay ng kaniyang diyus-diyosan sa kaniyang puso o ang naglalagay ng katitisuran ng kaniyang kasamaan sa kaniyang harapan at ang pupunta sa propeta—ako si Yahweh, sasagutin ko siya ayon sa bilang ng kaniyang mga diyus-diyosan. 5 Gagawin ko ito upang mabawi ko ang sambahayan ng Israel, ang kanilang mga puso na inilayo sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan!'

6 Kaya sabihin mo sa sambahayan ng Israel, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Magsisi na kayo at talikuran na ninyo ang inyong mga diyus-diyosan! Tumalikod na kayo sa lahat ng inyong mga kasuklam-suklam na gawain! 7 Sapagkat ang bawat isa na mula sa sambahayan ng Israel at ang bawat isa na mga dayuhang naninirahan sa Israel na lumayo sa akin, na taglay ang kaniyang mga diyus-diyosan sa kaniyang puso at inilagay ang katitisuran ng kaniyang kasamaan sa harap ng kaniyang sariling mukha, at pupunta sa isang propeta upang hanapin ako—Ako, si Yahweh ang mismong sasagot sa kaniya! 8 Kaya haharap ako laban sa taong iyon at gagawin ko siyang isang tanda at isang kawikaan, sapagkat ihihiwalay ko siya sa kalagitnaan ng aking mga tao, at malalaman ninyo na Ako si Yahweh!

9 Kapag nilinlang ang isang propeta at nagsabi ng isang mensahe, at ako, si Yahweh, lilinlangin ko ang propetang iyon, iuunat ko ang aking kamay laban sa kaniya at wawasakin ko siya sa kalagitnaan ng aking mga Israelita. 10 At papasanin nila ang kanilang sariling kasamaan; ang kasamaan ng propeta ay magiging katulad ng kasamaan ng mga sumasangguni sa kaniya. 11 Dahil dito, hindi na lilihis sa pagsunod sa akin ang sambahayan ng Israel o ni dudungisan ang kanilang mga sarili sa lahat ng kanilang mga pagsuway kailanman. Magiging mga tao ko sila at ako ang kanilang magiging Diyos—Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!”'

12 At dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 13 “Anak ng tao, kapag nagkasala ang isang lupain laban sa akin sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan upang iunat ko ang aking kamay laban dito at babaliin ang tungkod ng tinapay nito at magpapadala ako sa kaniya ng taggutom at papatayin ang tao at hayop mula sa lupain; 14 at kahit na ang tatlong kalalakihang ito—Noe, Daniel, at Job—ay nasa kalagitnaan ng lupain, maililigtas lamang nila ang sarili nilang buhay sa pamamagitan ng kanilang pagiging matuwid—Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.

15 Kung magpapadala ako ng mga mababangis na hayop sa lupain at gawin itong tigang upang maging kaparangan na walang mga tao ang makakadaan dahil sa mga mababangis na hayop, 16 at kahit pa naroon ang mga dating tatlong kalalakihan na ito—habang ako ay nabubuhay, ang pahayag ng Panginoong Yahweh—hindi nila maililigtas kahit pa ang kanilang mga sariling anak na lalaki at babae, ang sariling buhay lamang nila ang maililigtas, ngunit magiging kaparangan ang lupain!

17 O kung magpapadala man ako ng espada laban sa lupain na iyon at sabihin, 'Espada, pumunta ka sa mga lupain at patayin mo ang tao at hayop mula rito'— 18 at kahit pa nasa kalagitnaan ng lupain ang tatlong kalalakihang ito—habang ako ay nabubuhay, ang pahayag ng Panginoong Yahweh—hindi nila maililigtas kahit pa ang kanilang mga sariling anak na lalaki at babae, ang sarili lamang nilang buhay ang kanilang maililigtas.

19 O kung magpapadala man ako ng salot laban sa lupain na ito at ibubuhos ko ang aking matinding galit laban dito sa pamamagitan ng pagdanak ng dugo upang patayin ang mga tao at hayop 20 at kahit pa nasa lupaing iyon sina Noe, Daniel, at Job—habang ako ay buhay, ang pahayag ng Panginoong Yahweh—hindi nila maililigtas kahit pa ang kanilang mga sariling anak na lalaki at babae, ang sarili lamang nilang buhay ang kanilang maililigtas sa pamamagitan ng kanilang pagiging matuwid.

21 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: tinitiyak kong magiging malala ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng ipapadala kong apat na kaparusahan—taggutom, espada, mababangis na hayop at salot—laban sa Jerusalem upang patayin ang mga tao at hayop mula sa kaniya.

22 Gayunman, tingnan mo! May mga matitira sa kaniya, mga nakaligtas na lalabas kasama ang mga anak na lalaki at babae. Tingnan mo! Lalabas sila mula sa iyo at makikita mo ang kanilang mga kaparaanan at mga kilos at maaaliw hinggil sa kaparusahan na aking ipinadala sa Jerusalem at tungkol sa lahat ng mga bagay na aking ipinadala laban sa lupain. 23 Aaliwin ka ng mga nakaligtas kapag makikita mo ang kanilang mga kaparaanan at ang kanilang mga kilos kaya malalaman mo na ginawa ko ang lahat ng bagay na ito laban sa kaniya na hindi ko ito ginawa sa kanila nang walang kabuluhan! —Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!”

15:1 Pagkatapos, dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 “Anak ng tao, paanong mas higit ang isang puno ng ubas kaysa sa anumang punong may mga sanga na nasa isang kagubatan? 3 Makakakuha ba ng kahoy ang mga tao mula sa puno ng ubas upang gumawa ng anumang bagay? O makakagawa ba sila ng tulos mula dito upang pagsabitan ng anumang bagay?

4 Tingnan mo! Kung ihahagis ito sa apoy bilang panggatong, at kung natupok na ng apoy ang magkabilang dulo nito, pati na ang gitna, may pakinabang pa ba ito? 5 Tingnan mo! Nang ito ay buo pa, walang magagawang anumang bagay dito, kapag nasunog ng apoy, tiyak na hindi pa rin ito mapakikinabangan!

6 Kaya ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh, di gaya ng mga puno sa mga kagubatan, ibinigay ko ang puno ng ubas bilang panggatong sa apoy; ganoon ding paraan ang gagawin ko sa mga naninirahan sa Jerusalem. 7 Sapagkat itatakda ko ang aking mukha laban sa kanila. Kahit na makalabas sila mula sa apoy, matutupok parin sila ng apoy, kaya malalaman ninyo na ako si Yahweh, kapag itinakda ko ang aking mukha laban sa kanila.

8 At gagawin kong tinalikuran at walang naninirahan ang kanilang lupain dahil sa ginawa nilang kasalanan—Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!”