Sinabi ni Pedro sa Konseho na si Cristo ang Mesias
Muling nagtipon ang konseho. Sa harap nila, ipinahayag ni Pedro na si Cristo ang Mesias.
A.D. 32
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
22 Ngunit hindi sila nakita sa bilangguan ng mga pumuntang opisyal, at bumalik sila at ibinalita, 23 “Natagpuan namin na maingat na nakasarado ang bilangguan at ang mga bantay ay nakatayo sa pintuan, ngunit nang aming buksan ay wala kaming nakita.”
24 Ngayon nang narining ng kapitan ng templo at ng mga punong pari ang mga salitang ito, sila ay labis na naguluhan ukol sa kanila ayon sa kung ano ang kalalabasan nito. 25 Pagkatapos may isang dumating at sinabi sa kanila, ''Ang mga lalaki na inyong inilagay sa bilangguan ay nakatayo sa templo at nagtuturo sa mga tao.''
26 Kaya't nagtungo ang kapitan kasama ang mga opisyal, ibinalik sila, ngunit walang karahasan, dahil natakot sila na baka batuhin sila ng mga tao. 27 Nang dalhin nila sila, iniharap sila sa konseho. Nagtanong ang pinaka-punong pari sa kanila, 28 nagsasabing, ''Hindi ba't mahigpit namin kayong pinangbilinan na huwag magturo sa pangalang ito, gayon pa man, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong katuruan, at ninais ninyong dalhin sa amin ang dugo ng taong ito.”
29 Ngunit sumagot si Pedro at ang mga apostol, “Kinakailangang sundin namin ang Diyos ng higit kaysa sa mga tao. 30 Ang Diyos ng aming mga ama ang bumuhay kay Jesus, na inyong pinatay sa pamamagitan ng pagbitin sa kaniya sa puno. 31 Tinaas siya ng Diyos sa kaniyang kanang kamay upang maging prinsipe at tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel at kapatawaran sa mga kasalanan. 32 Mga saksi kami ng mga bagay na ito, at gayundin ang Banal na Espiritu, na ibinigay ng Diyos sa mga susunod sa kaniya.”
33 Nang marinig ito ng mga kasapi ng konseho, galit na galit sila at ninais na patayin ang mga apostol.
Napalaya ang mga Apostol Dahil sa Payo ni Gamaliel
34 Ngunit ang isang Pariseo na nagngangalang Gamaliel na isang tagapagturo ng kautusan at iginagalang ng lahat ng tao, ay tumayo at iniutos na sandaling ilabas ang mga apostol.
35 At sinabi niya sa kanila, ''Mga tao ng Israel pagtuunan ninyong mabuti ng pansin ang panukala na inyong ginagawa sa mga taong ito. 36 Hindi pa nagtatagal ng lumitaw si Teudas na inaangking siya ay kilalang tao, at maraming tao, mga apat na raan ang sumali sa kaniya. Pinatay siya, at lahat ng sumusunod sa kaniya ay nagkalat at walang nangyari. 37 Pagkatapos ng lalaking ito, lumitaw si Judas ng Galilea sa mga araw ng pagpapatala at nakahikayat siya ng ilang tao na susunod sa kaniya. Nasawi rin siya, at kumalat lahat ng sumusunod sa kaniya.
38 Ngayon sinasabi ko sa inyo, ''Lumayo kayo sa mga taong ito at hayaan sila, dahil kung sa tao ang plano o gawaing ito ito ay babagsak. 39 Ngunit kung ito ay sa Diyos hindi ninyo sila maaring pabagsakin; lalabas pang kayo ay lumalaban sa Diyos.'' Kaya nahikayat sila.
40 Pagkatapos pinapasok nila ang mga apostol at sila ay binugbog at inutusang huwag nang magsalita sa pangalan ni Jesus at hinayaan silang umalis.
41 Iniwan nila ang konseho na nagagalak na sila ay napabilang na karapat-dapat na makaranas ng kasiraang-puri para sa kaniyang Pangalan. 42 Pagkatapos noon araw-araw sa templo at sa bawat bahay, sila ay patuloy na nagtuturo at ipinapangaral si Jesus bilang Cristo.
Ang Pagtatalaga ng Pitong Diyakono
1 Ngayon sa mga araw na ito, nang ang bilang ng mga alagad ay dumarami, nagsimula ang reklamo mula sa mga Helenista laban sa mga Hebreo, sa dahilan na ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa araw-araw na pamamahagi ng pagkain.
2 Tinawag ng labing dalawang apostol ang marami sa kanilang mga alagad at sinabi, ''Hindi nararapat para sa amin na pabayaan ang salita ng Diyos upang maglingkod sa mga hapag. 3 Mga kapatid, nararapat na pumili kayo ng pitong mga lalaki na mula sa inyo, mga lalaking may mabubuting pagkatao, puspos ng Espiritu at karunungan, na maaari naming ilagay sa trabahong ito. 4 Ngunit kami ay palaging magpapatuloy sa pananalangin at sa ministeryo ng salita.”
5 Nalugod ang lahat ng maraming tao sa kanilang pananalita, kaya pinili nila si Esteban ang lalaking puno ng pananampalataya at ng banal na Espiritu, at si Felipe, si Procorus, si Nicanor, si Timon, si Parmenas, at Nicolas, ang nahikayat na magbago ng paniniwala mula sa Antioquia. 6 Dinala ng mga mananampalataya ang mga kalalakihang ito sa harap ng mga apostol, ang mga nanalangin at nagpatong ng kamay sa kanila.
Patuloy na Dumarami ang mga Kabilang sa Iglesya A.D. 33
7 Kaya't lumaganap ang salita ng Diyos, at lubhang dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem; at naging masunurin sa pananampalataya ang malaking bilang ng mga pari.
Inakusahan si Esteban ng Pamumusong A.D. 33 o 34
Si Esteban, matapos buong tapang na ipahayag na si Cristo ang Mesias, ay inakusahan ng pamumusong sa harap ng konseho.
8 Ngayon si Esteban, na puspos ng biyaya at kapangyarihan, ay gumagawa ng mga kamanghamanghang bagay at mga palatandaan sa gitna ng mga tao. 9 Ngunit may ilang mga tao na kabilang sa sinagoga na tinawag na ang sinagoga ng mga Taong Pinalaya, ng mga Cireneo, at ng mga Alejandrino, at ilang mga taga Cilicia, at taga Asya. Nakikipagtalo ang mga taong ito kay Esteban. 10 Ngunit hindi nila kayang sumagot laban sa karunungan at sa Espiritu kung paano nagsalita si Esteban.
11 Pagkatapos palihim nilang hinikayat ang ilang mga lalaki upang sabihin, ''Narinig naming nagsalita si Esteban ng mga salitang paglapastangan laban kay Moises at laban sa Diyos.''
12 Inudyukan nila ang mga tao, ang mga matatanda, at ang mga eskriba, at hinarap nila si Esteban, sinunggaban siya, at dinala sa konseho. 13 Nagdala sila ng mga bulaang saksi, na nagsabi, “Hindi tumitigil ang lalaking ito sa pagbigkas sa mga salitang laban sa banal na dakong ito at sa kautusan. 14 Sapagkat narinig namin siya na nagsasabing sisirain ni Jesus ng Nazaret ang lugar na ito at papalitan ang kaugalian na ipinasa sa atin ni Moises.''