Inihula ang Sasapitin ni Pashur
609 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Si Pashur na lalaking anak ni Imer na pari—siya ang namumunong opisyal—narinig si Jeremias na nagpapahayag ng mga salitang ito sa harapan ng tahanan ni Yahweh. 2 Kaya hinampas ni Pashur si Jeremias na propeta at pagkatapos inilagay siya sa mga pangawan na nasa Itaas na Tarangkahan ni Benjamin sa tahanan ni Yahweh.
3 Nangyari sa sumunod na araw, pinalaya ni Pashur si Jeremias mula sa mga pangawan. At sinabi ni Jeremias sa kaniya, “Hindi ka pinangalanan ni Yahweh na Pashur, ngunit ikaw ay si Magot Missabib. 4 Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh, 'Tingnan mo, gagawin kitang isang bagay na kakikilabutan—ikaw at lahat ng iyong minamahal—sapagkat mabubuwal sila sa pamamagitan ng espada ng kanilang mga kaaway at makikita ito ng iyong mga mata. Ibibigay ko ang buong Juda sa kamay ng hari ng Babilonia. Gagawin niya silang mga bihag sa Babilonia o lulusubin sila gamit ang espada. 5 Ibibigay ko sa kaniya ang lahat ng karangyaan at lahat ng kasaganaan ng lungsod na ito, lahat ng mahahalagang bagay at lahat ng kayamanan ng mga hari ng Juda. Ilalagay ko ang mga bagay na ito sa kamay ng inyong mga kaaway at sasamsamin nila ang mga ito. Kukunin nila ang mga ito at dadalhin sa Babilonia. 6 Ngunit ikaw Pashur at ang lahat ng naninirahan sa iyong tahanan ay mabibihag. Pupunta ka sa Babilonia at mamamatay doon. Ikaw at ang lahat ng iyong minamahal na siyang pinagpahayagan mo ng mapanlinlang na mga bagay ay maililibing doon'”.
7 Hinikayat mo ako, Yahweh. Tunay nga akong nahikayat. Tinalo at nilupig mo ako. Ako ay naging katatawanan. Araw-araw akong kinukutya ng mga tao, sa lahat ng araw. 8 Sapagkat sa tuwing magsasalita ako, isinisigaw at ipinapahayag ko ang, 'Karahasan at pagkawasak.' At ang salita ni Yahweh ay naging paninisi at pangungutya para sa akin araw-araw. 9 Kung sasabihin kong, 'Hindi ko na iisipin si Yahweh. Hindi ko na ipapahayag ang kaniyang pangalan.' Magiging tulad ito ng apoy sa aking puso na nasa aking mga buto. Kaya nagsusumikap akong pigilan ito ngunit hindi ko kaya. 10 Nakarinig ako ng usap-usapan ng katatakutan mula sa maraming tao sa paligid. 'Iulat! Dapat natin itong iulat!' Ang mga malapit sa akin ay nanonood upang makita kung babagsak ako. 'Marahil maaari siyang madaya. Kung gayon, maaari natin siyang mahigitan at makapaghiganti sa kaniya.' 11 Ngunit kasama ko si Yahweh tulad ng makapangyarihang mandirigma, kaya ang mga humahabol sa akin ay matitisod. Hindi nila ako matatalo. Labis silang mapapahiya dahil hindi sila magtatagumpay. Magkakaroon sila ng walang katapusang kahihiyan at hindi ito kailanman malilimutan. 12 Ngunit ikaw, Yahweh ng mga hukbo, ikaw na sumusuri sa matuwid at nakakaalam ng isip at puso. Hayaan mong makita ko ang iyong paghihiganti sa kanila sapagkat ipinakita ko ang aking kalagayan sa iyo. 13 Umawit kay Yahweh! Purihin si Yahweh! Sapagkat iniligtas niya ang mga buhay ng mga naapi mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama. 14 Isumpa nawa ang araw ng aking kapanganakan. Huwag pagpalain ang araw na ipinanganak ako ng aking ina. 15 Isumpa ang taong nagsabi sa aking ama na, 'Isang sanggol na lalaki ang ipinanganak para sa iyo,' na nagdulot ng labis na kagalakan. 16 Hayaan ang taong iyon ay maging tulad ng mga lungsod na winasak ni Yahweh nang nawala ang kaniyang awa. Nawa ay marinig niya ang isang panawagan ng tulong sa madaling araw at ang sigaw ng labanan sa tanghali. 17 Mangyari nawa ito, yamang hindi ako pinatay ni Yahweh sa sinapupunan o ginawang libingan ko ang aking ina, isang sinapupunang buntis magpakailanman. 18 Bakit ako lumabas sa sinapupunan upang makita ang mga kaguluhan at matinding paghihirap, upang mapuno ng kahihiyan ang aking mga araw?”
Inihula ang Sasapitin nina Salum at Jehoiakim
1 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Bumaba ka sa tahanan ng hari ng Juda at ipahayag mo ang salitang ito doon. 2 Sabihin mo, 'Hari ng Juda, ikaw na nakaupo sa trono ni David, makinig ka sa salita ni Yahweh. At makinig, kayo na mga lingkod niya, at kayo na kaniyang mamamayan na pumasok dito sa mga tarangkahan. 3 Ito ang sinasabi ni Yahweh, “Maging makatarungan at makatuwiran, at sinuman ang ninakawan—iligtas siya sa kamay ng mang-aapi sa kaniya. Huwag apihin ang mga dayuhan sa inyong bayan, o anumang ulila o balo. Huwag gagawa ng karahasan o magbubuhos ng dugo ng walang kasalanan sa lugar na ito.
4 Sapagkat kung talagang gagawin ninyo ang mga bagay na ito, ang mga haring umupo sa trono ni David ay papasok sa mga tarangkahan ng tahanan niya na nakasakay ng karwahe at mga kabayo. Siya, ang kaniyang mga lingkod, at ang kaniyang mga tao! 5 Ngunit kung hindi kayo makikinig sa mga salitang ito mula sa akin na inihayag ko—ito ang pahayag ni Yahweh—kung gayon ang maharlikang palasyong ito ay masisira.'”
6 Sapagkat ganito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa palasyo ng hari ng Juda, 'Para sa akin, ikaw ay gaya ng Gilead, o gaya ng tuktok ng bundok ng Lebanon. Ngunit gagawin kitang isang ilang, mga lungsod na walang mga naninirahan. 7 Dahil may itinalaga akong mga tagapagwasak upang pumunta laban sa inyo! Mga kalalakihan na may dalang sandata at puputulin ang inyong mga piling puno ng sedar at ilalaglag ang mga ito sa apoy.
8 Pagkatapos maraming bansa ang dadaan sa lungsod na ito. Bawat taong daraan ay sasabihin sa kaniyang kasunod, “Bakit kaya nagawa ni Yahweh ang ganito sa dakilang lungsod na ito?”
9 At sumagot ang isa, “Dahil pinabayaan nila ang kasunduan nila kay Yahweh na kanilang Diyos at yumukod sa ibang mga diyos at sumamba sa kanila.”
10 Huwag iyakan ang namatay. Huwag siyang ipagluksa. Ngunit tiyak na tatangisan ninyo ang sinuman na bibihagin, dahil hindi na siya kailanman makakabalik upang makitang muli ang lupain kung saan siya ipinanganak.'
11 Dahil ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol kay Jehoahaz na anak ni Josias na hari ng Juda, na naglingkod bilang hari sa halip na si Josias na kaniyang ama, 'Umalis siya mula sa lugar na ito at hindi na babalik. 12 Doon siya mamamatay sa lugar kung saan nila siya binihag, at hindi niya kailanman makikitang muli ang lupain na ito.'
13 Aba sa sinuman na magpapatayo ng kaniyang tahanan sa paraan na hindi makatuwiran at ang kaniyang mga silid sa itaas na hindi makatarungan; sapagkat pinagawa niya sa ibang manggagawa, ngunit hindi niya sila binayaran. 14 Aba sa sinuman na magsasabi, 'Magpapatayo ako ng sarili kong tahanan na napakataas at maluluwang na mga silid sa itaas, at malalaki ang pinagawang mga bintana para sa kaniyang sarili at mga dingding na may sedar, at pininturahan lahat ito ng pula.' 15 Ito ba ang magpapakita na ikaw ay mabuting hari, kaya gusto mong magkaroon ng sedar na mga dingding? Hindi ba kumain at uminom din ang iyong ama, ngunit gumawa siya ng makatarungan at makatuwiran? Kaya mabuti ang mga bagay na nangyari sa kaniya. 16 Ang paghuhukom niya ay panig sa mga mahihirap at mga nangangailangan. At maayos ang lahat noon. Hindi ba ito ang kahulugan ng pagkilala sa akin? —Ito ang pinahayag ni Yahweh. 17 Ngunit walang laman ang inyong mga mata at puso maliban ang pag-aalala sa hindi makatarungan na kikitain ninyo at pagbuhos sa mga dugo ng walang kasalanan, at sa paggawa ng pagpapahirap at pagmamalupit sa mga iba.
18 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol kay Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda: Hindi nila siya tatangisan ng 'Aba, ang aking kapatid na lalaki!' o 'Aba, ang aking kapatid na babae!' At hindi sila tatangis ng “Aba, panginoon!' o 'Aba, kamahalan!' 19 Maililibing siya tulad ng paglibing ng isang patay na asno, kakaladkarin palayo at ihahagis sa kabila ng mga tarangkahan ng Jerusalem. 20 Umakyat ka sa mga bundok ng Lebanon at sumigaw. Lakasan mong sumigaw sa Bashan. Sumigaw mula sa mga bundok ng Abarim, dahil lilipulin ang lahat ng iyong mga kaibigan. 21 Kinausap kita noong panahon na ikaw ay ligtas, ngunit ang sinabi mo, 'Hindi ako makikinig.' Ito ang dati mong kaugalian mula pa ng kabataan mo, dahil hindi ka nakinig sa aking tinig. 22 Ang hangin ang siyang aakay palayo sa lahat ng iyong mga pastol, at ang mga kaibigan mo ay mapupunta sa pagkabihag. Pagkatapos ay tiyak na mapapahiya at hahamakin ka dahil sa mga masasama ninyong gawa. 23 Ikaw na hari, kayo na nakatira sa Tahanan sa Kagubatan ng Lebanon, kayo na nagpupugad sa mga sedar, paano ninyo matitiis kapag darating sa inyo ang pagpapahirap na gaya ng sakit ng panganganak.”