Bahagi 3: Mula sa Reporma ni Nehemias hanggang sa Pagsasara ng Kanon

Ang Unang Atas kay Nehemias

445 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Nehemias 1:1–2:11

1 Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hacalias: Ngayon ito ay nangyari sa buwan ng Kislev, sa ikadalawampung taon, habang ako ay nasa tanggulang lungsod ng Susa, 2 na ang isa sa aking mga kapatid, na si Hanani, ay dumating kasama ang ilang mga tao mula sa Juda, at tinanong ko sila tungkol sa mga Judio na nakatakas, mga natirang Judio, at tungkol sa Jerusalem.

3 Sinabi nila sa akin, “Silang mga nasa lalawigan na nakaligtas sa pagkabihag ay nasa matinding kaguluhan at kahihiyan dahil ang pader ng Jerusalem ay gumuho, at ang mga tarangkahan nito ay sinunog.”

4 At nang marinig ko ang mga salitang ito, ako ay umupo at umiyak, at ilang araw akong patuloy na nagdalamhati at nag-ayuno at nanalangin sa harap ng Diyos ng langit.

5 Sinabi ko, “Yahweh, ikaw ang Diyos ng langit, ang Diyos na dakila at kahanga-hanga, na tumutupad sa kaniyang tipan at kagandahang-loob sa mga umiibig sa kaniya at tumutupad sa kaniyang mga kautusan. 6 Pakinggan mo ang aking panalangin at buksan mo ang iyong mga mata, para marinig mo ang panalangin ng iyong lingkod na aking ipinanalangin sa harapan mo araw at gabi para sa mga bayan ng Israel na iyong mga lingkod. Ipinagtatapat ko ang mga kasalanan ng mga bayan ng Israel, na kami ay nagkasala laban sa iyo. Ako at ang tahanan ng aking ama ay nagkasala. 7 Kami ay namuhay ng may labis na kasamaan laban sa iyo, at hindi namin iningatan ang mga kautusan, mga batas, at ang mga utos na inutos mo sa iyong lingkod na si Moises.

8 Mangyaring alalahanin mo ang salita na iyong iniutos sa iyong lingkod na si Moises, 'Kung kayo ay namumuhay ng hindi tapat, ikakalat ko kayo sa iba't ibang mga bansa, 9 pero kung kayo ay magbabalik sa akin at susunod sa aking mga kautusan at gagawin ang mga ito, kahit na ang iyong bayan ay nagkalat sa ilalim ng pinakamalayong kalangitan, titipunin ko sila mula doon at dadalhin ko sila sa lugar na aking pinili para mapanatili ang aking pangalan.'

10 Ngayon sila ang iyong mga lingkod at iyong bayan, na iyong iniligtas sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng iyong makapangyarihang kamay. 11 Yahweh, ako ay nakikiusap sa iyo, pakinggan mo ngayon ang panalangin ng iyong lingkod at ang panalangin ng iyong mga lingkod na nasisiyahang parangalan ang iyong pangalan. Ngayon bigyan mo ng katagumpayan ang iyong lingkod sa araw na ito, at ipagkaloob mo sa kaniya ang habag sa paningin ng taong ito.” Ako ay naglingkod bilang tagapagdala ng kopa ng hari.

2:1 Sa buwan ng Nisan, sa ikadalawampung taon ni Haring Artaxerxes, siya ay pumili ng alak, at kinuha ko ang alak at ibinigay ito sa hari. Ngayon ako ay hindi kailanman naging malungkot sa kaniyang harapan. 2 Kaya sinabi sa akin ng hari, “Bakit malungkot ang iyong mukha? Hindi ka naman mukhang may sakit. Marahil ito ay kalungkutan ng puso. ” Pagkatapos nito, ako ay lubos na natakot. 3 Sinabi ko sa hari, “Nawa mabuhay ang hari magkailanman! Bakit hindi malulungkot ang aking mukha? Ang lungsod, ang lugar ng mga libingan ng aking ama, ay nananatiling giba, at ang mga tarangkahan nito ay winasak sa pamamagitan ng apoy.”

4 Pagkatapos sinabi sa akin ng hari. “Ano ang gusto mong gawin ko?” Kaya ako ay nanalangin sa Diyos ng kalangitan. 5 Tumugon ako sa hari, “Kung mabuti ito para sa hari, at kung ang iyong lingkod ay gumawa ng mabuti sa iyong paningin, maaari mo akong ipadala sa Juda, sa lungsod ng libingan ng aking mga ninuno, para maitayo ko itong muli.”

6 Tumugon ang hari sa akin (at ang reyna ay nakaupo rin sa tabi niya), “Gaano katagal kang mawawala at kailan ka babalik?” Ang hari ay nagalak na isugo ako matapos kong maibigay sa kaniya ang mga petsa.

7 Pagkatapos sinabi ko sa hari, “Kung makalulugod sa hari, nawa bigyan ako ng mga liham para ibigay sa mga gobernador sa kabilang ilog, para ako ay pahintulutang makaraan sa kanilang mga lupain sa aking pagpunta sa Juda. 8 Mangyaring mayroon din sanang liham para kay Asaf ang tagapag-ingat ng kagubatan ng hari, nang sa gayon ay maaaring niya akong bigyan ng troso para gawing mga biga sa mga pintuan ng tanggulang kasunod sa templo, at sa pader ng lungsod, at sa aking bahay na aking pananahanan.” Dahil ang mabuting kamay ng Diyos ay nasa akin, ipinagkaloob sa akin ng hari ang aking mga kahilingan.

9 Pumunta ako sa mga gobernador sa kabilang ilog, at ibinigay sa kanila ang mga liham ng hari. Ngayon ang hari ay nagpadala ng mga opisyal at mga mangangabayo para samahan ako.

10 Nang marinig ito nina Sanballat na Horonita at ni Tobias na lingkod na Ammonita, sila ay labis na nayamot na may isang taong dumating para tulungan ang bayan ng Israel.

11 Kaya nagpunta ako sa Jerusalem, at nanatili roon ng tatlong araw.