Inulit ni Moises ang Batas Moral (continued)

1451 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Deuteronomio 6–7

1 Ngayon ito ang mga utos, mga batas, at mga panuntunan na iniutos sa akin ni Yahweh na inyong Diyos para ituro sa inyo, para sundin ninyo ang mga ito sa lupain na inyong pupuntahan sa Jordan para angkinin; 2 para maparangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos, para sundin ang lahat ng kaniyang mga batas at mga utos na ipinapagawa ko sa inyo—kayo, inyong mga anak na lalaki, at anak na lalaki ng inyong mga anak, sa lahat ng mga araw ng inyong mga buhay, para ang inyong mga araw ay humaba. 3 Kaya, makinig sa mga ito, Israel, at sundin, para makabuti ito sa inyo, para kayo ay labis na dumami, sa lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot, gaya ng ipinangako ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ama, na gagawin sa inyo.

4 Makinig kayo, Israel: Si Yahweh na ating Diyos ay iisa. 5 Mahalin ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso, ng inyong buong kaluluwa, at sa buo ninyong kalakasan.

6 Ang mga salita na aking iniutos sa inyo ngayon ay nasa inyong puso; 7 at matiyaga ninyong ituturo ang mga ito sa inyong mga anak; pag-uusapan ninyo ang mga ito kung kayo ay nakaupo sa inyong bahay, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag kayo ay nakahiga, at kapag kayo ay babangon. 8 Itali ninyo ang mga ito bilang isang palatandaan sa inyong kamay, at magsisilbi ang mga ito bilang gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 9 Isusulat ninyo ang mga ito sa mga haligi ng pintuan ng inyong bahay at sa inyong mga tarangkahan.

10 Kapag dadalhin kayo ni Yahweh na inyong Diyos doon sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ama, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, ibibigay niya sa inyo, ang malawak at ang mga napakagandang lungsod na hindi ninyo itinayo, 11 at mga bahay na puno sa lahat ng uri ng mabubuting mga bagay na hindi mo ginawa, mga balon na hindi ninyo hinukay, at mga ubasan at kahoy ng mga olibo na hindi ninyo itinanim, makakakain kayo at masisiyahan— 12 pagkatapos mag-ingat para hindi ninyo malimutan si Yahweh, na siyang nagdala sa inyo palabas sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.

13 Pararangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos; sasambahin ninyo siya, at mangangako kayo ayon sa kaniyang pangalan. 14 Hindi kayo susunod sa ibang mga diyos, ang mga diyos ng mga taong nakapaligid sa inyo— 15 dahil si Yahweh na nasa kalagitnaan ninyo ay isang mapanibughuing Diyos —baka ang galit ni Yahweh na inyong Diyos ay magpaningas laban sa inyo at wasakin kayo mula sa ibabaw ng mundo.

16 Huwag ninyong subukin si Yahweh na inyong Diyos kagaya ng pagsubok ninyo sa kaniya sa Masa. 17 Matiyaga ninyong susundin ang mga utos ni Yahweh na inyong Diyos, kaniyang mataimtim na mga utos, at kaniyang mga batas, na kaniyang iniutos sa inyo. 18 Gagawin ninyo kung ano ang tama at mabuti sa paningin ni Yahweh, para makabuti ito sa inyo, para inyong mapasok at angkinin ang mabuting lupain na ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ama, 19 palayasin ang lahat ng inyong mga kaaway na nasa inyong harapan, gaya ng sinabi ni Yahweh.

20 Kung tatanungin kayo ng inyong mga anak pagdating ng panahon, sa pagsasabing, 'Anong ibig sabihin sa mga bagay na ito—ang tipan ng mga kautusan, ang mga batas, at ang ibang mga kautusan na iniutos ni Yahweh na ating Diyos?' 21 pagkatapos sasabihin ninyo sa inyong mga anak, 'Kami ay naging mga alipin ng Paraon sa Ehipto; dinala kami ni Yahweh palabas sa Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, 22 at nagpakita siya ng mga tanda at kamangha-manghang bagay, dakila at malubha, sa Ehipto, kay Paraon, at sa kaniyang buong sambahayan, sa harap ng ating mga mata; 23 at dinala niya tayo palabas mula roon, para madala niya tayo sa loob, para ibigay sa atin ang lupain na kaniyang ipinangako sa ating mga ama.

24 Inutusan tayo ni Yahweh na palaging sundin ang lahat ng mga batas na ito, na matakot sa kaniya na ating Diyos para sa ating kabutihan, para mapanatili niya tayong buhay, tulad ngayon. 25 Kung ating susundin ang lahat ng mga utos na ito sa harapan ni Yahweh na ating Diyos, ayon sa mga iniutos sa atin, ito ay magiging katuwiran natin.'

7:1 Kapag dinala kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lupain na inyong pupuntahan para angkinin at paalisin ang maraming mga bansa sa inyong harapan - ang mga anak ni Heth, ang mga Gergeseo, ang mga Amoreo, ang mga Canaaneo, ang mga Perezeo, ang mga Heveo at ang mga Jebuseo-pitong bansang lalong malaki at malalakas kaysa sa inyo; 2 at kapag bibigyan kayo ni Yahweh na inyong Diyos ng katagumpayan sa kanila kapag nakita ninyo sila sa digmaan, dapat ninyo silang salakayin, pagkatapos dapat ganap ninyo sila wasakin. Hindi kayo gagawa ng tipan sa kanila, ni magpakita ng awa sa kanila.

3 Ni naisin ninyo na makipag-ayos ng kasal sa kanila; hindi ninyo ibibigay ang inyong mga anak na mga babae sa kanilang mga anak na lalaki, at hindi ninyo kukunin ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki. 4 Dahil ilalayo nila ang inyong mga anak na lalaki mula sa pagsunod sa akin, para sambahin nila ang ibang mga diyos. Kaya ang galit ni Yahweh ay magsisiklab laban sa inyo at wawasakin niya kayo agad.

5 Ganito kayo makikipagkasundo sa kanila: Sisirain ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang sagradong poste ng pira-piraso, ibagsak ang kanilang mga posteng Asera at sunugin ang kanilang hinulmang mga diyus-diyosan. 6 Dahil kayo ang isang bansa na hiniwalay ni Yahweh na inyong Diyos. Pinili niya kayo para maging isang lahi para sa kaniya para angkinin, higit pa sa lahat na mukha ng ibabaw ng lupa.

7 Hindi itinakda ni Yahweh ang pagmamahal niya sa inyo o pinili niya kayo dahil mas marami ang bilang ninyo kaysa sinuman sa mga tao- dahil kayo ang pinaka-konti sa lahat— 8 pero dahil minamahal niya kayo at ninais niya na manatili ang pangako niya sa inyong mga ama. Ito ang dahilan kung bakit si Yahweh ay inilabas kayo sa isang makapangyarihang kamay at itinubos kayo palabas sa bahay ng pagkakaalipin, mula sa kamay ng Paraon, hari ng Ehipto.

9 Kaya kilalanin si Yahweh na inyong Diyos— siya ay Diyos, ang tapat na Diyos, na nagpapanatili ng mga tipan at katapatan sa isang libong salinlahi sa mga nagmamahal sa kaniya at nagpapanatili ng kaniyang mga utos, 10 pero pagbabayarin silang mga nagagalit sa kaniya sa kanilang harapan, para wasakin sila; hindi siya magiging maawain sa sinumang galit sa kaniya; gagantihan niya sila sa harapan niya.

11 Kaya susundin ninyo ang kaniyang mga utos, ang mga batas, at ang mga kautusan na inuutos ko sa inyo sa araw na ito, para gawin ninyo ang mga ito.

12 Kung pakikinggan ninyo mga kautusang ito at susundin at gawin ang mga ito, pananatilihin ni Yahweh na inyong Diyos ang kaniyang tipan sa inyo at ang katapatan na ipinangako niya sa inyong mga ama. 13 Mamahalin, pagpapalain, at pararamihin niya kayo; pagpapalain niya rin ang bunga ng inyong mga katawan at bunga ng inyong lupain, inyong butil, inyong bagong alak, at ang inyong langis, ang pagpaparami ng inyong mga baka at ang inyong mga batang kawan, sa lupain na ipinangako niya sa inyong mga ama na ibibigay niya sa inyo. 14 Pagpapalain kayo ng higit pa sa lahat ng iba mga tao; Wala isa mang lalaki na walang anak o isang baog na babae sa inyo o sa inyong mga hayop.

15 Tatanggalin ni Yahweh ang lahat ng sakit; walang masasamang mga sakit na mula sa Ehipto ang mailalagay niya sa inyo, pero ilalagay niya ito sa kanila na galit sa inyo. 16 Uubusin ninyo ang lahat ng mga lahi na binigay ni Yahweh na inyong Diyos na mapagtagumpayan, at sa inyong mata hindi ninyo sila kakaawaan. At hindi ninyo sasambahin ang kanilang mga diyos, dahil iyon ay magiging isang bitag sa inyo.

17 Kung sasabihin ninyo sa inyong puso, 'Itong mga bansa ay mas marami kaysa sa akin, papaano ko sila maaaring tatalunin?'— 18 huwag kayong matakot sa kanila; alalahanin ninyo sa inyong isipan kung ano ang ginawa ni Yahweh na inyong Diyos kay Paraon at sa buong Ehipto; 19 ang mga matinding paghihirap na nakita ng inyong mga mata, ang mga palatandaan, ang mga kababalaghan, ang kamay na makapangyarihan, at ang pagpapakita ng kapangyarihan sa pamamagitan ni Yahweh sa pamamagitan ng pagpapalabas sa inyo. Gagawin ulit ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng mga taong kinakatakutan ninyo.

20 Bukod pa dito, si Yahweh na inyong Diyos ay magpapadala ng putakti sa kanila hanggang sa sinumang maiwan at kung sino sa kanila ang nagtatago ay masasawi mula sa inyong presensya. 21 Huwag ninyo silang katakutan sapagkat si Yahweh ay kasama ninyo, isang dakila at kinakatakutang Diyos.

22 Si Yahweh na inyong Diyos ay aalisin ang mga bansa sa harapan ninyo ng unti-unti. Hindi ninyo matatalo silang lahat ng mabilisan, o ang mga mabangis na mga hayop na lalong darami sa palibot ninyo. 23 Pero si Yahweh na inyong Diyos ay bibigyan kayo ng katagumpayan kapag nakita ninyo sila sa labanan; labis niya sila lilinlangin hanggang sila ay mawasak. 24 Ilalagay niya ang kanilang mga hari sa ilalim ng inyong kapangyarihan, at buburahin ang kanilang pangalan mula sa ilalim ng langit. Walang sinuman ang maaaring tumayo sa harapan ninyo, hanggang sa mawasak ninyo sila.

25 Susunugin ninyo ang mga inukit na hugis ng kanilang diyos; huwag ninyong naisin ang pilak o ginto na nakabalot dito na gusto ninyong makuha para sa inyong sarili, at mabibitag kayo sa pamamagitan nito; dahil kamuhi-muhi ito kay Yahweh na inyong Diyos. 26 Wala kayong dadalhin na anumang nakakasuklam na bagay sa loob ng inyong bahay at simulang sambahin ito. Tiyak na kamumuhian at kasusuklaman ninyo ito, dahil ito ay inihiwalay para wasakin.