Bahagi 2: Inatasan si Moises
Ang pag-aatas kay Moises bilang sugo ng Diyos.
1491 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Ngayon si Moises ay nagpapastol pa rin ng kawan ng biyenan niyang si Jetro, ang pari ng Midian. Pinangunahan ni Moises ang kawan sa malayong dako ng ilang at dumating sa Horeb, ang bundok ng Diyos. 2 Doon ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kaniya sa isang nagliliyab na apoy sa mababang puno. Tumingin si Moises at nakita na nagliliyab ang puno pero ito ay hindi nasusunog. 3 Sinabi ni Moises, “Lilingon ako at titingnan ang kahanga-hangang bagay na ito, bakit ang puno ay hindi nasusunog.”
4 Nang makita ni Yahweh na lumingon si Moises para tingnan, tumawag ang Diyos sa kaniya mula sa mababang puno at sinabi, “Moises, Moises.” Sinabi ni Moises, “Narito po ako.”
5 Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit! Hubarin mo ang sapatos sa iyong mga paa, dahil ang lugar na kinatatayuan mo ay lupang inilaan sa akin.” 6 Dagdag pa niya, “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.” Pagkatapos tinakpan ni Moises ang kaniyang mukha, dahil takot siyang tumingin sa Diyos.
7 Sinabi ni Yahweh, “Tunay na nakita ko ang pagdurusa ng aking bayan na nasa Ehipto. Narinig ko ang kanilang pagsigaw dahil sa kanilang mahihigpit na tagapangasiwa, dahil alam ko ang tungkol sa kanilang pagdurusa. 8 Bumaba ako para palayain sila mula sa kapangyarihan ng mga taga-Ehipto at dalhin sila mula sa lupaing iyon patungo sa mabuti at malawak na lupain, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot; sa rehiyon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita, at mga Jebuseo.
9 Ngayon ang mga pagsigaw ng bayan ng Israel ay nakarating sa akin. Bukod dito, nakita ko ang pagmamalupit na dulot ng mga taga-Ehipto. 10 Kaya ngayon, ipapadala kita kay Paraon para dalhin mo ang aking bayan, ang mga Israelita, palabas mula sa Ehipto.”
11 Pero sinabi ni Moises sa Diyos, “Sino ba ako, na dapat akong magpunta kay Paraon at dalhin ang mga Israelita mula sa Ehipto?”
12 Sumagot ang Diyos, “Ako ay tiyak na makakasama mo. Ito ang magiging palatandaan na pinadala kita. Kapag nailabas mo ang bayan mula sa Ehipto, sasambahin ninyo ako sa bundok na ito.”
13 Sinabi ni Moises sa Diyos, “Pagpunta ko sa mga Israelita at sabihin sa kanilang, 'Ang Diyos ng inyong mga ninuno ay pinadala ako sa inyo,' at kung sabihin nila sa akin, 'Ano ang pangalan niya?' ano ang dapat kong sabihin sa kanila?”
14 Sinabi ng Diyos kay Moises, “AKO AY SI AKO.” Sabi ng Diyos, “Dapat mong sabihin sa mga Israelita, 'SI AKO ang nagpadala sa akin sa inyo.'”
15 Sinabi rin ng Diyos kay Moises, “Dapat mong sabihin sa mga Israelita, 'Si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, ang Diyos ni Jacob, ay nagpadala sa akin sa inyo. Ito ang aking pangalan magpakailanman, at ganito ako mapapanatili sa isipan ng lahat ng mga salinlahi.'
16 Lumakad ka at sama-samang tipunin ang mga nakatatanda ng Israel. Sabihin sa kanila, 'si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Jacob, ay nagpakita sa akin at nagsabi, “Tunay ngang napagmasdan ko kayo at nakita ang ginawa sa inyo sa Ehipto. 17 Nangako akong kukunin kayo mula sa pagmamalupit sa Ehipto patungo sa lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita, at mga Jebuseo, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.
18 Makikinig sila sa iyo. Ikaw at ang mga nakatatanda ng Israel ay dapat pumunta sa hari ng Ehipto, at dapat mong sabihin sa kaniya, 'Si Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo ay kinatagpo kami. Kaya ngayon hayaan mo kaming maglakbay ng tatlong araw sa ilang, para makapaghandog kami kay Yahweh, na aming Diyos.'
19 Pero nalalaman ko na ang hari ng Ehipto ay hindi kayo papayagang umalis, maliban na ang kamay niya ay pilitin. 20 Iaabot ko ang kamay ko at sasalakayin ang mga taga-Ehipto ng mga himalang gagawin ko sa gitna nila. Pagkatapos niyon, papayagan niya kayong umalis.
21 Bibigyan ko ang mga taong ito ng pabor mula sa mga taga-Ehipto, kaya sa pag-alis ninyo, hindi kayo aalis na walang dala. 22 Bawat babae ay hihingi ng pilak at gintong alahas at mga damit mula sa kapitbahay na taga-Ehipto at sinumang babaeng nanatili sa bahay ng mga kapitbahay niya. Ilalagay ninyo ang mga iyon sa inyong mga anak na lalaki at babae. Sa paraang ito ay lolooban ninyo ang mga taga-Ehipto.”
4:1 Sumagot si Moises, “Pero paano kung hindi sila maniwala o makinig sa akin pero sa halip na sabihin, 'Si Yahweh ay hindi nagpakita sa iyo'?”
2 Sinabi ni Yahweh sa kaniya, “Ano iyang nasa kamay mo?” Sinabi ni Moises, “Isang tungkod.”
3 Sinabi ni Yahweh, “Ihagis mo ito sa lupa.” Inihagis ito ni Moises sa lupa, at ito ay naging isang ahas. Tumakbo si Moises palayo dito.
4 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Damputin mo at hawakan ito sa buntot.” Kaya dinampot niya at hinawakan ang ahas. Naging tungkod ito muli sa kaniyang kamay. 5 “Ito ay para maniwala sila na si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob, ang nagpakita sa iyo.”
6 Sinabi rin ni Yahweh sa kaniya, “Ngayon ilagay mo ang iyong kamay sa loob ng iyong balabal.” Kaya inilagay ni Moises ang kaniyang kamay sa loob ng kaniyang balabal. Nang ilabas niya ito, namasdan, na ang kaniyang kamay ay naging ketong, kasing puti ng niyebe.
7 Sinabi ni Yahweh, “Ilagay mo ulit ang iyong kamay sa loob ng iyong balabal.” Kaya inilagay ni Moises ang kaniyang kamay sa loob ng kaniyang balabal, at ng inilabas niya ito, nakita niya na naging malusog ito muli, tulad ng kaniyang ibang laman.
8 Sinabi ni Yahweh, “Kung hindi sila maniniwala sa iyo—kung hindi nila bibigyang pansin ang unang palatandaan ng aking kapangyarihan o maniniwala dito, pagkatapos paniniwalaan nila ang ikalawang palatandaan. 9 At kung hindi sila maniniwala kahit sa dalawang palatandaan ng aking kapangyarihan, o makikinig sa iyo, pagkatapos kumuha ka ng kaunting tubig mula sa ilog at ibuhos ito sa tuyong lupa. Ang tubig na iyong kinuha ay magiging dugo sa tuyong lupa.”
10 Pagkatapos sinabi ni Moises kay Yahweh, “Panginoon, hindi ako naging magaling manalita, kahit pa noong nakaraan o ni mula ng nakipag-usap ka sa iyong lingkod. Mahina ako sa pananalita at mahina ang dila.”
11 Sinabi ni Yahweh sa kaniya, “Sino ba itong gumawa ng bibig ng tao? Sino bang gumawa sa taong pipi o bingi, nakakakita o bulag? Hindi ba ako, si Yahweh? 12 Kaya ngayon lumakad ka at kasama mo ako sa iyong pananalita at tuturuan kita kung ano ang sasabihin.”
13 Pero sinabi ni Moises, “Panginoon, pakiusap magpadala ka nalang ng iba, sinuman ang gusto mong ipadala.”
14 Pagkatapos nagalit si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, “Ano kaya kung si Aaron, ang iyong kapatid na Levita? Alam ko na nakakapagsalita siya ng maayos. Bukod dito, paparating siya para makipagkita sa iyo, at kapag nakita ka niya, magsasaya ang kaniyang puso. 15 Makikipag-usap ka sa kaniya at ilalagay mo sa kaniyang bibig ang mga salita na dapat sabihin. Ako ay mapapasa iyong bibig at sa kaniyang bibig, at ipapakita ko sa inyo kung ano ang gagawin. 16 Magsasalita siya sa mga tao para sa iyo. Siya ang magiging tagapagsalita mo, at ikaw sa kaniya ay magiging tulad ko, parang Diyos. 17 Dadalhin mo ang tungkod na ito sa iyong kamay. Sa pamamagitan nito gagawin mo ang mga palatandaan.”
18 Kaya bumalik si Moises kay Jetro ang kaniyang biyenang lalaki, at sinabi sa kaniya, “Payagan mo akong umalis para makabalik sa aking mga kamag-anak na nasa Ehipto at makita ko kung buhay pa ba sila.” Sinabi ni Jetro kay Moises, “Lumakad ka nang may kapayapaan.”
19 Sinabi ni Yahweh kay Moises sa Midian, “Lumakad ka, bumalik ka sa Ehipto, dahil lahat ng mga taong nagnanais kunin ang iyong buhay ay patay na.” 20 Dinala ni Moises ang kaniyang asawa at mga anak na lalaki at isinakay niya sila sa asno. Bumalik siya sa lupain ng Ehipto, at dinala niya ang tungkod ng Diyos na nasa kaniyang kamay.
21 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Kung babalik ka sa Ehipto, siguraduhin mong gawin sa harapan ni Paraon ang lahat ng mga kababalaghan na inilagay ko sa iyong kapangyarihan. Pero patitigasin ko ang kaniyang puso, at hindi niya paaalisin ang mga tao.
22 Kailangan mong sabihin kay Paraon, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: ang Israel ay aking anak, ang aking panganay, 23 At sasabihin ko sa iyo, “Payagan mo ang aking anak na umalis, kaya siya ay sasamba sa akin.” Pero dahil ikaw ay tumangging paalisin siya, tiyak na papatayin ko ang iyong anak, ang iyong panganay.”'
24 Ngayon habang nasa daan, nang huminto sila para sa gabi, si Yahweh ay nakipagkita kay Moises at sinubukang patayin siya. 25 Pagkatapos kumuha si Zepora ng batong matulis at pinutol niya ang unahang balat ng kaniyang anak na lalaki, at inilapat ito sa paa ni Moises. Pagkatapos sinabi niya, “Sigurado ako na ikaw ang lalaking ikakasal sa akin sa pamamagitan ng dugo.”
26 Kaya hinayaan siya ni Yahweh na mag-isa. Sinabi niya, “Ikaw ang lalaking ikakasal sa dugo” dahil sa pagtutuli.
27 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Pumunta ka doon sa ilang para makipagkita kay Moises.” Pumunta si Aaron, at nakipagkita sa kaniya sa bundok ng Diyos, at hinalikan siya. 28 Sinabi ni Moises kay Aaron ang lahat ng mga salita ni Yahweh na ipinadala niya para sabihin at tungkol sa lahat ng mga palatandaan ng kapangyarihan ni Yahweh na iniutos niya na kaniyang gagawin.