Sari-saring Batas, mga Batas na Moral, at mga Batas na Panseremonya (continued)

1490 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Levitico 20–21

1 Nakipag-usap si Yahweh kay Moises, na sinasabing, 2 “Sabihin sa bayan ng Israel, 'Sinuman sa mga mamamayan ng Israel, o sinumang dayuhan na namumuhay sa Israel na magbigay ng sinuman sa kanyang mga anak kay Molec, ay tiyak na papatayin. Dapat siyang batuhin ng mga tao sa lupain gamit ang mga bato. 3 Haharap din ako laban sa taong iyon at tatanggalin siya mula sa kanyang mga tao dahil ibinigay niya ang kanyang anak kay Molec, upang dungisan ang aking banal na lugar at lapastanganin ang aking banal na pangalan.

4 Kung ipipikit ng mga tao sa lupain ang kanilang mga mata sa lalaking iyon kapag ibinigay ang sinuman sa kanyang mga anak kay Molec, kung hindi nila pinatay, 5 sa gayon ako mismo ang haharap laban sa taong iyon at sa kanyang angkan, at tatanggalin ko siya at bawat isa pang gagamitin sa masama ang kanyang sarili para gumanap bilang isang babaeng bayaran kay Molec.

6 Ang isang taong pumupunta sa mga nakikipag-usap sa patay, o sa mga nakikipag-usap sa mga espiritu para isama ang kanilang sarili ssa kanila, haharap ako laban sa taong iyon; tatanggalin ko siya mula sa kanyang bayan.

7 Kaya ialay ninyo ang inyong mga sarili kay Yahweh at maging banal, dahil ako si Yahweh ang inyong Diyos. 8 Dapat ninyong sundin ang aking mga utos at isagawa ang mga ito. Ako si Yahweh, na siyang nagtatalaga sa inyo para sa aking sarili.

9 Ang lahat na sumusumpa sa kanyang ama o sa kanyang ina ay tiyak na papatayin. Isinumpa niya ang kanyang ama o ang kanyang ina, kaya siya ay nagkasala at karapat-dapat mamatay.

10 Ang taong gumagawa ng pangangalunya sa asawa ng ibang lalaki, iyon ay, sinumang gumagawa ng pangangalunya sa asawa ng kanyang kapitbahay—ang nakikiapid na lalaki at ang nakikiapid na babae ay tiyak na kapwa papatayin.

11 Ang lalaking sumisiping sa asawa ng kanyang ama para makipagtalik sa kanya ay nagdulot ng kahihiyan sa kanyang sariling ama. Kapwa ang anak na lalaki at ang asawa ng kanyang ama ay tiyak na papatayin. Sila ay nagkasala at karapat-dapat mamatay.

12 Kung sipingan ng isang lalaki ang kanyang manugang na babae, tiyak na kapwa silang dapat patayin. Nakagawa sila ng kabuktutan. Sila ay nagkasala at karapat-dapat mamatay.

13 Kapag sumiping ang isang lalaki sa kapwa lalaki, tulad ng sa isang babae, pareho silang nakagawa ng kasuklam-suklam na bagay. Tiyak na dapat silang patayin. Sila ay nagkasala at karapat-dapat mamatay.

14 Kung pakasalan ng isang lalaki ang isang babae at pakasalan din ang kanyang ina, ito ay kasamaan. Dapat silang sunugin, kapwa siya at ang mga babae, upang hindi magkaroon ng kasamaan sa inyo.

15 Kung sumiping ang isang lalaki sa isang hayop, tiyak na dapat siyang patayin, at dapat ninyong patayin ang hayop.

16 Kung lumapit ang isang babae sa anumang hayop para sipingan ito, dapat ninyong patayin ang babae at ang hayop. Tiyak na dapat silang patayin. Sila ay nagkasala at karapat-dapat mamatay.

17 Kung sumiping ang isang lalaki sa kanyang kapatid na babae, alinman sa anak na babae ng kanyang ama o alinman sa anak na babae ng kanyang ina—kung sumiping siya sa babae at ang babae sa kanya, ito ay isang kahiya-hiyang bagay. Dapat silang alisin mula sa presensiya ng kanyang mga tao, dahil sumiping siya sa kanyang kapatid na babae. Dapat niyang dalhin ang kanyang kasalanan.

18 Kung sipingan ng isang lalaki ang isang babae sa panahon ng kanyang pagreregla at nakipagtalik sa kaniya, binuksan niya ang agusan ng kanyang dugo, ang pinagmumulan ng kanyang dugo. Kapwa ang lalaki at babae ay dapat alisin mula sa kanilang bayan.

19 Hindi ninyo dapat sipingan ang kapatid na babae ng inyong ina, ni kapatid na babae ng inyong ama, dahil ipapahiya ninyo ang inyong malapit na kamag-anak. Dapat ninyong dalhin ang sarili ninyong kasalanan.

20 Kung sipingan ng isang lalaki ang asawa ng kanyang tiyuhin, ipinahiya niya ang kanyang tiyuhin. Dapat nilang dalhin ang sarili nilang kasalanan at mamatay ng walang anak.

21 Kung pakasalan ng isang lalaki ang asawa ng kanyang kapatid na lalaki, ito ay kalaswaan dahil nagkaroon siya ng kaugnayang lumalabag sa kasal ng kanyang kapatid na lalaki, at hindi sila magkakaanak.

22 Kaya dapat ninyong sundin ang lahat ng aking mga batas at lahat ng aking mga utos; dapat ninyong sundin ang mga ito sa gayon hindi kayo isusuka ng lupain kung saan ko kayo dadalhin para manirahan. 23 Hindi kayo dapat mamuhay sa mga kaugalian ng mga bansang itataboy ko sa harapan ninyo, dahil ginawa nila ang lahat ng mga bagay na ito, at kinamumuhian ko ang mga ito.

24 Sinabi ko sa inyo, “Mamanahin ninyo ang kanilang lupain; ibibigay ko ito sa inyo para angkinin, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot. Ako si Yahweh na inyong Diyos, na siyang naghiwalay sa inyo mula sa ibang mga tao.

25 Kaya dapat ninyong kilalanin ang kaibahan ng malinis na mga hayop at ng marumi, at kaibahan ng maruming mga ibon at ang malinis. Huwag dapat ninyong dungisan ang inyong mga sarili ng mga maruming hayop o mga ibon o anumang nilikhang gumagapang sa lupa, na inihiwalay ko bilang marumi mula sa inyo. 26 Kayo ay dapat maging banal, dahil Ako, si Yahweh, ay banal, at ibinukod ko kayo mula sa ibang mga tao, dahil kayo ay aking pag-aari.

27 Tiyak na dapat patayin ang isang lalaki o isang babaeng nakikipag-usap sa patay o nakikipag-usap sa mga espiritu. Dapat silang batuhin ng mga tao gamit ang mga bato. Sila ay nagkasala at nararapat mamatay.”'

21:1 Sinabi ni Yahweh kay Moises: “Nagsalita sa mga pari, ang mga anak na lalaki ni Aaron, at kanilang sinabi, 'Walang isa sa inyo ang gagawing hindi malinis ang kaniyang sarili para sa mga namatay sa kaniyang mga tao, 2 maliban para sa isang malapit na kamag-anak—para sa kaniyang ina at ama, para sa kaniyang anak na lalaki at babae, o para sa kaniyang kapatid 3 o para sa isang birheng kapatid na babae na nasa kaniyang bahay at walang asawa. Para sa kaniya maari niyang gawing hindi malinis ang kaniyang sarili. 4 Ngunit hindi niya dapat gawing hindi malinis ang kanyang sarili dahil sa ibang kamag-anak, upang dungisan ang kanyang sarili.

5 Hindi dapat mag-ahit ang mga pari ng kanilang mga ulo o ahitin ang mga gilid ng kanilang balbas, o sugatan ang kanilang katawan. 6 Dapat silang ibukod para sa kanilang Diyos, at hindi ipahiya ang pangalan ng kanilang Diyos, dahil ang mga pari ang naghahandog ng mga alay kay Yahweh sa pamamagitan ng apoy, ang “pagkain” ng kanilang Diyos. Kaya dapat silang ibukod.

7 Hindi sila dapat mag-asawa ng sinumang babaeng bayaran at nadungisan, at hindi sila dapat mag-asawa ng isang babaeng hiwalay mula sa kaniyang asawa, sapagkat ibinukod sila para sa kanilang Diyos. 8 Dapat mo siyang ihandog sapagkat nag-aalay siya ng “pagkain” mula sa inyong Diyos. Dapat siyang maging banal sa iyong paningin, dahil Ako, si Yahweh, na siyang naghandog sa inyo sa aking sarili, ay banal din. 9 Sinumang anak na babae ng pari ang dudungis sa kanyang sarili sa pamamagitan ng pagiging isang babaeng bayaran ay ipinapahiya ang kaniyang ama. Dapat siyang sunugin.

10 Siya na punong pari sa kanyang mga kapatid na lalaki, kung kaninong ulo ibinuhos ang panghirang na langis, at ginawang banal upang magsuot ng mga natatanging kasuotan ng punong pari, ay hindi dapat guluhin ang kanyang buhok o punitin ang kanyang mga damit. 11 Hindi siya dapat pumunta kahit saan na mayroong isang patay na katawan at dungisan ang kanyang sarili, kahit para sa kanyang ama o sa kanyang ina. 12 Hindi dapat iiwan ng punong pari ang dako ng santuwaryo ng tabernakulo o lapastanganin ang santuwaryo ng kaniyang Diyos, dahil ginawa siyang banal bilang punong pari sa pamamagitan ng panghirang na langis ng kanyang Diyos. Ako si Yahweh.

13 Dapat mag-asawa ang punong pari ng isang birhen bilang kanyang asawa. 14 Hindi siya dapat mag-asawa ng isang balo, isang babaeng hiwalay sa asawa, o isang babaeng bayaran. Hindi siya dapat mag-asawa ng ganitong mga uri ng babae. Maaari lang siyang mag-asawa ng isang birhen mula sa kaniyang sariling lahi. 15 Dapat niyang sundin ang mga patakarang ito, upang hindi niya madungisan ang kaniyang mga anak sa kaniyang lahi, sapagkat Ako si Yahweh, na naghandog sa kaniya para sa aking sarili.'''

16 Sinabi ni Yahweh kay Moises, sinasabi, 17 “sabihin kay Aaron at sabihin niya, 'Sinuman sa iyong mga kaapu-apuhan hanggang sa buong salinlahi nila ang may kapansanan sa katawan, hindi siya dapat lumapit upang ihandog ang 'pagkain' ng kanyang Diyos.

18 Hindi dapat lumapit kay Yahweh ang sinumang taong may kapansanan sa katawan, gaya ng isang taong bulag, isang taong pilay, isa na ang anyo ay nasira o pumangit, 19 isang taong pilay ang kamay o paa, 20 kuba o taong unano, o isang taong may kapansanan sa kanyang mga mata, o may isang sakit, pamamaga, galis, o napinsala ang mga pribadong bahagi.

21 Walang tao sa mga kaapu-apuhan ni Aaron na pari na may kapansanan ang katawan na maaaring lumapit upang magsagawa ng mga paghahandog sa pamamagitan ng apoy para kay Yahweh. Ang isang taong iyon ay may kapansanan sa katawan; hindi siya dapat lumapit upang ihandog ang 'pagkain' ng kanyang Diyos. 22 Maaari niyang kainin ang pagkain ng kanyang Diyos, maging ang ilan sa mga kabanalbanalan o ilan sa banal. 23 Gayunman, hindi siya dapat pumasok sa loob ng kurtina o lumapit sa altar, dahil siya ay may kapansanan sa katawan, upang hindi niya madungisan ang aking banal na lugar, dahil ako si Yahweh, ang siyang naghandog sa kanila para sa aking sarili.'''

24 Kaya sinabi ni Moises ang mga salitang ito kay Aaron, sa kanyang mga anak na lalaki, at sa lahat ng mga tao ng Israel.