Mga Batas para sa mga Handog

1490 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Levitico 1–3

1 Tinawag ni Yahweh si Moises at kinausap siya mula sa tolda ng pagpupulong, sinasabing, 2 “Kausapin mo ang bayan ng Israel at sabihin sa kanila, 'Kapag sinumang tao mula sa inyo ang magdadala ng isang handog kay Yahweh, dalhin bilang inyong handog ang isa sa inyong mga hayop, alinman mula sa pangkat ng mga hayop o mula sa kawan.

3 Kung ang kaniyang handog ay isang handog na susunugin mula sa pangkat ng mga hayop, dapat niyang ihandog ang isang lalaking hayop na walang dungis. Ihahandog niya ito sa pasukan ng tolda ng pagpupulong, para maaari itong tanggapin sa harapan ni Yahweh. 4 Ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng handog na susunugin, at pagkatapos tatanggapin ito sa ngalan niya para gawing kabayaran ng kasalanan para sa kanyang sarili.

5 Pagkatapos dapat niyang patayin ang toro sa harapan ni Yahweh. Ang mga anak na lalaki ni Aaron, ang mga pari, ihahandog ang dugo at isasaboy ito sa altar na nasa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 6 Pagkatapos dapat niyang balatan ang handog na susunugin at pagpira-pirasuhin ito.

7 Pagkatapos ilalagay ng mga anak na lalaki ni Aaron na pari ang apoy sa ibabaw ng altar at maglalagay ng kahoy para palakasin ang apoy. 8 Ilalagay ng mga anak na lalaki ni Aaron, na mga pari, ang mga piraso, ang ulo at ang taba nang maayos sa kahoy na nasa apoy na nasa altar. 9 Pero dapat niyang hugasan ng tubig ang mga lamang-loob at ang mga binti nito. Pagkatapos susunugin ng pari ang lahat ng bagay sa altar bilang isang handog na susunugin. Magbibigay ito sa akin ng mabangong halimuyak; magiging isang handog ito na ginawa sa akin sa pamamagitan ng apoy.

10 Kung mula sa kawan ang kaniyang handog para sa handog na susunugin, isa sa mga tupa o isa sa mga kambing, isang lalaking walang kapintasan ang dapat niyang ihandog. 11 Dapat niya patayin ito sa hilagang dako ng altar sa harapan ni Yahweh. Isasaboy ng mga anak na lalaki ni Aaron, na mga pari, ang dugo nito sa bawat gilid ng altar. 12 Pagkatapos dapat niyang pagpira-pirasuhin ito, kasama ang ulo at ang taba nito, at ilalatag ang mga iyon ng pari sa kahoy na nasa apoy, na nasa altar, 13 subalit dapat niyang hugasan ng tubig ang mga lamang-loob at ang mga binti. Pagkatapos ihahandog ng pari ang kabuuan, at susunugin ito sa altar. Ito ay isang handog na susunugin, at magbibigay ito ng mabangong halimuyak para kay Yahweh; isang handog ito na ginawa sa kanya sa pamamagitan ng apoy.

14 Kung ang handog niya kay Yahweh ay isang sinunog na handog na mga ibon, sa gayon dapat niyang dalhin bilang kaniyang handog ang alinman sa isang kalapati o batang ibon. 15 Dapat itong dalhin ng pari sa altar, pilipitin ang ulo nito, at sunugin ito sa altar. Pagkatapos dapat patuluin lahat ng dugo nito sa gilid ng altar. 16 Dapat niyang alisin ang balun-balunan kasama ang mga laman nito, at itapon ito sa tabi ng altar sa silangang dako, sa lugar para sa mga abo. 17 Dapat niyang biyakin ito hawak ang mga pakpak, pero hindi niya ito dapat hatiin sa dalawang bahagi. Pagkatapos susunugin ito ng pari sa altar, sa kahoy na nasa apoy. Magiging isang handog na susunugin ito, at magbibigay ito ng mabangong halimuyak para kay Yahweh; magiging isang handog ito na ginawa sa kanya sa pamamagitan ng apoy.

2:1 Kapag magdadala ang sinuman ng isang butil na handog kay Yahweh, dapat pinong harina ang kaniyang handog, at bubuhusan niya ito ng langis at lalagyan ito ng insenso. 2 Dadalhin niya ang handog sa mga anak na lalaki ni Aaron ang mga pari, at doon kukuha ang pari ng isang dakot ng pinong harina kasama ang langis at ang insensong naroon. Pagkatapos susunugin ng pari ang handog sa altar para alalahaning may pagpapasalamat ang tungkol sa kabutihan ni Yahweh. Magbibigay ito ng mabangong halimuyak para kay Yahweh; magiging isang handog ito na ginawa sa kanya sa pamamagitan ng apoy. 3 Mabibilang kina Aaron at sa kaniyang mga anak na lalaki ang anumang natirang butil na handog. Ganap na inilaan ito kay Yahweh mula sa mga handog kay Yahweh na ginawa sa pamamagitan ng apoy.

4 Kapag naghahandog kayo ng isang butil na handog na walang pampaalsa na hinurno sa isang pugon, dapat malambot na tinapay ito na gawa sa pinong harinang hinaluan ng langis, o matigas na tinapay na walang pampaalsa, na pinahiran ng langis.

5 Kung hinurno ang inyong butil na handog sa isang lapad na kawaling bakal, dapat gawa ito sa pinong harina na walang pampaalsang hinaluan ng langis. 6 Hahatiin ninyo ito sa pira-piraso at bubuhusan ito ng langis. Isang butil na handog ito.

7 Kung niluto sa isang kawali ang inyong butil na handog, dapat gawa ito sa pinong harina at langis.

8 Dapat ninyong dalhin kay Yahweh ang butil na handog na ginawa mula sa mga bagay na ito, at idudulog ito sa pari, na siyang magdadala nito sa altar. 9 Pagkatapos kukuha ang pari ng ilan mula sa butil na handog upang alalahaning may pagpapasalamat ang tungkol sa kabutihan ni Yahweh, at susunugin niya ito sa altar. Magiging isang handog ito sa pamamagitan ng apoy, at magbibigay ito ng mabangong halimuyak para kay Yahweh. 10 Mabibilang kina Aaron at sa kaniyang mga anak na lalaki ang anumang natira sa butil na handog. Ganap na inilaan ito kay Yahweh mula sa mga handog kay Yahweh na ginawa sa pamamagitan ng apoy.

11 Walang butil na handog na inyong ihahandog kay Yahweh ang gagawing may pampaalsa, dahil hindi kayo dapat magsunog ng pampaalsa, ni anumang pulot, bilang handog na ginawa kay Yahweh sa pamamagitan ng apoy. 12 Ihahandog ninyo ang mga ito kay Yahweh bilang isang handog ng unang mga bunga, pero hindi gagamitin ang mga iyon upang magbigay ng mabangong halimuyak sa altar. 13 Dapat ninyong timplahan ng asin ang bawat butil ninyong handog. Hindi ninyo kailanman dapat hayaang mawala ang asin ng kasunduan ng inyong Diyos mula sa inyong butil na handog. Kasama ng lahat ng inyong mga handog dapat maghandog kayo ng asin.

14 Kung maghahandog kayo kay Yahweh ng unang mga bunga ng isang butil na handog, maghandog ng sariwang butil na sinangag sa apoy at pagkatapos dinurog upang maging pagkain. 15 Pagkatapos dapat ninyong lagyan ito ng langis at insenso. Isang butil na handog ito. 16 Pagkatapos susunugin ng pari ang bahagi ng dinurog na butil at langis at insenso para alalahaning may pagpapasalamat ang tungkol sa kabutihan ni Yahweh. Isang handog ito na ginawa kay Yahweh sa pamamagitan ng apoy.

3:1 Kung mag-alay ang isang tao ng isang handog para sa pagtitipon-tipon ng isang hayop mula sa grupo ng mga hayop, maging lalaki o babae, dapat siyang mag-alay ng isang hayop na walang kapintasan sa harapan ni Yahweh. 2 Ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng kaniyang handog at papatayin ito sa pintuan ng tolda ng pagpupulong. Pagkatapos isasaboy ng mga anak ni Aaron na lalaki na mga pari ang dugo nito sa mga gilid ng altar.

3 Iaalay ng lalaki ang handog kay Yahweh na isang alay para sa pagtitipon-tipon sa pamamagitan ng apoy. Ang tabang bumabalot o nakadikit sa lamang-loob, 4 at ang dalawang bato at ang tabang nasa mga puson, at ang taba ng atay, kasama ang mga bato—aalisin niya ang lahat ng ito. 5 Susunugin iyon ng mga anak ni Aaron na lalaki sa ibabaw ng altar kasama ang handog na susunugin, na naroon sa kahoy na nasa apoy. Magbibigay ito ng mabangong samyo para kay Yahweh; magiging handog ito na gawa para sa kanya sa pamamagitan ng apoy.

6 Kapag ang alay na handog ng lalaki sa isang pagtitipon-tipon para kay Yahweh ay mula sa kawan; lalaki o babae, dapat siyang maghandog ng isang alay na walang kapintasan.

7 Kapag maghandog siya ng isang tupa para sa kaniyang alay, pagkatapos dapat niyang ihandog ito sa harapan ni Yahweh. 8 Ipapatong niya ang kaniyang kamay sa ulo ng kaniyang alay at papatayin ito sa harapan ng tolda ng pagpupulong. Pagkatapos isasaboy ng mga anak na lalaki ni Aaron ang dugo nito sa mga gilid ng altar.

9 Maghahandog ang lalaki ng alay ng mga handog para sa pagtitipon-tipon bilang isang handog na gawa sa pamamagitan ng apoy kay Yahweh. Aalisin ang taba, ang buong taba ng buntot hanggang sa gulugod, at ang tabang bumabalot sa lamang-loob at ang lahat ng tabang malapit sa lamang-loob, 10 at ang dalawang bato at ang tabang nasa mga ito, na nasa mga puson at ang taba ng atay, kasama ang mga bato— aalisin niya ang lahat ng ito. 11 At susunugin ng pari ang lahat ng ito sa altar bilang isang pagkaing handog na gawa sa apoy kay Yahweh.

12 At kung ang handog ng lalaki ay isang kambing, kung gayon ihahandog niya ito sa harapan ni Yahweh. 13 Dapat niyang ipatong ang kaniyang kamay sa ulo ng kambing at patayin ito sa harapan ng tolda ng pagpupulong. Pagkatapos isasaboy ng mga anak na lalaki ni Aaron ang dugo nito sa mga gilid ng altar.

14 Ihahandog ng lalaki ang kaniyang alay kay Yahweh na gawa sa pamamagitan ng apoy. Aalisin niya ang tabang bumabalot sa lamang-loob, at ang lahat ng tabang malapit sa lamang-loob. 15 Aalisin niya rin ang dalawang bato at ang taba na nasa mga ito, na nasa mga puson at ang taba ng atay kasama ang mga bato. 16 Susunugin ng pari ang lahat ng iyon bilang isang pagkaing handog na gawa sa pamamagitan ng apoy, para magbigay ng isang mabangong samyo. Pag-aari ni Yahweh ang lahat ng taba.

17 Magiging isang permanenteng batas ito sa lahat ng mga salinlahi ng inyong bayan sa bawat lugar na gagawan ninyo ng inyong bahay, na dapat hindi kayo kakain ng taba o dugo.”'