Mga Batas para sa mga Handog (continued)
1490 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Kung magkasala ang sinuman dahil tumanggi siyang magpatotoo nang nakasaksi siya tungkol sa isang bagay na kung saan kinakailangan niyang magpatotoo, kahit na nakita niya ito o narinig ang tungkol dito, mayroon siyang pananagutan.
2 O kung sinuman ang makakahipo ng anumang bagay na itinalaga ng Diyos bilang marumi, maging patay na katawan ito ng isang marumi na mabangis na hayop o katawan ng anumang mga hayop na patay, o gumagapang na hayop, kahit na hindi sinasadyang mahipo ito ng tao, siya ay marumi at nagkasala.
3 O kung makakahawak siya ng karumihan ng isang tao, kung anumang karumihang iyon, at kung hindi niya alam ito, sa gayon magkakasala siya kapag nalaman niya ang tungkol dito.
4 O kung sinuman ay sumumpa nang padalus-dalos sa pamamagitan ng kaniyang mga labi upang gumawa ng masama, o gumawa ng mabuti, anumang sumpa ang binitiwan ng isang tao nang padalus-dalos ng may isang panunumpa, kahit na hindi niya alam ito, kapag nalaman niya ang tungkol dito, kung gayon ay magkakasala siya, sa anumang mga bagay na ito.
5 Kapag nagkasala ang isang tao sa anumang mga bagay na ito, dapat ipagtapat niya ang anumang kasalanan na kaniyang nagawa. 6 Pagkatapos dapat niyang dalhin kay Yahweh ang kaniyang handog na pambayad sa kasalanan para sa kasalanang nagawa niya, isang babaeng hayop mula sa kawan, alinman sa isang tupa o isang kambing, para sa isang handog para sa kasalanan, at gagawa ang pari para sa ikapapatawad niya ukol sa kaniyang kasalanan.
7 Kung hindi niya kayang bumili ng isang tupa, kung gayon maaari niyang dalhin kay Yahweh bilang kaniyang handog na pambayad sa kasalanan ang dalawang kalapati o dalawang batang kalapati, isa para sa handog para sa kasalanan at ang isa para sa isang handog na susunugin. 8 Dapat niyang dalhin ang mga ito sa pari, na ihahandog ang isa para sa isang handog para sa kasalanan—pipilipitin niya ang ulo nito mula sa leeg pero hindi niya tuluyang tatanggalin ito mula sa katawan. 9 Pagkatapos isasaboy niya sa gilid ng altar ang kaunting dugo ng handog pambayad para sa kasalanan, at ibubuhos niya ang natitirang dugo sa pundasyon ng altar. Ito ay isang handog para sa kasalanan. 10 Pagkatapos dapat niyang ihandog ang pangalawang ibon bilang isang handog na susunugin, gaya ng inilarawan sa mga tagubilin, at gagawa ang pari ng kabayaran ng kasalanan para sa kaniya para sa nagawa niyang kasalanan, at patatawarin ang tao.
11 Ngunit kung hindi niya kayang bumili ng dalawang kalapati o dalawang batang kalapati, kung gayon dapat dalhin niya bilang kaniyang alay para sa kaniyang kasalanan ang isang ikasampu ng isang epa ng pinong harina para sa handog para sa kasalanan. Hindi niya dapat lagyan ito ng langis o kahit anong insenso, dahil ito ay isang handog para sa kasalanan. 12 Dapat niya dalhin ito sa pari, at kukuha ang pari ng isang dakot nito para isipin nang may pasasalamat tungkol sa kabutihan ni Yahweh at pagkatapos sunugin ito sa ibabaw ng altar, sa ibabaw ng mga handog na gawa sa pamamagitan ng apoy para kay Yahweh. Ito ay isang handog para sa kasalanan. 13 Gagawa ang pari sa ikapapatawad ng anumang kasalanan na nagawa ng tao, at ang taong iyon ay patatawarin. Magiging pag-aari ng pari ang mga natira mula sa handog, gaya din ng handog na butil.”'
14 Pagkatapos nagsalita si Yahweh kay Moises, na nagsasabing, 15 “Kung sinuman ay lumabag sa isang utos at nagkasala laban sa mga bagay na pagmamay-ari ni Yahweh, ngunit nagawa nang hindi sinasadya, kung gayon dapat dalhin niya kay Yahweh ang kaniyang handog na pambayad kasalanan. Dapat isang lalaking tupa na walang dungis mula sa kawan ang handog na ito; dapat tasahin ang halaga nito sa pilak na sekel—ang sekel ng santuwaryo—bilang handog na pambayad sa kasalanan. 16 Dapat niya bigyan ng kasiyahan si Yahweh para sa kaniyang nagawang mali kaugnay sa kung ano ang banal, at dapat niya itong dagdagan ng ikalima at ibigay ito sa pari. Pagkatapos gagawa ang pari ng kabayaran sa kasalanan para sa kanya kasama ang lalaking tupa na handog na pambayad kasalanan, at patatawarin ang taong iyon.
17 Kung nagkasala ang isang tao at gumawa ng anumang bagay na iniutos ni Yahweh na hindi dapat gawin, kahit na hindi niya alam ito, nagkasala pa rin siya at dapat niya dalhin ang kaniyang sariling pagkakasala. 18 Dapat niyang dalhin ang isang lalaking tupa na walang kapintasan mula sa kawan, katumbas ng kasalukuyang halaga, bilang isang handog na pambayad sa kasalanan sa pari. Pagkatapos gagawa ang pari ng pambayad sa kasalanan para sa kanya ukol sa kanyang nagawang kasalanan, na kung saan hindi niya alam, at siya ay papatawarin. 19 Isang handog ito na pambayad sa kasalanan, at tiyak na nagkasala siya sa harap ni Yahweh.”
6:1 Nagsalita si Yahweh kay Moises, na nagsasabing, 2 “Kung sinuman ang nagkasala at lumabag sa isang utos laban kay Yahweh, tulad ng sinungaling na pakikitungo sa kaniyang kapwa hinggil sa isang bagay na ipinagkatiwala sa kaniya, o kung nililinlang o ninanakawan niya, o pinahihirapan ang kaniyang kapwa, 3 o nakakita ng isang bagay na nawala ng kaniyang kapwa at nagsinungaling tungkol dito, at nanumpa sa pagsisinungaling, o sa mga bagay na katulad nito na nagkasala ang mga tao, 4 kung gayon, mangyayari na kung nagkasala siya at may kasalanan, na dapat niyang ibalik anuman ang kaniyang kinuha sa pamamagitan ng pagnanakaw o pang-aapi o pagkuha ng kung ano ang ipinagkatiwala sa kaniya o ang nawalang bagay na nakita niya. 5 O kung nagsinungaling siya tungkol sa anumang bagay, dapat niyang ibalik ito nang buo at dapat dagdagan ng ikalima para bayaran siya na kung kanino ito inutang, sa araw na nakitaan siya na may kasalanan. 6 Pagkatapos dapat niya dalhin kay Yahweh ang kaniyang handog na pambayad para sa kasalanan: isang lalaking tupa mula sa kawan na walang dungis na nagkakahalaga ng kasalukuyang halaga, bilang isang handog na pambayad para sa kasalanan sa pari. 7 Para sa kaniya ay gagawa ang pari ng isang pambayad para sa kasalanan sa harap ni Yahweh, at patatawarin siya ukol sa anumang kasalanang ginawa niya.”
8 Pagkatapos nagsalita si Yahweh kay Moises, na nagsasabing, 9 “Utusan mo si Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki, at sabihin mo, 'Ito ang batas ng handog na susunugin: Dapat nasa ibabaw ng dapog ng altar ang handog na susunugin sa buong gabi hanggang umaga, at pananatilihing umaapoy ang apoy ng altar.
10 Isusuot ng pari ang kaniyang linong mga damit, at isusuot niya ang kaniyang linong mga damit na panloob. Kukunin niya ang naiwang mga abo pagkatapos na natupok ng apoy ang handog na pambayad para sa kasalanan sa ibabaw ng altar, at ilalagay niya ang mga abo sa gilid ng altar. 11 Huhubarin niya ang kaniyang mga damit at isusuot ang ibang mga damit para dalhin ang mga abo sa labas ng kampo patungo sa isang lugar na malinis.
12 Pananatilihing umaapoy ang apoy sa ibabaw ng altar. Hindi ito dapat mamatay, at ang pari ay magsusunog ng kahoy sa ibabaw nito tuwing umaga. Aayusin niya ang handog na pambayad para sa kasalanan ayon sa pangangailangan nito, at kaniyang susunugin dito ang taba ng mga handog pangkapayapaan. 13 Dapat patuloy na panatilihing umaapoy ang apoy sa ibabaw ng altar. Hindi ito dapat mamatay.
14 Ito ang batas ng handog na pagkaing butil. Ihahandog ito ng mga anak na lalaki ni Aaron sa harap ni Yahweh sa harapan ng altar. 15 Kukuha ang pari ng isang dakot ng pinong harina sa handog na pagkaing butil at sa langis at sa insenso na nasa handog na pagkaing butil, at susunugin niya ito sa altar para magpalabas ng isang mabangong samyo para isipin at magpasalamat tungkol sa kabutihan ni Yahweh.
16 Kakainin ni Aaron at ng kaniyang mga anak na lalaki ang anumang natira sa handog. Dapat ito kainin nang walang pampaalsa sa isang banal na lugar. Kakainin nila ito sa patyo ng tolda ng pagpupulong. 17 Hindi ito dapat ihurno nang may pampaalsa. Ibinigay ko ito bilang kanilang bahagi sa aking mga handog na gawa sa pamamagitan ng apoy. Pinakabanal ito, gaya ng handog para sa kasalanan at ng handog na pambayad para sa kasalanan. 18 Para sa lahat na panahong darating sa lahat ng mga salinlahi ng iyong bayan, maaaring makakain nito bilang kaniyang bahagi ang anumang lalaki na nagmumula kay Aaron, kinuha mula sa mga handog kay Yahweh na gawa sa pamamagitan ng apoy. Magiging banal ang sinumang humipo ng mga ito.”'
19 Kaya muling nagsalita si Yahweh kay Moises, na nagsasabing, 20 “Ito ang handog ni Aaron at ng kaniyang mga anak na lalaki, na kanilang ihahandog kay Yahweh sa araw na kung kailan papahiran ng langis ang bawat anak na lalaki: isang ikasampung bahagi ng isang ephah ng pinong harina bilang isang karaniwang handog na pagkaing butil, kalahati nito sa umaga at kalahati nito sa gabi. 21 Gagawin ito sa isang panghurnong kawali na may langis. Kapag nababad na ito, dadalhin mo ito sa loob. Sa inihurnong pira-piraso ihahandog mo ang handog na pagkaing butil para magpalabas ng mabangong samyo para kay Yahweh. 22 Ang anak na lalaki ng punong pari na siyang magiging bagong punong pari mula sa kaniyang mga anak na lalaki ang siyang mag-aalay nito. Gaya ng iniutos magpakailanman, susunugin ang lahat ng mga ito para kay Yahweh. 23 Lubusang susunugin ng pari ang bawat handog na pagkaing butil. Hindi ito dapat kainin.”
24 Muling nagsalita si Yahweh kay Moises, na nagsasabing, 25 “Kausapin mo si Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki, na nagsasabing, 'Ito ang batas ng handog para sa kasalanan: Dapat patayin ang handog para sa kasalanan sa lugar na kung saan pinatay ang handog na susunugin sa harap ni Yahweh. Ito ay pinakabanal. 26 Kakainin ito ng pari na naghandog nito para sa kasalanan. Dapat ito kainin sa isang banal na lugar sa patyo ng tolda ng pagpupulong. 27 Magiging banal ang anumang makakahawak ng mga karneng ito, at kung naiwisik ang dugo sa anumang damit, dapat ninyong labahan ito, ang bahagi na tinilamsikan, sa isang banal na lugar.
28 Pero dapat basagin ang kaldero na pinakuluan nito. Kung pinakuluan ito sa isang tansong kaldero, dapat kuskusin ito at hugasan sa malinis na tubig. 29 Maaaring kainin ng sinumang lalaki mula sa mga pari ang ilan sa mga ito dahil ito ay pinakabanal. 30 At walang handog para sa kasalanan ang dapat kainin mula sa kung saan anumang dugo ay dinala sa loob ng tolda ng pagpupulong para makagawa sa ikapapatawad ng kasalanan sa banal na lugar. Dapat itong sunugin.