Panahon 2: Mula sa pangangalat hanggang sa Paglabas
Bahagi 1: Ginulo ang mga Wika at Ikinalat ang Sangkatauhan
Ang Tore ng Babel
2234 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Ngayon ang buong mundo ay gumagamit ng iisang wika at parehong mga salita. 2 Sa kanilang paglalakbay sa silangan, nakatagpo sila ng isang kapatagan sa lupain ng Shinar at doon sila nanirahan.
3 Sinabi nila sa isa’t isa, “Halikayo, gumawa tayo ng mga laryo at lutuin nating mabuti.” Laryo ang gamit nila sa halip na bato at alkitran bilang semento.
4 Sinabi nila, “Halikayo, magtayo tayo ng isang lungsod at isang tore para sa atin kung saan ang tuktok ay aabot hanggang langit, at gumawa tayo ng pangalan para sa ating mga sarili. Kung hindi natin gagawin ito, magkakawatak-watak tayo sa buong mundo.”
5 Kaya bumaba si Yahweh para tingnan ang lungsod at ang toreng itinayo ng mga kaapu-apuhan ni Adan. 6 Sinabi ni Yahweh, “Tingnan ninyo, sila ay iisang bayan na may iisang wika, at sinisimulan nilang gawin ito! Hindi magtatagal lahat ng gusto nilang gawin ay hindi na magiging imposible para sa kanila. 7 Halikayo, bumaba tayo at lituhin natin ang kanilang wika roon, para hindi nila maintindihan ang isa’t isa.
8 Kaya ikinalat sila ni Yahweh mula roon tungo sa lahat ng dako ng mundo at huminto sila sa pagtatayo ng lungsod. 9 Kaya, pinangalanan itong Babel, dahil doon nilito ni Yahweh ang wika ng buong mundo at mula roon ikinalat sila ni Yahweh sa iba’t ibang dako ng mundo.
Ang Talaan ng mga Bansa
1 Ito ang mga kaapu-apuhan ng mga anak na lalaki ni Noe, iyon ay, sina Sem, Ham at Jafet. Nagkaanak sila ng mga lalaki pagkatapos ng baha.
2 Ang mga anak na lalaki ni Japet ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras.
3 Ang mga anak na lalaki ni Gomer ay sina Askenaz, Rifat, Togarma.
4 Ang mga anak na lalaki ni Jovan ay sina Elisha, Tarsis, Kitim at Dodanim. 5 Mula sa mga ito humiwalay ang mga taong taga baybay-dagat at umalis papunta sa kani-kanilang mga lupain, bawat isa ay may sariling wika, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa kanilang mga bansa.
6 Ang mga anak na lalaki ni Ham ay sina Cus, Mizraim, Put, at Canaan.
7 Ang mga anak na lalaki ni Cus ay sina Seba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca. Ang mga anak na lalaki ni Raama ay sina Sheba at Didan.
8 Si Cus ang naging ama ni Nimrod, ang naging kauna-unahang manlulupig sa mundo. 9 Siya ay isang mahusay na mangangaso sa harapan ni Yahweh. Kaya ang mga ito'y sinabi, “Tulad ni Nimrod, na mahusay na mangangaso sa harapan ni Yahweh.” 10 Ang naunang mga sentro ng kanyang kaharian ay ang Babel, Eric, Acad at Calne, sa lupain ng Sinar. 11 Mula sa lupaing iyon siya ay pumunta sa Asiria at tinatag ang Nineve, Rehoboth Ir, Cale, 12 at Resen, na nasa pagitan ng Nineve at Cale. Ito ay malaking lungsod.
13 Si Mizraim ang naging ama ng mga Ludites, mga Anamites, mga Lehabites, mga Napthuhites, 14 ng mga Pathrusites, mga Casluhites (kung kanino nagmula ang mga Filisteo), at mga Caphtorites.
15 Si Canaan ang naging ama ni Sidon, na kanyang panganay, at ni Heth, 16 gayundin ng mga Jebuseo, ng mga Amoreo, ng mga Gergeseo, 17 ng mga Hivita, ng mga Araceo, ng mga Sineo, 18 ng mga Arvadeo, ng mga Zemareo at ng mga Hamateo. Pagkatapos kumalat ang mga angkan ng mga Cananeo. 19 Ang hangganan ng mga Cananeo ay mula sa Sidon, sa direksyon ng Gerar, hanggang sa Gaza, at habang ang isa ay patungong Sodoma, Gomorra, Adma, at Zeboim, hanggang sa Lasha.
20 Ito ang mga anak na lalaki ni Ham, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa kanilang mga wika, sa kanilang mga lupain, at sa kanilang mga bansa.
21 Nagkaanak din ng mga lalaki si Sem, ang nakatatandang kapatid na lalaki ni Jafet. Si Sem din ang ninuno ng lahat ng tao sa Eber.
22 Ang mga anak na lalaki ni Sem ay sina Elam, Asshur, Arfaxad, Lud, at Aram.
23 Ang mga anak na lalaki ni Aram ay sina Uz, Hul, Gether, at Meshec.
24 Si Arfaxad ang naging ama ni Shela, at si Shela ang naging ama ni Eber.
25 Si Eber ay may dalawang anak na lalaki. Ang pangalan ng isa ay Peleg, dahil sa kanyang panahon nahati ang mundo. Ang pangalan ng kanyang lalaking kapatid ay Joktan.
26 Si Joktan ang naging ama nina Almodad, Sheleph, Hazarmavet, Jerah, 27 Hadoram, Uzal, Diklah, 28 Obal, Abimael, Sheba, 29 Ofir, Havila, at Jobab. Ang lahat ng mga ito ay anak ni Joktan. 30 Ang kanilang nasasakupan ay mula sa Mesha, hangang sa Sephar, ang bundok ng Silangan.
31 Ito ang mga anak ni Sem, ayon sa kanilang mga angkan at sa kanilang mga wika, sa kanilang mga lupain, ayon sa kanilang mga bansa.
32 Ito ang mga angkan ng mga anak na lalaki ni Noe, ayon sa kanilang mga tala ng angkan, ng kanilang mga bansa. Mula sa mga ito nagkahiwalay ang mga bansa at kumalat sa mundo matapos ang baha.
Ang Talaangkanan ni Sem 2348 B.C.
10 Ito ang mga kaapu-apuhan ni Sem. Si Sem ay isandaang taong gulang, at naging ama ni Arfaxad dalawang taon matapos ang baha. 11 Si Sem ay nabuhay ng limandaang taon matapos siyang naging ama ni Arfaxad. Naging ama rin siya ng iba pang mga anak na lalaki at babae.
12 Nang tatlumpu't-limang taon na si Arfaxad, siya ay naging ama ni Selah. 13 Nabuhay pa si Arfaxad ng 403 taon matapos siyang maging ama ni Selah, at naging ama pa ng ibang anak na lalaki at babae.
14 Nang tatlumpung taon na si Selah, siya ay naging ama ni Eber. 15 Nabuhay pa si Selah ng 403 taon matapos siyang maging ama ni Eber at naging ama pa ibang anak na lalaki at babae.
16 Nang tatlumpu't-apat na taon si Eber, siya ay naging ama ni Peleg. 17 Nabuhay pa si Eber ng 430 taon matapos siyang maging ama ni Peleg. Siya ay naging ama rin ng iba pang mga anak na lalaki at babae.
18 Nang tatlumpung taon na si Peleg, siya ay naging ama ni Reu. 19 Nabuhay pa si Peleg ng 209 taon matapos siyang maging ama ni Peleg. Siya ay naging ama rin ng iba pang mga anak na lalaki at babae.
20 Nang tatlumpu't dalawang taon na si Reu, siya ay naging ama ni Serug. 21 Nabuhay pa si Reu ng 207 taon matapos siyang maging ama ni Serug. Siya ay naging ama rin ng iba pang mga anak na lalaki at babae.
22 Nang tatlumpung taon na si Serug, siya ay naging ama ni Nahor. 23 Si Serug ay nabuhay pa ng dalawandaang taon matapos siyang maging ama ni Nahor. Siya ay naging ama rin ng iba pang mga anak na lalaki at babae.
24 Nang dalawampu't-siyam na taon na si Nahor, siya ay naging ama ni Terah. 25 Nabuhay pa si Nahor ng 119 taon matapos siyang maging ama ni Terah. Siya ay naging ama rin ng iba pang mga anak na lalaki at babae.
26 Matapos mamuhay si Terah ng pitumpung taon, siya ay naging ama ni Abram, Nahor, and Haran.