Inihula ang Pagkatiwangwang at Pagbangon ng Judea

Isang pangkalahatang hula tungkol sa pagkatiwangwang at pagbangon ng Judea.

714 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Isaias 24–25

1 Masdan, malapit nang ubusin ni Yahweh ang laman ng mundo, para sirain ito, dungisan ang ibabaw nito, at ikalat ang mga naninirahan dito. 2 Mangyayari ito, sa mga tao, ganun din sa mga pari; sa mga lingkod, ganun din sa kaniyang amo; sa mga katulong na babae, ganun din sa kaniyang among babae; sa mga mamimimili, ganun din sa nagbebenta; sa mga pinagkakautangan, ganun din sa mga nangungutang; sa mga tumatanggap ng tubo, ganun din sa mga tagapagbigay ng tubo. 3 Ganap na masisira ang mundo at ganap na huhubaran; dahil sinabi na ni Yahweh ang salitang ito. 4 Manunuyo at malalanta ang mundo, mabubulok at maglalaho ang mundo, mabubulok ang mga kilalang tao sa lupa. 5 Ang mundo ay narumihan dahil sinuway ng mga naninirahan dito ang mga batas, nilabag ang mga kautusan, at winasak ang walang hanggang tipan. 6 Kaya nilamon ng sumpa ang mundo, at napatunayan na ang naninirahan dito ay maysala. Sinunog ang mga naninirahan sa mundo, at kaunting tao lang ang natira. 7 Natuyo ang bagong alak, nabulok ang ubasan, lahat ng masasayang puso ay naghihinagpis. 8 Huminto ang masayang tunog ng mga tamburin, at ang maingay at magulong pagsasaya ng mga nagdidiwang; ang kagalakan ng mga lira ay naglalaho. 9 Hindi na sila umiinom ng alak at nag-aawitan, at mapait ang alak sa mga umiinom nito. 10 Bumagsak ang lungsod ng kaguluhan; sarado at walang laman ang bawat bahay. 11 Sa bawat lansangan ay may umiiyak dahil sa alak; nagdilim ang lahat ng kagalakan, ang kasiyahan sa lupa ay naglaho. 12 Isang lagim na lungsod ang naiwan, at ang tarangkahan ay basag sa pagkawasak. 13 Dahil ito ang mangyayari sa buong mundo sa kalagitnaan ng mga bansa, gaya ng pagpalo sa puno ng olibo, gaya ng pamumulot ng mga natira nang matapos ang pag-ani ng ubas. 14 Ilalakas nila ang kanilang mga boses at isisigaw ang kapurihan ni Yahweh, at magagalak silang sisigaw mula sa dagat. 15 Kaya sa silangan luluwalhatiin si Yahweh, at sa maliliit na mga pulo ng dagat magbigay ng kaluwalhatian sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 16 Mula sa pinakamalayong bahagi ng mundo aming narinig ang mga awit, “Kaluwalhatian sa matuwid!” Pero sinabi ko, “Sinayang ko lang, sinayang ko lang, kasawian ay sa akin! Ang taksil ay gumagawa ng pagtataksil; oo, ang taksil ay gumagawa ng matinding pagtataksil.” 17 Matinding takot, ang hukay, at ang patibong ang sasainyo, mga naninirahan sa mundo. 18 Siyang tumakas mula sa tunog ng takot ang mahuhulog sa hukay, at siyang umahon sa kalagitnaan ng hukay ay mahuhuhli sa silo. Magbubukas ang bintana ng kalangitan, at ang pundasyon ng mundo ay mayayanig. 19 Ang mundo ay ganap na masisira. ang mundo ay mahahati sa gitna; ang mundo ay marahas na mayayanig. 20 Ang mundo ay magsusuray-suray tulad ng isang lasing na lalaki at gumigiwang-giwang at pabalik-ballik tulad ng isang duyan. Ang kasalanan nito ay magiging mabigat dito, at babagsak ito at hindi na muling babangon. 21 Darating ang araw na paparusahan ni Yahweh ang hukbo na dakila sa kataas-taasan, at mga hari ng mundo sa lupa. 22 Sila ay sama-samang titipunin, mga bilanggo sa hukay, at ikukulong sa isang bilangguan; at pagkatapos ng maraming araw sila ay hahatulan. 23 At ang buwan ay mahihiya, at ang araw ay mapapahiya, dahil si Yahweh ng mga hukbo ay maghahari sa Bundok Sion at sa Jerusalem, at sa harap ng kaniyang nakatatanda sa kaluwalhatian.

25:1 Yahweh, ikaw ang aking Diyos; dadakilain kita, pupurihin ko ang pangalan mo; dahil gumawa ka ng mga kahanga-hangang bagay, mga bagay na matagal mo nang binalak, sa ganap na katapatan. 2 Dahil ginawa mong isang tambakan ang lungsod, isang pinatibay na lungsod, isang guho at ang isang tanggulan ng mga dayuhan na maging walang lungsod. 3 Kaya ang malalakas na tao ay luluwalhatiin ka; matatakot ang lungsod ng mga walang-awang bansa. 4 Dahil ikaw ay proteksyon sa mahirap, isang tagabantay para sa mga nangangailangan na nasa pagkabalisa, isang silungan mula sa bagyo, isang lilim mula sa init, kapag ang ihip ng isang walang awa ay tulad ng isang bagyo na laban sa pader. 5 Gaya ng init sa tagtuyo, patatahimikin mo ang ingay ng mga dayuhan; gaya ng init sa lilim ng ulap, ang awit ng walang-awa ay ibababa. 6 Sa bundok na ito maghahanda si Yahweh ng mga hukbo para sa lahat ng mga tao ng isang pista ng matatabang bagay, ng mga piling alak, ng malalambot na karne, isang pista ng mga pinakamainam na alak. 7 Sisirain niya sa bundok na ito ang tumatakip sa lahat ng mamayan, ang bahay na hinabi sa lahat ng mga bansa. 8 Lulunukin niya ang kamatayan habang buhay, at ang Panginoong Yahweh ay pupunasan ang mga luha mula sa lahat ng mga mukha; ang mga kahihiyan ng kaniyang bayan ay aalisin niya sa mundo, dahil sinabi na ito ni Yahweh. 9 Sasabihin ito sa araw na iyon. Masdan, ito ang ating Diyos, hinintay natin siya at ililigtas niya tayo. Ito si Yahweh; Naghintay tayo para sa kaniya, magagalak tayo at magdidiwang sa kaniyang kaligtasan.” 10 Dahil dito sa bundok na ito mamamalagi ang kamay ni Yahweh; at tatapakan ang Moab sa kaniyang lugar, kahit na ang dayami na yinapakan sa isang pataba na puno ng dumi. 11 Iuunat nila ang kanilang mga kamay sa gitna nito; gaya ng manlalangoy na inuunat ang kaniyang kamay para lumangoy; pero ibababa ni Yahweh ang kanilang kayabangan kahit na nagpupumiglas ang kanilang mga kamay. 12 Ang iyong mataas na kuta ng pader ay ibaba niya sa lupa, sa alikabok.