Nakipagtawaran si Judas upang Ipagkanulo si Jesus

Si Judas, na nasaktan sa pagsaway ni Jesus sa piging, ay nakipagtawaran sa mga pinuno upang ipagkanulo siya.

Gabi ng Martes sa Jerusalem

A.D. 30 o 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 26:14–16

26:14 At ang isa sa Labingdalawa na nagngangalang Judas Iscariote ay pumunta sa mga punong pari

15 at sinabi, “Ano ang nais ninyong ibigay sa akin, upang siya'y ibigay ko sa inyo?” At nagtimbang sila ng tatlumpung piraso ng pilak para sa kaniya.

16 Mula ng panahong iyon humanap siya ng pagkakataon upang ibigay siya sa kanila.

Marcos 14:10–11

14:10 Pagkatapos, pumunta sa mga pangulong pari si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa upang ibigay si Jesus sa kanila.

11 Nang marinig ito ng mga punong pari, nasiyahan sila at nangakong bigyan siya ng pera. Nagsimula siyang maghanap ng pagkakataon upang maibigay si Jesus sa kanila.

Lucas 22:3–6

22:3 Pumasok si Satanas kay Judas Iscariote, isa sa Labindalawa.

4 Nagpunta si Judas at nakipag-usap sa mga punong pari at mga kapitan tungkol sa kung paano niya maidadala si Jesus sa kanila.

5 Nagalak sila, at nakipagkasundong bibigyan siya ng pera.

6 Sumang-ayon siya, at naghanap ng pagkakataon upang madala niya si Jesus sa kanila malayo sa maraming mga tao.

Paghahanda ng Hapunan ng Paskua sa Bahay ng Isang Kaibigan

Ang paghahanda para sa hapunan ng Paskua sa bahay ng isang kaibigan (posibleng sa bahay ng ama at ina ni Juan Marcos).

Jerusalem, Huwebes ng hapon. (Isang araw ng Paghahanda)

Mateo 26:17–19

26:17 Ngayon sa unang araw ng tinapay na walang pampaalsa, nagsilapit ang mga alagad kay Jesus at nagsabi, “Saan mo nais na tayo ay maghanda upang iyong kainin ang pagkain ng Paskwa?”

18 Sinabi niya, “Pumunta kayo sa lungsod sa isang tao roon at sabihin ninyo sa kaniya, 'Sinabi ng Guro, “Ang panahon ko ay malapit na. Gaganapin ko ang Paskwa sa inyong bahay kasama ng aking mga alagad."”'

19 Ginawa ng mga alagad kung ano ang ipinag-utos ni Jesus sa kanila, at inihanda nila ang pagkain ng Paskwa.

Marcos 14:12–16

14:12 Sa unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, nang naghandog sila ng batang tupa alang-alang sa Paskua, sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad, “Saan mo kami nais pumunta upang maghanda ng hapunan alang-alang sa Paskua?”

13 Ipinadala niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa lungsod, at isang lalaki na may dalang tubig na nakalagay sa pitsel ang sasalubong sa inyo. Sundan ninyo siya.

14 Sundan ninyo siya kung saang bahay siya papasok at sabihin sa may-ari ng bahay na iyon, 'Ipinapatanong ng Guro, “Nasaan ang aking silid na aking kakainan sa Paskua kasama ang aking mga alagad?”'

15 “Ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na kumpleto ang kagamitan na nakahanda na. Gawin ninyo ang mga paghahanda para sa atin doon.”

16 Umalis ang mga alagad at pumunta sa lungsod, natagpuan nila ang lahat gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila at inihanda nila ang hapunan alang-alang sa Paskua.

Lucas 22:7–13

22:7 Dumating ang araw ng tinapay na walang pampaalsa, na kung saan kailangang ialay ang kordero ng Paskwa.

8 Isinugo ni Jesus sina Pedro at Juan, at sinabi, “Pumunta kayo at maghanda ng hapunang Pampaskua upang ito ay ating kainin.”

9 Tinanong nila sa kaniya, “Saan mo kami gustong gumawa ng mga paghahanda?”

10 Sinagot niya sila, “Makinig kayo, kapag nakapasok na kayo sa lungsod, may isang lalaking sasalubong sa inyo na may isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay kung saan siya papasok.

11 Pagkatapos, sabihin ninyo sa panginoon ng bahay 'Ipinapatanong ng Guro sa iyo, “Nasaan ang silid pampanauhin, kung saan kami kakain ng aking mga alagad sa araw ng Paskwa?'”

12 Ipapakita niya sa inyo ang malaki at maayos na silid sa itaas. Doon ninyo gawin ang mga paghahanda.

13 Kaya pumunta sila, at nakita ang lahat ayon sa sinabi niya sa kanila. At inihanda nila ang hapunang Pampaskwa.

Kumain si Jesus ng Paskwa Kasama ang Labindalawa

Kumain si Jesus ng hapunan ng Paskwa kasama ang labindalawang apostol at sinaway sila dahil sa kanilang inggitan.

Jerusalem, Huwebes ng gabi matapos lumubog ang araw (simula ng Biyernes ng mga Judio)

Mateo 26:20

26:20 Nang sumapit ang gabi, umupo siya upang kumain kasama ang mga labingdalawang alagad.

Marcos 14:17

14:17 Kinagabihan, dumating siya kasama ang Labindalawa.

Lucas 22:14–16, 24–30

22:14 Nang dumating ang panahon, umupo siya kasama ang mga apostol.

15 Pagkatapos sinabi niya sa kanila, “Labis kong ninais na makasalo kayo sa Pista ng Paskwang ito bago ako magdusa. 16 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, hindi ko na ito kakaining muli, hanggang sa matupad ito sa kaharian ng Diyos.”

24 At nagkaroon din ng pagtatalo sa kanila tungkol sa kung sino sa kanila ang itinuturing na pinakadakila. 25 Sinabi niya sa kanila, “Ang mga hari ng mga Gentil ay may kapangyarihang pamunuan sila, at ang mga may kapangyarihan sa kanila ay tinawag na mga pinunong kagalang-galang. 26 Ngunit sa inyo ay hindi dapat maging tulad nito. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ay maging katulad ng pinakabata. At ang pinakamahalaga sa inyo ay maging katulad ng isang naglilingkod. 27 Sapagkat sino ang mas dakila, ang taong nakaupo sa may hapag o ang siyang naglilingkod? Hindi ba ang taong nakaupo sa may hapag? Bagaman kasama ninyo ako bilang isang naglilingkod.

28 Ngunit kayo ang mga nagpatuloy na kasama ko sa aking mga pagsubok. 29 Ibibigay ko sa inyo ang kaharian, katulad ng aking Ama na nagbigay sa akin ng kaharian, 30 upang kayo ay kumain at uminom sa aking mesa sa aking kaharian. At uupo kayo sa mga trono na hahatol sa labindalawang lipi ng Israel.