Muling Iginigiit ni Job ang Kanyang Integridad (continued)
Muling iginigiit ni Job ang kanyang integridad, at inihahambing ang kanyang dating kasaganaan sa kanyang kasalukuyang paghihirap.
2130 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Tiyak na mayroong isang mina ng pilak, isang lugar kung saan dinadalisay nila ang ginto. 2 Hinuhukay ang bakal mula sa lupa; tinutunaw ang tanso mula sa bato. 3 Nagtatakda ang tao ng wakas sa kadiliman at hinahanap sa pinakamalayong hangganan, ang mga bato sa karimlan at makapal na kadiliman. 4 Gumagawa siya ng isang hukay pangminahan malayo sa kung saan naninirahan ang mga tao, mga lugar na nalimutan ng kaninumang paa. Naglalambitin siya malayo sa ibang mga tao; pabalik-balik na umiindayog. 5 Tungkol sa lupa, mula kung saan nanggagaling ang tinapay, tinutupok ito sa ilalim na parang ng apoy. 6 Ang mga bato nito ay ang lugar kung saan matatagpuan ang mga safiro, at ang alabok nito ay naglalaman ng ginto. 7 Walang ibong mahuhuli ang nakakaalam ng landas patungo rito, ni nakita ito ng mata ng palkon. 8 Hindi pa nalalakaran ang ganitong landas ng mga mapagmalaking hayop, ni dumaan na doon ang mabangis na leon. 9 Ipinapatong ng isang tao ang kaniyang kamay sa matigas na bato; itinataob niya ang mga bundok sa kanilang mga ugat. 10 Bumubutas siya ng mga lagusan sa mga bato; nakikita ng kaniyang mata ang bawat mahahalagang bagay doon. 11 Ginagapos niya ang mga batis para hindi sila umaagos; anumang nakatago roon kaniyang dinadala sa liwanag. 12 Saan kaya matatagpuan ang karunungan? Saan kaya ang lugar ng pang-unawa? 13 Hindi alam ng tao ang halaga nito; ni hindi ito natatagpuan sa lupain ng mga buhay. 14 Sinasabi ng malalim na mga tubig sa ilalim ng lupa, “Wala ito sa akin'; Sinasabi ng karagatan, “Wala ito sa akin.' 15 Hindi ito matatamo kapalit ng ginto; ni hindi matitimbang ang pilak bilang presyo nito. 16 Hindi ito matutumbasan ng ginto ng Ofir, ng mahalagang oniks o safiro. 17 Ang halaga nito ay hindi matutumbasan ng ginto at kristal; ni hindi ito maipagpapalit sa mga alahas ng mainam na ginto. 18 Hindi karapat-dapat banggitin ang koral o haspe; tunay nga, ang presyo ng karunungan ay higit kaysa sa mga rubi. 19 Hindi ito matutumbasan ng topaz ng Etiopia; ni hindi ito mapapahalagahan sa purong ginto. 20 Kung gayon, saan nga nagmumula ang karunungan? Saan ang lugar ng pang-unawa? 21 Natatago ang karunungan mula sa mga mata ng lahat ng mga buhay na bagay at pinanatiling nakatago mula sa mga ibon ng mga kalangitan. 22 Sinasabi ng Pagkawasak at Kamatayan, 'Isa lamang sabi-sabi tungkol dito ang narinig ng aming mga tainga.' 23 Nauunawaan ng Diyos ang landas patungo rito; Alam niya ang lugar nito. 24 Dahil tumitingin siya hanggang sa mga pinakadulo ng daigdig at nakikita lahat ng nasa ilalim ng mga kalangitan. 25 Sa nakaraan, ginawa niya ang pwersa ng hangin at binaha-bahagi ang mga tubig ayon sa sukat. 26 Gumawa siya ng isang kautusan para sa ulan at isang landas para sa kidlat ng kulog. 27 Pagkatapos nakita niya ang karunungan at ipinahayag ito; tunay nga, itinatag niya ito at sinuri niya ito. 28 Sa mga tao sinabi niya, 'Tingnan ninyo, ang takot sa Panginoon — iyan ang karunungan; ang lumayo sa kasamaan ay pang-unawa.”
29:1 Muling nagsalita si Job at sinabi, 2 “ O, na ako ay parang noong mga nakalipas na mga buwan nang pinapangalagaan ako ng Diyos, 3 nang lumiwanag ang kaniyang ilawan sa aking ulo, at nang lumakad ako sa kadilimang ginagabayan ng kaniyang liwanag. 4 O, kung katulad lang sana ako noong nasa kahinugan pa ng aking mga araw nang ang pagkakaibigan ng Diyos ay nasa aking tolda, 5 nang kapiling ko pa ang Makapangyarihan, at ang aking mga anak ay nakapaligid sa akin, 6 nang ang aking landas ay umaapaw sa gatas, at ibinubuhos sa akin ng bato ang mga batis ng langis! 7 Nang lumabas ako patungo sa tarangkahan ng lungsod, nang naupo ako sa aking lugar sa plasa, 8 natanaw ako ng mga kabataang lalaki at pinanatili ang kanilang distansya mula sa akin bilang tanda ng paggalang, at ang mga matatanda ay tumindig at tumayo para sa akin. 9 Dati ay itinitigil ng mga prinsipe ang kanilang usapan kapag dumadating ako; tinatakpan nila ng kanilang kamay ang kanilang mga bibig. 10 Tumahimik ang mga boses ng mga maharlilka, at kumapit ang kanilang dila sa bubong ng kanilang mga bibig. 11 Dahil matapos akong marinig ng kanilang mga tainga, pagpapalain nila ako; matapos akong makita ng kanilang mga mata, nagpapatotoo sila at sumasang-ayon sa akin 12 dahil dati ay sinasagip ko ang taong mahirap na sumisigaw, pati na ang lahat ng mga walang ama, na walang sinumang tutulong sa kaniya. 13 Ang pagpapala ng taong malapit nang masawi ay dumarating sa akin; dinulot kong kumanta ang puso ng biyuda dahil sa kagalakan. 14 Sinuot ko ang katuwiran, at dinamitan ako nito; ang katarungan ko ay tulad ng isang kasuotan at isang turban. 15 Naging mga mata ako ng mga bulag; naging mga paa ako ng mga pilay. 16 Naging isang ama ako ng mga nangangailangan; sinusuri ko ang kaso kahit na ng isang hindi ko kilala. 17 Binasag ko ang mga panga ng masama; hinalbot ko ang biktima mula sa pagitan ng kaniyang mga ngipin. 18 Pagkatapos sinabi ko, “Mamamatay ako sa aking pugad; pararamihin ko ang aking mga araw tulad ng mga butil ng buhangin. 19 Umaabot ang aking mga ugat sa mga tubig, at nasa mga sanga ko ang hamog buong gabi. 20 Ang parangal sa akin ay laging sariwa, at ang pana ng aking kalakasan ay laging bago sa aking kamay; 21 Sa akin nakinig ang mga tao; hinintay nila ako; nanatili silang tahimik para marinig ang aking payo. 22 Matapos kong sabihin ang aking mga salita, hindi na sila muling nagsalita; ang aking pananalita ay pumatak sa kanila tulad ng tubig. 23 Lagi nila akong hinihintay na parang paghintay nila sa ulan; ibinuka nila nang malaki ang kanilang bibig para inumin ang aking mga salita, gaya ng ginagawa nila para sa ulan sa panahon ng tag-araw. 24 Ngumiti ako sa kanila nang hindi nila ito inasahan; hindi nila tinanggihan ang liwanag ng aking mukha. 25 Pinili ko ang kanilang landas at umupo bilang kanilang hepe; namuhay akong tulad ng isang hari sa kaniyang hukbo, tulad ng isang umaaliw sa mga taong nagdadalamhati sa isang libing.