Binalaan ni Jesus ang mga Alagad na Huwag Siyang Iwan

Pagkaalis ni Judas, binalaan ni Jesus ang mga alagad (lalo na si Pedro) na huwag siyang iwan, habang mariing iginigiit nilang lahat ang kanilang katapatan.

A.D. 30 o 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 26:31–35

26:31 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Lahat kayo ay aalis ngayong gabi nang dahil sa akin, sapagkat ito ay nasusulat, 'Hahampasin ko ang pastol ng tupa at ang mga tupa ng kawan ay maikakalat.'

32 Ngunit pagkatapos nang aking pagkabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

33 Ngunit sinabi ni Pedro sa kaniya, “Kahit ang lahat ay aalis dahil sa iyo, ako ay hinding-hindi aalis.”

34 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Totoo itong sinasabi ko sa inyo, sa gabing ito bago tumilaok ang tandang, ikakaila mo ako ng tatlong beses.”

35 Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Kahit ako ay mamatay, hindi kita ikakaila.” At ganoon din ang sinabi ng lahat ng mga alagad.

Marcos 14:27–31

14:27 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Iiwanan ninyo akong lahat, sapagkat ito ang nasusulat, 'Papatayin ko ang pastol at magsisikalat ang mga tupa.'

28 Ngunit pagkatapos kong mabuhay muli, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”

29 Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Kahit iwanan kayo ng lahat, hindi kita iiwanan.”

30 Sinabi ni Jesus sa kaniya, “Totoo, sinasabi ko ito sa iyo, ngayong gabi, bago tumilaok ang tandang ng dalawang beses, ipagkakaila mo ako ng tatlong beses.

31 Ngunit sinabi ni Pedro, “Kung kailangan kong mamatay kasama mo, hindi kita ipagkakaila.” Ganun din ang pangako na sinabi nilang lahat.

Lucas 22:31–38

22:31 Simon, Simon, mag-ingat kayo, sapagkat hinihingi kayo ni Satanas upang salain kayo tulad ng trigo. 32 Ngunit ipinanalangin kita, upang hindi humina ang iyong pananampalataya. At pagkatapos mong muling manumbalik, palakasin mo ang iyong mga kapatid.”

33 Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.”

34 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, hindi titilaok ang tandang sa araw na ito, bago mo ikaila ng tatlong beses na kilala mo ako.”

35 At sinabi ni Jesus sa kanila. “Nang ipinadala ko kayo na walang pitaka, supot ng mga kakailanganin, o sapatos, nagkulang ba kayo ng kahit na ano?” At sumagot sila, “Hindi.”

36 Kaya sinabi niya sa kanila, “Ngunit ngayon, siya na may pitaka, kunin niya ito, at maging ang supot ng pagkain. Ang walang espada ay dapat ipagbili niya ang kaniyang balabal at bumili ng isa. 37 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, kinakailangang matupad ang nasusulat tungkol sa akin, 'At itinuring siyang isa sa mga lumalabag sa batas.' Sapagkat natutupad na ang pahayag tungkol sa akin.”

38 Kaya sinabi nila, “Panginoon, tingnan mo! Narito ang dalawang espada.” At sinabi niya sa kanila, “Tama na iyan.”

Juan 13:31–38

13:31 Nang si Judas ay umalis na, sinabi niJesus, “Ngayon ang Anak ng Tao ay naluwalhati. 32 At ang Diyos ay naluwalhati sa kaniya. Luluwalhatiin siya ng Diyos sa kaniyang sarili, at agad siyang luluwalhatiin niya.

33 Mga batang paslit, makakasama pa ninyo ako ng maikli pang panahon. Hahanapin ninyo ako, at tulad ng sinabi ko sa mga Judio, 'Kung saan ako pupunta, hindi kayo makakapunta.' Ngayon sinasabi ko rin ito sa inyo.

34 Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na dapat ninyong mahalin ang bawat isa, kung paano ko kayo minahal, gayundin naman dapat ninyong mahalin ang bawat isa. 35 Sa pamamagitan nito, malalaman ng lahat ng tao na kayo ay aking mga alagad, kung mahahalin niyo ang bawat isa.”

36 Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, “Panginoon, saan kayo pupunta?” Sumagot si Jesus, kung saan ako pupunta, sa ngayon ay hindi kayo makakasunod, ngunit makakasunod kayo pagkatapos nito.”

37 Sinabi ni Pedro sa kaniya, “Panginoon, bakit hindi kita masusundan kahit ngayon? Ibibigay ko ang buhay ko para sa iyo.”

38 Sumagot si Jesus, “Ibibigay mo ang buhay mo para sa akin? Tunay nga sinasabi ko sa iyo, hindi titiilaok ang tandang hanggang ikaila mo ako ng tatlong beses.

Itinatag ni Jesus ang Pag-alaala sa Pamamagitan ng Tinapay at Alak

Itinatag ni Jesus ang pag-alaala sa pamamagitan ng pagkain ng tinapay at pag-inom ng alak.

Jerusalem. Gabi bago ang pagpapako sa krus

Mateo 26:26–29

26:26 Habang sila'y kumakain, kumuha si Jesus ng tinapay, ipinagpasalamat ito, at pinagputol-putol. Binigay niya ito sa kaniyang mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ay ang aking katawan.”

27 Kumuha siya ng kopa at nagpasalamat, at ibinigay ito sa kanila at sinabi, “Inumin ninyo ito, kayong lahat.

28 Sapagkat ito ay ang aking dugo ng kasunduan na ibinuhos para sa marami para sa ikapapatawad ng mga kasalanan. 29 Subalit sasabihin ko sa inyo, buhat ngayon hindi na ako muling iinom nitong bunga ng ubas, hanggang sa araw na ako ay iinom nito ng panibago kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.”

Marcos 14:22–25

14:22 Habang kumakain sila, kinuha ni Jesus ang tinapay, pinagpala at hinati-hati niya ito at ibinigay sa kanila at sinabi, “Kunin ninyo ito. Ito ang aking katawan.”

23 Kumuha siya ng tasa, nagpasalamat, ibinigay ito sa kanila at uminom silang lahat mula rito.

24 Sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng kasunduan, ang dugo na maibubuhos para sa marami. 25 Totoo, sinasabi ko sa inyo, hindi ako muling iinom nitong bunga ng ubas hanggang sa araw na iyon kung kailan ako iinom ng panibago sa kaharian ng Diyos.”

Lucas 22:17–20

22:17 Pagkatapos, kumuha si Jesus ng isang kopa, at nang makapagpasalamat, sinabi niya, “Kunin ninyo ito at ibahagi ito sa isa't isa. 18 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling iinom ng bunga ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Diyos.”

19 Pagkatapos, kinuha niya ang tinapay at nang makapagpasalamat, hinati-hati niya ito, at ibinigay sa kanila, sinasabi, “Ito ang aking katawan na ibinigay para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.”

20 Kinuha niya ang tasa sa parehong paraan pagkatapos ng hapunan, sinasabi, “Ang tasang ito ang bagong tipan sa aking dugo, na ibinuhos para sa inyo.