Unang Tinanong ni Annas si Jesus

Unang tinanong si Jesus ni Annas, ang dating pinakapunong pari.

Biyernes bago magbukang-liwayway

Ang paglilitis ng mga Judio, at ang mga pangyayaring kaugnay nito.

A.D. 30 o 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Juan 18:13–14, 19–23

18:13 Una siyang dinala nil kay Annas, sapagkat siya ang biyenan ni Caifas na pinunong pari ng taong iyon. 14 Ngayon, si Caifas ang nagbigay ng payo sa mga Judio na naaangkop na isang tao ang dapat mamatay para sa mga tao.

19 Tinanong ng pinakapunong pari si Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad at kaniyang katuruan.

20 Sinagot siya ni Jesus, “Ako ay hayagang nagsasalita sa mundo; palagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo kung saan ang lahat ng mga Judio ay nagsasama -sama. Wala akong sinabi na palihim. 21 Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakapakinig sa akin tungkol sa aking sinabi. Alam ng mga taong ito ang mga bagay na aking sinabi.”

22 Nang masabi ito ni Jesus, hinampas si Jesus ng isa sa mga opisiyal na nakatayo sa malapit sa pamamagitn ng kaniyang kamay at sinabi, “Ganiyan ka ba dapat sumagot sa pinakapunong pari?”

23 Sinagot siya ni Jesus, “Kung may sinabi akong anumang masama, maging saksi ka sa kasamaan. Gayunman, kung maayos akong sumagot, bakit mo ako hinampas?”

Hinatulan ni Caifas at ng Konseho si Jesus

Dali-daling nilitis at hinatulan si Jesus ni Caifas at ng Konseho, na kumutya at bumugbog sa kaniya.

Tahanan ng pinakapunong paring si Caifas. Bago magbukang-liwayway ng Biyernes

Mateo 26:57, 59–68

26:57 Ang mga humuli kay Jesus ang nagdala sa kaniya sa pinakapunong pari na si Caifas, kung saan ang mga eskriba at mga nakatatanda ay nagkatipun-tipon.

59 Ngayon, ang mga punong pari at ang buong Konseho ay naghahanap ng maling patotoo laban kay Jesus, upang siya'y kanilang mapatay.

60 Ngunit wala silang mahanap na kahit ano, bagamat maraming maling mga saksi ang nagsilapit. Ngunit mayamaya may dalawang lumapit

61 at sinabi, “Sinabi ng taong ito, 'Kaya kong gibain ang templo ng Diyos at muling maipatayo sa loob ng tatlong araw.”'

62 Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi sa kaniya, “Wala ka bang isasagot? Ano itong ipinapatotoo nila laban sa iyo?

63 Ngunit si Jesus ay tahimik lamang. Sinabi ng pinakapunong pari sa kaniya, “Inuutusan kita alang-alang sa Diyos na buhay, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ba si Cristo, ang Anak ng Diyos.

64 Si Jesus ay sumagot sa kaniya, “Ikaw na mismo ang nagsabi. Ngunit sasabihin ko sa inyo, magmula ngayon ay inyo nang makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanang kamay ng Kapangyarihan at darating na nasa mga ulap ng langit.”

65 At pinunit ng pinakapunong pari ang kaniyang mga damit at nagsabi, “Siya ay nagsalita ng kalapastangan! Bakit kailangan pa natin ang mga saksi? Ngayon inyo nang narinig ang kalapastangan.

66 Ano sa tingin ninyo?” Sumagot sila at nagsabi, “Siya'y karapatdapat na mamatay.”

67 At dinuraan nila siya sa mukha at pinagsusuntok at pinagsasampal

68 at sinabi, “Hulaan mo sa amin, ikaw na Cristo. Sino sa amin ang humampas sa iyo?”

Marcos 14:53, 55–65

14:53 Dinala nila si Jesus sa mga pinakapunong pari. Nagkatipun-tipon doon kasama niya ang lahat ng mga punong pari, mga nakatatanda, at mga eskriba.

55 Ngayon ang mga punong pari at ang buong Konseho ay naghahanap ng magpapatotoo laban kay Jesus upang maipapatay nila siya. Ngunit wala silang mahanap.

56 Sapagkat marami ang nagsabi ng maling patotoo laban sa kaniya, ngunit maging ang kanilang patotoo ay hindi nagtugma.

57 Tumayo ang ilan at nagsabi ng maling patotoo laban sa kaniya, sinabi nila,

58 “Narinig namin siyang nagsabi, 'Wawasakin ko ang templong ito na gawa ng mga kamay at sa tatlong araw muli akong magtatayo ng isang hindi gawa ng mga kamay.'” 59 Gayunpaman, hindi nagtugma maging ang kanilang mga patotoo.

60 Tumayo sa kanila ang pinakapunong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang kasagutan? Ano itong patotoo ng mga tao laban sa iyo?”

61 Ngunit tahimik siya at walang isinagot. Tinanong siyang muli ng pinakapunong pari at sinabi, “Ikaw ba ang Cristo, ang anak ng Pinagpala?”

62 Sinabi ni Jesus, “Ako nga. At makikita ninyo ang Anak ng Tao kapag nakaupo na siya sa bandang kanang kamay ng Kapangyarihan at darating na nasa ulap sa langit.”

63 Pinunit ng pinakapunong pari ang kaniyang mga kasuotan at sinabi, “Kailangan pa ba natin ng mga saksi? 64 Narinig ninyo ang kalapastanganan na sinabi niya. Ano ang inyong pasya?” At hinatulan siya nilang lahat bilang isang nararapat sa kamatayan.

65 At sinimulan siyang duraan ng ilan at tinakpan ang kaniyang mukha, hinampas siya at sinabi sa kaniya, “Hulaan mo!” Kinuha siya ng mga opisyal at binugbog siya.

Lucas 22:54, 63–65

22:54 Dinakip siya, itinaboy siya palayo, at dinala sa bahay ng pinakapunong pari. Ngunit sumunod si Pedro sa di-kalayuan.

63 Pagkatapos ay kinutya at hinampas si Jesus ng mga lalaking nagbabantay sa kaniya.

64 Pagkatapos siyang piringan, tinanong siya at sinabi, “Hulaan mo! Sino ang humampas sa iyo?”

65 Nagsalita pa sila ng maraming mga bagay laban kay Jesus, nilalapastangan siya.

Juan 18:24

18:24 Pagkatapos nito pinadala ni Annas si Jesus na nakagapos kay Caifas na pinakapunong pari.