Tinawag ni Jesus si Mateo, na Naghanda ng Piging para sa Kaniya

Tinawag ni Jesus si Mateo (Levi), na naghanda ng piging bilang parangal kay Jesus.

Capernaum

A.D. 27 hanggang 29

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Mateo 9:9–13

9:9 Nang si Jesus ay umalis mula doon, nakita niya ang lalake na nagngangalang Mateo na nakaupo sa lugar ng paningilan ng buwis. Sinabi niya sa kaniya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo siya at sumunod sa kaniya.

10 Habang nakaupo si Jesus upang kumain sa bahay, masdan ito, dumating ang maraming mga maniningil ng buwis at mga makasalanang tao at nakisalo sila kay Jesus at sa mga alagad niya.

11 Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kaniyang mga alagad, “Bakit ang iyong guro ay kumakain kasama ng mga maniningil ng buwis at mga taong makasalan?”

12 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya,” Hindi nangangailangan ng manggagamot ang mga taong may malalakas na pangangatawan, iyon lamang may mga sakit. 13 Dapat kayong humayo at unawain ang ibig sabihin nito, 'Nais ko ay habag at hindi alay.' Sapagkat ako ay pumarito, hindi upang tawagin ang matuwid na magsisi, kundi ang mga makasalanan.”

Marcos 2:13–17

2:13 Muli siyang bumalik sa tabi ng lawa at pumunta sa kaniya ang napakaraming tao, at tinuruan sila ni Jesus.

14 Sa kaniyang pagdaan, nakita niya si Levi na anak ni Alfeo na nakaupo sa paningilan ng buwis at sinabi sa kaniya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo si Levi at sumunod siya sa kaniya.

15 At nang kumakain si Jesus sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at mga makasalanang tao ang nakikisalo kay Jesus at sa kaniyang mga alagad, sapagkat marami sila na sumunod sa kaniya.

16 Nang makita ng mga eskriba na mga Pariseo si Jesus na kumakain kasama ang mga makasalanang tao at tagasingil ng buwis, sinabi nila sa kaniyang mga alagad, “Bakit siya nakikisalo sa mga tagasingil ng buwis at mga makasalanang tao?”

17 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Ang mga taong malakas ang pangangatawan ay hindi nangangailangan ng manggagamot, ang mga may sakit lamang ang nangangailangan. Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid na tao kundi ang mga taong makasalanan.”

Lucas 5:27–32

5:27 Pagkatapos mangyari ang mga bagay na ito, si Jesus ay umalis doon at nakita ang isang maniningil ng buwis na nagngangalang Levi, na nakaupo sa lugar kung saan siya nangongolekta ng buwis. Sinabi niya sa kaniya, “Sumunod ka sa akin.”

28 Kaya't iniwan ni Levi ang lahat, tumayo, at sumunod sa kaniya.

29 Pagkatapos ay naghanda si Levi sa kaniyang bahay ng malaking handaan para kay Jesus, at maraming mga maniningil ng buwis ang nandoon, at iba pang mga taong nakasandal sa mesa ang kumakain kasama nila.

30 Ngunit ang mga Pariseo at kanilang mga eskriba ay nagreklamo sa kaniyang mga alagad, na nagsasabi, “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ang mga naniningil ng buwis at iba pang mga taong makasalanan?”

31 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang mga taong malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, ang mga taong may sakit lamang ang nangangailangan nito. 32 Hindi ako dumating upang tawagin sa pagsisisi ang mga taong matuwid, kundi tawagin sa pagsisisi ang mga taong makasalanan.”

Ipinagtanggol ni Jesus ang Kaniyang mga Alagad sa Hindi Pag-aayuno

Sa tatlong talinghaga, ipinagtanggol ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa pagpipiging sa halip na pag-aayuno.

Mateo 9:14–17

9:14 Pagkatapos ay pumunta ang mga alagad ni Juan sa kaniya at sinabi, bakit kami at ang mga Pariseo ay madalas na nag-aayuno, ngunit ang iyong mga alagad ay hindi nag-aayuno?

15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Malungkot ba ang mga panauhin habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Ngunit darating ang mga araw na kukunin na sa kanila ang lalaking ikakasal at saka sila mag-aayuno.

16 Walang tao ang maglalagay ng bagong tela sa lumang damit, sapagkat pupunitin lamang ng tagpi ang bagong damit, at gagawa lamang ito ng mas malalang punit.

17 Ni walang taong maglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kung ito ay gagawin, puputok ang sisidlang balat at matatapon lang ang alak, at ang sisidlang balat ay masisira. Sa halip, ilalagay nila ang bagong alak sa bagong sisidlang balat, at pareho silang magtatagal.”

Marcos 2:18–22

2:18 Ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo ay nag-aayuno. Lumapit ang ilang tao at sinabi sa kaniya, “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at mga alagad ng mga Pariseo ngunit ang iyong mga alagad ay hindi nag-aayuno?”

19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Maaari bang mag-ayuno ang mga tagapaglingkod sa kasal kung kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Hanggang kasama pa nila ang lalaking ikakasal ay hindi pa sila maaaring mag-ayuno.

20 Ngunit darating din ang araw na ang lalaking ikakasal ay mailalayo sa kanila at sa mga araw na iyon, mag-aayuno sila.

21 Walang taong magtatahi ng bagong tela sa lumang damit dahil kung ganoon ang itinagpi nito ay mapupunit at magkakaroon ng mas malalang punit.

22 Walang taong maglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat dahil kung ganoon ay masisira ng alak ang sisidlang-balat at kapwa masasayang ang alak at ang sisidlang balat. Sa halip ay maglagay ng bagong alak sa bagong sisidlang-balat.”

Lucas 5:33–39

5:33 Sinabi nila sa kaniya, “Ang mga alagad ni Juan ay madalas nag-aayuno at nananalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Pariseo. Ngunit ang iyong mga alagad ay kumakain at umiinom.”

34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mayroon bang mag-uutos sa mga panauhin ng kasal na mag-ayuno habang kapiling pa nila ang lalaking ikakasal?

35 Subalit darating ang mga araw na aalisin mula sa kanila ang lalaking ikakasal, at sa mga araw na iyon sila ay mag-aayuno.”

36 Pagkatapos ay nagbahagi din si Jesus ng isang talinghaga sa kanila, “Walang tao ang gugupit ng kapirasong tela mula sa bagong damit upang tagpiin ang lumang damit. Kung ganyan ang gagawin niya, mapupunit niya ang bagong damit, at ang kapirasong tela mula sa bagong damit ay hindi babagay sa tela ng lumang damit.

37 Gayundin naman, walang tao ang naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kapag ginawa niya ito, puputukin ng bagong alak ang mga sisidlang balat, at matatapon ang mga alak, at ang mga sisidlan ay masisira. 38 Ngunit ang mga bagong alak ay marapat na ilagay sa bagong sisidlang balat. 39 Walang tao na pagkatapos uminom ng lumang alak, ay maghahangad na uminom ng bagong alak, dahil sasabihin niya, 'Ang luma ay mas mabuti.'”