Nasakop ang Jerusalem at Nabihag si Zedekias; Pinalaya si Jeremias

588 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Jeremias 52:5–6

5 Kaya ang lungsod ay nilusob hanggang sa ikalabing-isang taon ng paghahari ni Haring Zedekias.

6 Sa ikaapat na buwan, sa ikasiyam na araw ng taon na iyon, matindi ang taggutom sa lungsod na walang pagkain para sa mga tao ng lupain.

Jeremias 39:3

3 At dumating ang lahat ng opisyal ng hari ng Babilonia at umupo sa gitnang tarangkahan: Ang mga ito ay sina Nergal-salezer, Samgar-nebo, at Sarsequim, isang mahalagang opisyal. Isang mataas na opisyal si Nergal-salezer, at ang iba pa ay mga opisyal ng hari ng Babilonia.

Jeremias 52:7–11

7 Pagkatapos nilusob at winasak ang lungsod, at ang lahat ng mga kalalakihang mandirigma ay tumakas at lumabas sa lungsod sa gabi, dumaan sila sa tarangkahan na nasa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng hari, kahit na ang mga Caldea ay nakapalibot sa lungsod. Kaya nagtungo sila sa direksiyon ng Araba. 8 Ngunit hinabol ng mga Caldean ang hari at inabot si Zedekias sa kapatagan ng Ilog Jordan na malapit sa Jerico. Ang lahat ng kaniyang hukbo ay nagkalat palayo sa kaniya.

9 Binihag nila ang hari at dinala sa hari ng Babilonia sa Ribla sa lupain ng Hamat, kung saan niya ibinigay ang hatol sa kaniya.

10 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekias sa kaniyang harapan, at pinatay din niya sa Ribla ang lahat ng mga pinuno ng Juda. 11 Pagkatapos dinukot niya ang mga mata ni Zedekias, at iginapos siya ng tansong tanikala at dinala siya sa Babilonia. Ikinulong siya ng hari ng Babilonia hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan.

Jeremias 39:11–14

11 Nagbigay si Nebucadnezar na hari ng Babilonia ng isang utos tungkol kay Jeremias kay Nebuzaradan na kapitan ng mga tagapagbantay ng hari. Sinabi niya, 12 “Kunin at alagaan mo siya. Huwag mo siyang saktan. Gawin mo ang anumang sasabihin niya sa iyo.”

13 Kaya nagpadala ng mga kalalakihan si Nebuzaradan na kapitan ng mga tagapagbantay ng hari, si Nebuzazban ang mataas na eunuko, si Nergal Sarezer ang punong opisyal, at lahat ng pinakamahalagang opisyal ng hari ng Babilonia. 14 Kinuha ng kanilang mga kalalakihan si Jeremias mula sa patyo ng mga bantay at ipinagkatiwala siya kay Gedalias na anak ni Ahikam na anak naman ni Safan, upang iuwi siya, kaya nanatili si Jeremias kasama ng mga tao.

Jeremias 52:24–27

24 Dinalang bihag ng pinuno ng bantay si Seraias, na pinakapunong pari, kasama si Zepanias, na pangalawang pari, at ang tatlong bantay ng tarangkahan. 25 Mula sa lungsod dinala niyang bihag ang isang opisyal na namamahala sa mga kawal, at pitong mga kalalakihan na tagapayo ng hari, na nananatili sa lungsod. Kinuha din niyang bilanggo ang opisyal ng hukbo ng hari na tumatawag sa mga kalalakihan para maging kawal, kasama ang animnapung mahahalagang mga kalalakihan mula sa lupain na nasa lungsod.

26 Pagkatapos kinuha at dinala sila ni Nebuzaradan, na pinuno ng bantay, sa hari ng Babilonia sa Ribla. 27 Ipinapatay sila ng hari ng Babilonia sa Ribla sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan lumabas ang Juda sa lupain nito sa pagpapatapon.

Sinunog ang Templo sa Jerusalem

Jeremias 52:12–14

12 Ngayon sa ikalimang buwan, sa ikasampung araw ng buwan, na siyang ikalabinsiyam na taon ng paghahari ni Haring Nebucadnezar, na hari ng Babilonia, dumating si Nebuzaradan sa Jerusalem. Siya ang pinuno ng mga bantay ng hari at isang lingkod ng hari ng Babilonia. 13 Sinunog niya ang tahanan ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at lahat ng mga bahay sa Jerusalem. Ganoon din sinunog niya ang lahat ng mga mahahalagang gusali sa lungsod. 14 Ang mga pader naman sa palibot ng Jerusalem ay winasak ng lahat ng hukbo ng Babilonia kasama ng pinuno ng mga bantay.

Jeremias 52:17–23

17 Ang mga posteng tanso naman na nasa tahanan ni Yahweh, at ang mga patungan at ang dagat na tanso na nasa tahanan ni Yahweh, sinira at dinurog ng mga Caldea sa malilit na piraso ang tanso at dinala sa Babilonia. 18 Ang mga palayok, mga pala, mga gunting, mga mangkok, at lahat ng mga kagamitang tanso na ginagamit ng mga pari sa paglilingkod sa templo ay kinuhang lahat ng mga Caldea. 19 Ang mga palanggana at ang mga sunugan ng insenso, ang mga mangkok, mga palayok, mga kandelero, at mga palanggana na gawa sa ginto, at ang mga gawa sa pilak ay kinuha rin ng kapitan ng bantay ng hari.

20 Ang dalawang poste, ang dagat-dagatan, at ang labindalawang tansong toro na nasa ilalim ng mga patungan, ang mga bagay na ginawa ni Solomon para sa tahanan ni Yahweh ay naglalaman ng maraming tanso na higit sa kanilang kayang timbangin. 21 Ang poste ay may taas na labing walong kubit bawat isa, at ang bawat paikot ay nasukat ang bawat isa ng labindalawang kubit. Ang bawat isa ay may apat na daliri ang kapal ngunit walang laman sa loob. 22 May pangunahing tanso sa ibabaw nito. Ang sukat nito ay may limang kubit ang taas, na may palamuti at mga granada sa palibot. Ang lahat ay gawa sa tanso. Ang ibang poste at mga granada ay kapareho ng nauna. 23 Kaya mayroong siyamnapu't anim na granada sa tagiliran ng kapitel, at isandaang granada sa itaas ng nakapalibot na palamuti.

Jeremias 52:15–16

15 At ang mga pinakamahihirap na tao, ang mga taong naiwan sa lungsod, ang mga nagsitakas patungo sa hari ng Babilonia, at ang mga nalabing manggagawa—dinalang bihag ni Nebuzaradan, na pinuno ng mga bantay, ang ilan sa kanila ay ipinatapon. 16 Ngunit iniwan ni Nebuzaradan, na pinuno ng bantay, ang ilan sa mga pinakamahihirap sa lupain upang magtrabaho sa ubasan at sa mga bukid.

Jeremias 39:10

10 Ngunit pinayagan ni Nebuzaradan na kapitan ng mga tagapagbantay ng hari ang pinakamahihirap na mga taong walang wala para sa kanilang mga sarili upang manatili sa lupain ng Juda. Binigyan niya sila ng mga ubasan at mga bukid sa araw ding iyon.

Mga Awit 79

1 O Diyos, ang mga dayuhang bansa ay dumating sa iyong pamana; dinungisan nila ang iyong banal na templo; ginawa nilang isang bunton ng pagkawasak ang Jerusalem. 2 Ibinigay nila ang mga patay na katawan ng iyong mga lingkod bilang pagkain ng mga ibon sa himpapawid, ang mga katawan ng iyong tapat na bayan sa mga halimaw ng daigdig. 3 Ibinuhos nila ang kanilang dugo na parang tubig sa paligid ng Jerusalem, at walang naglilibing sa kanila. 4 Kami ay naging isang kasiraan para sa aming mga kapwa para magawan ng panunuya at pangungutya ng mga nakapaligid sa amin. 5 Gaano katagal, Yahweh? Mananatili ba ang iyong galit magpakailanman? Gaano katagal mag-iinit tulad ng apoy ang galit ng iyong pagseselos? 6 Ibuhos mo ang iyong poot sa mga bansa na hindi nakakakilala sa iyo at sa mga kaharian na hindi tumatawag sa iyong pangalan. 7 Dahil nilamon nila si Jacob at winasak ang kaniyang mga nayon. 8 Huwag ibilang ang mga kasalanan ng aming mga ninuno laban sa amin; dumating nawa ang mga mahabaging pagkilos mo sa amin, dahil napakahina namin. 9 Tulungan mo kami, Diyos ng aming kaligtasan, alang-alang sa kaluwalhatian ng iyong pangalan; iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan alang-alang sa iyong pangalan. 10 Bakit kailangan sabihin ng mga bansa, “Nasaan ang kanilang Diyos?” Nawa ang dugo ng iyong mga lingkod na ibinuhos ay maipaghiganti sa mga bansang nasa harap ng aming mga mata. 11 Nawa ang mga pagdaing ng mga bilanggo ay dumating sa harap mo; sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan panatilihin mong buhay ang mga anak ng kamatayan. 12 Pagbayarin mo sa mga kandungan ng aming mga karatig- bansa ng pitong beses ang mga pang-iinsulto sa iyo, Panginoon. 13 Kaya kami na bayan mo at tupa ng iyong pastulan ay magbibigay ng pasasalamat sa iyo magpakailanman. Sasabihin namin ang iyong mga papuri sa lahat ng mga salinlahi.