Naglalakbay si Jacob Patungong Sucot

Ang paglalakbay ni Jacob patungong Sucot, matapos ang pakikipagtipan kay Laban.

1738 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Genesis 32:1–33:17

1 Humayo na rin si Jacob, at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos. 2 Nang makita sila ni Jacob, sinabi niya, “Ito ang kampo ng Diyos,” kaya tinawag niya ang lugar na iyon na Mahanaim.

3 Nagpadala si Jacob ng mga mensahero para sa kanyang kapatid na si Esau, sa lupain ng Seir, sa rehiyon ng Edom. 4 Inutusan niya sila at sinabing, “Ito ang sasabihin ninyo sa aking panginoon na si Esau: “Ito ang sinasabi ng iyong alipin na si Jacob: 'Naninirahan ako kapiling ni Laban hanggang ngayon. 5 Mayroon akong mga baka, mga asno, at mga kawan, babae at lalaking mga alipin. Nagpadala ako para sabihin ito sa aking panginoon, upang makasumpong ako ng pabor sa iyong paningin.”'

6 Bumalik ang mga mensahero kay Jacob at sinabi, “Pumunta kami sa iyong kapatid na si Esau. Paparito siya upang makipagkita sa iyo at may kasama siyang apat na daang tao.”

7 Labis na natakot at nababahala si Jacob. Kaya hinati niya ang mga taong kasama sa dalawang kampo pati ang mga kawan, mga pangkat ng mga hayop at mga kamelyo. 8 Sinabi niya, “Kapag sinalakay ni Esau ang isang kampo, ang naiwang kampo ay makakatakas.”

9 Sinabi ni Jacob, “Diyos ng aking amang si Abraham, Diyos ng aking amang si Isaac, Yahweh, na siyang nagsabi sa akin, 'Bumalik ka sa iyong bansa at sa iyong mga kamag-anak at pasasaganain kita,' 10 Hindi ako karapat-dapat sa lahat ng iyong mga gawa ng tipan ng katapatan at lahat ng pagtitiwalang ginawa mo para sa iyong lingkod. Dahil tungkod ko lamang ang dala ko nang tumawid dito sa Jordan, at ngayon naging dalawang kampo ako. 11 Pakiusap iligtas mo ako sa kamay ng aking kapatid, sa kamay ni Esau, sapagkat natatakot ako sa kanya, na darating siya at sasalakayin ako at mga ina na kasama ang kanilang mga anak. 12 Ngunit sinabi mo, “Tiyak na gagawin kitang masagana. Gagawin ko ang iyong mga kaapu-apuhan na parang buhangin ng dagat, na hindi kayang bilangin dahil sa kanilang dami.”''

13 Nanatili doon si Jacob sa gabing iyon. Kumuha siya ng ilan sa kung anong mayroon siya bilang regalo kay Esau, na kanyang kapatid: 14 dalawandaang babaeng kambing at dalawampung lalaking kambing, dalawandaang babaeng tupa at dalawampung lalaking tupa, 15 tatlumpung gatasang kamelyo at kanilang mga bisiro, apatnapung baka at sampung toro, dalawampung babaeng asno at sampung lalaking asno. 16 Ang mga ito ay ipinadala niya sa kanyang mga lingkod, bawat kawan ayon sa sarili nito. Sinabi niya sa kanyang mga lingkod, “Mauna kayo sa akin at maglagay ng puwang sa paggitan ng bawat mga kawan.”

17 Inutusan niya ang unang lingkod, na nagsasabing, “Kapag salubungin kayo ng aking kapatid at tanungin kayo, na nagsasabing, 'Kanino kayo nabibilang? Saan kayo pupunta? At kanino naman itong mga hayop sa harap ninyo?' 18 Sa gayon sasabihin mong, 'Sila ay kay Jacob na iyong lingkod. Sila ay regalong pinadala sa aking among si Esau. At tingnan ninyo, siya ay paparating din kasunod namin.”'

19 Nagbigay din si Jacob ng tagubilin sa pangalawang pangkat, sa pangatlo, at sa lahat ng taong nakasunod sa kawan. Sinabi niya, “Ganun din ang sasabihin ninyo kay Esau kapag nakasalubong ninyo siya. 20 Sasabihin din ninyo, 'Ang iyong lingkod na si Jacob ay darating kasunod namin.''' Pagkat naisip niya, “Mapapalubag ko siya sa mga regalong pinapadala kong nauna sa akin. Sa gayon maya-maya, kapag nagkita kami, marahil tatanggapin niya ako.”

21 Kaya nauna sa kanya ang mga regalo. Siya mismo ay nanatili sa kampo nang gabing iyon.

22 Bumangon si Jacob sa kalagitnaan ng gabi, at dinala ang kanyang dalawang asawa, kanyang dalawang babaeng alipin, at ang kanyang labing isang mga anak. Pinadala niya sila sa kabila ng sapa ng Jabbok. 23 Sa ganitong paraan pinadala niya sila sa kabila ng ilog kasama ang lahat ng kanyang mga ari-arian.

24 Mag-isang naiwan si Jacob, at may taong nakipagbuno sa kanya hanggang madaling araw. 25 Nang makita ng tao na hindi niya siya kayang talunin, hinampas niya ang balakang ni Jacob. Napilayan ang balakang ni Jacob sa pakikipagbuno niya sa kanya. 26 Sinabi ng tao, “Pahintulutan mo akong umalis, pagkat mag-uumaga na.” Sabi ni Jacob, “Hindi kita pahihintulutang umalis maliban kung pagpalain mo ako.”

27 Sinabi ng tao sa kanya, “Ano ang pangalan mo?” Sinabi ni Jacob, “Jacob.”

28 Sinabi ng tao, “Ang pangalan mo ay hindi na tatawaging Jacob, sa halip, Israel na. Sapagkat nakipaglaban ka sa Diyos at sa tao at nanaig ka.”

29 Tinanong siya ni Jacob, “Pakiusap sabihin mo sa akin ang iyong pangalan.” Sinabi nito, “Bakit mo tinatanong ang aking pangalan?” Pagkatapos siya ay kanyang pinagpala.

30 Tinawag ni Jacob ang lugar na iyon na Peniel sapagkat ang sabi niya, “Nakita ko ang mukha ng Diyos nang harapan, at iniligtas ang buhay ko.”

31 Sinikatan ng araw si Jacob habang dumadaan siya sa Peniel. Paika-ika siya dahil sa kanyang balakang. 32 Kaya hanggang ngayon ang bayan ng Israel ay hindi kumakain ng mga litid ng balakang na nasa dugtong ng balakang, dahil ang taong pumilay sa mga litid ng balakang na nasa habang inaalis sa puwesto ang balakang ni Jacob.

33:1 Tumingala si Jacob at masdan, paparating si Esau, at kasama niya ang apatnaraang lalaki. Hinati ni Jacob ang mga bata kina Lea, Raquel at sa dalawang babaeng alipin. 2 Pagkatapos inilagay niya ang mga babaeng alipin at ang kanilang mga anak sa harapan, kasunod si Lea at ang kanyang mga anak, at kasunod si Raquel at si Jose ang pinakahuli sa lahat. 3 Siya mismo ang nauna sa kanila. Yumukod siya ng pitong beses, hanggang makalapit siya sa kanyang kapatid.

4 Tumakbo si Esau para salubungin siya, niyakap siya, niyapos ang kanyang leeg, at hinalikan siya. Pagkatapos sila'y nag-iyakan.

5 Nang tumingala si Esau, nakita niya ang mga babae at mga bata. Sinabi niya, “Sino itong mga taong kasama mo?” Sinabi ni Jacob, “Ang mga anak na malugod na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod.” 6 Pagkatapos ang mga babaeng alipin ay lumapit kasama ang kanilang mga anak, at sila'y yumukod. 7 Sunod na lumapit si Lea at ang kanyang mga anak at yumukod. Sa huli, si Jose at si Raquel ay lumapit at yumukod.

8 Sinabi ni Esau, “Anong ibig mong sabihin sa lahat ng mga pangkat na nasalubong ko?” Sinabi ni Jacob, “Upang makasumpong ako ng pabor sa paningin ng aking panginoon.”

9 Sinabi ni Esau, “Mayroon na akong sapat, kapatid ko. Itago mo na kung ano ang mayroon ka para sa iyong sarili.”

10 Sinabi ni Jacob, “Hindi, pakiusap, kung nakasumpong ako ng pabor sa iyong paningin, sa gayon tanggapin mo ang aking regalo mula sa aking kamay, dahil tunay, nakita ko ang iyong mukha at kahalintulad nito ang pagkakita sa mukha ng Diyos, at tinanggap mo ako. 11 Pakiusap tanggapin mo ang aking mga regalong dinala ko sa iyo, dahil malugod akong pinakitunguhan ng Diyos, at dahil mayroon na akong sapat.” Kaya pinilit siya ni Jacob, at tinanggap naman ito ni Esau.

12 Pagkatapos sinabi ni Esau, “Lumakad na tayo. Mauuna ako sa inyo.”

13 Sinabi ni Jacob sa kanya, “Nalalaman ng aking panginoon na ang mga bata ay musmos pa lang, at ang mga tupa at mga baka ay nagpapasuso ng kanilang mga anak. Kung sila'y pipiliting maglakad ng mabilis kahit isang araw lang, ang lahat ng mga hayop ay mamamatay.” 14 Pakiusap ko mauna na ang aking panginoon sa kanyang lingkod. Maglalakbay ako ng mabagal, ayon sa hakbang ng aking mga alagang hayop na nasa harapan ko, at ayon sa hakbang ng mga bata, hanggang makarating ako sa aking panginoon sa Seir.”

15 Sinabi ni Esau, “Hayaan mong ipaiwan ko sa iyo ang ilan sa mga kasama kong tauhan.” Subalit sinabi ni Jacob, “Bakit mo gagawin iyan? Ang aking panginoon ay naging mabait nang sa akin.”

16 Kaya sa araw na iyon nagsimula si Esau na bumalik sa Seir. 17 Naglakbay si Jacob papuntang Sucot, iginawa ang kanyang sarili ng bahay, at gumawa ng mga silungan para sa kanyang mga alagang hayop. Kaya tinawag ang pangalan ng lugar na Sucot.