Binago ni Hezekias ang Pagsamba (continued)

Ang pagkatao ni Hezekias, at ang kaniyang pagbabago sa pagsamba.

726 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

2 Mga Cronica 30–31

1 Nagpapunta si Ezequias ng mga mensahero sa buong Israel at Juda, at sumulat din ng liham sa Efraim at Manases, na kinakailangan nilang pumunta sa tahanan ni Yahweh sa Jerusalem, upang ipagdiwang ang Paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 2 Sapagkat ang hari, ang kaniyang mga pinuno, at ang lahat ng kapulungan sa Jerusalem ay nagsanggunian, at napagpasiyahang ipagdiwang ang Paskwa sa ikalawang buwan. 3 Hindi nila ito maipagdiwang kaagad, sapagkat hindi sapat ang bilang ng mga paring nakapaglaan ng kanilang sarili para kay Yahweh, at hindi rin nagtipon-tipon ang mga tao sa Jerusalem.

4 Ang planong ito ay tama sa paningin ng hari at ng buong kapulungan. 5 Kaya gumawa sila ng kautusan na kinakailangan ipahayag sa buong Israel, mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, na kinakailangang pumunta ang mga tao sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sa katunayan, hindi nila ginanap ito sa napakaraming bilang na gaya ng iniutos sa kasulatan.

6 Kaya pumunta sa buong Israel at Juda ang tagapagdala ng sulat na dala-dala ang sulat mula sa hari at sa kaniyang mga pinuno, ayon sa utos ng hari. Sinabi nila, “Kayong mga taga-Israel, manumbalik kayo kay Yahweh, ang Diyos ni Abraham, Isaac, at Israel, upang muli siyang bumalik sa mga nalalabi sa inyo na nakatakas mula sa kamay ng mga hari ng Asiria. 7 Huwag kayong maging katulad ng inyong mga ninuno o kaya ng inyong mga kapatid, na nagkasala laban kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, kaya ibinigay niya sila sa pagkawasak, gaya ng inyong nakita.

8 Ngayon huwag maging matigas ang inyong ulo, tulad ng inyong mga ninuno; sa halip, ibigay ninyo ang inyong sarili kay Yahweh at pumunta kayo sa kaniyang banal na lugar, na kaniyang itinalaga kay Yahweh magpakailanpaman, at sambahin ninyo si Yahweh, ang inyong Diyos, upang mawala ang kaniyang malaking galit sa inyo. 9 Sapagkat kung muli kayong babalik kay Yahweh, makakatagpo ng kahabagan ang inyong mga kapatid at mga anak sa harapan ng mga bumihag sa kanila, at muli silang babalik sa lupaing ito. Sapagkat si Yahweh, ang inyong Diyos, ay mapagbiyaya at maawain, at hindi niya ibabaling ang kaniyang mukha palayo sa inyo, kung babalik kayo sa kaniya.

10 Kaya dumaan ang mga tagapagdala ng sulat sa bawat lungsod sa buong rehiyon ng Efraim at Manases, hanggang sa Zebulun; ngunit pinagtawanan at kinutya sila ng mga tao. 11 Gayunpaman, may mga kalalakihan sa Aser at Manases at Zebulun na nagpakumbaba, at pumunta sa Jerusalem. 12 Nasa Juda rin naman ang kamay ng Diyos, upang bigyan sila ng isang puso, upang sumunod sa utos ng hari at mga pinuno ayon sa salita ni Yahweh.

13 Maraming tao, isang napakalaking kapulungan, ang nagsamasama sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Lebadura sa ikalawang buwan. 14 Tumindig sila at inalis ang mga altar na nasa Jerualem at ang lahat ng mga altar ng insenso; at itinapon ang mga iyon sa batis ng Kidron. 15 At sa ikalabing-apat na araw ng pangalawang buwan, pinatay nila ang kordero ng Paskwa. Nahiya ang mga pari at mga Levita, at inihandog nila ang kanilang mga sarili kay Yahweh at nagdala sila ng mga handog na susunugin sa tahanan ni Yahweh.

16 Tumayo sila sa kanilang lugar ayon sa kanilang pangkat, sinusunod ang utos na nasa kautusan ni Moises, na lingkod ng Diyos. Iwinisik ng mga pari ang dugo na tinanggap nila mula sa mga kamay ng mga Levita. 17 Dahil marami ang naroroon sa kapulungan na hindi itinalaga ang kanilang mga sarili kay Yahweh, kaya ang mga Levita ang namahala sa pagkakatay ng korderong pampaskwa para sa lahat ng hindi nakapaglinis upang ilaan ang kordero kay Yahweh.

18 Sapagkat marami sa mga tao, ang karamihan sa kanila ay mula sa Efraim, Manases, Isacar at Zebulun, ang hindi nakapaglinis ng kanilang sarili, gayon pa man kumain sila ng pagkaing pampaskwa, labag sa nakasulat na tagubilin. Ipinanalangin sila ni Ezequias, na nagsasabing, “Patawarin nawa ng mabuting Yahweh ang bawa't isa 19 na nagtakda ng kanilang mga puso na hanapin ang Diyos, na si Yahweh, ang Diyos ng kaniyang mga ninuno, kahit na hindi siya malinis ayon sa pamantayan ng paglilinis ng banal na lugar.”

20 Kaya pinakinggan ni Yahweh si Ezequias at pinagaling niya ang mga tao. 21 Ipinagdiwang ng mga Israelitang naroon sa Jerusalem ang pista ng tinapay na walang lebadura sa loob ng pitong araw na may labis na kagalakan. Araw-araw nagpuri ang mga Levita at mga pari kay Yahweh, kumakanta kay Yahweh na may mga instrumentong may malakas na tunog. 22 Kinausap ni Ezequias nang may panghihimok ang mga Levita na nakauunawa sa paglilingkod kay Yahweh. Kaya kumain sila sa kabuuan ng pista sa pitong araw, nag-alay sila ng mga handog na pangkapayapaan, at ipinagtapat nila ang kanilang kasalanan kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.

23 Nagpasya ang buong kapulungan na magdiwang ng pitong araw pa, at ginawa nga nila nang may kagalakan. 24 Sapagkat nagbigay sa kapulungan si Ezequias na hari ng Juda ng isang libong toro at pitong libong tupa bilang alay; at nagbigay ang mga pinuno sa kapulungan ng isang libong toro at sampung libong tupa at mga kambing. Maraming bilang ng mga pari ang nagtalaga ng kanilang mga sarili kay Yahweh.

25 Nagalak ang buong kapulungan ng Juda, kasama ang mga pari at mga Levita, at ang lahat ng mga taong dumating mula sa Israel, pati na rin ang mga dayuhan na mula sa lupain ng Israel at ang mga naninirahan sa Juda. 26 Kaya may labis na kagalakan sa Jerusalem, sapagkat simula sa panahon ni Solomon na anak ni David, na hari ng Israel, ay wala pang nangyaring katulad nito sa Jerusalem.

27 Pagkatapos, tumayo ang mga pari at mga Levita at pinagpala ang mga tao. Narinig ang kanilang tinig at umabot ang kanilang dalangin sa kalangitan, ang banal na lugar kung saan naninirahan ang Diyos.

31:1 Ngayon nang matapos ang lahat ng ito, pumunta sa lungsod ng Juda ang lahat ng mga Israelita naroon at dinurog ang sagradong haliging mga bato, pinutol ang mga imahen ni Ashera, at giniba ang mga dambana at mga altar sa buong Juda at Benjamin. Ginawa rin nila ito sa Efraim at Manases, hanggang sa mawasak nilang lahat ang mga ito. At bumalik ang mga tao ng Israel, bawat isa sa kaniyang sariling lupain at lungsod.

2 Itinalaga ni Ezequias ang mga pari sa kanila mga pangkat at ang mga Levita at isinaayos ayon sa kanilang mga pangkat, itinalaga ang bawat isa sa kani-kaniyang gawain, ang mga pari at mga Levita. Itinalaga niya sila upang ihanda ang mga handog na susunugin at mga handog para sa pangkapayapaan, upang maglingkod, upang magbigay pasasalamat, at upang magpuri sa mga tarangkahan ng templo ni Yahweh.

3 Itinalaga rin niya ang ibabahagi ng hari para sa handog na susunugin mula sa kaniyang sariling ari-arian, ito ay, para sa umaga at sa gabing handog na susunugin, at ang mga handog na susunugin para sa araw ng mga pamamahinga, sa mga bagong buwan, at sa mga nakatakdang pista, ayon sa nakasulat sa kautusan ni Yahweh. 4 Bukod dito, inutusan niya ang mga taong nakatira sa Jerusalem na ibigay ang mga nakalaan para sa mga pari at sa mga Levita, upang mapag-ukulan nila ng panahon ang kanilang pagsunod sa kautusan ni Yahweh.

5 Nang mailabas ang kautusan, nagbigay agad ng masagana ang mga Israelita ng unang bunga ng butil, bagong alak, langis, pulot, at lahat ng mula sa kanilang inani sa mga bukirin; at masagana rin nilang dinala ang ikasampung bahagi ng lahat ng bagay. 6 Nagdala rin ang mga tao ng Israel at judah na naninirahan sa lungsod ng Juda ng ikasampung bahagi ng bakahan, kawan ng tupa, at ang ikasampung bahagi ng mga bagay na nailaan kay Yahweh na kanilang Diyos, at inilatag ang mga ito sa maraming bunton.

7 Inumpisahan nilang ilatag ang mga bunton noong ikatlong buwan at natapos nila sa ikapitong buwan. 8 Nang pumunta si Ezequias at ang mga namumuno at nakita ang napakaraming bunton, pinagpala nila si Yahweh at ang mga taga-Israel.

9 At tinanong ni Ezequias ang mga pari at ang mga Levita tungkol sa mga napakaraming bunton. 10 Sinagot siya ni Azarias, ang pinakapunong pari sa tahanan ni Zadok, at sinabing, “Nang magsimulang magdala ng mga handog sa tahanan ni Yahweh ang mga tao, nakakain kami ng higit sa sapat at marami pang natira, sapagkat pinagpala ni Yahweh ang kaniyang mga tao. At malaking bilang pa rin ang naiwan sa mga ito.”

11 Pagkatapos, nag-utos si Ezequias na maghanda ng silid imbakan sa tahanan ni Yahweh, at inihanda ang mga ito. 12 At tapat silang nagdadala ng mga handog, ng ikapu at ng lahat ng bagay na para kay Yahweh. Si Conanias, na isang Levita, ang tagapangasiwa sa mga ito, at si Simie na kaniyang kapatid ang pumapangalawa sa kaniya. 13 sina Jehiel, Azazias, Nahat, Asael, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismaquias, Mahat, at Benaias ang mga tagapangasiwa sa ilalim ng pamamahala ni Conanias at si Simei na kaniyang kapatid, sa pamamagitan ng pagtalaga ni Ezequias, na hari at si Azarias, na tagapangasiwa sa tahanan ng Diyos.

14 At si Korah na anak ni Imna na Levita, na bantay sa silangang tarangkahan, ang namamahala sa mga kusang kaloob na handog sa Diyos, at siya ang namamahala sa pamamahagi ng mga handog kay Yahweh at ng mga handog na inilaan kay Yahweh. 15 Sa ilalim ng kaniyang pamamahala ay sina Eden, Minyamin, Jeshua, Semaya, Amarias, Semaya, Amarias at si Secanias sa mga lungsod ng mga pari. Sila ang nasa takdang katungkulan upang maibigay ang handog na ito sa kanilang mga kapatid sa bawat pangkat, sa mahalaga at hindi mahalaga.

16 Nagbigay din sila sa mga lalaking may tatlong gulang at pataas na kabilang sa talaan ng mga angkan—ang lahat ng pumasok sa tahanan ni Yahweh, ayon sa nakatakda araw-araw, upang gawin ang kanilang tungkulin sa bawat pangkat. 17 Nagbigay din sila sa mga kabilang sa mga talaan ng angkan ng kanilang mga ninuno, at sa mga Levitang dalawampu at pataas ang gulang, bawat pangkat ay nabigyan ng kani-kanilang tungkulin. 18 Nagbigay sila sa mga—kabilang sa talaan ng angkan—kasama ang kanilang mga maliliit na anak, ang kanilang mga asawa, kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae, sa lahat ng kabuuan ng mga tao—sapagkat inilaan nila ang kanilang mga sarili kay Yahweh upang maging banal para sa kanilang tungkulin na ipinagkatiwala sa kanila.

19 Ang mga pari na kaapu-apuhan ni Aaron, na nakatira sa mga bukirin sa mga nayon na kabahagi ng kanilang mga lungsod, o sa bawat lungsod, doon ay may pinangalanan na mga kalalakihan na nakatalaga upang magbigay ng bahagi para sa lahat ng mga kalalakihang kasama ng mga pari, at ang lahat na kabilang sa talaan ng angkan na kasama ng mga Levita.

20 Ginawa ni Ezequias ang mga ito sa buong Juda. Ginawa niya kung ano ang mabuti, tama, at tapat sa harapan ni Yahweh na kaniyang Diyos. 21 Sa bawat proyekto na kaniyang sinimulan sa paglilingkod sa tahanan ng Diyos, sa batas, at sa mga kautusan, upang hanapin ang kaniyang Diyos, ginawa niya ito nang buong puso, at nagtagumpay siya.