Ang Tipan ng Diyos kay Abram

1912 B.C.

Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)

Genesis 15

1 Pagkatapos ng mga bagay na ito dumating kay Abram ang salita ni Yahweh sa isang pangitain, na nagsasabing, “Huwag kang matakot, Abram! Ako ang iyong panangga at iyong pinakadakilang gantimpala.”

2 Sinabi ni Abram, “Panginoong Yahweh, ano ang ibibigay mo sa akin, yamang nagpapatuloy akong walang anak, at ang tagapagmana ng aking bahay ay si Eliezer ng Damascus?” 3 Sinabi ni Abram, “Dahil hindi mo ako binigyan ng anak, tingnan mo, ang katiwala ng aking bahay ay siyang aking tagapagmana.”

4 Pagkatapos, narito, dumating ang salita ni Yahweh, nagsasabing “Ang taong ito ay hindi mo magiging tagapagmana; sa halip manggagaling sa inyong sariling katawan ang siyang magiging tagapagmana mo.” 5 Pagkatapos siya ay dinala niya sa labas, at sinabing, “Tumingala ka sa langit, at bilangin mo ang mga bituin, kung kaya mo silang bilangin.” Pagkatapos sinabi niya sa kaniya,” Ganoon din karami ang iyong magiging mga kaapu-apuhan.”

6 Naniwala siya kay Yahweh, at itinuring ito sa kaniya bilang pagiging matuwid.

7 Sinabi niya sa kaniya, “Ako si Yahweh na nagdala sa iyo palabas ng Ur ng mga Caldeo, para ibigay sa iyo ang lupaing ito para manahin ito.”

8 Sinabi niya, “Panginoong Yahweh, paano ko malalaman na mamanahin ko ito?”

9 Pagkatapos sinabi niya sa kaniya, “Dalhan mo ako ng tatlong taong gulang na baka, tatlong taong gulang na babaeng kambing at tatlong taong gulang na lalaking tupa, isang kalapati at isang batang pitson.”

10 Dinala niya sa kaniya lahat ng ito, at hinati ang ito sa dalawa, at nilapag sa magkabilang bahagi ang bawat kalahati, pero hindi niya hinati ang mga ibon. 11 Nang bumaba ang mga ibong mandaragit para kainin ang mga patay na hayop, itinaboy sila ni Abram papalayo. 12 Pagkatapos nang palubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram, at masdan, siya ay nilukuban ng isang malalim at nakakapangilabot na kadiliman.

13 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Abram, “Alamin mong tiyak na ang iyong mga kaapu-apuhan ay magiging dayuhan sa lupaing hindi kanila, at sila ay gagawing alipin at aapihin sa loob ng apatnaraang taon. 14 Hahatulan ko ang bansang iyon na paglilingkuran nila, at pagkatapos sila ay lalabas na may saganang mga ari-arian. 15 Pero ikaw ay pupunta sa iyong mga ama nang payapa, at ikaw ay ililibing sa angkop na katandaan. 16 Sa ikaapat na salinlahi sila ay muling babalik dito, dahil ang mga kasalanan ng mga Amorito ay hindi pa nakaabot sa sukdulan nito.”

17 Nang lumubog na ang araw at dumilim, masdan, isang umuusok na banga at umaapoy na sulo ang dumaan sa pagitan ng mga piraso. 18 Sa araw na iyon gumawa si Yahweh ng tipan kay Abram, na nagsasabing, “Ibinibigay ko sa iyong kaapu-apuhan ang lupaing ito, mula sa ilog ng Ehipto patungo sa dakilang ilog ng Eufrates, ang Eufrates— 19 ang mga Cenio, ang mga Cenizeo, ang mga Kadmoneo, 20 ang mga Heteo, ang mga Perezeo, ang mga Refiata, 21 ang mga Amoreo, ang mga Cananeo, ang mga Gergeseo at mga Jebuseo.”

Ang Kapanganakan ni Ismael

Genesis 16

1 Ngayon si Sarai, asawa ni Abram, ay hindi nagkaanak sa kaniya, pero mayroon siyang babaeng lingkod, taga-Ehipto, na ang pangalan ay Agar. 2 Kaya sinabi ni Sarai kay Abram, “Tingnan mo, pinanatili ako ni Yahweh na walang anak. Sipingan mo ang aking lingkod. Baka sakaling magkaroon ako ng anak sa pamamagitan niya.” Nakinig si Abram sa sinabi ni Sarai. 3 Iyon ay matapos na si Abram ay nanirahan ng sampung taon sa lupain ng Canaan nang ibinigay ni Sarai, asawa ni Abram, si Agar, na kaniyang lingkod na taga-Ehipto, sa kaniyang asawa bilang asawa. 4 Kaya nagkaroon siya ng kaugnayan kay Agar, at nabuntis siya. At nang makita niyang nabuntis siya, tiningnan niya ng may pag-aalipusta ang kaniyang among babae.

5 Pagkatapos sinabi ni Sarai kay Abram, “Ang kamaliang ito sa akin ay dahil sa iyo. Ibinigay ko ang aking babaeng lingkod sa iyong mga bisig, at nang makita niyang siya ay nabuntis, hinamak niya ako sa kaniyang paningin. Hayaan mong si Yahweh ang humatol sa pagitan natin.

6 Pero sinabi ni Abram kay Sarai, “Tingnan mo, nasa iyong kapangyarihan ang iyong babaeng lingkod, gawin mo sa kaniya ang iniisip mong pinakamabuti.” Kaya pinagmalupitan siya ni Sarai, at siya ay tumakas mula sa kaniya.

7 Ang anghel ni Yahweh ay nakita siya sa isang bukal ng tubig sa ilang, ang bukal na matatagpuan sa daan patungong Shur. 8 Sinabi niya, “Agar, alipin ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” Sinabi niya, “Tumakas ako mula sa aking among babae na si Sarai”.

9 Sinabi sa kaniya ng anghel ni Yahweh, “Bumalik ka sa iyong among babae, at sumailalim ka sa kaniyang kapangyarihan”. 10 Pagkatapos sinabi ng anghel ni Yahweh sa kaniya, “Labis kong pararamihin ang iyong mga kaapu-apuhan para maging napakarami nila para bilangin.

11 Sinabi rin sa kaniya ng anghel ni Yahweh, “Tingnan mo, ikaw ay buntis, at manganganak ka ng isang anak na lalaki, at pangangalanan mo siyang Ismael, dahil narinig ni Yahweh ang iyong paghihirap”. 12 Siya ay magiging isang lalaking mistulang mabangis na asno. Magiging kalaban siya ng bawat tao at bawat tao ay magiging kalaban niya at mamumuhay siyang hiwalay sa kaniyang mga kapatid.

13 Pagkatapos binigay niya ang pangalang ito kay Yahweh na nangusap sa kaniya, “Ikaw ang Diyos na nakakakita sa akin,” dahil sinabi niya, “Talaga bang patuloy akong makakakita, kahit na pagkatapos niya akong nakita?” 14 Dahil dito tinawag na Beerlahairoi ang balon; masdan, naroon ito sa pagitan ng Kades at Bered.

15 Nanganak si Agar ng anak na lalaki ni Abram, at pinangalanan ni Abram ang kaniyang anak, na isinilang ni Agar, na Ismael. 16 Si Abram ay walumpu't-anim na taong gulang nang isilang ni Agar si Ismael para kay Abram.