Sinusubok ng Diyos si Abraham
Ang pagsubok kay Abraham.
1871 B.C.
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Nangyari na pagkatapos ng mga bagay na ito na sinubok ng Diyos si Abraham. Sinabi niya sa kanya, “Abraham!” Sumagot si Abraham, “Narito ako.”
2 Pagkatapos sinabi ng Diyos, “Kunin mo ang iyong anak, ang kaisa-isa mong anak, na iyong minamahal, si Isaac, at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya roon bilang handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na ituturo ko sa iyo.”
3 Kaya maagang bumangon kinaumagahan si Abraham, inihanda ang kanyang asno, at isinama ang dalawa sa kanyang mga kabataang lalaki, kasama si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin, at naglakbay patungo sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya.
4 Sa ikatlong araw, tumingala si Abraham at natanaw niya ang lugar sa kalayuan. 5 Sinabi ni Abraham sa kanyang mga kabataang lalaki, “Manatili kayo rito kasama ang asno, at pupunta ako roon kasama ang bata. Sasamba kami at muling babalik sa inyo.”
6 Pagkatapos kinuha ni Abraham ang kahoy para sa handog na susunugin at ipinapasan ito kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang kutsilyo; at kapwa silang umalis na magkasama.
7 Kinausap ni Isaac si Abraham na kaniyang ama at sinabing, “Aking ama,” at sumagot si Abraham, “Narito ako, aking anak.” Sinabi niya, “Narito, ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang tupa para sa handog na susunugin?”
8 Sinabi ni Abraham, “Ang Diyos mismo ang magbibigay ng tupa para sa handog na susunugin, aking anak.” Kaya sila ay nagpatuloy nang magkasama.
9 Nang dumating sila sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya, gumawa si Abraham ng isang altar at inilatag niya ang kahoy dito. Pagkatapos tinalian ni Abraham si Isaac na kanyang anak, at inilagay niya ito sa altar, sa ibabaw ng kahoy. 10 Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay na hawak ang kutsilyo para patayin ang kanyang anak.
11 Pero tinawag siya ng anghel ni Yahweh mula sa langit at sinabing, “Abraham, Abraham!” at sinabi niya, “Narito ako.”
12 Sinabi niya, “Huwag mong pagbuhatan ng kamay, ni gumawa ng anuman para saktan siya, sapagkat ngayon alam kong may takot ka sa Diyos, nakikita kong hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac sa akin.
13 Tumingala si Abraham nang biglang, may isang tupa sa likuran niya ang sumabit ang sungay sa mga halaman. Pinuntahan at kinuha ni Abraham ang tupa at inalay ito bilang handog na susunugin sa Diyos sa halip na ang kanyang anak. 14 Kaya tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na, “Si Yahweh ang magbibigay,” at tinatwag din hanggang sa araw na ito, “Sa bundok ni Yaweh, ito ay ibibigay.”
15 Tinawag ng anghel ni Yahweh si Abraham sa ikalawang pagkakataon mula sa langit 16 at sinabing—ito ay isang kapahayagan mula kay Yahweh, “Nangangako ako sa aking sarili na dahil ginawa mo ang bagay na ito, at dahil hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak, 17 tiyak na pagpapalain kita at labis kong pararamihin ang iyong mga kaapu-apuhan gaya ng bituin sa kalangitan, at gaya ng buhangin sa dalampasigan; at aangkinin ng iyong mga kaapu-apuhan ang tarangkahan ng kanilang mga kaaway. 18 Sa pamamagitan ng iyong anak, ang lahat ng mga bansa sa mundo ay pagpapalain, dahil sinunod mo ang aking tinig.
19 Kaya bumalik si Abraham sa kanyang mga tauhan, at umalis sila at magkakasamang pumunta sa Beer-seba, at nanirahan siya sa Beer-seba.
Ang Kamatayan at Paglilibing kay Sarah 1859 B.C.
1 Nabuhay si Sara ng isandaan at dalawampu't-pitong taon. Ito ang mga taon ng buhay ni Sara. 2 Namatay si Sara sa Kiriat Arba, iyon ay, Hebron, sa lupain ng Canaan. Nagluksa at umiyak si Abraham para kay Sara.
3 Pagkatapos, tumayo si Abraham at umalis mula sa namatay niyang asawa, at nakipag-usap sa mga anak na lalaki ni Het, na nagsabing, 4 “Ako ay isang dayuhan sa inyo. Pakiusap bigyan ninyo ako ng isang ari-arian para gawing libingan dito, para mailibing ko ang aking patay.”
5 Sumagot ang mga anak ni Heth kay Abraham, nagsasabing, 6 “Makinig ka sa amin, aking panginoon. Ikaw ay prinsipe ng Diyos sa amin. Ilibing mo ang iyong patay sa aming piling mga libingan. Wala sa amin ang magkakait sa iyo ng libingan, para ilibing ang iyong patay.”
7 Tumayo si Abraham at yumuko sa mga mamamayan ng lupain, sa mga anak ni Het. 8 Nagsalita siya sa kanila, na nagsabing, “Kung sumasang-ayon kayo na dapat kong ilibing ang aking patay, dinggin ninyo ako at pakiusapan si Efron na anak ni Zohar, para sa akin. 9 Pakiusapan ninyo siyang ipagbili sa akin ang kuweba ng Makpela, na kanyang pagmamay-ari, na nasa dulo ng kanyang bukid. Para sa buong halaga hayaan niyang ipagbili ito sa akin nang hayagan bilang ari-arian para gawing libingan.”
10 Ngayon nakaupo si Efron kasama ang mga anak ni Het, at sumagot si Efron ang Heteo kay Abraham habang naririnig ng mga anak ni Het at ng lahat ng mga taong pumunta sa loob ng tarangkahan ng siyudad, na nagsabing, 11 “Hindi, aking panginoon, pakinggan mo ako. Ibibigay ko sa iyo ang bukid, at ang kuwebang narito. Ibibigay ko ito sa iyo, sa harapan ng mga anak ng aking mga kababayan. Ibibigay ko ito sa iyo para mapaglibingan ng iyong patay.”
12 Pagkatapos yumuko si Abraham sa harapan ng mga mamamayan ng lupain. 13 Kinausap niya si Ephron na naririnig ng mga tao sa lupain, na nagsasabing, “Ngunit kung papayag ka, pakiusap dinggin mo ako. Babayaran ko ang bukid. Tanggapin mo ang pera mula sa akin, at doon ko ililibing ang aking patay.”
14 Sumagot si Ephron kay Abraham, na nagsasabing, 15 “Pakiusap, aking panginoon, makinig ka sa akin. Ang pirasong lupain na nagkakahalagang apatnaraang shekel ng pilak, ano ba ito sa pagitan natin? Ilibing mo na ang iyong patay.”
16 Nakinig si Abraham kay Efron at tinimbang ni Abraham sa harap ni Efron ang halaga ng pilak na kanyang sinasabi na naririnig ng mga anak ni Het, apatnaraang shekel ng pilak, ayon sa pamantayang panukat ng mga mangangalakal.
17 Kaya ang bukid ni Ephron, na nasa Macpela, na katabi ng Mamre, ang bukid, ang kuweba na nasa loob nito, at ang lahat ng mga punong naroon sa bukid at lahat ng nasa palibot ng hangganan, ay ipinasa 18 kay Abraham sa pamamagitan ng pagbili sa harapan ng mga anak ni Het, at sa harapan ng lahat ng mga pumunta sa loob ng tarangkahan ng lungsod. 19 Pagkatapos nito, inilibing ni Abraham ang kanyang asawang si Sara sa kuweba sa bukid ng Macpela, na katabi ng Mamre, iyon ay, Hebron, sa lupain ng Canaan. 20 Kaya ang bukid at ang kuwebang naroon ay naipasa kay Abraham mula sa mga anak ni Het bilang ari-arian upang gawing libingan.
Ang Pamilya ni Rebeca
20 Nangyari na pagkatapos ng mga bagay na ito, sinabihan si Abraham, “Nagkaroon din ng mga anak si Milca, sa iyong kapatid na si Nahor. 21 Sila ay sina Hus ang kanyang panganay, si Buz na kapatid niya, si Kemuel na ama ni Aram, 22 Kesed, Hazo, Pildas, Jidlaf, at Bethuel.
23 Si Bethuel ay naging ama ni Rebeca. May walong anak na isinilang si Milca kay Nahor, na kapatid ni Abraham. 24 Nagsilang din si Reumah ang pangalan ng isa pang asawa ni Nahor, sina Tebah, Gaham, Tahas at Maaca.