Mula sa Filipos Patungong Tesalonica
Mula sa Filipos, dumaan sa Amfipolis at Apolonia patungong Tesalonica, kung saan sinalungat sila ni Jason.
A.D. 50
Tagalog Unlocked Literal Bible (ULB)
1 Ngayon nang dumaan sila sa mga bayan ng Amfipolis at Apolonia, sila ay dumating sa bayan ng Tesalonica, kung saan ay mayroong isang sinagoga ng mga Judio. 2 Tulad ng nakagawian ni Pablo, pumunta siya sa kanila, at sa tatlong araw ng sabbath ay nangatwiran sa kanila mula sa mga kasulatan. 3 Binubuksan niya ang mga kasulatan at nagpapaliwanag na kinakailangan ng Cristo na magdusa at muling mabuhay mula sa mga patay. Sinabi niya, “Itong si Jesus na aking ipinapahayag sa inyo ay ang Cristo.” 4 May ilang mga Judio ang nahikayat at sumama kina Pablo at Silas, pati na rin ang mga debotong Griego, mga kilalang kababaihan, at lubhang napakaraming tao.
5 Ngunit nang dahil sa inggit, ang mga hindi naniniwalang mga Judio ay kumuha ng mga masasamang tao mula sa pamilihan, nagsama-sama sila upang manggulo sa lungsod. Pinasok nila ang bahay ni Jason dahil nais nilang iharap sina Pablo at Silas sa mga tao. 6 Ngunit nang hindi nila sila matagpuan, kinaladkad nila si Jason at ang iba pang mga kapatid sa harapan ng mga pinuno ng lungsod na sumisigaw “Pumunta rito ang mga lalaking ito na nagdulot ng kaguluhan.” 7 Itong mga lalaking tinanggap ni Jason ay sumasalungat laban sa mga kautusan ni Ceasar; sinasabi nilang mayroong pang ibang hari - si Jesus.”
8 Nang marinig ng karamihan at ng mga pinuno ng lungsod ang mga bagay ito, sila ay nabagabag. 9 Pagkatapos nilang makuha ang perang pambayad mula kay Jason at sa kasamahan niya pinalaya na nila sila.
Sumulat si Pablo sa mga taga-Galacia A.D. 51
Isinulat ni Pablo ang kaniyang liham sa mga taga-Galacia upang patunayan, laban sa mga gurong nagtataguyod ng pagsunod sa mga kaugaliang Judio, na ang pananampalataya kay Cristo, at hindi ang kanilang di-ganap na pagsunod sa kautusang seremonyal, ang dahilan ng kanilang kaligtasan.
Binati ni Pablo ang mga taga-Galacia
Ipinagtanggol ni Pablo ang kaniyang pagkaapostol at binati ang mga kapatid.
1 Ako si Pablo na apostol. Hindi ako apostol na mula sa mga tao o sa pamamagitan ng tao, ngunit sa pamamagitan ni Jesu Cristo at ng Diyos Ama, na muling bumuhay sa kaniya mula sa mga patay. 2 Kasama lahat ng mga kapatiran, sumusulat ako sa mga iglesya ng Galacia.
3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo, 4 na nagbigay ng kaniyang sarili alang-alang sa ating mga kasalanan upang mailigtas niya tayo sa kasalukuyang makasalanang panahon, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama. 5 Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman.
Sinaway ang mga taga-Galacia sa Pagtalikod sa Kaniyang Ebanghelyo
Sinaway ni Pablo ang mga taga-Galacia dahil sa pagtalikod sa kaniyang ebanghelyo.
6 Nagtataka ako na kayo ay mabilis na bumabaling sa ibang ebanghelyo. Nagtataka ako na tumatalikod kayo sa kaniya na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. 7 Walang ibang ebanghelyo, ngunit may ilang mga tao na ginugulo kayo at gustong ibahin ang ebanghelyo ni Cristo.
8 Ngunit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang magpahayag sa inyo ng ebanghelyo na iba sa ipinahayag namin sa inyo, dapat siyang sumpain. 9 Katulad ng sinabi namin noon, ngayon sasabihin ko muli, “Kung may magpahayag sa inyo ng ibang ebanghelyo maliban sa ebanghelyong tinanggap ninyo, dapat siyang sumpain.”
10 Sapagkat hinahangad ko ba ngayon ang pagsang-ayon ng mga tao o ng Diyos? Hinahangad ko ba na magbigay-lugod sa mga tao? Kung sinisikap ko paring magbigay-lugod sa mga tao, kung gayon hindi ako isang lingkod ni Cristo.
Nagmula sa Diyos ang Pagkaapostol ni Pablo
Bilang tugon sa mga bulaang guro, iginiit ni Pablo na tinanggap niya mula sa Diyos ang kaniyang pagkaapostol, at isinalaysay ang kaniyang pagbabalik-loob, ang atas sa kaniya, at ang pangkalahatang takbo ng kaniyang buhay.
11 Sapagkat nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyo na aking ipinahayag ay hindi nanggaling sa mga tao lamang. 12 Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, hindi rin ito itinuro sa akin. Sa halip, sa pamamagitan ng pahayag ni Jesu-Cristo sa akin.
13 Narinig ninyo ang tungkol sa dati kong buhay sa Judaismo, kung paano ko marahas na inuusig ang iglesiya ng Diyos ng walang kapantay at winawasak ito. 14 Ako ay nangunguna sa Judaismo nang higit sa maraming kapwa ko Judio. Labis akong masigasig para sa mga kaugalian ng aking mga ninuno.
15 Ngunit ikinalugod ng Diyos na piliin ako mula pa sa sinapupunan ng aking ina. Tinawag niya ako sa pamamagitan ng kaniyang biyaya 16 upang ihayag ang kaniyang Anak sa akin, upang ipahayag ko siya sa mga Gentil. Hindi ako kaagad sumangguni sa laman at dugo at 17 hindi ako pumunta sa Jerusalem sa mga naunang naging apostol kaysa sa akin. Sa halip pumunta ako sa Arabia at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco.
18 At pagkatapos ng tatlong taon pumunta ako sa Jerusalem upang dalawin si Cefas at nananatili ako sa kaniya ng labing limang araw. 19 Ngunit wala akong nakitang ibang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon. 20 Makinig kayo, sa harapan ng Diyos, hindi ako nagsisinungaling sa mga sinusulat ko sa inyo.
21 Pagkatapos, pumunta ako sa rehiyon ng Siria at Cilicia. 22 Hindi pa ako nakikita ng mga iglesiya sa Judea na nakay Cristo, 23 ngunit naririnig lang nila na, “Ang taong umuusig sa atin noon, ngayon ay nagpapahayag ng pananampalatayang winawasak niya noon.” 24 Niluluwalhati nila ang Diyos dahil sa akin.
2:1 At pagkatapos ng labing-apat na taon muli akong pumunta sa Jerusalem na kasama si Bernabe. Isinama ko din si Tito. 2 Pumunta ako dahil ipinakita sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta. Inilahad ko sa kanila ang ebanghelyo na aking ipinapahayag sa mga Gentil. (Ngunit nakipag-usap ako nang sarilinan sa mga waring mga mahahalagang mga pinuno). Ginawa ko ito upang tiyakin na hindi ako tumatakbo, o tumakbo, ng walang kabuluhan. 3 Ngunit kahit si Tito, na kasama ko, na isang Griego, ay hindi napilit na patuli.
4 Ang mga bagay na ito ay lumitaw dahil sa nagpapanggap na mga kapatid na patagong dumating upang manmanan ang kalayaang mayroon tayo kay Cristo Jesus. Nais nilang maging alipin tayo sa kautusan. 5 Hindi kami nagpasakop sa kanila ng kahit isang oras, upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatiling walang pababago para sa inyo.
6 Ngunit walang naiambag sa akin iyong mga sinasabi ng iba na mga pinuno. Kung ano man sila ay hindi mahalaga sa akin. Hindi tinatanggap ng Diyos ang itinatangi ng mga tao. 7 Sa halip, nakita nila na ako ay pinagkatiwalaan na ipahayag ang ebanghelyo sa mga hindi pa tuli. Tulad ni Pedro na nagpapahayag ng ebanghelyo sa mga tuli. 8 Dahil ang Diyos, na kumikilos kay Pedro sa pagiging apostol sa mga tuli, ay kumilos din sa akin para sa mga Gentil.
9 Nang si Santiago, Cepas, at Juan, na kinikilalang nagtayo ng iglesia, ay naunawaan ang biyaya na ibinigay sa akin, ibinigay nila kay Bernabe at sa akin ang kanang kamay ng pakikisama. Ginawa nila ito upang kami ay pumunta sa mga Gentil, at upang pumunta sila sa mga tuli. 10 Nais din nilang alalahanin namin ang mga mahihirap. Ako din ay nananabik na gawin ang bagay na ito.
Sinaway ni Pablo si Pedro sa Pagsunod sa mga Kaugaliang Judio
Sinaway ni Pablo si Pedro sa pagsunod sa mga kaugaliang Judio. Itinaguyod niya ang aral ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya. Ikinatwiran niya na kung ang mga Judio na tumanggap sa Kristiyanismo ay kumbinsidong hindi makapagliligtas ang kautusang seremonyal, imposibleng asahang tutuparin ito ng mga Gentil o na magiging saklaw sila nito.
11 Ngayon noong dumating si Cepas sa Antioquia, tinutulan ko siya ng harapan dahil mali siya. 12 Bago pa dumating ang mga taong galing kay Santiago, nakikisalo si Cefas sa mga Gentil. Ngunit nang dumating ang mga taong ito, huminto siya at lumayo mula sa mga Gentil. Natakot siya sa mga taong ito na nag-uutos ng pagtutuli. 13 Ganoon din, ang ilang mga Judio ay nakisama sa pagkukunwaring ito ni Cefas. Ang kinahinatnan, kahit si Bernabe din ay nadala sa kanilang pagkukunwari.
14 Ngunit noong nakita ko na hindi na sila sumusunod sa katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ko kay Cefas sa harapan nilang lahat, “Kung ikaw ay Judio ngunit namumuhay sa paraan ng mga Gentil sa halip na sa paraan ng Judio, paano mo mapipilit ang mga Gentil na mamuhay tulad ng mga Judio?”
15 Kami na ipinanganak na Judio at hindi “makasalanang mga Gentil” , 16 alam namin na walang sinuman ang pinawalang-sala sa pamamagitan ng paggawa ng kautusan. Sa halip, pinawalang-sala sila sa pamamagitan ng paniniwala kay Cristo Jesus. Tayo ay nanampalataya kay Cristo Jesus upang maaari tayong mapawalang-sala sa pamamagitan ng paniniwala kay Cristo at hindi sa pamamagitan ng paggawa ng kautusan. Sapagkat sa pammamagitan ng paggawa ng kautusan, walang laman ang mapapawalang-sala.
17 Ngunit kung hangarin natin na ipawalang-sala tayo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo, makikita din natin ang ating mga sarili na makasalanan, naging alipin ba si Cristo ng kasalanan? Huwag nawa itong mangyari! 18 Sapagkat kung itatayo ko muli ang aking pagtitiwala sa pagsunod ng kautusan, ang pagtitiwala na aking sinira, ipinapakita ko ang aking sarili na sumusuway sa kautusan.
19 Sa pamamagitan ng kautusan, namatay ako sa kautusan, upang maaari akong mabuhay para sa Diyos. 20 Naipako na ako sa krus kasama ni Cristo. Hindi na ako ang nabubuhay, ngunit si Cristo na ang nabubuhay sa akin, at ang buhay ngayon na aking ikinabubuhay sa laman, ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos, na nagmamahal sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko ipinagwawalang-halaga ang biyaya ng Diyos, sapagkat kung ang pagkamakatuwiran ay umiiral sa pamamagitan ng kautusan, kung gayon si Cristo ay namatay nang walang kabuluhan.